“Isang Kilo ng Pagmamahal,” Liahona, Ago. 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Isang Kilo ng Pagmamahal
Ang mga panahon ng krisis, kasalatan, at paghihirap ay maaaring magpalabas ng pinakamaganda sa bawat isa sa atin.
Upang matustusan ang aming pamilya, masigasig na nag-aalok ng paghatid at pagsundo ng pasahero ang asawa ko gamit ang kanyang motorsiklo. Kamakailan lamang ay naaksidente siya sa daan pero mahimalang hindi siya nakaranas ng matinding pinsala. Gayunman, kailangan niyang magpagaling habang kinukumpuni ang kanyang motorsiklo.
Dahil hindi makapagtrabaho ang asawa ko, nag-alala kami. Wala kaming ibang pagkakakitaan, at lalo pang tumindi ang pag-aalala namin dahil sa krisis sa ekonomiya ng aming bansa.
Sa sacrament meeting noong sumunod na Linggo matapos ang aksidente ng asawa ko, dalawa sa mga mensahe ang nakatuon sa pagkahabag at kung paano kami magkakaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo. Pagkatapos, nilapitan ako ng isa sa mga miyembro ng aming ward upang sabihin na may isang miyembro ng branch na talagang nangangailangan ng pagkain. Tinanong niya kung maaari kaming mag-ambag ng “isang kilo ng pagmamahal”—isang kilo (2.2 lbs.) ng anumang uri ng pagkaing mayroon kami sa bahay. Sinabi ko sa kanya na makakaasa siya sa aming suporta.
Nang dumating ang pamilya namin sa bahay pagkatapos magsimba, tinalakay ko sa aking asawa ang napag-usapan namin. Kami mismo ay may sariling pagsubok, pero nadama naming pinagpala kami kahit paano.
“Bagama’t dumaranas tayo ng mahihirap na panahon,” sabi niya, “mayroon tayong sapat para sa araw-araw, at marahil ay may kaunti pang maibabahagi.”
Noong hapong iyon, hiniling ng isang kapitbahay na nakarinig tungkol sa aksidente ng aking asawa na bumisita kami. Pagdating namin, binigyan kami ng kapitbahay ng isang kahon na puno ng 7 kilo (15 lbs.) ng pagkain, na may kasama pang ibang mga bagay na kailangan namin. Nagulat kami. Kapwa namin hindi inasahan ang gayong uri ng pagpapala.
Habang kinakausap ko ang aking asawa tungkol sa karanasang ito, hindi ko maiwasang makita ang kamay ng Diyos at pasalamatan Siya sa Kanyang matinding pagmamahal para sa amin. Nakita Niya ang kahandaan naming ibahagi kung ano ang maaari naming ibahagi—isang kilo ng pagmamahal—at biniyayaan kami ng pitong beses na higit sa dami ng aming handog.
Ang mga panahon ng pagsubok at kasalatan ay maaaring magpalabas ng pinakamaganda sa bawat isa sa atin. Binibigyan tayo ng mga ito ng mga pagkakataong taglayin at ipakita ang mga katangiang tulad ng kay Cristo. Alam ko na hindi lahat ng pagpapakita ng pagmamahal ay nagbubunga ng mga agarang pagpapala bilang kapalit, pero alam ko na binabantayan ng Panginoon ang Kanyang mga anak. Sasagutin Niya ang ating mga panalangin habang sinasagot natin ang mga panalangin ng iba sa pamamagitan ng paglilingkod at pagbabahagi—kahit na ang tanging maibibigay natin ay isang kilo ng pagmamahal.