Liahona
Kapag ang mga Espirituwal na Karanasan ay Naiiba sa Inaasahan Mo
Agosto 2024


“Kapag ang mga Espirituwal na Karanasan ay Naiiba sa Inaasahan Mo,” Liahona, Ago. 2024.

Mga Young Adult

Kapag ang mga Espirituwal na Karanasan ay Naiiba sa Inaasahan Mo

Ang payo ng aking mga guro sa paghahanda para sa templo ang nagpabago ng paraan ng pag-iisip ko tungkol sa pagdama sa Espiritu.

Gilbert Arizona Temple

Larawan ng Gilbert Arizona Temple na kuha ni Ronald Lee Enloe

Magkasama naming natanggap ng nakababata kong kapatid na babae ang aming endowment, ilang araw lamang bago siya umalis para magmisyon. Sabik akong dumalo sa templo kasama niya, at handa na akong gawin ang susunod na hakbang sa landas ng tipan.

Pero noong araw na iyon, napakaraming masisidhing damdamin ang nadama ko. Katapusan iyon ng tag-init. Isang semestre sa paaralan na puno ng hamon ang haharapin ko. Dahil sa paghahanda sa aking pagbabalik sa kolehiyo, pag-iwan sa aking pamilya, at pagpapaalam sa aking kapatid, bigla akong hindi mapakali.

At bagama’t maganda ang seremonya ng endowment, napakaraming bagong kaalaman at damdamin ang dapat isaalang-alang. Kaunting-kaunti lamang ang naunawaan ko at handa na akong umalis sa sandaling matapos ang sesyon.

Iba naman ang naging karanasan ng aking kapatid. Sa silid selestiyal, mahina at mausisa siyang nagtanong sa mga magulang ko tungkol sa endowment at tila mas marami siyang naunawaan kaysa sa akin. Samantala, nakaupo ako at halos walang masambit. Naaalala ko na pinipigilan ko ang mga luha ng pangkabigo at kahihiyan dahil ibang-iba ang karanasan ko sa kanya.

Saglit akong natuksong maghinanakit na hindi ko naranasan ang karanasang inasam ko. Pero naalala ko ang dalawang partikular na bagay na sinabi sa akin ng mga guro ko sa paghahanda para sa templo:

  1. Malamang na hindi ko mauunawaan ang lahat ng nangyari sa aking unang sesyon ng endowment. Sinabi nila sa akin na sa halip na sikaping maunawaan ang lahat sa mismong sandaling iyon, dapat kong sikaping magtuon sa payapang damdamin sa loob ng templo.

  2. Maaari kong lisanin ang templo na nakadarama ng espirituwal na kapaguran at kabigatan. At ayos lamang iyon.

Ang kanilang matalinong payo ay nagpakalma sa aking isipan at nanatili sa akin sa paglipas ng mga taon. Naniniwala ako na ang payo ring iyon ay makatutulong sa atin kapag sinusuri natin ang mga inaasahan nating iba pang mga espirituwal na karanasan, kapwa sa loob at labas ng templo.

Iangkop ang Iyong mga Inaasahan

Masaya kong masasabi na nasisiyahan na akong dumalo ngayon sa templo, at lumago ang pagkaunawa ko sa endowment nitong nakaraang ilang taon. Pero nauunawaan ko rin ang hangaring magkaroon ng mga partikular na inaasahan sa mga espirituwal na kaganapan, tulad ng pagtanggap ng iyong endowment o paglilingkod sa misyon. Nahuli ko pa nga ang aking sarili na umaasang magkakaroon ng isang mahalagang “espirituwal na karanasan” sa tuwing ako ay bumibisita sa templo o nagbabasa ng aking mga banal na kasulatan.

Pero natutuhan ko na hindi makatotohanan ang laging pagkakaroon ng mga pambihirang espirituwal na karanasan. Halimbawa, ang ilan sa mga pagbisita ko sa templo ay nagbigay-liwanag at nagpasigla, pero sa ibang pagkakataon naman ay nahirapan akong magtuon o manatiling gising.

Tulad ng pinatotohanan kamakailan ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga espirituwal na bagay ay hindi maipipilit. Maaaring makapaglinang kayo ng pag-uugali at kapaligiran na nag-aanyaya sa Espiritu, at maihahanda ninyo ang inyong sarili, pero hindi ninyo maididikta kung paano o kailan darating ang inspirasyon.”

Kung nabibigo ka sa pagtanggap ng paghahayag o pagdama sa Espiritu sa anumang dahilan, narito ang ilang paalala na nakatulong sa akin na madama na konektado ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sumulong nang may pananampalataya.

Tandaan na ang Espiritu ay Nakikipag-ugnayan sa Maraming Paraan

Bagama’t maaaring makapagbigay-inspirasyon na marinig ang tungkol sa mga espirituwal na karanasan ng iba, kung minsan ay madaling makadama ng pagkabigo kapag hindi katulad ng sa ibang tao ang ating mga karanasan.

Ang paghahambing ng karanasan ko sa templo sa karanasan ng aking kapatid ay nakapanghihina-ng-loob para sa akin. Dahil ayaw kong ang unang karanasang iyon ay humadlang sa pagtamasa ko sa mga pagpapala ng pagsamba sa templo, kinailangan kong sadyaing magpasiya na huwag nang pansinin ang pagkakaiba sa nadama at naunawaan namin ng kapatid ko noong araw na iyon.

Siguro ay naiisip mo na sana ay umiyak ka noong nadama mo ang Espiritu. Siguro ay iniisip mo na sana hindi mo ito ginawa! Siguro ay naiinggit ka kapag nakaririnig ka ng mga kuwento tungkol sa mga taong may mga panaginip at pangitain na naghahayag. Siguro ay hindi ka pa nakararanas ng pag-aalab sa iyong dibdib (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 9:8). O siguro ay may nagsabi na nadama nila ang Espiritu sa isang sitwasyon kung saan hindi mo talaga ito nadama.

Ang mabuting balita ay nangungusap sa atin ang Espiritu sa maraming paraan. Kung ang iyong mga paraan ay hindi katulad ng sa iba, hindi ibig sabihin nito na mali ang mga ito o na ang Espiritu ay hindi nakikipag-ugnayan sa iyo.

Kapag humihingi tayo ng tulong sa Ama sa Langit, matututuhan natin kung paano tukuyin ang paraan ng nakikipag-ugnayan sa atin ang Espiritu at mas lubos na masisiyahan sa ating mga personal na espirituwal na karanasan. Sinabi ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Mayroon tayong sagradong responsibilidad na matutuhang makilala ang [impluwensya ng Espiritu Santo] sa ating buhay at tumugon dito.”

Itala ang Iyong mga Espirituwal na Karanasan

Ang isang paraan upang makilala ang impluwensya ng Espiritu ay sa pamamagitan ng pagtatala ng iyong mga espirituwal na karanasan. Ito man ay nasa pisikal na journal, sa isang electronic note, o bilang voice memo, ang pagtatala ng iyong magagandang karanasan ay mabisang paraan hindi lamang para maalala ang mabubuting bagay na nadama mo kundi para maging mas mahusay rin sa pagkilala kung paano nangungusap sa iyo ang Espiritu.

Kung hindi mo alam kung saan magsisimula, subukang maging mapagmasid sa mga sandaling nakadarama ka ng kapayapaan, pasasalamat, inspirasyon, o kagalakan. Sinabi ni Elder Craig C. Christensen ng Pitumpu: “Ang ibig sabihin ng mapuspos ng Espiritu Santo ay mapuspos ng kagalakan. At ang ibig sabihin ng mapuspos ng kagalakan ay mapuspos ng Espiritu Santo [tingnan sa Mga Gawa 13:52; Mosias 4:3].”

Habang ginagawa mo ito, maaari mong matanto na mas nadarama mo ang Espiritu kaysa sa naisip mo noong una.

Unahin ang Taos-pusong Pakikipag-ugnayan sa Diyos

Dahil sinabihan tayong hangarin at asahan kapwa ang mga himala at personal na paghahayag (tingnan sa Mateo 7:7–8), maaaring nakapanghihina-ng-loob lalo na kapag nadarama natin na hindi natin natatanggap ang alinman dito. Kung minsa’y nagtataka ako kung bakit dapat akong patuloy na magtanong sa Diyos gayong tila hindi Niya sinasagot ang mga ito. Sa ganitong pag-iisip, nagiging mapag-alala at mapilit ako sa aking pakikitungo sa Kanya.

alagad na hinahawakan ang mga kamay ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas

Pero sinasabi sa atin sa mga banal na kasulatan, “Huwag hangaring pagpayuhan ang Panginoon, kundi tumanggap ng payo mula sa kanyang kamay” (Jacob 4:10). Napansin ko ang isang pagbabago noong tumigil akong tingnan ang paghahayag bilang tanging motibasyon ko na manalangin at sa halip ay unahin ang taos-pusong pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit. Ipinapaliwanag ko sa Kanya ang aking damdamin, inilalarawan ang aking mga alalahanin, ipinapahayag ang aking pasasalamat, at pagkatapos ay mapagpakumbaba kong hinihiling ang mga bagay na kulang sa akin. Nakadarama ako ng tunay na ugnayan sa Diyos kapag tumitigil ako sa pagtingin sa Kanya bilang isang “[kosmikong] vending machine,” tulad ng ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol.

At kahit hindi ako laging nakatatanggap ng agaran o malinaw na sagot, alam ko na lagi Siyang nakikinig sa akin. At sapat na iyon para patuloy akong sumulong.

Sundin ang mga Gabay na Alituntunin

Kapag naghahangad ng Espiritu at personal na paghahayag, mahalagang gawin ito sa loob ng tamang balangkas. Sa pagbanggit sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo, sinabi ni Elder Stevenson: “‘Ang pagkakaroon ng patnubay ng Espiritu Santo sa iyong buhay ay nangangailangan ng espirituwal na pagkilos. Kabilang sa pagkilos na ito ang tapat na panalangin at palagiang pag-aaral ng banal na kasulatan. Kabilang din dito ang pagtupad sa iyong mga tipan at sa mga kautusan ng Diyos. … Kabilang dito ang marapat na pagtanggap ng sakramento bawat linggo’ [Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 115].”

Pagkatapos ay nagbigay siya ng apat na karagdagang gabay na alituntunin para sa “pag-anyaya at pagtukoy sa mga pahiwatig ng Espiritu”:

  1. Tumayo sa mga Banal na Lugar: “Ang ating mga templo at tahanan ang pinakasagrado sa mga inilaang lugar na ito.”

  2. Makiisa sa mga Banal na Tao: “Kung umaasa kayong madama ang Espiritu, sumama sa mga tao kung kanino madaling makapananahanan ang Espiritu.”

  3. Patotohanan ang mga Banal na Katotohanan: “Ang Mang-aaliw ay palaging nagbabahagi ng Kanyang tinig kapag nagpapatotoo tayo gamit ang ating tinig.”

  4. Pakinggan ang Banal na Espiritu: “Banayad at tahimik lamang Siyang nangungusap. … Humanap ng isang tahimik na lugar, isang banal na lugar kung saan maaari ninyong hangarin na makatanggap ng patnubay mula sa Espiritu.”

Bagama’t maaaring hindi ito kagila-gilalas o nangyayari sa paraang inaasahan mo, sasamahan at gagabayan ka ng Espiritu habang ginagawa mo ang mga bagay na ito.

Isang Bagong Pananaw

Tulad ng ipinaalala sa akin ng mga guro ko sa paghahanda para sa templo, ayos lamang na hindi ko lubos na maunawaan ang ebanghelyo o, sa sitwasyon ko, ang templo. At kung minsan, ang ating espirituwal na paghahangad ay maaaring magdulot sa atin ng kaunting kapaguran. Ito ang mga sandali na makatutulong sa atin na matutong magtiyaga at muling suriin ang ating ugnayan sa Ama sa Langit at sa Espiritu Santo.

Napansin ko na kapag ginagamit ko ang mga damdaming iyon upang tulungan akong magtiyaga, kumilos nang may pananampalataya, at humingi ng tulong sa Ama sa Langit, ang mga inaasahan ko sa aking mga espirituwal na karanasan ay napupuno ng pananampalataya sa halip na pag-aalala at ng kapahingahan sa halip na kabiguan. Sa mga sandaling ito, nadarama ko ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa akin. At habang hinihintay ko ang mga sagot, ang pagmamahal na iyon ay laging sapat.