Liahona
“Ang Oras Upang Ihinto ang Pagdaramdam ay Ngayon”
Agosto 2024


Digital Lamang

“Ang Oras Upang Ihinto ang Pagdaramdam ay Ngayon”

“Ang pagdaramdam ay pagpiling ginagawa natin; hindi ito isang kundisyon na sinadya o ipinilit sa atin ng isang tao o ng isang bagay.”

isang galit na mukha na nangungusap sa isang mukha na payapa at walang pakialam

Ilang tao ba ang nakakaugnayan natin sa araw-araw? Ilang mensahe o komento ba ang binabasa natin? Personal man, sa telepono, o sa pamamagitan ng social media, maaaring nakakagulat ang dami. Sa iba’t ibang pagkakataon, makakasalamuha natin ang isang tao na magsasabi o gagawa ng isang bagay na maituturing na nakakasakit, sinadya man o hindi.

Sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Dahil pinagkalooban ng kalayaan, ikaw at ako ay mga agent o alagad, at tayo ang kikilos at hindi tayo ang pakikilusin. Ang paniniwalang kaya ng isang tao o bagay na pasamain ang ating kalooban, pagalitin, saktan, o palungkutin, ay nakababawas sa ating kalayaang pumili at ginagawa tayong mga bagay na kayang pakilusin. Gayunman, bilang mga alagad, ikaw at ako ay may kapangyarihang kumilos at magpasiya kung paano tayo tutugon sa isang sitwasyong nakakasama o nakakasakit ng kalooban.”

Isipin kung paano ka maaaring kumilos sa sumusunod na mga sitwasyon kung kailan karaniwa’y maaaring magdamdam ang mga tao—at pagnilayan kung paano ka maaaring magpasiya na huwag magdamdam:

  1. Buong kabaitan kang naghanda ng pagkain para sa iba. Habang kumakain, may nagsabi na lasang panis ang pagkain.

  2. Sinabi ng isang tao sa grupo na magulo ang buhok mo, at nagtawanan ang iba.

  3. Sa isang talakayan sa Sunday School, matapos mong ibahagi ang isang taos-pusong espirituwal na karanasan, may pumuna sa mga sinabi mo.

Ang pagpili kung paano kikilos at tutugon sa nakakasakit na mga sitwasyon ay hindi madali. Gayunman, ipinaalala sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson kung saan tayo maaaring magtuon: “Kapag gumagawa kayo ng pagpapasiya, hinihikayat ko kayong tanawin ang hinaharap—isang walang-hanggang pananaw. Unahin si Jesucristo, dahil ang inyong buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa inyong pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala.”

Isang Pundasyon ng Doktrina kay Cristo

Si Jesucristo ang perpektong halimbawa ng hindi pagtutulot na makaapekto ang mga salita at kilos ng iba sa Kanyang tungkulin (tingnan sa 1 Nephi 19:9). Sa Sermon sa Bundok, itinuro sa atin ni Jesus na mahalin ang ating mga kaaway at inutusan tayong maging sakdal, na posible sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Mateo 5).

Kapag sinisikap nating higit na mapalapit sa ating Ama sa Langit, maaari tayong makatanggap ng nagbibigay-kakayahan at nagpapalakas na kapangyarihan sa pamamagitan ni Jesucristo para tulungan tayong madaig ang ating pasakit at pagdaramdam.

Itinuro ni Elder Bednar na “sa pamamagitan ng nakapagpapalakas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ikaw at ako ay pagpapalain upang maiwasan at mapagtagumpayan ang pagdaramdam.”

Maging Isang Detektib

Matapos ang isang walang-galang na komento o kilos, maaaring madama natin na kailangan nating mabilis na tumugon, marahil nang pagalit, o kaya naman ay pigilin ang ating damdamin hanggang sa hindi na natin makaya. Paano natin lalawakan ang ating pananaw at maaalala ang Tagapagligtas?

Ang isang ideya ay ang maging sarili nating mga detektib. Maaari nating subukang unawain kung bakit niya ginawa iyon. Hindi ba kayo nagkaintindihan? Nag-iisip ba tayo habang nagpipigil ng galit o malinaw ba ang ating isipan? Ano ang tinutugunan natin?

Sabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Napakadalas nating pangatwiranan na tama lang na magalit tayo at may batayan at matwid ang ating paghuhusga. … Hindi natin isinasali ang ating sarili pagdating sa sarili nating hinanakit dahil inaakala natin, sa ginawa natin, na alam natin ang lahat tungkol sa isang tao para isiping masama siya.”

Bagama’t maaaring kailangang magsanay sa pagiging sarili nating mga detektib, maaaring makatulong na mas unawain ang sitwasyon at ang sarili nating damdamin para maalala ang Tagapagligtas, sa halip na makadama ng mga negatibong damdamin na maaaring higit na magpalayo sa atin.

Matapos subukan ang taktikang ito, kung minsa’y masakit pa rin ang sinabi o ginawa ng iba. Kung gayon, sabi ni Elder Bednar: “Ang unang obligasyon natin ay tumangging masaktan at pagkatapos ay makipag-usap nang sarilinan, tapat, at tuwiran sa taong iyon. Ang gayong paraan ay mag-aanyaya ng inspirasyon ng Espiritu Santo at malilinawan ang mga maling akala at mauunawaan ang tunay na layon.”

Para sa karagdagang suporta, basahin ang “Emotional Resilience Helps Us to Prepare for Emergencies” at ang mga sumusunod na subsection nito sa Emergency Preparedness Manual, at tingnan ang kursong katatagan ng damdamin mula sa Self-Reliance Services.

Makasumpong ng Kapayapaan Ngayon

Kapag may nagsabi o gumawa ng isang bagay na maituturing na nakakasakit, maaari tayong umasa sa paalala ni Elder Uchtdorf:

“Dapat nating matanto na lahat tayo ay hindi perpekto—tayo ay mga pulubi sa harap ng Diyos. …

Dahil lahat tayo ay umaasa sa awa ng Diyos, bakit natin pagkakaitan ang iba ng kahit bahagyang biyaya na kailangang-kailangan natin para sa ating sarili? Mahal kong mga kapatid, hindi ba tayo dapat magpatawad [sa paraan na] nais nating mapatawad tayo?”

Sa huli, ang tunay na paggaling ay dumarating sa tulong at sa pamamagitan ng Tagapagligtas, na nagbibigay sa atin ng kapayapaan para patuloy na sumulong.

“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man” (Juan 14:27).

Mga Tala

  1. David A. Bednar, “At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” Liahona, Nob. 2006, 89.

  2. David A. Bednar, “At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” 90.

  3. David A. Bednar, “At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” 90.

  4. Russell M. Nelson, “Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” Liahona, Nob. 2023, 118.

  5. David A. Bednar, “At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” 90.

  6. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Liahona, Mayo 2012, 74.

  7. David A. Bednar, “At Sila’y Walang Kadahilanang Ikatitisod,” 92.

  8. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” 75.