“Isang Larawan, Isang Aklat, at Isang Binyag,” Liahona, Ago. 2024.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Isang Larawan, Isang Aklat, at Isang Binyag
Nagpapasalamat ako na ang isang maliit na pagkilos ay nagdulot ng malaking kaibhan.
Kahit minsan lang sa isang taon, binibisita ng isang inspektor ng kapaligiran ang distrito ng aming paaralan. Karaniwan, ang inspektor ay magiliw at nakikipag-usap nang kaswal. Gayon si Ryan Pethtel. Napansin ni Ryan ang mga larawan ng aking pamilya sa opisina ko, kaya sa bawat pagbisita ay nagpapalitan kami ng mga kuwento tungkol sa pamilya.
Sa isang pagbisita, napansin ni Ryan ang isang bagong larawan ng kasal ng aking anak at ng kanyang asawa sa Washington D.C. Temple. Nabaling ang aming pag-uusap sa templo, sa ebanghelyo ni Jesucristo, at sa Aklat ni Mormon.
“Naghahanap kaming mag-asawa ng simbahan,” sabi niya. “Sana’y maibigay ko sa aking mga anak ang naibigay ninyo sa inyo.”
Bilang paghahanda para sa susunod na pagbisita ni Ryan, isinulat ko ang aking patotoo sa loob ng isang kopya ng Aklat ni Mormon at dinala ito sa aking opisina. Pero noong sumunod na taon ay ibang inspektor ng kapaligiran ang dumating. Hindi na nagtatrabaho si Ryan sa departamento. Nalungkot ako, pero itinago ko ang aklat sa opisina ko kung sakali mang makadama ako ng pahiwatig na ibigay ito sa iba.
Gayunman, makalipas ang isang taon, nakatanggap ako ng email mula kay Ryan para magtakda ng pagbisita. Bumalik siya sa kanyang dating trabaho. Nang dumating siya, ang pag-uusap namin ay napunta sa Simbahan kalaunan. Nang iabot ko kay Ryan ang kopya ng Aklat ni Mormon, buong kasabikan niyang binuksan ito.
Makalipas ang ilang buwan, sinamahan ko ang asawa kong si Bill, sa isang speaking assignment ng high council sa Mannington, West Virginia—ang bayang sinilangan ni Ryan. Pagkatapos, tinanong ako ng isang sister sa chapel kung kilala ko si Ryan at kung binigyan ko ito ng kopya ng Aklat ni Mormon. Siya si Stephanie, ang asawa ni Ryan.
Sinabi ni Stephanie na siya at si Ryan ay nagbalak magpabinyag noong nakaraang gabi, pero nagkasakit si Ryan. Isang hindi inaasahang pagpapala! Nakadalo kami ni Bill sa kanilang binyag na na-reschedule pagkaraan ng tatlong linggo. Sa kanilang binyag, binanggit ni Ryan na ang kopya ng Aklat ni Mormon na ibinigay ko sa kanya ay hindi ginalaw hanggang sa makontak ng kanyang asawa ang mga missionary.
Nagsimula ang bahagi ko sa kanilang pagbabalik-loob sa pamamagitan ng paglalagay ng larawan ng templo sa opisina ko. Ang larawan ay humantong sa isang pag-uusap. Ang pag-uusap ay humantong sa Aklat ni Mormon.
Ang bawat pagkilos ay maliit, pero ang bunga nito ay malaki (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 64:33). Napuspos ng pasasalamat ang puso ko na ang aking munting pagkilos ay nakagawa ng malaking kaibhan at nakaakay sa isang tao patungo sa Tagapagligtas.