“Gustung-gusto Ko ang Awiting Iyan,” Liahona, Ago. 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Gustung-gusto Ko ang Awiting Iyan
Ipinaalala sa aking ina ng mga titik sa isang paboritong himno na kailangan nating tumulong sa mga taong nangangailangan.
Ang aking inang si Dorothy Candland Woodruff (pumanaw na) ay dapat na dumating sa Regina, Saskatchewan, Canada, isang hapon, pero naiwan siya ng eroplano. Kaya pinalitan ang mga flight niya na may mga layover sa Colorado, USA, at Calgary, Alberta. Hindi siya darating sa paliparan hanggang sa maghatinggabi. Dismayado, sinimulan niya ang kanyang paglalakbay.
Ang kanyang ikalawang flight ay puno ng pasahero at maingay. Sinusubukan niyang magtrabaho kahit kaunti, nang magsimulang umiyak ang isang batang babae sa pasilyo. Nayayamot ang bata sa ina nito, na may kargang maliit na sanggol. Nakaupo ang ama ng bata sa harapan ng aking ina kasama ang isa pang anak na mga limang taong gulang.
Kinausap nang mahina ng ina ng bata ang kanyang anak na babae, pero lumakas lamang ang pag-iyak ng bata.
“Malinaw na hindi inihanda ng pamilyang ito ang kanilang mga anak para sa pagbiyahe,” sabi ng aking ina nang ibahagi niya sa amin ang kanyang karanasan. Para sa sumunod na aral, gagamitin ko ang kanyang mga salita:
“Sa huli, kinarga ng ina ang kanyang umiiyak na anak pabalik sa banyo. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, bumalik ang ina kasama ang batang babae, na umiiyak pa rin—nang tahimik, na napansin ko nang may pasasalamat. Umupo siya at niyakap ang kanyang anak na babae sa kanyang mga bisig, dahan-dahang inuugoy ito. Pagkatapos ay narinig ko ang mahinang pag-awit niya ng ‘Ako ay Anak ng Diyos.’
“Gulat na gulat, tumingala ako mula sa aking ginagawa nang makilala ko ang awitin. Nakita ko ang pamilya sa ibang pananaw. Nang matapos ng ina ang awitin, ipinatong ko ang aking kamay sa kanyang balikat at sinabing, ‘Gustung-gusto ko ang awiting iyan.’
“Lumuluha, sinabi niya, ‘Paboritong awitin ito ng aking pitong taong gulang na anak na lalaki. Iuuwi namin siya sa sementeryo ng aming pamilya sa Montana. Namatay siya kahapon sa isang malalang aksidente. Nangungulila kaming lahat sa kanya.’
“Para akong nanliit sa hiya. Hinuhusgahan ko ang magiliw na pamilyang ito, nang hindi man lamang iniisip kung paano ako makatutulong. Ang mga titik ng awitin ay nagpatindi sa aking kamalayan na kahit hindi sila Banal sa mga Huling Araw, sila ay mga anak pa rin ng Diyos, at dapat ay tinulungan ko sila sa oras ng kanilang pangangailangan.
“Nakadama ako ng pagpapakumbaba. Ang nalalabing oras ng aming biyahe ay puno ng nakakaiyak na pagbabahagi ng mga damdamin, emosyon, at karanasan na mahalaga sa aming dalawa. Naghiwalay kami bilang mabubuting magkaibigan na patuloy na nakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng mga liham sa darating na mga taon.”