“Ang Pagtitipon ng Israel: Tulad ng Isang Olibohan,” Liahona, Abr. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Pagtitipon ng Israel: Tulad ng Isang Olibohan
Itinuro na ni Pangulong Russell M. Nelson na ang pagtitipon ng Israel “ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo ngayon”1—at maaari tayong maging bahagi nito! Pero ano ba talaga ang pagtitipon, at kanino ito naaangkop? Kapag naunawaan natin ang mahalagang gawaing ito, mas makapagpapasiya tayo kung paano nais ng bawat isa sa atin na tumulong na tipunin ang Israel.
Ang talinghaga ng mga punong olibo sa Jacob 5 ay maaaring makatulong sa atin sa pag-unawang ito. Ibinahagi ni Jacob ang talinghagang ito, nang bahagya, para masagot ang tanong kung paano mangyayari na ang mga sinaunang pinagtipanang tao ng Panginoon, “matapos tanggihan ang tiyak na saligan [ibig sabihin, ang Tagapagligtas], ay makapagtatayo rito kailanman” (Jacob 4:17).
Ano: Ang pagtitipon ng Israel ay isang pandaigdigang pagsisikap na tulungan ang lahat ng mga anak ng Ama sa Langit na “marinig ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo … [at mag]desisyon sa sarili nila kung nais nilang [malaman ang iba] pa.”2 Tinutupad din nito ang mga propesiyang nagsasabi na ang mga pinagtipanang tao ng Diyos (ang mga inapo ni Abraham o ang mga inampon sa tipan sa pamamagitan ng binyag) ay titipunin sa mga huling araw. At bahagi ito ng paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. (Tingnan sa Moises 7:61–65).
Jacob 5: Ang gawain ng panginoon at ng kanyang mga tagapagsilbi sa ubasan ay kumakatawan sa pakikipag-ugnayan ng Panginoon sa Kanyang mga anak habang nakakalat at tinitipon ang Israel (tingnan, halimbawa, sa mga talata 76–77).
Sino: Lahat! Ang pagtitipon ng Israel ay angkop sa lahat ng mga anak ng Diyos, kapwa sa buhay at sa mga nasa daigdig ng mga espiritu. “Ang pangalang Israel ay tumutukoy sa tao na handang hayaan ang Diyos na manaig sa kanyang buhay.”3
Jacob 5: Ang panginoon ng olibohan ay kumakatawan kay Jesucristo (Jehova). Ang mga likas na punong olibo at mga sanga nito ay kumakatawan sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, at ang mga ligaw na puno at mga sanga nito ay kumakatawan sa mga hindi pa nakikipagtipan sa Panginoon. Ang mga tagapagsilbi na nagtitipon sa mga sanga ay kumakatawan sa mga taong nagpapalaganap ng ebanghelyo at tumutulong sa mga tao na gumawa at tumupad ng mga tipan. (Tingnan sa mga talata 3, 70, 72–73.)
Paano: Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, anumang oras na tulungan natin ang sinuman na gumawa ng hakbang tungo sa paggawa ng mga tipan sa Diyos, tumutulong tayong tipunin ang Israel.4 Ang paglilingkod sa full-time mission, paggawa ng gawain sa family history, at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo ay magagandang paraan para tipunin ang Israel. Kabilang sa di-gaanong halatang mga paraan ang pagtupad sa inyong calling sa Simbahan, pakikipagkaibigan sa mga hindi natin kasapi, pagtataguyod sa kalayaang pangrelihiyon, pakikipagkaibigan sa isang baguhan sa simbahan, pagpapatotoo, paglilingkod sa mga nangangailangan, at pagiging marapat na temple recommend holder.
Jacob 5: Ang pagpupungos, pagbubungkal, at paghuhugpong ay kumakatawan sa iba’t ibang paraan na matutulungan natin ang iba na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan (tingnan sa mga talata 11, 12, 58, 68).
Kailan: Ang pagtitipon ng Israel ay nangyayari na sa simula pa lang at nagpapatuloy sa ating panahon bilang bahagi ng tuluy-tuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa lupa.
Jacob 5: Ang huling pagsisikap sa olibohan ay kumakatawan sa mga huling araw at sa ating paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa mga talata 62, 77).
Saan: Ang pagtitipon ng Israel ay nagaganap sa buong mundo. “Bawat bansa ay lugar ng pagtitipon sa mga mamamayan nito.”5
Jacob 5: Ang olibohan ng panginoon ay kumakatawan sa mundo (tingnan sa mga talata 8, 14).
Bakit: Sa pagtitipon natin sa Israel, inaanyayahan natin ang mga anak ng Diyos na gumawa ng mga tipan na magtutulot sa kanila na makapiling ang kanilang pamilya sa langit. Ang paggawa ng mga tipang ito sa lupa ay nagkakaloob din sa atin ng lakas, kagalakan, at tulong ng Diyos sa mga hamon ng buhay.6
Jacob 5: Ang kagalakang nadarama ng mga tagapagsilbi mula sa kanilang masigasig na mga pagsisikap ay ang kagalakan ding nadarama natin kapag sinisikap nating dalhin ang iba kay Cristo (tingnan sa mga talata 71, 75).