“Ang Epekto ng Kusa at Tuluy-tuloy na Pagsisikap,” Liahona, Ago. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Ang Epekto ng Kusa at Tuluy-tuloy na Pagsisikap
Ang ating maliliit, karaniwan, at tuloy-tuloy na pagpili ay nakaaapekto sa takbo ng ating buhay.
Isaalang-alang, halimbawa, ang epekto ng tuluy-tuloy na patak ng tubig. Minsan ay inilarawan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang alituntunin ng maliliit at karaniwang espirituwal na pagbibigay ng sustansya sa pamamagitan ng pagpapaliwanag ng gamit ng sistemang pagtulo ng patubig: “Ang tubig na idinilig nang paunti-unti sa araw-araw ay nasisipsip nang malalim sa lupa at nagbibigay ng mataas na moisture sa lupa at ginagawang mas basa ang lupa kung saan mapapalaki nang malusog ang mga halaman. Sa gayon ding paraan, kung tayo ay nakatuon at patuloy na tumatanggap ng paunti-unting espirituwal na pagkain, ang mga ugat ng ebanghelyo ay malalim na titimo sa ating kaluluwa, magiging matatag at magkakaroon ng matibay na pundasyon, at magbubunga ng kamangha-mangha at masarap na bunga.”
Ang “malaking [pagbabago sa ating] mga puso” (Alma 5:14) ay maaaring bunga ng maliliit at tuluy-tuloy na pagpili. Ang pagpiling basahin ang Aklat ni Mormon araw-araw, manalangin, o gumawa ng kabutihan upang pagaanin ang pasanin ng isang tao ay tila walang kabuluhan. Pero “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).
Bagama’t maaaring magbigay ng sustansya ang maliliit na patak ng tubig, maaari ring magpaguho ang mga ito. Gayundin, ang maliliit na pagpili sa ating buhay ay maaaring humantong sa pag-unlad—palapit sa Tagapagligtas—o sa pagguho ng ating mga patotoo, palayo sa Kanya. Ang patuloy na pagpapabaya sa maliliit na pagkilos na nag-uugnay sa atin kay Jesucristo ay maaaring maging dahilan upang unti-unting manghina ang pananampalataya at mayanig ang dedikasyon.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson “[Habang nagsisikap tayo na maging] mga disipulo ni Jesucristo, ang mga pagsisikap nating pakinggan Siya ay kailangang gawin nang mas may hangarin. Kailangan ng kusa at tuluy-tuloy na pagsisikap na punuin ang bawat araw ng ating buhay ng Kanyang mga salita, Kanyang mga turo, Kanyang mga katotohanan.” Kasama sa paglapit kay Jesucristo ang sadyang paggawa ng maliliit na pagbabago sa ating buhay.
Siyempre, may mga pagkakataon kung saan kailangan ng mas malaking pagbabago. “Kung tayo ay nakagawa ng mabibigat na kasalanan, maliwanag at tiyak ang sinabi ng Panginoon; kailangan nating huminto, humingi ng tulong sa ating bishop, at agad na tumalikod sa gayong mga gawain.” Gayunman, kadalasan ay maaari tayong umasa sa ating tila maliliit na pagkilos upang baguhin ang ating pag-uugali.
Kapag pinagnilayan mong muli ang iyong buhay, makikita mo na ang iyong maliliit na pagpili na nakasentro kay Cristo ay nakadagdag sa tunay na pagbabago. Kadalasan ay hindi nito kailangan ng matinding pagbabago—isang maliit na pagpili lamang ang hinihingi, at isa pa, at isa pa, upang bumaling palapit kay Cristo.