Digital Lamang: Mga Young Adult
Nahihirapan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan? Magpokus sa Kung Paano Ka Nagbabasa
Ang awtor ay naninirahan sa Kisumu, Kenya.
Nang sadyain kong pag-aralan ang mga banal na kasulatan, nakadama akong muli ng kapayapaan.
Alam ko na magiging hamon sa akin ang bumalik sa aming bayan pagkatapos ng misyon ko. Susubukan nito ang aking determinasyon at hangarin na patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo. Pero dahil sa mga karanasan ko sa misyon, alam ko rin na pagpapalain ako kung uunahin ko ang kapangyarihan at proteksyong maaaring idulot ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Kaya, bago ako umuwi, nagpasiya akong gawing mithiin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw.
Sa aking misyon, nagawa kong pag-aralan ang aking mga banal na kasulatan araw-araw. Ang espesyal na panahong ito sa piling ng Ama sa Langit ay nagpala sa buhay ko at nagpalalim sa pagmamahal ko sa mga banal na kasulatan.
Pero nang makauwi ako at lumipas ang panahon, naging abala ang buhay. Nagsimula akong dumalo sa mga klase sa BYU–Pathway Worldwide, nag-o-overtime ako sa trabaho, at patuloy akong naging abala.
Pumagitna ang cell phone ko at ang abala kong buhay sa pagitan ko at ng mga banal na kasulatan. Nagkaroon ng harang sa pagitan ko at ng Ama sa Langit. Nang sadyain kong pag-aralan ang mga banal na kasulatan, saka ko lang naalis ang harang at natagpuan ang daan pabalik sa aking Tagapagligtas.
Masigasig na Pagsasaliksik Laban sa Kaswal na Pagbabasa
Sa loob ng ilang panahon, nagbasa ako ng mga banal na kasulatan sa gabi at kapag may libreng oras ako sa umaga. Pero kahit nagbasa nga ako sa mga oras na ito, laging nakakatawag ng aking pansin ang cell phone ko. Kapag natapos ko na ang pag-aaral ko, hindi ko na maalala ang nabasa ko.
Sa isa sa mga kurso ko sa BYU–Pathway, nag-aral kami ng time management. Hinilingan kaming tingnan ang mga mithiin namin para sa taon na iyon at maghanap ng paraan para manatiling nakaayon sa mga iyon. Sa pagsasanay na ito, napilitan akong harapin at kilalanin ang sarili kong mga gawi. Natanto ko na hindi ko nakakamtan ang mithiin kong pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw.
Kaya patuloy kong ipinagdasal kung paano ako muling makakaayon sa orihinal kong mithiin at magiging mas masigasig na disipulo ni Jesucristo.
Pagkatapos ay natanto ko na ang problema ko ay kung paano ko pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan.
Noong isa siyang miyembro ng Pitumpu, itinuro ni Elder Merrill J. Bateman: “Upang makalapit kay Cristo at maging ganap sa kanya, kailangang tumanggap ng patotoo ang bawat tao sa mga salita ng Panginoon. Nadarapa ang ilang indibiduwal dahil hindi nila nabubuklat ang mga aklat, ang iba ay dahil kaswal na nagbabasa. Tulad ng inaasahan, may pagkakaiba sa pagitan ng masigasig na pagsasaliksik o ‘pagninilay tungkol sa mga banal na kasulatan’ at ng kaswal na pagbabasa.”
Kapag binubuklat ko ang mga banal na kasulatan na may hangaring pagnilayan at pag-aralan ang mga katotohanang nasa loob nito, pinaninibago ko ang antas ng aking pag-unawa sa ebanghelyo at nadarama ko na mas malapit ako sa aking Tagapagligtas na si Jesucristo. Mas nadarama ko ang pagmamahal ng Diyos, at dahil dito, mas madali kong natutulungan ang iba pang nangangailangan.
Isa sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan ang Filipos 4:13, na nagpapaalala sa akin na “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa akin.”
Nalaman ko na mas malakas ang presensya ng Espiritu sa buhay ko kapag inuuna ko ang mga espirituwal na gawi at naaalala ko na magagawa ko talaga ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Cristo.
Pag-uukol ng Oras para sa Kanya
Kapag may mga alinlangan ako sa aking buhay, naaalala ko na si Jesucristo ang aking Manunubos at tagapagturo. Bilang ating tagapagturo, nakikita Niya ang ating pag-unlad at matutulungan Niya tayong madaig ang anumang bagay. Alam ko na ang Tagapagligtas ay ginawa na ito at marami pang iba para sa akin. Sa tulong Niya, maaari akong maging higit na katulad Niya.
Nakakakita ako ng mga katotohanang katulad nito sa mga salita ng mga banal na kasulatan araw-araw! Kapag nakikita ko ang mga katotohanang ito, nakikita ko si Jesucristo.
Ipinayo ni Pangulong Russell M. Nelson: “Kilala kayo ng Panginoon at mahal Niya kayo. Siya ang inyong Tagapagligtas at Manunubos. Pinamumunuan at pinapatnubayan Niya ang Kanyang Simbahan. Aakayin at gagabayan Niya kayo sa inyong personal na buhay kung kayo ay maglalaan ng panahon para sa Kanya sa inyong buhay—sa bawat araw.”
Mula nang muli kong mithiing pag-aralan ang mga banal na kasulatan bawat araw (at tunay na pagnilayan ang mga ito), nagawa ko nang pahalagahan ang kapangyarihan at proteksyong hatid ng mga ito sa akin. Kapag kinikilala natin na laging nariyan ang Tagapagligtas para palakasin tayo, lalo na sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, magkakaroon tayo ng tunay na kapayapaan. Ang tunay na kapayapaan ay hindi nagmumula sa pag-asa sa iba—kahit tila nasa kanila ang lahat ng gusto mo.
Dahil si Jesucristo ang sagot.