Liahona
Sino ang Naggaganyak sa Inyo na Ipamuhay ang Ebanghelyo?
Agosto 2024


Digital Lamang: Mga Young Adult

Sino ang Naggaganyak sa Inyo na Ipamuhay ang Ebanghelyo?

Ang awtor ay mula sa Taipei, Taiwan.

Nang matanto ko na umaasa ako sa iba para mapalakas ang aking patotoo, ipinasiya ko na kailangan kong magpokus sa aking personal na relasyon sa Tagapagligtas.

isang dalagitang nakangiti

Nang magsimula ako sa aking unang semestre ng kolehiyo sa Estados Unidos, tuwang-tuwa ako. Nag-aral ako sa isang paaralan na maraming miyembro ng Simbahan, at noon lang ako napalibutan ng napakaraming kaedad ko na kapareho ko ang mga pinaniniwalaan! Inasahan ko na magkakapareho ang mga pamantayan naming lahat at magtutulungan kami na espirituwal at intelektuwal na lumago.

Gayunman, nagulat ako na hindi lubos na nangyari ang aking mga inaasahan.

Sa aming lungsod sa Taiwan, tila laging sineseryoso ng mga miyembro ng Simbahan ang ebanghelyo. Hindi nila pinalalampas palagi ang pagkakataong makipag-ugnayan kay Jesucristo, at gayon din ako. Doon, buwan-buwan kaming nagpupunta sa templo ng nakababata kong kapatid na babae (na laging naggaganyak sa akin na pumunta), hindi ako lumiliban sa mga miting sa simbahan (dahil sa aking mga magulang), at lagi kong sinisikap na gumawa ng mga desisyon na patuloy na nag-uugnay sa akin sa Espiritu, tulad ng mga tao sa paligid ko.

Pero sa paaralan, kahit walang sinumang sadyang sumusuway sa mga kautusan, para sa ilang tao, tila hindi nila gaanong ipinamumuhay ang ebanghelyo. Ang ilan sa kanila ay gumawa ng mga pagpapasiya na medyo makamundo kaysa naaayon sa ebanghelyo. Dahil noon lang ako napawalay sa pamilya ko, naging abala ako at nakisali sa ginagawa ng lahat ng iba pa sa paligid ko. Hindi nagtagal ay nakita ko kung gaano kadaling maimpluwensyahan ng mundo sa paligid mo kapag hindi mo inuuna ang ebanghelyo.

Muling Pagpapaalab ng Aking Espirituwal na Momentum

Noong gumagawa ng mga desisyon ang mga kaibigan sa paligid ko na hindi palaging nakaayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo, nagsimula akong mag-isip kung ang pamumuhay ko ay masyadong espirituwal. Inisip ko kung ako ang hindi kakaiba—kung masyado kong sineseryoso ang ebanghelyo. Nagsimula akong malungkot, lalo na sa simbahan. Natukso akong baguhin ang aking mga pamantayan para makibagay sa mga tao sa paligid ko.

Gayunman, sa mga panahong iyon, nagbahagi si Pangulong Russell M. Nelson ng isang makapangyarihang mensahe sa pangkalahatang kumperensya:

“Higit kailanman, ngayon natin kailangan ang positibong espirituwal na momentum. … Ang espirituwal na momentum ay makatutulong sa atin na mapaglabanan ang walang-tigil at masasamang pagsalakay ng kaaway at labanan ang kanyang mga pagsisikap na sirain ang ating espirituwal na pundasyon.

“… Hinihikayat ko kayong pumasok sa landas ng tipan at manatili roon. Damhin ang galak ng araw-araw na pagsisisi. Alamin ang tungkol sa Diyos at kung paano Siya kumikilos. Hangarin at asahan ang mga himala. …

“Sa paggawa ninyo ng mga bagay na ito, ipinapangako ko na makakaya ninyong sumulong tungo sa landas ng tipan nang may dagdag na momentum, anuman ang mga humahadlang sa inyo.”

Noon ako naliwanagan.

Naging mas interesado ako sa ginagawa ng iba kaysa sa sarili kong personal na relasyon sa Tagapagligtas. Natanto ko pa na ang paaralan ko ay katabi lang ng templo at hindi pa ako nakapunta roon! Naging malinaw rin kung gaano rin ako umasa sa iba para impluwensyahan ang espirituwalidad ko sa Taiwan.

Kinailangan kong gawin ang gawain para muling mapaalab ang aking espirituwal na momentum at magtuon ng pansin kay Cristo—na dapat maging nangungunang tagaganyak na ipamuhay ko ang Kanyang ebanghelyo.

Paghahanap ng Motibasyon sa Pamamagitan ng Pagtutuon ng Pansin sa Tagapagligtas

Nagsimula akong gumawa ng ilang pagbabago.

Kahit kung minsa’y hindi ako nagaganyak na magsimba o dumalo sa templo o gumawa ng anumang espirituwal na bagay, pinili kong gawin pa rin iyon at magtuon ng pansin sa aking Tagapagligtas. Hindi mahalaga kung ano ang ginagawa ng ibang tao.

Pinadadali ng mundo na mabalewala ang mga pagpapala ng ebanghelyo, pero kapag nagtutuon ako sa Kanya, naaalala ko kung ano ang pinakamahalaga.

Sa halip na manatili sa kalungkutan at magtuon sa mga pagkakaiba sa mga paraan ng ating pamumuhay, tumutulong na ako ngayon sa iba. Sinisikap kong makipagkaibigan at pansinin ang lahat ng positibong pakikipag-ugnayan ko sa kanila, tulad ng isang simpleng pagngiti o pagkausap sa iba nang may kabaitan.

Hindi ko na ikinukumpara ang aking pagiging disipulo sa iba. Sa halip, nagtutuon ako sa pagpapanatili palagi ng aking mga espirituwal na gawi at pagpapalakas ng aking relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Kapag inuuna ko ang aking relasyon sa Kanila, naaalala ko kung gaano Nila minamahal nang lubusan ang bawat isa sa atin, at ipinapaalala nito sa akin na biyayaan ang iba tulad ng pagbibigay-biyaya Nila sa akin.

Inanyayahan din tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “alagaan ang sarili ninyong patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Pagsikapan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. … Habang ginagawa ninyong pinakamataas na prayoridad ang patuloy na pagpapalakas ng inyong patotoo kay Jesucristo, hintaying mangyari ang mga [himala] sa inyong buhay.”

Pinadadali ng mundo na maging kaswal kayo sa inyong pagkadisipulo, lalo na kapag mag-isa na lang kayo sa unang pagkakataon bilang isang young adult. Gayunman, hinihikayat ko kayong tanggapin ang paanyaya ng ating propeta na patibayin ang inyong pundasyon ng pananampalataya kay Jesucristo.

Dahil Siya ang inuuna ko, patuloy akong sumusulong sa landas ng tipan.