Liahona
Paano Tayo Maaaring “Maging Isa” sa Paraan ng Panginoon?
Agosto 2024


Digital Lamang

Paano Tayo Maaaring “Maging Isa” sa Paraan ng Panginoon?

Gusto ko ang kaligtasang kaakibat ng pagkakaisa kay Cristo.

mga taong bumabati sa isa’t isa sa labas ng isang gusali ng simbahan

Tulad ko, iniisip din ba ninyo ang tanong na: “Paano ako makakaramdam ng mas malaking kagalakan sa buhay ko?”

Bagama’t maraming bagay na naghahatid ng kagalakan, kamakailan ay naantig ako sa pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang kagalakan ay dumarating kapag tayo ay nabibiyayaan ng pagkakaisa.” Mula pa noong panahon nina Eva at Adan, hinangad na ng mga anak ng Diyos na higit na makipagkaisa sa Kanya at sa bawat isa, samantalang hangad ni Satanas na wasakin ang pagkakaisa.

Nagkaroon na ako ng maraming karanasan sa mga nagdaang taon kung saan naranasan ko ang kagalakan ng pagkakaisa at ang masakit na dulot ng hindi pagkakaisa. Nagkaroon ako ng malaking pag-asa na, tulad ng sinabi ni Pangulong Eyring: “Sa pagdarasal at pagsisikap nating gawin ito sa paraan ng Panginoon[,] … ang ating mga puso ay nabubuklod sa pagkakaisa. Ipinangako ng Diyos ang pagpapalang iyan sa matatapat Niyang Banal anuman ang pagkakaiba ng pinagmulan nila at alitan sa paligid nila.”

Kaya, paano tayo maaaring “maging isa” sa paraang iniutos ng Panginoon (Doktrina at mga Tipan 38:27)? Nagturo sa atin ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol ng tatlong paraan: “Magkakaisa ang ating puso’t isipan kapag ginagawa nating sentro ng ating buhay ang Tagapagligtas at sinusunod natin ang mga hinirang Niyang mamuno sa atin. [Magkakaisa tayo] … sa pagmamahal at malasakit sa isa’t isa.”

Narito kung paano ko sinisikap na ipamuhay ang mga katotohanang iyon sa sarili kong buhay:

Paglalagay sa Tagapagligtas sa Sentro ng Aking Buhay

Sa Juan 17, nagsumamo ang Tagapagligtas sa Ama para sa atin sa Kanyang Panalangin ng Pamamagitan: “Upang silang lahat ay maging isa; gaya mo, Ama, na nasa akin, at ako’y sa iyo, sana sila’y manatili sa atin” (Juan 17:21). Ang literal na kahulugan ng salitang Atonement (at-one-ment) ay “pag-isahin,” o pagkasunduin. Namamangha ako sa laki ng paghahangad ng Tagapagligtas na makipagkaisa tayo sa Kanya at sa Ama sa Langit kaya naging handa Siyang labasan ng dugo sa bawat butas ng balat para gawin itong posible.

May saysay para sa akin na gustuhin kong maging isa sa Kanila. Gayunman, namamangha ako na gusto Nilang maging isa sa akin. Gayunman, maraming beses nang pinatotohanan sa akin ng Espiritu Santo na gusto nga Nila iyon.

Ang aking pakikipagkaisa sa Kanila ang pinakamalaking pinagmumulan ng kagalakan at kaligtasan sa aking buhay. Inaanyayahan ng pagkakaisang ito ang paggabay, proteksyon, at nagpapabanal na impluwensya ng Espiritu Santo nang mas lubos sa aking buhay. Ipinagdarasal ko tuwing umaga na mapasaakin ang Espiritu Santo at kasangkapanin ako sa araw na iyon. Talagang sinisikap kong ilagay si Jesucristo sa sentro ng buhay ko at pakinggan Siya.

Ginagawa ko ba iyon nang perpekto? Naku, hindi! Pero nagsisikap ba ako araw-araw? Oo! Maaaring lahat tayo ay may iba’t ibang mga pangangailangan at sitwasyon, pero gagabayan tayo ng Espiritu kapag nagsikap tayong sundin ang mga turo at halimbawa ng Tagapagligtas bawat araw.

Anuman ang gawin ko, nagkakaroon ako ng motibasyon dahil sa kaalaman na nagsusumamo si Cristo na bawat isa sa atin ay maging isa sa Kanya at sa Ama sa Langit.

Pagsunod sa mga Inatasan ni Jesucristo na Akayin Ako

Dahil naging mas mahusay na ako sa paglalagay sa Tagapagligtas sa sentro ng buhay ko, napansin ko na nadagdagan ang kakayahan kong makipagkaisa sa Kanyang mga piniling propeta, at pinatotohanan sa akin ng Espiritu na naatasan silang akayin ako. Ang ibig sabihin ng salitang “atas” ay “awtoridad na kumilos para sa, sa ngalan ng, o kapalit ng iba.”

Ang Mosias 18 ay magandang halimbawa ng mga taong nakikiisa sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga propeta. Hindi pa natatagalan nang nagbalik-loob ang Nakatatandang Alma matapos matanggap ang mensahe ni Abinadi. Pagkatapos ay sinimulan Niyang turuan ang mga taong handang magdaan sa isang lupain na “pinamumugaran, sa mga kapanahunan o sa mga panahon, ng mababangis na hayop” (Mosias 18:4) para matuto tungkol sa Diyos at sa Kanyang perpektong plano para sa kanila.

Ipinauunawa sa atin ng mga alagad ni Alma sa salaysay na ito na bagama’t kung minsa’y parang nagdaraan tayo sa mahihirap na sitwasyon para sundin ang ating mga pinuno (tingnan sa Mateo 5:10), may kaligtasan ang pakikiisa sa mga propeta ng Diyos dahil lagi nila tayong aakayin patungo kay Jesucristo. Nang matanggap ng mga tao ang katotohanan at makipagtipan sila sa Diyos, “ang kanilang mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21).

Dahil sa kaloob na teknolohiya, ang mga propeta ay naging mga dakilang kasama ko—lalo na sa aking kalungkutan. Paulit-ulit ko nang pinakinggan ang kanilang mga mensahe habang nagpuputol ako ng damo, naglilinis ng bahay, nagpapala ng niyebe, at naglalakad-lakad. Pamilyar sa akin ang nilalaman ng kanilang puso at sinasabi nila.

At kahit nahihirapan akong sundin ang kanilang payo, natulungan nila akong ilagay ang Tagapagligtas sa sentro ng buhay ko. Mayroon akong higit na pakikiisa sa Panguluhang Diyos dahil sa mga taong inatasan ni Cristo na akayin ako.

Pagkakaisa sa Pagmamahal at Pagmamalasakit sa Isa’t Isa

Sa aking karanasan, ang pagsunod kay Jesucristo at sa Kanyang mga propeta ay laging aakay sa atin na pangalagaan ang isa’t isa. Itinuro ni Pangulong Eyring: “Ang galak sa pagkakaisa na gustung-gusto Niyang ibigay sa atin ay hindi sa pag-iisa. Hangarin natin ito at maging marapat para dito na kasama ang iba.” Napakaraming pagkakaiba-iba ng mga tao sa aking buhay sa araw-araw kaya hindi ko palaging alam kung paano kumilos sa isang paraan na makahihikayat ng pagkakaisa. At kung minsa’y talagang pagod lang ako, at hindi gaanong matindi ang pagnanais kong makiisa.

Ang pag-alaala na “kahambugan ang matinding kaaway ng pagkakaisa” ay maaaring makatulong sa atin na humingi ng tulong sa Panginoon upang magkaroon ng pagkakaisa. Ang 1 Corinto 12 ay nakatulong sa akin na kilalanin na ang bawat isa sa mga anak ng Diyos ay may iba’t ibang espirituwal na kaloob at na ang kanilang mga kaloob ay mahalaga sa buhay ko. Nalaman ko rin na ang mga pagkakaiba sa Kanyang mga anak ay ginagawang mas nakakatuwa at maganda ang mga bagay-bagay.

Bagama’t alam ko na hindi natin dapat ikumpara ang ating sarili sa iba, sa kasamaang-palad minsan ay talagang magaling ako sa pagkukumpara ng aking mga kahinaan sa mga kalakasan ng iba. At paminsan-minsan, ang ganitong mga uri ng damdamin ay nakapigil sa akin na makipagkaisa sa iba dahil hindi matwid ang paghusga ko sa kanila (tingnan sa Mateo 7:1, footnote a).

Malinaw na nais ng Panginoon na “huwag magkaroon ng pagkakagulo [pagkakahati-hati o paghihiwa-hiwalay] sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa’t isa” (1 Corinto 12:25).

Kaya naitanong ko, “Ano ang magagawa ko para tigilan ko ang paghiwalay ko sa iba sa aking puso’t isipan?”

Ipinagdasal ko na magawa kong tingnan ang iba na tulad ng pagtingin ni Cristo sa kanila. Ipinagdasal ko na makita ang kaloob na taglay nila na tumugon sa pangangailangan ko sa araw na iyon. At mahalaga rin na tinulutan ko ang sarili ko na pasalamatan iyon.

Pagkatapos ay sinimulan kong tanungin ang aking sarili, “Ano ang matututuhan ko sa iba na may mga karanasang hindi ko kailanman mararanasan?” Ang paggawa nito ay nakatulong sa akin na ibahin ang tingin ko sa aking pamilya, sa attendant ng gasolinahan, sa mga tinedyer, sa mga katrabaho ko, at sa lahat ng mga tao sa paligid ko at makipag-ugnayan sa kanila sa mas makabuluhang mga paraan.

Kinailangan ko ring umasa sa mga kalakasan ng iba para maging matagumpay sa aking pamilya, sa trabaho, sa mga calling, o sa mga team. Kadalasan, sa halip na makipagkumpitensya, nagtulungan at umasa kami sa isa’t isa. Ang aming sama-samang mga pagsisikap at pagkakaiba-iba, na pinalaki ng Ama sa Langit, ay naghatid ng mga himala—mga himalang magagawa lamang ng isang perpektong Diyos na dalubhasa sa pagsasama-sama ng mga hangarin, pagkakaiba-iba, at kaloob sa isang paraan na nagpapala sa Kanyang mga anak.

Alam ko na ang aking saloobin at mga kilos ay maaaring lumikha o sumira ng pagkakaisa. Alam ko rin na nais kong likhain ito. Gusto kong mapasaakin ang kaligtasang hatid ng pakikipagkaisa kay Cristo. Gusto kong madama na malapit ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at tulutang akayin ako ng mga propeta palapit sa Kanila. At gusto kong makatulong sa iba at matulungan ako ng iba sa aking paglalakbay rito sa mundo.

Gusto kong piliing makipagkaisa kay Cristo. Tiwala ako na ang paggawa nito ay maghahatid ng higit na kagalakan!