“Jesucristo: Ang Sentro ng Ating Pananampalataya,” Liahona, Ago. 2024.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Jesucristo: Ang Sentro ng Ating Pananampalataya
Sa mga tekstong Hebreo, ang chiasmus ay isang istruktura ng tula kung saan ang mga salita o ideya ay inilalahad at pagkatapos ay inuulit sa baligtad na pagkakasunud-sunod, kung saan ang sentro ang pinakatampok at pinakamahalagang punto. Tumitindi ang pag-uulit sa huling kalahati, na nagbibigay-diin sa pangunahing mensahe. Isang halimbawa ang matatagpuan sa Alma 36, na naglalarawan ng kagandahan ng huwarang ito.
-
Sundin ang mga kautusan (taludtod 1)
-
-
Tunay na kanyang hinango sila (taludtod 2)
-
-
Tulungan sa mga pagsubok, suliranin, at paghihirap (taludtod 3)
-
-
Nalalaman ko ito hindi sa aking sarili kundi sa Diyos (taludtod 4)
-
-
Mga pasakit ng isang isinumpang kaluluwa (taludtod 16)
-
-
Naalala ko si Jesucristo (taludtod 17)
-
Nagsumamo ako, “O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos” (taludtod 18)
-
-
Kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit! (taludtod 20)
-
-
Ang aking kaalaman ay sa Diyos. (taludtod 26)
-
-
Tinulungan sa ilalim ng mga pagsubok, suliranin, at paghihirap (taludtod 27)
-
-
Ako ay ililigtas Niya (taludtod 27)
-
-
Sundin ang mga kautusan (taludtod 30)
Pansinin na ang Tagapagligtas ang sentro ng halimbawang ito ng chiasmus. Nagturo si Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa mga pagpapala ng pagsesentro ng ating buhay kay Jesucristo: “Ang … nagtatagal na kaligayahan, na may kasamang katatagan, lakas-ng-loob, at kakayahang mapaglabanan ang matitinding paghihirap, ay darating kapag itinuon ninyo ang inyong buhay kay Jesucristo.”
Alam natin na ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Tagapagligtas ay magpapala sa atin sa kawalang-hanggan. Pero kung minsan ay nalilimutan natin kung paano tayo mapagpapala ngayon ng pagkakaroon ng pananampalataya. Sa pamamagitan ng pagpapakita nito ng chiasmus, ipinapakita sa atin ng Alma 36 ang kapangyarihan ng pananampalataya at kung paano ito nakaturo kay Jesucristo.
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan—mula sa iba’t ibang aralin sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ng Agosto—ay nagpapakita kung paanong ang pananampalataya kay Cristo ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihan:
Ililigtas Niya Tayo
Kung nakakulong tayo sa mga nakapipinsalang kaisipan, damdamin, o sitwasyon, ang pananampalataya kay Cristo ay makatutulong sa atin na makalaya.
“Ngayon, ito ang pananampalataya nila na mga tinutukoy ko; sila ay mga bata, at ang kanilang mga pag-iisip ay di matinag, at patuloy nilang ibinibigay ang kanilang tiwala sa Diyos. …
“At masdan, muli tayong naligtas mula sa mga kamay ng ating mga kaaway. At purihin ang pangalan ng ating Diyos; sapagkat masdan, siya ang nagligtas sa atin.”
Maaari Tayong Maghangad at Makahanap ng mga Sagot
Ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Cristo ay maaaring umakay sa atin na makahanap ng mga sagot kung may isang bagay na hindi natin nauunawaan o nalalaman.
“Maraming hiwaga ang nakatago, at walang sinuman ang nakaaalam ng mga ito kundi ang Diyos lamang. Ngunit ipaaalam ko sa iyo ang isang bagay na masigasig kong itinanong sa Diyos upang aking malaman—yaon ay hinggil sa pagkabuhay na mag-uli.”
Ang Ating mga Kaluluwa ay Mapupuspos ng Kagalakan
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay makapagpapaalis sa madidilim na ulap sa ating isipan at makapagpapasigla ng ating puso sa kagalakan.
“Sila ay … tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan.”
Madaraig Natin ang Takot at mga Paghihirap
Kung may pananampalataya tayo sa Panginoon, susuportahan Niya tayo sa mahihirap na panahon sa ating buhay.
“Kami ay nalungkot at napuspos din ng takot. …
“Samakatwid, ibinuhos namin ang aming mga kaluluwa sa panalangin sa Diyos, upang palakasin niya kami. …
“… Kami ay dinalaw ng mga paniniyak ng Panginoon nating Diyos na ililigtas niya kami; oo, hanggang sa siya ay bumulong ng kapayapaan sa aming mga kaluluwa, at nagbigay sa amin ng malaking pananampalataya, at pinapangyaring kami ay umasa ng aming kaligtasan sa kanya.”