“Pagtanggap ng Paghahayag Hanggang sa ang Ating Pananampalataya ay Maging Matatag,” Liahona, Abr. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enos
Pagtanggap ng Paghahayag Hanggang sa ang Ating Pananampalataya ay Maging Matatag
“Hinihikayat ko kayo na gawin ang mga kinakailangang hakbang para marinig ang Panginoon nang mas mabuti at mas madalas upang makatanggap kayo ng kaliwanagan at kaalaman na nais Niyang ibigay sa inyo.”1 —Pangulong Russell M. Nelson
Ang salaysay ni Enos sa Aklat ni Mormon ay isang magandang resource sa pagkatutong “marinig [ang] Panginoon nang mas madalas at mas malinaw,” tulad ng payo sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson.2 Ipinapakita sa atin ng maikling salaysay ni Enos sa banal na kasulatan kung paano maging karapat-dapat para sa paghahayag, paano ito karaniwang dumarating, at bakit dapat tayong maghangad ng paghahayag. Mula kay Enos maaari din nating malaman kung paano nagiging “matatag sa Panginoon” ang ating pananampalataya (Enos 1:11) at alam natin na tayo ay mapapahinga sa piling ng ating Manunubos (tingnan sa talata 27).
Paghahangad ng Paghahayag
“Ang pakikipagtunggaling aking ginawa sa harapan ng Diyos” (talata 2) Inilarawan ni Enos ang kanyang mga pagsisikap na tumanggap ng paghahayag bilang “pakikipagtunggali.” Nangangahulugan ito ng pakikibaka at pinagtitibay ang itinuro ni Pangulong Nelson, na “ang pagtanggap ng paghahayag ay nangangailangan ng paggawa.”3 Hindi natin maaasahang matanggap ito mula sa kaswal o kakaunting pagsisikap (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 9:7–8).
“Ako ay humayo upang mangaso sa mga kagubatan” (talata 3). Dumating ang paghahayag kay Enos noong nag-iisa siya sa kagubatan, na nagpapakita sa atin na “ang tahimik na oras ay sagradong oras—oras na magpaparating ng personal na paghahayag at magpapadama ng kapayapaan.”4 Nag-aalala na ang ating kawalan ng katahimikan sa makabagong panahon ay naglilimita sa kakayahan nating tumanggap ng paghahayag, ibinahagi ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga tao noong unang panahon ay dumanas ng pag-iisa sa mga paraang hindi natin maiisip sa ating siksikan at abalang mundo. Kahit nag-iisa tayo ngayon, maaari tayong makinig o manood sa ating mga mobile device, laptop computer, at telebisyon para malibang tayo at maging abala. Bilang Apostol, tatanungin ko kayo: Mayroon ba kayong personal na oras ng katahimikan?”5
“Ang mga salitang madalas kong marinig na sinasabi ng aking ama hinggil sa buhay na walang hanggan … ay tumimo nang malalim sa aking puso” (talata 3). Sa tahimik na panahong ito, nagsimulang magbulay-bulay si Enos, na ibig sabihin ay “magmuni-muni at mag-isip nang malalim, kadalasan sa mga banal na kasulatan o iba pang bagay na tungkol sa Diyos.”6 Pinagtitibay ng karanasan ni Enos ang itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kapag nagbulay-bulay tayo, nag-aanyaya tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu.”7
“Ang aking kaluluwa ay nagutom” (talata 4) Tulad ng isang taong nagugutom sa pagkain, nagkaroon ng matinding hangarin o matinding pagnanais si Enos na malaman at maranasan ang mga bagay ng Diyos. Ang hangaring ito ay nagganyak kay Enos at ginawa siyang karapat-dapat na maghangad at tumanggap ng personal na paghahayag. Nangako si Pangulong Nelson: “Kung huhugot kayo ng lakas sa Panginoon sa inyong buhay na kasingtindi ng isang taong nalulunod na nagpupumilit at nangangapos ang hininga, sasainyo ang lakas mula kay Jesucristo. Kapag alam ng Tagapagligtas na talagang gusto ninyong lumapit sa Kanya—kapag nadama Niya na pinakamimithi ng inyong puso na humugot ng lakas sa Kanya sa inyong buhay—gagabayan kayo ng Espiritu Santo na malaman kung ano mismo ang dapat ninyong gawin.”8
“Nagsumamo ako sa kanya sa mataimtim na panalangin … sa buong araw … , at nang dumating ang gabi ay inilakas ko pa rin ang aking tinig sa kaitaasan kung kaya’t iyon ay nakarating sa kalangitan” (talata 4). Ang karanasan ni Enos ay nagpapakita na ang matindi at masigasig na panalangin ay nag-aanyaya ng paghahayag. Gayunman, hindi ito kailangang mangyari sa pamamagitan ng isang mahabang panalangin. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang isang buwelo ay maaaring mukhang kahanga-hanga sa malapit na hinaharap, ngunit ang katatagan sa paglipas ng panahon ay mas epektibo, di-gaanong mapanganib, at mas mabubuti ang resulta. … Ang pagtatangkang manalangin nang minsanan sa loob ng ilang oras ay malamang na hindi magbunga ng parehong espirituwal na mga resulta na tulad ng makabuluhang panalangin sa umaga at gabi na palaging inaalay sa loob ng ilang linggo.”9
Tulad ni Enos, magkakaroon ng mga pagkakataon sa ating buhay na hindi kaagad dumarating ang paghahayag na hinahangad natin. Kapag nangyari ito, dapat nating tularan ang kanyang halimbawa at patuloy na manalangin nang may pananampalataya at tapat na maghintay sa Panginoon.
Pagkilala sa Paghahayag
“Ang tinig ng Panginoon ay sumaisip ko” (talata 10). Alam ni Enos na ang kanyang panalangin ay “nakarating sa kalangitan” (talata 4) dahil nakatanggap siya ng sagot mula sa Panginoon. Itinala niya, “Nangusap ang isang tinig sa akin, sinasabing: Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na” (talata 5). Bagama’t inilarawan ni Enos na nakarinig siya ng isang tinig, nilinaw niya kalaunan na hindi iyon tinig na naririnig sa kanyang mga tainga kundi isang espirituwal na tinig sa kanyang isipan. Itinala niya, “Ang tinig ng Panginoon ay sumaisip kong muli” (talata 10).
Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na “ang maselan at pinong espirituwal na pakikipag-ugnayang ito ay hindi nakikita ng ating mga mata, ni naririnig ng ating mga tainga. At bagama’t ito ay inilalarawan bilang isang tinig, ito ay isang tinig na nadarama, nang higit kaysa naririnig, ng isang tao.”10
Ang karanasan ni Enos ay nagpapakita na ang pinaka-karaniwang anyo ng paghahayag ay hindi kapag nangungusap nang malakas ang Panginoon sa ating mga tainga o nagpapakita sa ating mga mata kundi kapag siya ay nangungusap nang banayad sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu sa ating puso’t isipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 8:2–3).
Mga Pagpapala ng Paghahayag
“Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na” (talata 5). Sa pamamagitan ng personal na paghahayag, natanggap ni Enos ang katiyakan na pinatawad ang kanyang mga kasalanan. Ito ang isa sa mga pinakadakilang pagpapalang maaari nating matanggap sa pamamagitan ng paghahayag. Sa katunayan, anumang oras na tumanggap tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo, katibayan iyon na nagbabago ang ating puso at mas napapalapit tayo sa Diyos. Ipinaliwanag ni Pangulong Eyring, “Kung nadarama ninyo ang impluwensya ng Espiritu Santo ngayon, maaari ninyong ituring na katibayan iyon na nagkakaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala sa inyong buhay.”11
“Ang aking pananampalataya ay nagsimulang maging matatag” (talata 11). Matapos matanggap ang pagpapalang hinangad niya, nabaling sa iba ang mga hangarin ni Enos—tungo sa espirituwal na kapakanan at walang-hanggang kaligtasan ng iba. Ipinagdasal niya ang kanyang pamilya na kasama ng mga Nephita at pagkatapos ay ang mga Lamanita. Habang nagdarasal siya, nakaranas siya ng isang sagradong bagay. Ipinaliwanag niya, “Matapos na ako, si Enos, ay marinig ang mga salitang ito, ang aking pananampalataya ay nagsimulang maging matatag sa Panginoon” (talata 11).
Ang isa sa mga pagpapala ng pagtanggap ng personal na paghahayag mula sa Panginoon ay na pinalalakas ng mga espirituwal na karanasang ito ang ating pananampalataya sa Kanya. Tuwing naririnig natin Siya, lumalago ang ating pananampalataya kay Jesucristo. Sa paglipas ng panahon, ang palagiang paghahayag ay maaaring magpatatag sa ating pananampalataya sa Kanya.
Ibinahagi ni Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918) ang sarili niyang karanasan dito: “Nang magsimula ako sa pagmiministeryo noong ako ay bata pa, madalas kong hanapin at hilingin sa Panginoon na ipakita sa akin ang ilang mga kagila-gilalas na bagay, nang sa gayon ay makatanggap ako ng patotoo. Subalit ipinagkait ng Panginoon ang mga kagila-gilalas na bagay sa akin, at ipinakita sa akin ang katotohanan, nang taludtod sa taludtod, nang tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti doon, hanggang sa maipaalam niya sa akin ang katotohanan mula sa aking ulo hanggang sa aking talampakan, at hanggang sa tuluyang maglaho sa akin ang alinlangan at takot. Hindi niya kinailangan[g] magpadala ng anghel mula sa kalangitan upang gawin ito, ni hindi rin niya kinailangan[g] makapangusap nang may pakakak ng arkanghel. Sa pamamagitan ng mga pagbulong ng marahan at banayad na tinig ng Espiritu ng buhay na Diyos, ipinagkaloob niya ang patotoo na aking tinataglay. At sa pamamagitan ng ganitong alituntunin at kapangyarihan ay ipinagkakaloob niya sa lahat ng anak ng tao ang kaalaman ng katotohanan na mananatili sa kanila.”12
“Ang kanilang pananampalataya ay katulad ng sa iyo” (talata 18). Nang unang patawarin si Enos sa kanyang mga kasalanan, ipinaliwanag ng Panginoon na ito ay “dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo, na hindi mo pa kailanman narinig o nakita” (talata 8). Matapos makatanggap ng marami pang paghahayag, kalaunan ay nagkaroon si Enos ng pananampalatayang katulad ng sa kanyang mga ninuno: “ang kanilang pananampalataya ay katulad ng sa iyo” (talata 18). May pananampalataya si Enos kay Cristo na katulad ng kina Lehi, Jacob, at Nephi, na pawang nakakita sa Panginoon sa pangitain. Bagama’t dumating ang kanyang patotoo dahil lamang sa personal na paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tiyak din iyon na para bang nakita niya ang Panginoon. Ang mga karanasan ni Enos ay naglalarawan ng isang alituntuning itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa patotoo ni Apostol Tomas tungkol sa Tagapagligtas: “Walang makakatulad ang paniniwala o patunay na natanggap ni Tomas maliban sa mahipo o makita Siya [tingnan sa Juan 20:29].”13
Sa katapusan ng kanyang aklat, itinala ni Enos na malapit na siyang mamatay at “sa gayon, makikita ko ang kanyang mukha” (talata 27). Ipinapaalala sa atin ng kanyang huling patotoo ang huling patotoo ni Elder Bruce R. McConkie (1915–1985) ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1985, ilang araw lamang bago siya namatay, ganito ang sinabi niya tungkol sa Tagapagligtas:
“Isa ako sa Kanyang mga saksi, at darating ang araw na dadamhin ko ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay at paa at babasain ng aking mga luha ang Kanyang mga paa.
“Ngunit hindi magbabago ang kaalaman ko sa oras na iyon kumpara sa kaalaman ko ngayon na siya ang Makapangyarihang Anak ng Diyos, na siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos.”14
“Ako sa madaling panahon ay tutungo sa pook ng aking kapahingahan, kung saan ko makakasama ang aking Manunubos; sapagkat alam ko na sa kanya ako ay magkakaroon ng pamamahinga” (talata 27). Nalaman ni Enos sa pamamagitan ng personal na paghahayag na siya ay ililigtas ni Jesucristo sa kahariang selestiyal. Ipinapalagay ng ilan na ito ay isang bagay na hindi natin malalaman sa buhay na ito. Iniisip ng iba na ang kaalamang ito ay nangangailangan ng isang kagila-gilalas na bagay na tulad ng pagdalaw ng Tagapagligtas. Gayunman, itinuro ng Panginoon na maipapangako ng Banal na Espiritu sa mga tao ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng kanilang patuloy na katapatan sa pagtupad sa kanilang mga tipan.15 Ang espirituwal na katiyakang ito ay batay sa ating katapatan: “Binabawi ng Banal na Espiritu ang tanda ng pagsang-ayon kapag hindi tinutupad ang mga tipan.”16
Kapag tayo ay “[n]agpatuloy sa paglakad” sa landas ng tipan, na nagsisikap na “[magtiis] hanggang wakas,” bibigyan tayo ng Panginoon ng espirituwal na katiyakan habang daan hanggang sa malaman natin nang may tiwala na “[tayo] ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20). “Ang tawag ng mga banal na kasulatan sa prosesong ito ay pagtiyak sa ating pagkatawag at pagkahirang.”17
Tulad ni Enos, kapag nakipagtunggali tayo sa harapan ng Diyos, habang nagugutom ang ating kaluluwa at nagbubulay-bulay ang ating puso, kapag taimtim tayong nanalangin para sa ating sarili at sa iba, tatanggap tayo ng sunud-sunod na paghahayag, sa ating tahimik na mga sandali, hanggang sa ang ating pananampalataya kay Jesucristo ay maging matatag at malaman natin na balang-araw ay mamamahinga tayo sa piling Niya.