Digital Lamang: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media
Pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit sa Pamamagitan ng Panalangin
Tingnan kung ano ang itinuro ng mga propeta, apostol, at iba pang mga pinuno ng Simbahan sa social media tungkol sa panalangin.
Sa maraming pasanin, tanong, o alalahanin natin sa buhay, kaylaking kaloob ang magawang manalangin sa ating mapagmahal na Ama sa Langit para humingi ng patnubay, lakas, pag-asa, pananampalataya, at kapanatagan! Ang pagpapalang ito ay para sa lahat, tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Sa panalangin natin maipapakita ang pagmamahal natin sa Diyos. At pinadali Niya ito. Kahit anong oras ay maaari tayong magdasal sa Kanya. Hindi kailangan ng espesyal na kagamitan. Ni hindi kailangan ng mga baterya o ng buwanang bayad para sa serbisyo.”1
Idinagdag din ni Pangulong Nelson:
“[Inihayag] ni Jesus na nagdarasal tayo sa matalinong Ama na alam ang lahat ng kailangan natin, bago tayo humingi sa Kanya [tingnan sa Mateo 6:8]. …
“Hindi lahat ng dalangin natin ay sasagutin ayon sa gusto natin. Paminsan-minsan ang sagot ay hindi. [Hin]di tayo dapat magulat. Ang mapagmahal na mortal na mga magulang ay hindi pumapayag sa bawat kahilingan ng kanilang mga anak. …
“Dapat tayong manalangin ayon sa kalooban ng ating Ama sa Langit [tingnan sa Helaman 10:4–5]. Nais Niya tayong subukan, patatagin, at tulungang maabot ang ating potensyal.”2
Kapag hinahangad nating malaman ang iba pa kung paano tayo matutulungan ng panalangin na mas mapalapit sa Ama sa Langit at maging higit na katulad Niya, makakatulong ang mga mensaheng ito sa social media kamakailan mula sa mga lider ng Simbahan.
Manawagan sa Diyos para sa Lakas na Kailangan Ninyo
“Maging madasalin. Manawagan sa Diyos para sa lakas na kailangan ninyo habang masigasig kayong gumagawa para maging mas mabuting bersyon ng inyong sarili—isang mas mabuting disipulo ni Jesucristo, isang mas magandang impluwensya sa mundo. Sapagkat ‘silang naghihintay sa Panginoon ay magpapanibagong lakas; sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila; sila’y tatakbo, at hindi mapapagod; sila’y lalakad, at hindi manghihina’ (Isaias 40:31).”
Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Ene. 1, 2023, facebook.com/russell.m.nelson.
Humingi ng Patnubay sa Panalangin na Matulungan ang Iba
“Ngayong Pambansang Araw ng Panalangin, pinagninilayan ko ang lumilitaw na kahulugan sa ating lipunan ng pariralang ‘[iniisip at ipinagdarasal namin kayo].’ Para sa marami, tapat na pagpapahayag pa rin ito ng pakikiramay at pagmamalasakit. Para sa iba, pinaghihinalaan [na isa] itong hindi pagkilos sa harap ng trahedya.
“Matibay ang paniniwala ko na ang pagdarasal para sa mga nangangailangan ay kasiya-siya sa Diyos; sa katunayan, inuutusan Niya tayong bumaling sa Kanya at ipagdasal ang iba! Gayunman, naranasan ko mismo na kapag nanalangin ako para humingi sa Diyos ng patnubay kung ano ang magagawa ko para makatulong na paglingkuran, pasiglahin, mahalin, at suportahan ang mga nangangailangan, sinasagot Niya ang mga dalanging ito sa mga partikular at simpleng bagay na talagang magagawa ko para mapagpala ang isa sa Kanyang mga anak.
“Inaanyayahan ko kayong isipin kung paano maaaring maging dahilan ang inyong mga iniisip at dalangin para bigyang-inspirasyon at gabayan kayo ng Diyos tungo sa pagpapakita ng kabaitan, habag, at pagiging bukas-palad. Isipin kung [gaano karaming] kabutihan ang magagawa ninyo sa mundo—at sa sarili ninyong pamilya, paaralan, at pinagtatrabahuhan. Kapag hinangad nating maging Kanyang mga kamay na nagpapagaling at tumutulong, tiyak na dadakilain natin ang Panginoon.”
Pangulong Russell M. Nelson, Facebook, Mayo 5, 2022, facebook.com/russell.m.nelson.
Humingi ng Paghahayag mula sa Diyos
“Maraming nagbabasa nito ngayon ang lubhang nangangailangang mabiyayaan ng personal na paghahayag mula sa ating mapagmahal na Ama sa Langit.
“Para sa mga tao sa isang lugar sa mundo na winasak ng digmaan, kailangang-kailangan nilang malaman kung ililikas ba nila ang kanilang pamilya sa ligtas na lugar o mananatili na lang sila kung nasaan sila. Para sa marami iyon ay pagdarasal na malaman kung paano tutulungan ang Panginoon na sagipin ang nawawalang tupa.
“Alam nating lahat na ang paghusga at lohikal na pag-iisip ng tao ay hindi magiging sapat para masagot ang mga tanong na pinakamahalaga sa buhay. Kailangan natin ng paghahayag mula sa Diyos. At hindi lamang isang paghahayag ang kailangan natin sa oras ng problema, kundi [kailangan natin ng] patuloy na daloy ng paghahayag.
Dinirinig ng Ama sa Langit ang inyong mga dalangin. Mahal Niya kayo! Alam Niya ang inyong pangalan. Si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at ating Manunubos. Tinitiyak ko na ibinubuhos Niya ang paghahayag sa ating lahat sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag hinangad natin ang Kanyang patnubay.”
Pangulong Henry B. Eyring, Facebook, Hulyo 16, 2023, facebook.com/henry.b.eyring.
Ipahayag ang Ating mga Hangaring Mapalapit sa Ama sa Langit
“Saanman tayo naroon, maaari tayong lumakad sa landas ng pagkadisipulo ngayon. Magpakumbaba tayo, manalangin sa ating Ama sa Langit nang buong puso at ipahayag ang ating hangaring mapalapit sa Kanya at matuto sa Kanya.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Abr. 22, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Magkaroon ng Taos-pusong Pakikipag-usap sa Ama sa Langit
“Naging isa sa mga unang pulong namin sa India ang debosyonal sa New Delhi Stake kung kailan naantig ng pambungad na panalangin ang puso ko—at ang puso ni Harriet—nang husto.
“Ang panalangin, na inialay ni Sister Dorothy Elisabeth Mehra, ay isang tapat na pagsamo ng isang dalisay na anak ng Diyos sa ating Ama sa Langit na lumikha ng masidhing espirituwal na pambungad sa mga mensahe ng gabi.
“Nagsimula siya sa pagsamo sa Ama sa Langit na palakasin siya dahil iyon ang unang pagkakataon sa kanyang buhay na magdarasal sa gayong tagpo. ‘Tulungan N’yo po sana ako, para hindi ako magkaroon ng anumang problema sa pagdaesal sa Inyo,’ malakas niyang ipinagtapat nang taos-puso.
“Sa pagkukuwento ng kanyang karanasan, sinabi ni Sister Mehra na gusto lang niyang ‘kausapin ang Diyos’ dahil ‘nanginginig siya sa takot.’ Nadama niya ang Espiritu nang sumagot ang langit sa kanyang panalangin. Nang mapanatag siya, naramdaman nang matindi ang Espiritu sa kanyang panalangin, at pinuno nito ang meeting hall.
“Ang kanyang simple at taimtim na panalangin ay umantig sa marami. Natanto ko na ang naririnig namin noon ay taos-pusong pakikipag-usap sa Ama sa Langit. Hindi ba ganoon ang mga panalangin?
“Nalaman ko kalaunan na ang panalangin ni Sister Mehra ay nagmula sa patotoong lumago simula noong 2011 nang una niyang makilala ang mga missionary sa bahay ng kaibigan niya sa New Delhi. Ang paraan ng pagsasalita ng mga missionary tungkol kay Jesucristo ay umantig sa kanya. Noong 2012, nabinyagan sila ng kanyang dalawang anak na babae at isang may-kapansanang anak na lalaki.
“Sa isang magiliw na pag-uusap pagkatapos ng miting, hiniling ni Sister Mehra na ipagdasal ko ang kanyang anak, at masaya kong ipinangako na gagawin ko iyon. Ang kanyang pananampalataya at pananalig sa panalangin ay sagisag ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa India.”
Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Peb. 13, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.
Ipagdasal na Maging Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos
“Katatapos pa lang naming ipagdiwang ni Melanie ang aming ika-50 anibersaryo na kasama ang aming pamilya, na naglalakad sa mga landas ng lupain na ginawang banal ng ating Tagapagligtas.
“Dahil isa itong family trip—at hindi opisyal na tungkulin sa Simbahan—ginusto kong maging isang ama at asawa pero gusto ko ring gampanan ang aking tungkulin bilang Apostol na maging natatanging saksi ng Panginoon, saanman ako naroon. Ipinagdasal ko na maglagay ang Diyos ng mga karanasan at tao sa aking landas upang maging kasangkapan ako sa Kanyang mga kamay—at narinig Niya ang aking mga dalangin.
“Ang isang gayong halimbawa ay sa piling ng isang grupo ng bata pang mga humanitarian volunteer. Hindi namin inasahang makasalubong ang karamihan sa mga miyembro ng grupong ito sa Caesarea Philippi. Pinatotohanan ko sa kanila na tulad ng pagpapahayag ng mga Apostol noong araw na si Jesus talaga ang Cristo at ang Anak ng Diyos na buhay, maaari ko ring ibahagi ang aking taimtim na patotoo tungkol doon. At mapagpakumbaba kong ginagawa ito!
“Kinabukasan, sinimulan ko ang aking umaga sa pagdarasal na kung maaari akong ilagay sa landas ng sinumang nangangailangan ng aking pagmamahal o patotoo, na ituro sa akin ang wastong daan. Sarado ang lugar kung saan namin planong mananghalian, kaya nagpunta kami sa ibang lugar. Hindi nagtagal nang makaupo na kami, pumasok din ang buong grupo ng mga bata pang humanitarian volunteer noong nakaraang araw. Nagbago rin ang mga plano nila sa pananghalian. Nalaman namin na umiyak ang isa sa mga kabataang lalaki kagabi dahil nakalampas sa kanya ang pagkakataong makilala ang isang Apostol. Dininig pareho ang aming mga panalangin, at isinaayos ng Diyos na magkrus ang aming landas—para sa kapakinabangan ng isang tao.
“Dinidinig ng Diyos ang ating mga dalangin. Sinasagot Niya ang bawat isa. Ayon sa plano ng Diyos, pinamamahalaan Niya ang mga detalye ng ating buhay. Mahal na mahal Niya ang bawat isa sa atin. Tulad noong maglingkod si Jesucristo sa mga tao sa Banal na Lupain 2,000 taon na ang nakararaan, gayon din ang ginagawa Niya para sa atin ngayon, saanman tayo naroon.
“Nagpapasalamat ako na maging saksi sa Kanyang kapangyarihan at Kanyang pagmamahal, na gawing posible ang lahat ng bagay sa kanila na nananalig. Nawa’y mangyari ito para sa bawat isa sa atin habang ipinauubaya natin ang ating buhay at pag-asa sa Kanyang mga kamay.”
Elder Ronald A. Rasband, Facebook, Hulyo 30, 2023, facebook.com/RonaldARasband.
Dalhin Ninyo ang Inyong Taimtim na mga Tanong sa Ama sa Langit sa Panalangin
“Sa maingay na mundo sa ating paligid, maaaring mahirap marinig ang mga sagot sa mga tanong natin sa Panginoon. Kinausap namin ni Rosana kamakailan ang mga young adult sa St. George [Utah, Estados Unidos] tungkol sa ilan sa kanilang mga tanong.
“Ang paanyaya ko sa kanila at ang paanyaya ko sa inyo ay palaging dalhin ang inyong taimtim na mga tanong sa ating Ama sa Langit sa panalangin. Ang paghingi, paghahanap at pagkatok, ika nga, ay isa sa mga kagila-gilalas na kaloob na ibinigay sa atin nang isugo tayo sa lupa. Kapag itinuon natin ang ating buhay kay Jesucristo, makikita natin ang mga sagot sa malalalim at mahahalagang alalahanin ng ating kaluluwa.
“Ang ilan sa mga tanong na natanggap namin sa debosyonal ay nakatuon sa kung paano natin makakayanan ang mga pagsubok; ano ang dapat nating gawin para manatili sa landas ng tipan, at paano natin madarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa atin?
“Hayaan ninyong sabihin ko na ang pagsunod sa Tagapagligtas ang palaging sagot sa mga tanong sa buhay. Ang puso ng Tagapagligtas ay puspos ng awa. Lagi Siyang handang tulungan at saklolohan tayo. Kapag lumapit tayo sa Kanya at espirituwal na ipinaubaya ang ating sarili sa Kanyang pangangalaga, mapapagaan Niya ang ating mga pasanin. Dalangin ko na makita ninyo ang inyong mga pagsubok nang may pananampalataya, at huwag kayong sumuko.
“Anuman ang inyong tanong, dapat ninyong malaman na naririnig kayo ng Panginoon at lumalakad Siya na kasama ninyo. Habang lumalakad kayong kasama Siya, binibiyayaan Niya kayo ng Kanyang espiritu, tinutulungan kayong makita nang malinaw ang mga bagay-bagay, at pinupuspos Niya kayo ng Kanyang pagmamahal.”
Elder Ulisses Soares, Facebook, Abr. 28, 2023, facebook.com/soares.u.
Magalak sa Pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit sa Pamamagitan ng Panalangin
“Ang awitin sa Primary ngayon na matagal ko nang pinag-iisipan ay nasa Aklat ng mga Awit Pambata sa pahina 25. At ito ay ang ‘I Love to Pray.’ Ang ganda ng pamagat na iyan, hindi ba? Sabi rito:
Paggising sa umaga,
Bago pa maglaro,
‘Di malilimutan,
Nagdarasal ako.
Paghiga ko sa gabi,
Ang panalangin ko,
‘Diyos Ama, salamat,
Sa pagpapala Mo.’
“Gustung-gusto ko ang awiting ito dahil masaya ito at ipinapaalala nito sa akin na gustung-gusto kong magdasal, na hindi iyon mabigat gawin. Hindi ito isang bagay na sinisikap ko lang gawin sa umaga at sa gabi. Pero nagagalak akong makausap ang aking Ama sa Langit dahil nais Niyang makarinig mula sa akin araw-araw.
“At ang talata sa banal na kasulatan na nakikita naming nagpapayo sa atin kung bakit dapat nating gustuhing magdasal ay nasa Alma 37:37, kung saan itinuturo sa atin na dapat tayong ‘makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan; oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi, mahiga sa Panginoon, upang mabantayan ka Niya sa iyong pagtulog; at kapag ikaw ay bumangon sa umaga, hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos.’
“Hangad ng Diyos na pagpalain tayo araw-araw kapag lumapit tayo sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin. At inaanyayahan ko kayo ngayon na kausapin ang inyong Ama sa Langit sa pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at tingnan kung paano Niya kayo papatnubayan sa kabutihan.”
Sister Tracy Y. Browning, Facebook, Peb. 28, 2023, facebook.com/Primary2ndCounselor.