“Isang Walang Katulad na Panahon para sa Gawain sa Templo at Family History,” Liahona, Ago. 2024.
Isang Walang Katulad na Panahon para sa Gawain sa Templo at Family History
Hindi pa nangyari kailanman sa kasaysayan ng mundo na nagkaroon ng napakaraming templo at, salamat sa pinakabagong teknolohiya, napakaraming tao (kabilang na ang mga hindi natin kapanalig) ang nagdaragdag sa kanilang mga family tree.
Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa inyo tungkol sa gawain sa templo at family history?
Elder Hamilton: Ang kamay ng Diyos ay malinaw na nasa gawaing ito. Nang anyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “patibayin ang ating sariling espirituwal na pundasyon,” pagkatapos ay sinabi niya, “Ang mga panahong hindi pa kailanman naranasan ay nangangailangan ng mga pamamaraan na hindi pa kailanman nagawa.” Hindi pa natin nakita noon ang ganitong uri ng pag-unlad na tulad ng nakikita natin ngayon. Nasa panahon tayo ng pagtatayo ng templo na hindi pa nangyari sa kasaysayan ng tao, na may halos 180 templong ginagamit, napakaraming kasalukuyang itinatayo, at napakaraming ibinabalita kada taon.
At sa paglagong iyon, lumalago rin ang pangangailangang palawigin ang family tree ng sangkatauhan. Itinuro ni Pangulong Nelson na ang templo ay “pinalulusog ng mga pangalan.” Sa atin nakasalalay na tiyaking malusog ang ating mga templo sa mga pangalang kailangan upang matanggap ng ating mga ninuno ang kanilang mga ordenansa at matamasa ng mga miyembro ang mga pagpapala ng templo sa buong buhay nila.
Maaari ba ninyong ibahagi ang inyong mga naiisip kung paano natin uunahin ang Tagapagligtas sa gawain sa family history?
Elder Hamilton: Kadalasan, nakatuon muna tayo sa genealogy o talaangkanan, na umaakay sa atin papunta sa ating mga ninuno, na umaakay sa atin sa pakikibahagi sa mga ordenansa at paggawa ng mga tipan sa templo, na nagbibigkis sa atin sa Tagapagligtas. Kahanga-hanga iyon, pero dapat nating baligtarin ang pagkakasunud-sunod. Una dapat ang Tagapagligtas. Hangad natin ang mas malapit na ugnayan sa Kanya, kaya tayo nagpupunta sa bahay ng Panginoon at tumatanggap ng mga ordenansa at nakikipagtipan sa Kanya, na nagbibigkis sa atin sa Kanya. Pagkatapos ay nagagawa natin iyon para sa ating mga yumaong ninuno sa pamamagitan ng paghahanap sa kanila at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanila.
Tayo ay nagsisimula sa Tagapagligtas at nagsasabing, “Gusto kong tulungan ang aking mga ninuno na ibigkis ang kanilang sarili sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo.” Gamit ang ilang pindot sa smartphone, ang tool na Ordinances Ready sa FamilySearch ay naghahanap ng mga miyembro ng iyong pamilya na kailangang magawan ng mga ordenansa para magkaroon sila ng pagkakataong ibigkis ang kanilang sarili sa Tagapagligtas. Tama ang pagkakasunud-sunod: Si Jesucristo, ang mga tipan at ordenansa na humahantong sa templo—ang bahay ng Panginoon.
Brother Rockwood: Ang FamilySearch ay isang service organization na ukol sa pagtulong sa mga tao sa mundo na hanapin ang at kumonekta sa kanilang mga pamilya. Iyon ang pangunahing gawain namin at mahigit 100 taon na naming ginagawa ito. Mas inilalapit ng Simbahan ang mga templo at FamilySearch sa mga tao sa buong mundo. Ang ating mithiin ay iisa: ang maglaan ng paraan upang makalapit ang mga tao kay Cristo.
Ano ang pinaka-nakakagulat sa inyo tungkol sa bahaging ito ng gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos?
Brother Rockwood: Ang isa sa mga pinaka-nakakagulat na bagay na nakita ko sa aking 20 taon na pagtatrabaho sa Family History Department ay kung gaano karaming tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang bumubuo ng kanilang mga family tree. Sa katunayan, ang karamihan sa mga taong gumagamit ng FamilySearch ngayon ay hindi natin kamiyembro. Nagmumula sila sa halos bawat bansa sa mundo. Noong 2023, 6 na milyong katao ang nag-sign up para sa isang FamilySearch account—at ang kamangha-manghang 97 porsiyento sa kanila ay hindi natin kamiyembro. Nagkaroon kami ng 4.1 milyong kalahok sa aming RootsTech conference noong nakaraang taon mula sa 243 bansa at teritoryo, at ang karamihan ay hindi natin mga kamiyembro.
Elder Hamilton: Medyo mapangahas na sabihing itinatayo natin ang family tree ng sangkatauhan, na mayroon lamang 17 milyong miyembro ng Simbahan. Pero sa tulong ng milyun-milyong mga anak ng Ama sa Langit sa iba’t ibang panig ng mundo, ang family tree ay itinatayo nang paisa-isang pamilya. Ang mga Banal sa mga Huling Araw sa gayon ay maaaring magsagawa ng gawain ng ordenansa sa templo at maging daan upang maibigkis ng kanilang mga ninuno ang kanilang sarili kay Jesucristo. Ito talaga ang dakilang himala ng ating panahon. Inaanyayahan ang buong mundo na lumapit at magtipon ng mga pangalan sa family tree at tulungan tayong tukuyin at itala ang mga ugnayang ito ng pamilya sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar.
Ito ba ang tinatawag ng mga tao na diwa ni Elijah?
Elder Hamilton: Talagang dumating si Elijah at ipinagkatiwala niya ang mga susi para sa gawaing ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:13–15). Pero itinuro ni Pangulong Nelson na ang madalas nating tawaging “diwa ni Elijah” ay ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa likas na kabanalan ng pamilya. Ito ay nakasisiglang panoorin. Ito ay napakatinding emosyon. Halos tuwing magsisimulang malaman ng isang tao ang iba pa tungkol sa kanyang mga ninuno, dumarating ang napakalakas na damdamin. Ito ay ang Espiritu Santo. Ang patotoo ng Espiritu Santo ay lumalampas sa mga hangganan ng etnisidad, hangganan ng pulitika, at hangganan ng wika. Ang Espiritung ito ay lumalaganap sa mundo habang milyun-milyong mga tao ang lumalapit sa FamilySearch.
Kung minsan ay itinatanong natin sa mga taong hindi natin kapanalig, “Bakit mo ito ginagawa?” Karaniwang nahihirapan ang mga tao na ipaliwanag ito. Sabi nila, “Gusto ko lamang kumonekta at malaman kung paano ako nabibilang. Nais kong madama na bahagi ako ng isang pamilya.” Kaya lagi silang bumabalik sa FamilySearch—dahil may nadarama sila. Ang lahat ng ito ay kamay ng Panginoon na tumutulong na itayo ang family tree ng sangkatauhan.
Ano ang masasabi ninyo sa mga taong ipinapalagay na mahirap gawin ang family history?
Elder Hamilton: Gustung-gusto kong alisin ng mga tao ang kanilang mga pag-aakala na mahirap itong gawin. Ito ay hindi isang klerikal na gawain. Ito ay espirituwal na gawain. Ito ay masayang gawain. Makikita mo iyon nang paulit-ulit sa kasaysayan nito.
Brother Rockwood: Nang malaman ng mga naunang Banal na maaari silang magsagawa ng mga binyag para sa kanilang mga ninuno, nakadama sila ng pambihirang kagalakan at hindi na sila nakapaghintay na magsimula. Sa ating panahon ay nasasaksihan natin ang kagalakang nadarama ng mga tao kapag naririnig nila na may isang templong ibinalita sa kanilang lugar. Ito ay kagalakan sa panahong patuloy na nababalot ng kadiliman ang mundo. Inihahatid ng Panginoon ang kagalakang ito sa lahat ng tao sa pamamagitan ng mas marami pang templo. Lumilikha Siya ng mga pagkakataon upang matuklasan ng mga tao ang kanilang mga ninuno sa mga paraang lubos na hindi pa nagagawa, gamit ang teknolohiyang pinaunlad sa ilalim ng Kanyang inspirasyon. Ang lahat ng ito ay dahil pinupuno Niya ng kagalakan ang mundo.
At pagkatapos ay may paniniwala na ang gawain sa family history ay pinakamainam na ginagawa (o nagawa na) ng ibang miyembro ng ating pamilya.
Elder Hamilton: May mga taong hindi na namamansin o nakikinig kapag naririnig nila ang “family history” dahil sa paniniwala nila sa kung sino ang dapat gumawa ng gawaing ito o kung sino ang magiging magaling dito. Pero maraming paraan upang magawa ang gawaing ito. May mga bihasang family historian na may matinding interes sa genealogy o talaangkanan at nag-uukol ng napakalaking bahagi ng kanilang panahon sa paggawa nito, pag-aaral tungkol dito, at pagtatamo ng mga espesyal na kasanayan. Pero may mga tao ring gusto lamang magkaroon ng pangalan ng kapamilya sa susunod nilang appointment sa templo. May mga abalang magulang, mga retirado, kabataan, at maging mga bata sa Primary na gumagawa ng family history. Kailangan natin ang lahat ng mga taong ito, sa anumang paraan na makatutulong sila.
Paano makatutulong ang mga kabataan at young adult?
Elder Hamilton: Kamangha-manghang makita ang pagdami ng ating mga kabataan na nakikibahagi sa family history. Noong 2011, nagbigay ng mensahe si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol sa pangkalahatang kumperensya kung saan inanyayahan niya ang mga kabataan ng Simbahan na makibahagi sa gawaing ito. Sabi niya, “Natuto na kayong magpadala ng mensahe sa inyong mga cell phone at computer para pabilisin at isulong ang gawain ng Panginoon.” Karamihan sa mga kabataan ay komportable sa teknolohiya. Gustung-gusto nila ang likas na katangian ng family history na paglutas sa problema—ito ay parang paghahanap ng kayamanan. Kailangan mong alamin kung saan susunod na pupunta at kung ano ang susunod na gagawin.
Itinuro ni Pangulong Nelson sa mga kabataan—at sa iba pa sa atin—na ang pagtitipon ng Israel ang pinakadakilang layunin sa mundo. Ang mga kabataan at young adult ay hindi lamang nakikibahagi sa pagkakataong ito kundi tunay na namumuno rito. Kamangha-manghang panoorin ang mga bihasa sa teknolohiya na ito na maging bahagi ng malaking pagsasama-sama—ang hindi pa nasasaksihang dami ng pagtatayo ng templo, hindi pa nagagamit na teknolohiya, at hindi pa namamasdang bilang ng mga taong nakikibahagi.
Mahal ng mga kabataang ito ang templo, at mahal nila ang Tagapagligtas. Isa ito sa mga dakilang pagpapakita ng pagtitipon—ang paglabas ng umuusbong na henerasyon habang nakikibahagi sila sa gawaing ito.
Brother Rockwood: Napakagandang makita na natututuhan ng maliliit na bata na sila ay mga anak ng Diyos habang naghahanda sila para sa kanilang mga tipan sa binyag at kalaunan ay pagpunta sa templo. Natututuhan nila na maaari silang makibahagi bilang mga anak ng tipan sa pagtulong na tipunin ang Israel, at habang ginagawa nila ito, sila ay nagiging mas matatag na disipulo ni Jesucristo. Napakalaking pagkakataon para sa mga kabataan na malaman kung sino sila at kung ano ang layunin ng Panginoon para sa kanila—at na sila ay tunay na naligtas para sa araw na ito, “nasasandatahan … ng katwiran” (1 Nephi 14:14).
Paano napagpala ng gawain sa family history ang inyong pamilya?
Elder Hamilton: Nakaranas kami ng isang hadlang habang sinasaliksik namin ang mga ninuno ng aking Pranses na lolo-sa-tuhod, si Adolph Cuny, sa tagal na ginagawa namin ito—ilang dekada na. Hindi namin nahanap ang kanyang mga magulang, gaano man kasigasig naming sinaliksik ito. Pero noong nakaraang taon, sinuri ng ilang kahanga-hangang Pranses na mga genealogist na nakikipagtulungan sa FamilySearch ang aming mga talaan at, gamit ang kanilang mga kasanayan at lokal na kaalaman, nahanap nila ang mga magulang ni Adolph at maging ang kanyang lolo at lola.
Nagawa na ngayon ng aming pamilya ang lahat ng kanilang ordenansa sa templo, at ginagawa na namin ngayon ang para sa kanilang mga kamag-anak at inapo. Isang oportunidad ang nabuksan sa napakaraming tao mula sa bahaging ito ng aking family tree. Ang pagpapalang ito ay ibinigay ng FamilySearch at ng network nito ng mga dedikado at mahuhusay na researcher at consultant. Ang ganitong uri ng tulong ay available sa sinumang gumagamit ng FamilySearch—miyembro man ng Simbahan o hindi.
Anong magagandang pagbabago ang nakita ninyo sa gawaing ito?
Brother Rockwood: Sa loob ng maraming taon, ang mga talaang papel ay iniingatan ng mga simbahan o pamahalaan. Karamihan sa mga talaan sa kanluran ay nagsimula sa panahong AD 1500–1600. Noong dekada ng 1930s naman ay nagsimula kaming kumuha ng larawan ng mga talaan gamit ang microfilm. Nang matapos iyon noong 2006, mayroon na kaming 2.6 milyong rolyo ng microfilm sa aming koleksyon. Nagpasiya kaming gawing digital ang mga larawang iyon, na mukhang magiging isang proyektong tatagal ng ilang dekada. Pero ang banal na inspirasyon ay naghatid sa amin ng bagong teknolohiya na talagang nagpaikli sa panahong iyon, na natapos noong 2022. Ang pinakamalaking bahagi nito ay ang dating nasa microfilm lamang makukuha ay nasa internet na ngayon halos lahat, sa pamamagitan ng FamilySearch. Maaari itong ma-access gamit ang smartphone, tablet, o kompyuter. Kamangha-mangha ang naging epekto ng internet.
Gumawa ang FamilySearch ng mapangahas na desisyon na lumipat sa isang pampublikong tree—na parang tulad sa Wikipedia, na maaaring makita at mabago ng lahat. Ang mga pagbabago ay maingat na sinusubaybayan, at sa pamamagitan ng tila crowdsource approach, ang family tree ng sangkatauhan ay maaaring itayo nang may mas malaking pakikibahagi at mas kaunting pagkakamali.
Elder Hamilton: Ngayon, bilyun-bilyong mga tao ang nakakagamit ng internet. Para samantalahin ang teknolohiya ng smartphone, bumuo ang Simbahan ng mga mobile app nang sa gayon ay mailapit ang FamilySearch sa mga tao sa lahat ng dako. Ang Memories app, ang Family Tree app, at ang Get Involved app ay available na lahat para sa mga smartphone, na talagang nagbukas ng mga oportunidad para maisulong ang gawain ng Panginoon.
Brother Rockwood: Nasa gitna tayo ngayon ng mga himala, kung saan napakaraming templo ang itinatayo at napakaraming datos ang tinitipon ng masa. At sa mismong sandaling kailangan natin ito, nabubuo ang teknolohiya na mag-aayos nito at magpapadali sa pag-access nito. Tinutulutan tayo ngayon ng artificial intelligence na mag-organisa ng datos sa paraang mahahanap at maisasalin ito sa anumang wika.
Elder Hamilton: Ngayon ay nakikita natin ang katuparan ng Efeso 1:10, na nagsasabing sa “kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa.” Ang isang paraan na nakikita natin na natutupad ito ay sa mga templo, pangalan, at teknolohiya na nagsasama-sama sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon upang magawa natin ang gawain sa templo para sa anumang bilang ng mga anak ng ating Ama sa Langit na handang tumanggap nito. At iyon talaga ang buod ng kuwento ng pagsisikap sa templo at family history. Ang Panginoon ay nasa gawaing ito, at may mga himalang nangyayari. Nangyayari ang mga ito dahil pinamamahalaan Niya ito.