Ano ang Maaari Kong Sabihin sa Ibang Tao Tungkol sa Templo?
Mahalaga ang paraan ng pagtalakay natin tungkol sa templo.
Naaalala ko na nasabik akong matanggap ang endowment ko noong naghahanda akong umalis para sa aking misyon. Naaalala ko rin na nauwi ang pananabik na iyon sa pag-aalala at pagkalito matapos akong bigyan ng malalabong babala ng ilang kapamilya tungkol sa pagdalo sa unang pagkakataon.
Alam ko na tapat ang mga layunin nila sa pagsisikap na tulungan akong magkaroon ng magandang karanasan. Pero sana sa halip na magtuon sa pagbibigay ng babala sa akin na hindi pamilyar kung ano ang templo, tinulungan na lamang nila akong maghanda para sa templo sa nakasisigla at tamang paraan.
Nasasaisip iyon, narito ang apat na bagay na isasaalang-alang habang kinakausap mo ang mga taong naghahandang magpunta sa templo sa unang pagkakataon:
1. Magtuon sa mga Katotohanan kaysa sa mga Opinyon
Kapag dadalo sa templo sa unang pagkakataon ang isang taong mahal natin, natural lamang na gusto nating ibahagi sa kanya ang sarili nating mga karanasan. Pero kailangan nating tiyakin na ang ibinabahagi natin ay nakatuon sa mga katotohanan ng ebanghelyo sa halip na sa sarili nating mga opinyon.
Ang tamang impormasyon ay nagtutulot sa ating mga mahal sa buhay na magtuon sa Tagapagligtas at hindi mahikayat na magkaroon ng partikular na damdamin tungkol sa kanilang mga karanasan sa templo. Sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Nakabatay ang mabuting inspirasyon sa mahusay na impormasyon.”
Maaari kang magbahagi ng tamang impormasyon (at maging ng mga larawan!) tungkol sa templo mula sa kurso sa paghahanda para sa templo, sa mga banal na kasulatan, at sa temples.ChurchofJesusChrist.org. Kung minsa’y maaaring kabahan tayo kung ano ang ibabahagi, pero sa pagbaling sa resources sa halip na sa ating mga opinyon, hindi natin kailangang mag-alala na baka labis-labis ang maibahagi natin.
Sa pagbibigay ng tamang impormasyon tungkol sa templo, naghahandog tayo ng mas maliwanag na pananaw tungkol sa templo. Ang mga opinyon ay kadalasang nakatuon sa ating mga damdamin at karanasan, samantalang ang impormasyon tungkol sa ebanghelyo ay nakatuon sa pagtutulot sa iyong mahal sa buhay na magkaroon ng sarili niyang karanasan sa templo.
2. Isaalang-alang ang mga Salitang Ginagamit Mo
Anong mga paglalarawan tungkol sa templo ang tumatak sa iyong isipan? Halimbawa, sinabi ni Pangulong Nelson, “Ang inyong paglilingkod at pagsamba sa templo ay tutulong sa inyo na mag-isip nang selestiyal.” At sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Bawat [templo] ay nagsisilbing tanglaw sa mundo.”
Maaari nating piliin ang mga salitang magbibigay ng pag-asa at kaliwanagan sa mga mahal natin sa buhay na naghahanda para sa kanilang karanasan sa templo. Maaari nating iwasan ang mga negatibong paglalarawan tungkol sa templo (tulad ng “kakatwa” o “kakaiba”), at maaari nating piliing gamitin ang mga paglalarawang positibo at nakasentro kay Cristo (tulad ng “kapayapaan” at “pag-asa”).
Nakatutulong sa akin na isipin ang maraming magagandang larawang nakita ko sa loob ng templo, at madalas kong ibahagi ang mga larawang iyon sa mga kaibigan o kapamilyang naghahandang pumunta. Anong mga damdamin at emosyon at salita ang pumapasok sa isip mo kapag nakikita mo ang mga larawang iyon? Sikaping gawing nakasisigla ang pagsasalita mo tungkol sa templo.
3. Maghanap ng mga Sagot mula sa Resources ng Ebanghelyo
Dahil sa ating pagmamahal at matinding paggalang sa templo, maaaring madaling makadama ng takot na pag-usapan ito. Maaari tayong maguluhan at mag-isip kung ano ang ayos na sabihin. Alam ko na nasangkot ako nang hindi sinasadya sa kultura ng pagsasabi sa mga mausisang kaibigan at kapamilya na hindi natin maaaring pag-usapan ang nangyayari sa loob ng templo.
Gayunman, nang maglingkod ako sa loob ng templo at mas mapag-aralan ko ang tungkol dito, natanto ko na maaari tayong magbahagi ng higit kaysa sa inakala ko!
Halimbawa, maaari nating ibahagi na “ang isang endowment ay literal na isang ‘kaloob.’” Ang endowment sa templo ay isang kaloob ng mga sagradong pagpapala sa bawat isa sa atin na mula sa Diyos, at kabilang sa ilan sa mga pagpapalang iyon ang:
-
“Higit na kaalaman tungkol sa mga layunin at turo ng Panginoon.
-
“Kakayahang gawin ang lahat ng nais ng Diyos na gawin natin.
-
“Banal na patnubay at proteksyon habang naglilingkod tayo sa Panginoon, sa ating mga pamilya, at sa iba.
-
“Karagdagang pag-asa, kapanatagan, at kapayapaan.
Maaari rin nating pag-usapan ang tungkol sa mga tipang ginagawa natin sa loob ng templo. Ang maganda tungkol sa templo ay na tinutulutan tayo nitong mas mapalapit sa Diyos at mapatatag ang ating ugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng paggawa ng mga karagdagang pangako sa Kanya. Ang mga tipang ito ay ang:
-
“Batas ng Pagsunod, na kinabibilangan ng pagsisikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos.
-
“Batas ng Sakripisyo, na ang ibig sabihin ay gawin natin ang lahat ng makakaya natin upang masuportahan ang gawain ng Panginoon at magsisi nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu.
-
“Batas ng Ebanghelyo, na siyang mas mataas na batas na itinuro Niya noong narito Siya sa lupa.
-
“Batas ng Kalinisang-puri, na ang ibig sabihin ay magkaroon lamang tayo ng seksuwal na relasyon sa tao kung kanino tayo ikinasal nang legal at naaayon sa batas ng Diyos.
-
“Batas ng Paglalaan, na ang ibig sabihin ay ilaan ang ating oras, mga talento, at lahat ng naipagkaloob sa atin ng Panginoon sa pagtatayo ng Simbahan ni Jesucristo sa lupa.”
Kapag nagbabahagi tayo ng mga positibong mensahe tungkol sa templo, tinutulungan natin ang ating mga mahal sa buhay na madamang sila ay malugod na tinatanggap at handang dumalo sa unang pagkakataon. Maaari natin silang tulungang asamin na mapalalim ang kanilang ugnayan kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga tipan sa templo.
4. Magbahagi ng mga Positibong Karanasan
Ang pinaka-natutuhan ko tungkol sa templo ay na sa tamang impormasyon, hindi ito kakaiba. Sa katunayan, karamihan—kung hindi man lahat—ng impormasyon at mga pagpapalang natatanggap natin sa templo ay pamilyar sa itinuturo sa atin araw-araw sa ebanghelyo.
Sa pamamagitan ng aking mga karanasan, natutuhan ko na ang takot ay hindi nagmumula sa Panginoon. Kapag iniiwasan nating pag-usapan ang templo o sinusubukang pag-usapan ito gamit ang malalabong babala o pag-aalala, binibigyan nito ang kaaway ng higit na kapangyarihang pawiin ang ganda ng templo. Sa halip na paikliin ang ating mga pag-uusap sa pagsasabing, “Kapag patuloy kang bumalik, mas gaganda ang karanasan mo kalaunan,” maaari nating ibahagi ang ating mga positibong karanasan sa pagdalo sa templo.
Kapag natatakot tayong sagutin ang mga tanong tungkol sa templo, maaaring isang paanyaya iyon mula sa Panginoon na lalo pa tayong mag-aral tungkol sa templo. Ito ay hindi lamang magpapala sa atin kundi maging sa mga taong nakapaligid sa atin. Nilayon ng Panginoon ang templo upang pagpalain tayo, hindi para takutin tayo.
Tandaan ang sinabi ni Pangulong Nelson: “Ang paggawa ng mga tipan at pagtanggap ng kinakailangang mga ordenansa sa templo, gayundin ang paghahangad na mas mapalapit sa Kanya roon, ay magpapala sa inyong buhay sa mga paraang hindi magagawa ng ibang uri ng pagsamba.” At habang nagsasalita tayo nang mas positibo tungkol sa bahay ng Panginoon, mas patuloy nating magagabayan ang isa’t isa na bumalik at anyayahan ang mga pagpapalang iyon sa ating buhay.