Digital Lamang
Ginhawa sa Pakikipagtuwang sa Diyos
Mula sa “Our Covenant Relationship with God: A Wellspring of Relief,” na ibinigay sa mga estudyante sa Brigham Young University sa Provo, Utah, USA, noong Oktubre 24, 2023.
Bawat isa sa inyo ay may pagkakataong makipagtuwang sa inyong Ama sa Langit at sa Tagapagligtas sa malalim at makapangyarihang mga paraan sa pamamagitan ng inyong pakikipagtipan.
May ginhawa sa pakikipagtuwang sa Diyos. Hindi tayo kailanman nag-iisa.
Bawat isa sa inyo ay may pagkakataong makipagtuwang sa inyong Ama sa Langit at sa Tagapagligtas sa malalim at makapangyarihang mga paraan sa pamamagitan ng inyong pakikipagtipan. May malaking ginhawa sa pag-alam na hindi kayo kailanman nag-iisa sa inyong mga kalungkutan, inyong mga hamon, inyong mga desisyon, inyong mga kawalan ng kapanatagan, o inyong mga kahinaan. Mahal kayo ng Diyos, ang Ama ng ating espiritu. At sa pamamagitan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, at ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, lahat ng pagpapalang nais ng Ama para sa inyo ay makukuha sa pakikipagtipang ito.
Kapag tinanggap natin ang mga ordenansa at tipan kapwa sa binyag at kumpirmasyon at sa Kanyang banal na bahay, hindi pa tayo tapos sa pag-aaral tungkol sa mga tipan at kapangyarihan ng priesthood. Hindi pa tayo tapos sa pag-aaral tungkol sa Panginoon at sa Kanyang mga paraan. Hindi pa tayo tapos sa pag-aaral kung sino tayo talaga.
Ang pagtanggap ng mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ay simula pa lamang. Hindi ito isang item ng transaksyonna nasa isang checklist kundi ang simula ng magandang bigkis sa tipan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang landas ng tipan ay tungkol sa ating ugnayan sa Diyos.” Pakinggan ang mga salita ng propeta nang ilarawan Niya ang pakikipagtipang ito at kung paano kayo nais na pagpalain ng Diyos:
“Kapag nakipagtipan tayo sa Diyos, nililisan natin ang [sitwasyon na hindi tayo pumapanig sa mabuti man o sa masama]. Hindi tatalikuran ng Diyos ang Kanyang ugnayan sa mga taong nagkaroon ng gayong pagkakabigkis sa Kanya. Sa katunayan, ang lahat ng nakipagtipan sa Diyos ay maaaring makatanggap ng espesyal na uri ng pagmamahal at awa. Sa wikang Hebreo, ang pagmamahal na hatid ng tipan ay tinatawag na hesed (חֶסֶד). …
“Dahil ang Diyos ay may hesed para sa mga nakipagtipan sa Kanya, mamahalin Niya sila. Siya ay patuloy na makikipagtulungan sa kanila at magbibigay sa kanila ng mga pagkakataong magbago. Patatawarin Niya sila kapag nagsisisi sila. At kung maligaw sila, tutulungan Niya silang mahanap ang daan pabalik sa Kanya.
“Kapag kayo at ako ay nakipagtipan sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa noong bago tayo makipagtipan. Ngayon ay nakabigkis na tayo sa isa’t isa. Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. Ang Diyos ay may espesyal na pagmamahal para sa bawat isa sa atin. Malaki ang [pag-asa] Niya para sa atin.”
Nadarama ba ninyo ang pagmamahal ng Diyos para sa inyo sa mga salitang ito? Bilang isang sister na hindi pa naikakasal, ang mapagmahal at maawaing pakikipagtipang ito sa aking Ama sa Langit at sa Tagapagligtas ay may makapangyarihang puwang sa aking buhay at noon pa man at hanggang ngayon ay ang pinakamalaking pinagmumulan ng aking ginhawa at kapayapaan. Naghahatid ito sa akin ng di-mailarawang kapanatagan, banal na kagalakan, at malalim at matibay na katiyakan na ako ay minamahal bilang Kanyang anak na babae at na kabilang ako sa Kanyang walang-hanggang pamilya. Alam ko na ako ay kilala Niya at nauunawaan nang lubos.
May asawa man tayo o wala o anuman ang ating pinagmulan, nais ng Panginoon na makatuwang natin Siya sa mabisang paraan—na “maging “isa” (3 Nephi 19:23) sa Kanya sa “lahat ng [ating] gawain” (Alma 37:37). Hindi natin kailangang makipagsapalarang mag-isa sa buhay, at hindi tayo nilayong magkagayon. Maaari nating piliing makatagpo ng ginhawa sa pakikipagtuwang sa Panginoon sa pamamagitan ng ating mga tipan.
Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2023, sinabi ni Pangulong Camille N. Johnson: “Mga kapatid, hindi ko magagawang kumilos nang mag-isa, at hindi ko kailangang gawin iyon, at hindi ko gagawin iyon. Sa pagpili na mabigkis sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo, sa pamamagitan ng mga pakikipagtipan ko sa Diyos, ‘Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo] na nagpapalakas sa akin’ [Filipos 4:13].”
“Si Jesucristo ang sentro ng [ating mga] tipan. Sa pamamagitan lamang Niya at ng Kanyang sakripisyo tayo maaaring makipagtipan sa Diyos. Naging posible ang lahat ng bagay nang daigin ng Tagapagligtas ang imposible. Siya ay “Diyos ng mga himala,” isang Diyos ng pag-ibig (Mormon 9:11; tingnan din sa mga talata 11–21). At patuloy na lumalago ang pagmamahal ko sa Kanya bawat araw.
Kapag nadarama natin ang Kanyang pagmamahal at ginagantihan ang pagmamahal na iyon sa pamamagitan ng pagpili sa Kanya bawat araw, mas ginaganahan tayong sundin ang ebanghelyo nang dahil sa pagmamahal at sarili nating paghahangad kaysa dahil sa inaasahan tayong sundin iyon. Dahil dito ay lumalago ang mga tunay na ugat ng ebanghelyo sa bawat isa sa atin, na nagdudulot sa atin ng walang-hanggang pangangalaga at kagalakan. Ang “pagmamahalang ito sa loob ng tipan” ay tumutulong sa atin na magtiis kapag hindi talaga sapat ang tungkulin o mga ginagawa natin.
Lahat ng mga pagpapala ng maawaing Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay ipinangako sa pamamagitan ng inyong pakikipagtipan sa Diyos. Hayaang tuparin Niya ang Kanyang mga hangarin na pagpalain kayo! Mamuhunan sa relasyong iyan, magsikap na tuparin ang inyong mga tipan, hangaring magsisi nang madalas, gumugol ng oras sa Panginoon, matuto tungkol sa Kanya, at mahalin Siya nang buong puso. Wala nang mas dakilang hangarin at wala nang mas kasiya-siya o makabuluhan kaysa sa “ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesucristo, na iyong isinugo” (Juan 17:3).