“Dapat Malaman ng mga Tao,” Liahona, Ago. 2024.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Dapat Malaman ng mga Tao
Ang kaalaman na ang mga pamilya ay maaaring maging walang hanggan ay nagpabago sa buhay ko magpakailanman.
Pumanaw ang aking ina noong 12 taong gulang ako. Noon ako nagsimulang magkaroon ng mga tanong tungkol sa kung ano ang nangyayari sa mga pamilya pagkatapos ng buhay na ito. Sinabi sa akin ng pari sa simbahan na dinaluhan ko na kapag namatay tayo, hindi tayo magkakaroon ng mga pamilya. Sinabi niya na makikita kong muli ang aking ina, pero hindi ko siya makikilala bilang aking ina, at hindi niya ako makikilala bilang kanyang anak.
Hindi iyon ang sagot na inaasam ko. Patuloy akong nagsimba kasama ang pamilya ko, pero naroon pa rin ang mga tanong ko. Inisip ko rin, “Nasaan ang mga propeta? Nasaan ang mga Apostol?”
Noong naging 14 taong gulang ako, hinanap ko ang “Jesuscristo” sa internet. Dinala ako nito sa isang website para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, dalawang missionary ang kumatok sa pintuan ko. Nais nilang magbahagi ng isang mensahe tungkol kay Jesucristo. Pinapasok ko sila at hiniling ko sa aking ama na samahan kami.
Ang unang itinanong sa akin ng mga missionary ay, “Alam mo ba na ang mga pamilya ay maaaring maging walang hanggan?”
Sagot ko, “Hindi, hindi iyon maaaring mangyari.” Pagkatapos ay sinabi ko sa kanila ang natutuhan ko mula sa aking pari. Pagkatapos ng aming talakayan, nahanap ko ang mga elder sa Facebook. Pinanood ko ang mga video nila na nagpapaalam sa kanilang mga pamilya. Nais kong malaman kung bakit nila iniwan ang kanilang mga pamilya upang pumunta sa aking bansa at kung bakit sila naniniwala sa pinaniniwalaan nila. Tinawagan ko ang numero ng telepono na iniwan nila sa akin at sinabing, “Mga elder, kailangan kong pumunta sa inyong simbahan sa Linggo.”
Sa loob ng dalawang taon, nagsimba ako at nakipagkita sa mga missionary. Gayunman, hindi bukas ang pamilya ko sa Simbahan. Noong naging 18 taong gulang ako, sinabi ko sa aking pamilya na gusto kong magpabinyag. Sinubukan kong ibahagi sa kanila ang ebanghelyo, pero hindi pa sila handa.
Maghandang Magmisyon
Noong 2015, nagsagawa ako ng mga proxy na binyag sa São Paulo Brazil Temple. Habang naroon ako, tinanong ako ng isang lalaki kung naghahanda ba akong magmisyon. Sinabi ko na umaasa akong makapaglingkod balang-araw. Pagkatapos ay sinabi niya, “Sa palagay ko ay kailangan mong maghandang magmisyon at magsalita ng wikang French.”
Napaisip ako, “Bakit wikang French? Mula ako sa Brazil. Paano ako maglilingkod sa misyon na ang gamit ay French?” Gayunpaman, dahil sa karanasang iyon sa templo, sinimulan kong mag-aral ng French.
Makalipas ang ilang buwan, ako ay nasa terminal ng bus sa São Paulo habang nagbabasa ng Aklat ni Mormon sa wikang French. Nang makita ng babaeng katabi ko ang pabalat ng aklat, sinimulan niya akong kausapin sa wikang French. Ilang buwan pa lamang akong nag-aaral ng wikang iyon, pero talagang naintindihan ko siya!
Nagulat ako na alam niya ang tungkol sa Aklat ni Mormon dahil nakilala niya ang mga missionary sa Paris, kung saan siya nakatira. Marami siyang itinanong sa akin tungkol sa mga Nephita at sa pagbisita ng Tagapagligtas sa mga lupain ng Amerika. Sa hindi maipaliwanag na paraan, nagawa kong makipag-usap sa kanya na parang nagsasalita ako sa katutubo kong wika. Masaya kong ibinigay sa kanya ang aking kopya ng Aklat ni Mormon.
Sa simula ng 2020, nagpunta ako sa England para mag-aral ng Ingles sa pamamagitan ng isang exchange program. Nakilala ko roon ang isang babae mula sa Morocco. Ang kanyang mga tanong tungkol sa kung bakit hindi ako umiinom ng alak ay humantong sa talakayan tungkol sa Word of Wisdom, sa Simbahan, at sa Aklat ni Mormon. Ipinakita ko sa kanya ang aking kopya ng Aklat ni Mormon sa wikang French, at muli kong nasagot ang mga tanong tungkol sa ebanghelyo sa wikang French.
Natanto ko na dapat malaman ng mga tao ang tungkol sa ebanghelyo at sa espesyal na aklat na ito sa kanilang sariling wika at na magagamit ko ang Aklat ni Mormon na kasangkapan sa mga kamay ng Diyos para matulungan ang iba.
Ang Kaloob na mga Wika
Kalaunan, nang buksan ko ang aking mission call, nalaman ko na pupunta ako sa Temple Square sa Salt Lake City at magsasalita ng wikang Portuges.
“Talaga?” naisip ko. “Alam na ng lahat ng naroon ang tungkol sa Simbahan, at ni hindi sila nagsasalita ng wikang French sa Utah.”
Nang sabihin ko sa aking pamilya, itinanong ng aking ama, “Iiwanan mo ang iyong pagtuturo sa mataas na paaralan, ang iyong tahanan, ang iyong trabaho—lahat—para sa misyon? Magkano ang ibabayad nila sa iyo?” Nagulat siya nang sabihin kong ako mismo ang magbabayad sa gastusin para sa aking misyon.
Noong una, hindi ko alam kung bakit ako tinawag na maglingkod sa Utah, pero alam ng Ama sa Langit kung saan ako dapat mapunta. Sa Temple Square, agad kong nalaman na kung may alam kang 10 wika—o kahit 2 o 3—maaari kang magturo sa lahat ng 10 wika roon. Pinangasiwaan naming magkompanyon ang mga tour sa wikang Espanyol, Portuges, at Ingles sa Temple Square at sa Humanitarian Center sa Welfare Square. Nagturo rin kami online gamit ang iba’t ibang wika sa pamamagitan ng website na ComeuntoChrist.org.
Naranasan ko mismo ang kaloob na mga wika. Kapag may hangarin at sigasig tayong matuto ng wika, at kung magsisikap tayo, pagpapalain tayo ng Diyos sa mga mahimalang paraan na makatutulong sa ating magsalita at makaunawa.
Gustung-gusto kong basahin ang Aklat ni Mormon sa iba pang mga wika. Ang paggawa nito ay tumutulong sa aking mga kasanayan sa wika at nagpapalago sa aking patotoo at pag-unawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo.
Mga Walang Hanggang Pamilya
Sa tuwing tatawag ako sa bahay sa preparation day o araw ng paghahanda, nagbabahagi ako ng mga detalye tungkol sa mga tagumpay at karanasan sa misyon. Nagtuon ako sa pagkakatulad ko sa mga kapamilya ko, at nagkuwento sila tungkol kanilang mga pagbiyahe at mga pangyayari sa bahay. Ikinuwento pa nila sa akin kung paano nila pinakain ng pizza ang mga full-time missionary dahil nakarinig sila ng mga kuwento tungkol sa mabubuting tao sa Salt Lake City na nag-aalaga sa amin ng kompanyon ko.
16 na taon na ang lumipas mula nang pumanaw ang aking ina. Mahirap ang araw na iyon, pero alam ko na ang mga pamilya ay maaaring maging walang hanggan. Alam ko na makikita kong muli ang aking ina balang-araw. Alam ko na makikilala niya ako bilang kanyang anak. Maraming tao ang walang ganitong kaalaman.
Dahil doon ay nagmisyon ako. Dahil doon ay natuto ako ng mga bagong wika. At dahil doon ay nagsisikap pa rin akong tulungan ang iba na mahanap ang mga sagot ng ebanghelyo para sa kanilang sarili.