“Pinagpala sa Aking Katapatan,” Liahona, Ago. 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Pinagpala sa Aking Katapatan
Natukso akong kunin ang ekstrang pera, pero naalala ko ang payo ng aking bishop.
Noong 2012, nawalan ako ng trabaho. Ang mga pagsisikap kong makahanap ng trabaho ay puro bigo. Kalaunan, kinailangan kong umutang ng $28 sa pera ng Nigeria upang matugunan ang aking mga temporal na pangangailangan.
Ipinadala ang halaga sa aking account sa isang lokal na bangko. Nang makatanggap ako ng pabatid sa transaksyon, nagpunta ako sa bangko. Sinagutan ko ang isang bank slip at iniabot ito sa kahera. Sinuri ng kahera ang mga detalye ng transaksyon sa kanyang kompyuter at magalang na sinabi sa akin na maupo muna.
Makalipas ang mga limang minuto, tinawag niya ako at gumamit siya ng isang currency counting machine upang bilangin ang pera ko. Pagkatapos ay inabutan niya ako ng $280—hindi $28! Nalilito, tumigil ako sandali habang maraming ideya ang tumatakbo sa isipan ko.
Nang mapansin ang pag-aatubili ko, sabi ng kahera, “Kailangan ko na pong asikasuhin ang ibang tao.” Nakangiti, sabi ko, “Sobra ng $252 ang ibinigay mo.” Pagkatapos ay iniabot ko ang sobrang pera.
Lubos siyang nagpasalamat. Ipinaliwanag niya na kung umalis ako dala ang pera, ang ekstrang halagang ibinigay niya sa akin ay kakaltasin mula sa sarili niyang suweldo.
Nagpaalam ako sa kanya, pero habang paalis ako ng bangko, may pumasok sa isip ko: “Isa kang malaking hangal. Ang perang ibinalik mo ay maaari sanang makatulong sa iyo na mabayaran ang ilan sa iyong mga natitirang bayarin.”
Pero naalala ko ang payo ng bishop ko. Sabi niya, “Sa tuwing nadarama mong hinahamon o tinutukso ka, awitin mo ang iyong mga paboritong himno.” Kaya sinimulan kong awitin ang “Manunubos ng Israel,” “Purihin ang Propeta,” at “Ako ay Anak ng Diyos.”
Makalipas ang ilang linggo, nakatanggap ako ng liham mula sa isang organisasyong nakapanayam ko tatlong buwan na ang nakalipas para sa trabaho ng warehouse officer (opisyal sa bodega). Nagpasiya silang kunin ako. Sa bagong trabaho, nagawa kong bayaran ang aking mga natitirang bayarin at tustusan ang aking mga temporal na pangangailangan.
Sinabi ni Jesus, “Ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di-tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami” (Lucas 16:10). Pinatototohanan ko na ang pagtitiyaga, pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at integridad ay nagpapamarapat sa atin na tumanggap ng mga saganang pagpapala.