Liahona
Nagawa Ko na ang Lahat ng Makakaya Ko Bilang Magulang. Paano Nagawang Talikuran pa rin ng mga Anak Ko ang Simbahan?
Abril 2024


Digital Lamang

Nagawa Ko na ang Lahat ng Makakaya Ko Bilang Magulang. Paano Nagawang Talikuran pa rin ng mga Anak Ko ang Simbahan?

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nang hindi na aktibo sa Simbahan ang ilan sa mga anak ko, nagtaka ako kung bakit hindi ko nararanasan ang mga ipinangakong pagpapala ng lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa ebanghelyo na sama-sama naming ginawa bilang pamilya sa paglipas ng mga taon. Natulungan ako ng tatlong mensahe sa pangkalahatang kumperensya na sumulong nang may pananampalataya.

isang pamilyang sama-samang nagtatawanan

Nang maging magulang ako, nakadama ako ng mabigat na responsibilidad na suportahan ang aking mga anak sa landas ng tipan at tiyaking sumusunod sila sa plano ng Ama sa Langit.

Simula noong tinedyer ako, napapansin ko ang payo sa mga magulang sa halos lahat ng pangkalahatang kumperensya, kabilang na ang sumusunod:

  • Sinabi sa atin ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na kung tayo ay “magsisimula ng seryosong pag-aaral” ng Aklat ni Mormon, “magkakaroon [tayo] ng karagdagang lakas para labanan ang tukso[,] … ng kapangyarihang iwasan ang panlilinlang[,] … [at] ng lakas na manatili sa makipot at makitid na landas.”1 Kaya alam ko na babasahin ng pamilya ko ang Aklat ni Mormon bilang pamilya bawat araw.

  • Itinuro ng pagpapahayag tungkol sa mag-anak na “ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, … turuan silang magmahal[an] at maglingkod sa isa’t isa, [at] sundin ang mga kautusan ng Diyos[.] … Ang mga mag-asawa—ang mga ama at ina—ay pananagutin sa harap ng Diyos sa kanilang pagtupad sa mga tungkuling ito.”2

  • Ipinaalala sa atin ni Pangulong M. Russell Ballard (1928–2023) na para “[maprotektahan at maingatan at mapalakas] ang ating tahanan at pamilya sa isang mundong naghahatakan sa magkaibang direksyon,” kailangan nating “maging tapat sa pagdaraos ng araw-araw na panalangin ng pamilya at lingguhang mga family home evening[,] … ituro ang ebanghelyo at mga pangunahing pinahahalagahan sa inyong tahanan[, at] … lumikha ng makabuluhang pakikipag-ugnayan sa pamilya na nagbibigay ng identidad sa inyong mga anak na mas matibay kaysa sa makikita nila sa barkada [o] sa eskuwela o saanman.”3

Bilang isang bata pang ina, ang pakahulugan ko sa lahat ng tagubiling ito ay na responsibilidad kong iligtas ang aking mga anak. Nadama ko na kung gagawin ko ang lahat ng bagay na ito sa pamilya ko, hindi tatablan ang mga anak ko ng tukso at mga banta sa kanilang mga patotoo.

Gayunman, sa nakalipas na ilang taon nang maharap ang mga anak ko sa tumitinding mga banta sa kanilang patotoo at tumigil na ang ilan sa pagsisimba, pakiramdam ko ay pinagtaksilan ako. Nagtaka ako kung bakit parang hindi namin nararanasan ang pangako ni Pangulong Benson na poprotektahan ang aking mga anak ng kapangyarihang labanan ang tukso at panlilinlang at manatili sa makipot at makitid na landas.

Pinakinggan ko ang pangkalahatang kumperensya ng Abril 2022 nang may kalungkutan. Kasasabi pa lang sa akin ng isa ko pang anak na nahihirapan siya sa kanyang patotoo. Sinimulan kong panoorin ang pangkalahatang kumperensya na gayon pa rin ang tanong na sinagot kalaunan ni Elder Adrián Ochoa ng Pitumpu sa kanyang mensahe sa Sabado ng hapon na, “May Nagagawa Ba ang Plano?”4 Sa aking isipan, nangamba ako na wala.

Ipinagdasal kong malaman kung ano ang magagawa ko para matulungan ang aking mga anak na hangaring bumalik sa paglahok sa simbahan. Mas mabuti kung agad-agad. Dumating ang mga sagot sa pangkalahatang kumperensya. Pero ang dumating na mga sagot ay hindi ang inasahan ko.

Tatlong aral ang nakatulong sa akin na magbago ng isipan.

Lesson 1: Hindi makakapasok sa langit ang aking mga anak nang dahil sa akin.

Sa Linggo ng umaga, sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“May ilang tao na mali ang pagkaunawa sa mga pangako ng Diyos dahil iniisip nila na sa pagsunod sa Kanya ay may partikular na resulta silang matatanggap sa takdang panahon. Maaaring isipin nila, ‘Kung masigasig akong maglilingkod sa full-time mission, bibiyayaan ako ng Diyos ng masayang buhay may-asawa at mga anak,’ o ‘Kung iiwasan kong gumawa ng schoolwork sa araw ng Sabbath, patataasin ng Diyos ang mga grado ko sa eskwela,’ o ‘Kung magbabayad ako ng ikapu, ibibigay sa akin ng Diyos ang trabahong iyon na gustung-gusto ko.’ Kung hindi mangyayari sa kanilang buhay ang mga bagay-bagay sa eksaktong paraan na gusto nila o sa inaasahan nilang panahon, maaaring isipin nila na hindi tapat ang Diyos sa kanila. Pero hindi awtomatikong nangyayari ang mga bagay-bagay sa paraan ng Diyos. Hindi natin dapat ituring ang plano ng Diyos na parang vending machine kung saan (1) pipili lang tayo ng gusto nating pagpapala, (2) ibibigay ang kailangang dami ng mabubuting gawa, at (3) kaagad nang darating ang hinihinging biyaya.

“Ang Diyos ay talagang tutupad sa Kanyang mga tipan at pangako sa bawat isa sa atin. Wala tayong dapat ipag-alala tungkol diyan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:10]. Ang nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo—na nagpakababa-baba sa lahat ng bagay at pagkatapos ay umakyat sa itaas [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:6] at nagtataglay ng lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa [tingnan sa Mateo 28:18]—ay nagbibigay-katiyakan na kayang tuparin at tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Mahalaga na iginagalang at tinutupad natin ang Kanyang mga batas, pero hindi lahat ng pagpapalang nakasalalay sa pagsunod sa batas [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:20–21] ay hinubog, dinisenyo, at itinakda ayon sa ating mga inaasahan. Ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya pero dapat nating ipaubaya sa Kanya ang pamamahala [sa] mga pagpapala, kapwa temporal at espirituwal.”5

Natitiyak ko na narinig ko na ang mga turong ito noon, pero sa pagkakataong ito ay tumimo ito nang malalim sa puso ko. Sa pagkakataong ito ay handa akong marinig ito, at kailangan kong marinig ito.

Naalala ko rin ang isang mensahe sa mas naunang pangkalahatang kumperensya mula kay Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan:

“Hindi tayo makakapasok sa langit; ang mga hinihingi ng katarungan ang hadlang, at wala tayong kapangyarihan na daigin [ito nang] mag-isa.

“Ngunit may pag-asa pa.

“Ang biyaya ng Diyos ang ating dakila at walang-hanggang pag-asa. …

“Ang kaligtasan ay hindi natatamo sa pagsunod; natatamo ito sa pamamagitan ng dugo ng Anak ng Diyos [tingnan sa Mga Gawa 20:28].”6

Alam ko ito. Alam ko na hindi ako makakapasok sa langit nang mag-isa. Pero sa kung anong dahilan, inakala ko na makakapasok sa langit ang aking mga anak dahil sa aking pagsunod. Nang lalo kong pag-aralan ang mensahe ni Elder Christofferson at ng iba pa, lalo kong natanto na naloko ako ng kasinungalingan ni Satanas na hindi kailangan ng aking mga anak ng isang Tagapagligtas basta’t ako ay isang “perpektong magulang.” Nang pag-aralan at pagnilayan ko ang mga mensaheng iyon, tinulungan ako ng Espiritu na unti-unting maunawaan na lahat ng gagawin para protektahan ang aking mga anak laban sa tukso at panlilinlang at patatagin ang kanilang patotoo ay mahalaga pero hindi tinitiyak na mananatili ang aking mga anak sa landas ng tipan.

Ang kalayaan ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit. Lahat tayo ay binigyan ng kaloob na pumili para sa ating sarili, kahit nangangahulugan ito na maaaring piliin ng ating mga anak na talikuran ang naituro sa kanila. Gayon pa man, laging tinutulungan ng Panginoon nang may pagmamahal ang Kanyang mga anak na naliligaw ng landas, at bilang mga magulang sa lupa magagawa rin natin iyon.

Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2018, itinuro ni Elder Dale G. Renlund:

Bagama’t nais ng Diyos na tahakin natin ang landas ng tipan, binibigyan Niya tayo ng dignidad na pumili.

“Katunayan, ninanais, inaasahan, at iniuutos ng Diyos na bawat isa sa Kanyang mga anak ay pumili para sa kanyang sarili. Hindi Niya tayo pipilitin. Sa pamamagitan ng kaloob na kalayaan, pinahihintulutan ng Diyos ang Kanyang mga anak ‘na [kumilos] para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos’ [2 Nephi 2:26].”

Nakadarama ako ng malaking kapanatagan sa sumunod na sinabi ni Elder Renlund:

“Gaano man katagal na nawala tayo sa landas ng tipan o gaano man tayo nalihis, sa sandaling magpasiya tayong magbago, tutulungan tayo ng Diyos na makabalik [tingnan sa Alma 34:31]. Sa pananaw ng Diyos, sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at pagpapatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, kapag nakabalik tayo sa landas, … magiging parang hindi tayo [napalayo kahit kailan]. Ang Tagapagligtas ay nagbabayad para sa ating mga kasalanan at pinalalaya tayo sa napipintong paglalaho ng kaligayahan at mga pagpapala.”7

Alam ko na kailangan nating lahat ang Tagapagligtas. Ang katotohanang ito ay naghahatid sa akin ng malaking kaginhawahan. Bagama’t responsibilidad ko pa ring turuan ang aking mga anak at suportahan sila sa landas ng tipan, hindi ko trabahong iligtas ang sarili ko o ang mga anak ko. Trabaho iyan ng Tagapagligtas, at ginagawa Niya ito nang perpekto. Trabaho ng Ama sa Langit at ng Kanyang kaluwalhatian “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Mayroon Siyang plano ng kaligtasan para sa lahat ng Kanyang mga anak. Kailangan kong magtiwala sa Kanyang plano, hindi sa plano ko. At noon ko pa sinisikap na alalahanin na tinutupad Niya ang Kanyang mga pangakong protektahan at palakasin ang ating pamilya. Sumasampalataya ako na lagi Niyang inaanyayahan ang aking mga anak na lumapit sa Kanya, at aaliwin at palalakasin Niya ako habang sinisikap ko ring gawin iyon.

Lesson 2: Ang paghihintay sa Panginoon ay maaaring maging isang sagradong lugar.

Ang pangalawang aral na natutuhan ko ay mula kay Sister Amy A. Wright, Unang Tagapayo sa Primary General Presidency, na nagsalita kaagad kasunod ni Elder Christofferson. Itinuro niya:

“Kadalasan … maaari nating matagpuan ang ating sarili, tulad ng pulubing lumpo sa pintuan ng templo, na matiyaga—o kung minsan ay naiinip na—na ‘naghihintay sa Panginoon [Isaias 40:31].’ Naghihintay na mapagaling ang katawan o damdamin. Naghihintay sa mga sagot na titimo sa kaibuturan ng ating puso. Naghihintay ng isang himala.”8

Ang aking panalangin sa pagpunta sa pangkalahatang kumperensyang iyon ay para makakuha ng mga agarang resulta. Alam ko na hindi ito makatotohanan, pero hindi ko inasahan ang matuto ng mga aral tungkol sa kahalagahan ng paghihintay.

Sabi pa ni Sister Wright: “Ang paghihintay sa Panginoon ay maaaring maging sagradong kalagayan—isang kalagayan ng pagpipino at pagpapadalisay kung saan ay mas malalim nating makikilala nang personal ang Tagapagligtas. Ang paghihintay sa Panginoon ay maaari ding maging isang [lugar] kung saan matatagpuan natin ang ating sarili na nagtatanong ng, ‘O Diyos, nasaan kayo?’ [Doktrina at mga Tipan 121:1]—isang [lugar] kung saan ang espirituwal na pagtitiyaga ay nangangailangan na manampalataya tayo kay Cristo sa pamamagitan ng [sadyang] pagpili sa Kanya nang paulit-ulit.”9

Pinag-isipan kong mabuti ang konseptong ito simula noong pangkalahatang kumperensyang iyon. Ang matutong maghintay, maging matiyaga sa aking mga anak at sa kanilang mga pagpili, at magtiwala na patuloy silang hinahanap ng Panginoon ay nangangailangan ng aking malaking pagsisikap. Sana’y kasingsimple ito ng minsanang pagpiling maniwala at pagkatapos ay mapuspos ng kapayapaan sa natitira ko pang buhay, habang ipinagdarasal ko na piliin ng aking mga anak na humingi ng tulong sa Tagapagligtas at manampalataya sa Kanya. Pero hindi iyon naging ganoon para sa akin. May ilang araw na parang mas madaling bumigay sa kawalan ng pag-asa at pagiging desperado, na sumuko dahil parang “walang nagagawa ang plano.” Nangailangan ito ng malaking pagsisikap at espirituwal na pagtitiyaga na manampalataya at manatiling umaasa sa plano ng Ama sa Langit kapag nakikita kong gumagawa ng mga pagpili ang aking mga anak na hindi nababanaagan ng mga banal na katotohanang itinuro ko sa kanila. Subalit, araw-araw na pinipili kong umasa kaysa mawalan ng pag-asa, pinipili ko Siya. Nang paulit-ulit.

Ang paghihirap na ito ay mas naglapit sa akin sa Diyos. Naging dahilan ito para bumaling ako sa Kanya sa pamamagitan ng panalangin. Binigyan nito ng pokus ang pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan. Naibaling ako nito sa templo. Higit sa lahat, naging dahilan ito para labis kong pasalamatan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Labis akong nagpapasalamat na malaman na mahal Niya ang aking mga anak at na ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para sa kanila.

Ang matutong maghintay sa Panginoon ay naging isang sagradong lugar para sa akin. Pinabuti ako ng karanasang ito. Napalalim ng pag-aaral ng mga mensaheng ito sa pangkalahatang kumperensya at pagtutuon ng pag-aaral ko ng ebanghelyo ang aking pag-unawa sa doktrina at nagpalakas sa aking pananampalataya. Natututo ako nang taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin na magtiwala sa Panginoon at sa plano ng pagtubos ng Ama sa Langit habang ipinagdarasal pa rin na piliin ng aking mga anak na sundin si Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo. At inaasam ko ang susunod na pangkalahatang kumperensya para maragdagan ang aking natututuhan at patotoo.

Lesson 3: Ang Diyos ay naglaan ng paraan para gawing mga batong tuntungan ang mga batong katitisuran.

Ang pangatlong mensahe na nagbigay sa akin ng pag-asa sa kumperensyang iyon ay ang kay Elder Larry S. Kacher. Nang pag-aralan ko ang mensaheng ito, malaki ang naituro nito sa akin. Natutuhan ko na tinutulutan ng Panginoon na maranasan natin ang mga kumplikasyon ng buhay para tulungan tayong bumaling sa Kanya. Itinuro ni Elder Kacher na “[may] kasimplehan sa kabila ng mga kumplikasyon ng buhay habang nananatili tayong “[matatag] kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa’ [2 Nephi 31:20].

“Bahagi ng layunin ng buhay ang tulutan ang potensyal na mga katitisurang ito na maging mga tuntungan habang umaakyat tayo sa tinatawag kong “hagdan ng pananampalataya”—isang hagdan dahil nagpapahiwatig ito na ang pananampalataya ay pabagu-bago. Maaari itong umakyat o bumaba ayon sa ating mga pagpapasiya.”10

Lumago na ako sa pagsubok na ito sa aking pananampalataya. Sa aking katiting na karunungan, nais kong iligtas ang aking mga anak mula sa mga pagsubok sa buhay. Pero ipagkakait ko ba sa aking mga anak ang paglagong ito? Sa makapangyarihang karunungan ng Diyos, naglaan Siya ng landas na dapat nating tahakin, ang Kanyang plano ng kaligtasan. Sa paglalakbay natin sa landas na iyon, dumaranas tayo ng mga hamon na sumusubok sa ating pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Nasa atin na ang paggamit ng ating kalayaan para piliing sundin si Cristo sa sarili nating hagdan ng pananampalataya, na nagtutulot sa ating mga pagsubok na maging mga batong-tuntungan sa halip na mga batong katitisuran. Ipinaalala sa atin ni Elder Kacher na “walang hanggan ang ating pag-unlad.”11

Hindi pa tapos ang kuwento tungkol sa aking mga anak. Ang plano ng kaligtasan ng Diyos ay totoo, at kailangan kong manampalataya sa Kanyang plano at magtiwala sa Kanyang layunin. Habang patuloy na ginagamit ng aking mga anak ang kanilang kalayaan, sinisikap kong alalahanin na patuloy silang aabutin ng Panginoon at tutulungan Niya silang bumalik kung pipiliin nilang gawin iyon. Siya ay may kapangyarihang magligtas.

Nakasusumpong ako ng pag-asa sa Mga Kawikaan 3:5–6:

“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa.

“Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin.”

Natitiyak ko na may iba pang nagdaranas ng sarili nilang mga pagsubok sa pananampalataya. Maaaring magkapareho ang sa atin, o maaaring nahihirapan kayo sa iba’t ibang tanong. Iminumungkahi ko na idulog ninyo ang inyong mga alalahanin sa Panginoon bago sumapit ang pangkalahatang kumperensya at gayundin sa tuluy-tuloy na pag-aaral ng pangkalahatang kumperensya at mga banal na kasulatan. Magsikap na “pakinggan Siya,”12 pagkatapos ay magtiwala na ituturo Niya sa inyo ang kailangan ninyong marinig. Alam ko na mahal Niya tayo at na may kapangyarihan Siyang iligtas tayo at iligtas ang ating mga anak kapag pinipili natin—at nila—na bumaling sa Kanya nang may pananampalataya.