Liahona
Itataguyod at Pangangalagaan Tayo ng Diyos
Agosto 2024


“Itataguyod at Pangangalagaan Tayo ng Diyos,” Liahona, Ago. 2024.

Itataguyod at Pangangalagaan Tayo ng Diyos

Tulad ni Kapitan Moroni, tayo ay maaaring makatanggap ng banal na tulong at kapangyarihan para sa mga pakikipaglaban natin sa buhay.

si Kapitan Moroni hawak ang bandila ng kalayaan

Mga paglalarawan ni Eric Chow

Noong una kong nabasa ang Aklat ni Mormon, nasiyahan ako sa kasaysayan ng mga laban sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. Humanga ako sa pananampalataya, katalinuhan, at mga taktikang ginamit ni Kapitan Moroni, isang kumander ng militar na itinalagang pinuno ng lahat ng hukbo ng mga Nephita noong siya ay 25 taong gulang lamang. Siya ay matalino, malakas, at alisto. Talagang nakatuon siya sa kalayaan at kapakanan ng kanyang mga tao. (Tingnan sa Alma 48:11–12.)

Sa halip na akuin ang tagumpay ng militar sa kanyang sarili, iniugnay ni Moroni ang tagumpay sa Diyos at sa sagradong suportang natanggap ng kanyang mga hukbo mula sa mga babae at batang hindi lumaban. Sinabi niya sa isang natalong pinuno ng kaaway: “Ibinigay kayo [ng Panginoon] sa aming mga kamay. At ngayon nais kong maunawaan ninyo na ito ay … dahil sa aming relihiyon at sa aming pananampalataya kay Cristo.” Pagkatapos ay ibinahagi ni Moroni ang kabatirang ito ng propeta: “Ang Diyos ay itinataguyod, at inaaruga at pinangangalagaan kami, hangga’t kami ay tapat sa kanya, at sa aming pananampalataya, at sa aming relihiyon” (Alma 44:3, 4).

Sa paglipas ng panahon, natanto ko na nagpakita si Moroni ng mga alituntuning magagamit natin upang tulungan tayong harapin ang mga hamon ng ating makabagong buhay. Kapag nananampalataya tayo kay Jesucristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan, pagpapalain Niya tayo ng Kanyang kapangyarihan. Pero para magawa Niya ito at mahiwatigan natin ang Kanyang mga pagpapala, kailangan nating maunawaan ang ating layunin, bumuo ng istratehiya para sa tagumpay, at maghanda para sa mga metaporikal na pakikipaglaban natin, tulad ng paghahanda at pagharap ni Moroni sa mga tunay na laban sa kanyang buhay. Habang ginagawa natin ito, itataguyod at pangangalagaan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Pag-unawa sa Ating Layunin

Paulit-ulit na ipinaalala ni Moroni sa mga tao kung sino sila (mga tagapagmana ng tipang Abraham), kung kanino sila (mga minamahal na anak ng Diyos), at kung ano ang dahilan bakit sila nakikipaglaban (pamilya, pananampalataya, at kalayaan). Itinuro ni Moroni sa kanyang mga tao na sila ay nakikipaglaban para sa kanilang kaligtasan at para sa kalayaan laban sa pang-aapi at pagkaalipin. Kabaligtaran nito, nakikipaglaban ang kanilang mga kaaway para sa personal na pagpapalakas at kapangyarihan sa pamamagitan ng pananakop sa iba.

Nang hangarin ng ilang Nephita na agawin ang awtoridad para sa personal na kapakinabangan, pinunit ni Moroni ang kanyang bata at isinulat niya sa isang piraso nito ang mahahalagang bahagi ng kanyang mensahe: “Sa alaala ng ating Diyos, ating relihiyon, at kalayaan, at ating kapayapaan, ating mga asawa, at ating mga anak.” Itinaas niya ang watawat na ito, na tinawag niyang “bandila ng kalayaan,” sa dulo ng isang mahabang kahoy at ginamit ito upang ipaalala sa mga tao kung para saan ang labang ito at upang himukin sila sa layunin. (Tingnan sa Alma 46:12–13, 19–20.)

Sa mga espirituwal na laban sa buhay, “ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa … mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa [kadiliman] … [at] laban sa hukbong espirituwal ng kasamaan” (Efeseo 6:12). Kailangan ding ipaalala sa atin kung ano ang layunin ng laban na ito. Ipinahayag ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004), dating miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang ideyang ito sa isang malinaw, bagama’t maikli, na pag-uusap.

Noong 2004, binisita ko si Elder Maxwell sa kanyang silid sa ospital bago siya pumanaw. Napakabait niya sa lahat ng bumisita o tumulong sa kanya. Pumasok sa kanyang silid ang mga doktor at narses at lumabas na umiiyak. Sabi ko sa kanya, “Elder Maxwell, talagang napakahirap nito.” Siya ay tumawa at nagsabing, “Ah, Dale, tayo ay mga walang hanggang nilalang na nabubuhay sa mortal na mundo. Wala tayo sa angkop na lugar o sitwasyon, tulad ng isdang wala sa tubig. Kapag mayroon tayong walang hanggang pananaw ay doon lamang magkakaroon ng katuturan ang mga ito.”

Kailanman ay hindi natin dapat kalimutan ang malaking bahagi ng ating likas na kabanalan at walang hanggang tadhana at ang mga puwersa ng diyablo na kumakalaban sa atin. Ang tamang pag-unawa sa plano ng Ama sa Langit ay maghihikayat sa atin na patuloy na makipaglaban para sa ating walang hanggang kaligtasan at para sa ating kalayaan mula sa espirituwal na pagkaalipin.

mga taong naghahanda ng mga muog

Pagbuo ng Istratehiya para sa Tagumpay

Sa kabuuan ng mga laban na hinarap ng kanyang mga hukbo, bumuo ng istratehiya si Moroni upang tiyakin ang tagumpay. Gumamit siya ng mga tiktik upang tuklasin ang mga aktibidad at layunin ng kanyang mga kaaway. Humingi siya ng patnubay mula sa propetang si Alma. Pagkatapos ay ginamit ni Moroni ang inspiradong mungkahing iyon sa kanyang pamamaraan ng pakikidigma. Nagpadala siya ng mga panustos ayon sa pangangailangan, nagtalaga ng mas maraming sundalo sa mga lungsod na hindi gaanong napatatag. Madiskarte siyang bumuo ng mga plano ng gagawin batay sa bagong impormasyon.

Sa gayon ay nagkaroon siya ng kalamangan sa mga hukbo ng kaaway. Hindi siya nakuntento kailanman sa mga nakaraang tagumpay; sa halip, patuloy niyang pinagbuti ang kakayahan niya at ng kanyang mga hukbo na harapin ang mga paparating na hamon.

Maaari rin tayong gumamit ng mga katulad na pamamaraan upang harapin ang mga espirituwal na kalaban. Makapagsisimula tayo sa pagtukoy sa kung ano ang tinatangkang gawin ni Satanas sa ating buhay. Tinatangka niyang ilihis tayo sa ating layunin. Kapag nahaharap sa tukso, dapat nating itanong sa ating sarili:

  • Paano maihahambing ang pagkilos ko sa inihayag na salita ng Diyos?

  • Ano ang mga kahihinatnan ng pagsasagawa ng pagkilos na ito?

  • Matutulungan ba ako ng pagkilos na ito na maisakatuparan ang aking layunin sa lupa?

Dapat din nating tukuyin ang kalaunang kahihinatnan ng pagpapatangay maging sa maliliit na tukso. Kapag nagpapatangay tayo sa tukso, tayo ay “unti-unting [nalalason]” (Alma 47:18), isang napakaepektibong istratehiyang ginagamit ng mga kapangyarihan ng kasamaan na maaaring humantong sa mga espirituwal na nakamamatay na resulta.

Mapatatatag natin ang ating sarili laban sa mga tukso ni Satanas sa pamamagitan ng pagsunod sa tagubiling natatanggap natin mula sa ating propeta sa mga huling araw. Ang paggawa nito ay tumutulong sa atin na magkaroon ng walang hanggang pananaw kung saan susuriin ang ating mga pagkilos. Ang paggawa ng istratehiya kung paano natin haharapin ang mga tuksong darating sa iba’t ibang aspeto ng ating buhay ay makatutulong sa atin na gumawa ng mga mas wastong pagpili sa sandaling iyon. Ang mga inihandang istratehiya at pamamaraan ay tutulong na ipagtanggol tayo mula sa mga panggagambala sa ating walang hanggang layunin.

Ang isang halimbawa niyon ay ang teknolohiya. Ang teknolohiya ay maaaring maging isang espadang may dalawang talim, kapwa nakatutulong at nakapipinsala, depende sa kung paano natin ito ginagamit. Upang matulungan tayong gumawa ng matatalinong pagpili na nauukol sa ating mga device, maaaring basahin ng mga bata at matanda ang “Taking Charge of Technology” at Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili. Ipinapaalala ng mga ito sa atin ang ating layunin, itinuturo tayo kay Jesucristo, at tinutulungan tayong anyayahan ang Espiritu Santo sa ating buhay. Ang pagpaplano kung paano, kailan, at saan natin gagamitin ang teknolohiya ay magpapatatag sa atin laban sa mga mas mababang uri at makamundong taktika.

mga Lamanita na sumasalakay sa mga muog ng mga Nephita

Paghahanda para sa mga Metaporikal na Laban

Dahil inaasahan na may magaganap na mga pakikipaglaban, isa-isang inihanda ni Moroni ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng mga baluti sa dibdib, kalasag, helmet, at makakapal na damit. Sama-sama niyang inihanda ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng pagpapalibot ng mga muog sa mga lungsod, gumagawa ng mga tagaytay ng lupa sa paligid ng mga ito.

Sa espirituwal na aspeto, isa-isa nating inihahanda ang ating sarili sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa Diyos na naglalapit sa kapangyarihan ni Jesucristo sa ating buhay. Nagsasagawa tayo ng personal at sarilinan na kilos ng katapatan tulad ng pagdarasal, pag-aayuno, at pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan. Kumikilos din tayo nang may pananampalataya, tumutugon sa espirituwal na patnubay na natatanggap natin. Tapat tayong naghahanda para sa sakramento at karapat-dapat na tumatanggap nito. Habang ginagawa natin ito, nagiging mas malakas ang impluwensya ng Tagapagligtas sa ating buhay, tulad ng impluwensya Niya kay Moroni, na matatag sa kanyang pananampalataya kay Jesucristo. Alam ni Moroni na makakaasa siya sa Tagapagligtas para sa patnubay at kaligtasan (tingnan sa Alma 48:16). Tayo rin ay maaaring umasa kay Jesucristo para sa patnubay at kaligtasan.

Tayo ay higit na makapaghahanda sa pamamagitan ng pagpapatatag ng ating mga pamilya. Inorganisa tayo ng ating Ama sa Langit sa mga pamilya upang tulungan tayong maging masaya at matuto kung paano makabalik sa Kanya. Ang ating mga pamilya ay maaaring pagmulan ng tulong para sa atin. Makadarama tayong lahat ng kagalakan at pagmamahal sa pamamagitan ng pag-alaala na tayo ay bahagi ng dakilang pamilya ng Diyos, anuman ang sariling kalagayan ng ating mga pamilya.

Magagawa nating sama-samang magkaroon ng lakas at maghanda para sa ating mga espirituwal na laban habang umaanib tayo sa mga komunidad ng mga Banal. Ang ating mga stake at district ay nagbibigay ng gayong kanlungan at depensa. Espirituwal nating mapangangalagaan ang isa’t isa, matutulungan ang isa’t isa na sundin ang mga kautusan ng Diyos, at mahihikayat ang isa’t isa na umasa kay Cristo, sa tuwina at lalo na sa mga oras ng hamon. Kapag nagtitipon tayo, natatanto natin na hindi lamang natin mag-isang hinaharap ang ating mga laban. Mayroon tayong mga kaibigan, guro, at lider na maaaring makatulong at magprotekta sa atin. Mas malakas tayong lahat kapag magkakasama tayong naghahanda.

Kapansin-pansin na iniugnay ni Moroni ang lahat ng kaligayahan ng kanyang mga tao sa pagiging tapat sa kanilang pananampalataya sa Diyos at sa kanilang relihiyon. Tulad ni Moroni, dapat nating matanto na dumarating ang kagalakan dahil sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano at dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag nauunawaan natin ang ating layunin, bumubuo tayo ng istratehiya para sa tagumpay, at naghahanda tayo para sa mga metaporikal na laban, nakatatanggap tayo ng banal na tulong at kapangyarihan.

Tulad ni Moroni, alam ko na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay naghahatid ng ganap na kalayaan mula sa pagkaalipin—kalayaan mula sa kamatayan at kasalanan. Binibiyayaan Nila tayo ng Kanilang kapangyarihan kapag umaasa at nagtitiwala tayo sa Kanila sa lahat ng bagay.