Liahona
Mas Matatag sa Pananampalataya kay Cristo
Agosto 2024


“Mas Matatag sa Pananampalataya kay Cristo,” Liahona, Ago. 2024.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Helaman 3

Mas Matatag sa Pananampalataya kay Cristo

Paano tayo magkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo na sapat para sa lahat ng panahon ng buhay?

mag-asawang magkasamang nagbabasa sa mesa

Sa ikatlong kabanata ng Helaman, mababasa natin ang tungkol sa isang panahon ng “patuloy na kapayapaan” (Helaman 3:23) at “napakalaking pag-unlad sa simbahan” (Helaman 3:24). Libu-libo ang nabinyagan, at “napakaraming pagpapala ang ibinuhos sa mga tao, na maging ang matataas na saserdote at mga guro na rin ay nanggilalas nang di masusukat.” (Helaman 3:25).

Nakalulungkot na ang ilan sa “mga taong nagpahayag na kabilang sila sa simbahan ng Diyos” (Helaman 3:33) ay naging palalo at nagsimulang usigin ang mga kapwa nila miyembro ng Simbahan (tingnan sa Helaman 3:34). “Ngayon, ito ay … naging dahilan upang ang higit na mapagpakumbabang bahagi ng mga tao ay magdanas ng malulupit na pag-uusig, at dumanas ng labis na pagdurusa” (Helaman 3:34).

Naiisip ko na napakasakit nito para sa mga mapagpakumbabang miyembro ng Simbahan. Kung tutuusin, ilang taon pa lamang ang nakararaan, magkasamang nakipaglaban ang mga tao upang hadlangan ang pagsalakay ng mga Lamanita (tingnan sa Helaman 1). Gayunman, sa pagkakataong ito, ang mga paghihirap ay nagmula sa loob. Ang mga nang-uusig ay ang mga taong nakilala nila at nakasamang manalangin at matuto at sumamba.

Sa gitna ng gayong pagdurusa, paano tumugon ang “higit na mapagpakumbabang bahagi ng mga tao”? Ano ang nakatulong sa kanila na matiis ang kabalintunaan ng pang-uusig ng mga taong minsang nagsabing sila ay mga kapwa disipulo ni Cristo?

Makikita sa Helaman 3:35 ang kasagutan: “Sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa paghahandog ng kanilang mga puso sa Diyos” (idinagdag ang diin).

Isipin natin kung paano tayo, tulad ng mga Banal sa panahon ni Helaman, maaaring “tumatag nang tumatag sa … pananampalataya kay Cristo” habang sama-sama nating hinaharap ang inilarawan ni Pangulong Russell M. Nelson bilang “pinakamagulong panahon sa kasaysayan ng mundo,” isang panahon ng “mahihirap na hamon.”

si Nephi na binubuhat nina Laman at Lemuel

Dalawang Halimbawa ng Pananampalataya ni Nephi

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga karanasan ng kalalakihan at kababaihan na tumatag nang tumatag sa pananampalataya kay Cristo habang hinaharap ang mga hamon ng kanilang panahon. Halimbawa, mangyaring pagnilayan ang tapat na tugon ni Nephi sa dalawang nakaaantig na karanasan na halos magkatulad noong una pero magkaiba ang hamon sa huli.

Nang bumalik si Nephi at ang kanyang mga kapatid mula sa Jerusalem kasama si Ismael at ang pamilya nito, naghimagsik sina Laman at Lemuel at ang iba pa (tingnan sa 1 Nephi 7:6–7). Si Nephi ay nanawagan sa kanila na magsisi at nagsumamo sa kanila na alalahanin ang Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 7:8–15). Nagalit sina Laman at Lemuel kay Nephi at iginapos nila ang mga kamay at paa nito gamit ang mga lubid at iniwan ito upang mamatay sa ilang (tingnan sa 1 Nephi 7:16).

Bagama’t nakakalungkot ang ginawa ng kanyang mga kapatid, at hindi alintana ang takot na maaaring nadama niya, pinili ni Nephi na manatiling matatag sa pananampalataya kay Cristo. Siya ay “nanalangin sa Panginoon, sinasabing: O Panginoon, alinsunod sa pananampalataya ko na nasa sa inyo, loobin ninyong maligtas ako mula sa mga kamay ng mga kapatid ko; oo, maging bigyan ninyo ako ng lakas upang malagot ko ang mga lubid na ito na gumagapos sa akin” (1 Nephi 7:17).

Kaagad at mahimalang nasagot ang panalangin ni Nephi! “Ang mga lubid ay nakalag mula sa [kanyang] mga kamay at paa, at [siya] ay tumayo sa harapan ng [kanyang] mga kapatid, at … nangusap sa kanila” (1 Nephi 7:18). Malamang ang puso ni Nephi ay napuspos ng pasasalamat sa Panginoon sa pagliligtas sa kanya.

Gayunman, hindi ito ang huling pagkakataon na igagapos nina Laman at Lemuel ang kanilang kapatid gamit ang mga lubid. At sa susunod na pagkakataon, ang pagliligtas kay Nephi ay lubhang maiiba sa unang pagkakataon at patutunayan, muli, ang katatagan ng pananampalataya ni Nephi kay Cristo.

Makalipas ang maraming taon, habang tumatawid sa dagat patungo sa lupang pangako, sina Laman at Lemuel at ang mga anak na lalaki ni Ismael ay nagsimulang kumilos nang may “labis na kagaspangan” at kalimutan ang kapangyarihan ng Panginoon na nagpala sa kanilang paglalakbay (tingnan sa 1 Nephi 18:9). Si Nephi ay muling nanawagan sa kanila na magsisi, at muling nagalit sa kanya sina Laman at Lemuel (tingnan sa 1 Nephi 18:10). Tulad ng ginawa nila noon, sinunggaban nila si Nephi at iginapos ito gamit ang matitibay na lubid (tingnan sa 1 Nephi 18:11–12).

Ano ang inisip ni Nephi nang igapos siya gamit ang mga lubid sa ikalawang pagkakataon? Ano kaya ang iisipin mo o ang iisipin ko kung natagpuan nating muli ang sarili natin sa kalagayang ito? Marahil ay iisipin natin, “Naranasan ko na ito noon! Alam ko na kung ano ang gagawin. Kung mananalangin ako sa Panginoon, kaagad at mahimala Niya akong ililigtas.” Hindi natin alam kung ano ang inisip ni Nephi, pero alam natin na bagama’t magkatulad ang dalawang karanasang ito, ang mga agarang resulta nito ay hindi. Sa pagkakataong ito, hindi kaagad maliligtas si Nephi mula sa kanyang mga kapatid, kundi sa halip ay titiisin niya ang apat na araw ng pagdurusa sa kanilang mga kamay (tingnan sa 1 Nephi 18:14–15).

Ginugunita ang nauna niyang karanasan, maaaring nanalangin si Nephi nang may malaking tiwala para sa agarang kaligtasan. Nang hindi dumating ang gayong kaligtasan, maaaring nadismaya si Nephi, nanghina ang kanyang pananampalataya dahil sa pag-aalinlangan. Sa paglipas ng mga oras at araw, at sa pagtindi ng sakit na nararanasan niya, ang bumibigat na pasanin ng pagkadismaya at pag-aalinlangan na iyon ay maaaring nakadurog sa pananampalataya ni Nephi. Maaari siyang bumulung-bulong, “Bakit hindi pa ako naliligtas?” Hindi ba mas malalim ang kanyang pananampalataya ngayon—mas husto at ganap—kaysa noong unang beses siyang igapos? Hindi ba nadagdagan ang kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng mga makapangyarihang karanasan sa Liahona, sa kanyang nabaling busog, at sa isang sasakyang-dagat na ginawa sa ilalim ng patnubay ng Panginoon mismo?

Sa halip na madismaya o mag-alinlangan, nanatiling matatag si Nephi sa kanyang pananampalataya. Ang kanyang pananampalataya ay hindi nakatuon sa panahon o paraan ng pagliligtas sa kanya, ni nakasalalay sa inaasahang kahihinatnan nito. Ang pananampalataya niya ay walang kondisyon. Ang pananampalataya ni Nephi ay matatag na nakatuon kay Jesucristo—anuman ang mangyari. Dahil sa pananampalatayang iyon, nagawa niyang isulat, “Ako ay umasa sa aking Diyos, at pinapurihan siya sa buong maghapon; at hindi ako bumulung-bulong laban sa Panginoon dahil sa aking mga paghihirap” (1 Nephi 18:16).

Mangyaring pansinin na ang katatagan ng pananampalataya ni Nephi kay Cristo ay nagtulot sa kanya na mapanatag sa gitna ng kanyang mga paghihirap at mapuspos ng pagmamahal para sa Diyos sa kabila ng kanyang pasakit. Siya ang katauhan ng ituturo kalaunan ng kanyang kapatid na si Jacob:

“Umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip, at manalangin sa kanya nang may labis na pananampalataya, at kanya kayong aaluin sa inyong mga paghihirap. …

“… Itaas ninyo ang inyong mga ulo at tanggapin ang kasiya-siyang salita ng Diyos, at magpakabusog sa kanyang pagmamahal; sapagkat maaari ninyong gawin ito, kung matatag ang inyong mga isipan, magpakailanman” (Jacob 3:1–2; idinagdag ang diin).

video ng Biblia na naglalarawan kay Jesucristo na nakaupo sa balon

Maaari Tayong Magpatuloy nang may Pananampalataya

Binibigyan tayo kapwa ni Nephi at ng mga Banal noong panahon ni Helaman ng pag-asa na, sa tulong ng Panginoon, maaari tayong maging mas matatag sa ating pananampalataya kay Cristo. Habang binabasa mo ito, maaari kang mapaisip kung angkop sa iyo ang pag-asang ito. Mapanatag tayong lahat at magkaroon ng lakas-ng-loob mula sa mga salitang ito mula sa ating mahal na propetang si Pangulong Nelson:

“Ang Panginoon ay hindi humihingi ng perpektong pananampalataya para magamit natin ang Kanyang perpektong kapangyarihan. Ngunit hinihingi Niya na maniwala tayo. …

“… Nariyan sa tabi ninyo ang Tagapagligtas lalo na kapag hinaharap o inaakyat ninyo ang isang bundok nang may pananampalataya.”

Sa huli, tulad ng itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “karamihan sa atin ay nasa gitna ng dalawang uri ng pakikibahagi sa ebanghelyo; ang isa ay pakikibahagi sa ebanghelyo dahil sa nahikayat ng iba at, ang isa naman ay lubos at taos-pusong katapatan, tulad ni Cristo na gawin ang kalooban ng Diyos. Sa dalawang uring ito ng pakikibahagi, ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo ay pumapasok sa ating puso at siyang humihikayat sa ating kaluluwa. Maaaring hindi ito mangyari sa isang iglap, ngunit tayong lahat ay dapat sumulong patungo sa pinagpalang kalagayan na iyon.”

Kaya, sa gitna ng mga kakaibang pagsubok at kapighatian sa ating panahon, nawa’y magpasiya tayo—nang minsanan at sa walang hanggan—na piliing manampalataya kay Jesucristo, isang pananampalatayang sapat para sa lahat ng panahon ng buhay. Nawa’y magsikap tayo at mag-ayuno at manalangin upang maging mas matatag sa pananampalataya kay Cristo at, nang may matatag na isipan, matanggap ang Kanyang kapanatagan sa ating mga paghihirap at magpakabusog sa Kanyang pagmamahal magpakailanman.

Sa layuning iyon, pinatototohanan ko ang katotohanan ng natatanging patotoo ni Pangulong Nelson: “Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo.”