Digital Lamang: Mga Young Adult
Pagdaig sa Espirituwal na Kapaguran
Ang awtor ay naninirahan sa United Arab Emirates.
Pagbalik ko mula sa misyon, hirap na hirap akong magpasiya kung ano ang susunod kong gagawin.
Gustung-gusto ko ang misyon ko. Pero nang makauwi ako sa Pilipinas, lubha akong nabalisa dahil sa tinatawag kong “espirituwal na kapaguran.”
Para sa akin, ang ibig sabihin ng espirituwal na kapaguran ay makaramdam ng lubos na kapaguran matapos mong ibigay ang lahat ng makakaya mo. Naapektuhan nito ang buhay ko hanggang sa dumating sa punto na maghapon akong hindi lumalabas ng kuwarto ko dahil pagod na pagod ako.
Bilang returned missionary, nahirapan ako sa pakikialam ng aking pamilya, mga kaibigan, at komunidad sa mga desisyon ko sa buhay. Pakiramdam ko ay maraming iniisip ang mga tao sa paligid ko tungkol sa ginagawa kong mga pagpapasiya at kung ano ang dapat kong ginagawa—napakabigat nito para sa akin. Itinago ko sa lahat ang nararamdaman ko dahil ayaw ko silang biguin.
Sa paglipas ng panahon, hindi ko na nakayanan ang pakikialam ng iba.
Naramdaman ko ang inilarawan ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“[Kung] minsan, ang mga espirituwal na panlulupaypay ay dumarating nang dahan-dahan kaya hindi natin masasabi kung ano ang nangyayari. Tulad ng mga patung-patong na sedimentary rock, magpapatung-patong ang espirituwal na sakit at dalamhati sa paglipas ng panahon, [na] nagpapabigat sa ating espiritu hanggang [sa] halos hindi na ito kayang pasanin. Halimbawa, mangyayari ito kapag ang ating mga responsibilidad sa trabaho, tahanan, at simbahan ay naging napakahirap na kaya hindi na natin makita ang kagalakan sa ebanghelyo. Maaaring madama pa nga natin na parang wala na tayong maibibigay o hindi na kaya ng lakas natin na sundin ang mga kautusan ng Diyos.”
Kahit ganito ang naging pakiramdam ko, nakasumpong ako ng kapayapaan nang humingi ako ng patnubay sa Ama sa Langit. Narito ang tatlong paraan na ginawa ko ito:
1. Hindi Pagtutuon sa mga Inaasahan ng Iba
Dahil sa mga inaasahan ng iba, nahirapan akong masumpungan ang kapayapaang kailangan ko para makabalik sa buhay sa aming tahanan bilang returned missionary.
Kaya ipinagdasal ko kung anong direksyon ang dapat kong tahakin para sa aking kinabukasan at sinabi ko sa Ama sa Langit ang hirap na nadarama ko. Habang sinisikap kong anyayahan ang Espiritu sa buhay ko, nahiwatigan ko na dapat akong sumampalataya nang lubusan at pumunta sa United Arab Emirates para magtrabaho. Ang inspirasyong ito ay lubhang hindi inaasahan, at maraming tao sa paligid ko ang nabigla nang sundin ko ang pahiwatig na ito.
Bigla akong nakadama ng malaking pag-asa! Nadama ko na sa pamamagitan ng Espiritu, inaakay ako ng Diyos sa isang direksyon na magbibigay sa akin ng paggaling na kailangan ko.
Ang matutuhang hindi magtuon sa mga inaasahan sa akin ng ibang tao at ang pagtutuon sa patnubay ng Ama sa Langit ay nagtulot sa akin na sumulong nang may pag-asa at pananampalataya.
Itinuro din ni Elder Uchtdorf, “Makahahanap tayo ng espirituwal na paggaling kapag lumayo tayo sa kadiliman ng mundo at [nag]tungo sa walang-hanggang Liwanag ni Cristo.”
2. Hindi Pagkukumpara ng Sarili Ko sa Iba
Pag-uwi ko mula sa misyon, nahirapan din ako sa pagkukumpara ng sarili ko sa iba.
Tinalakay ni Elder Uchtdorf ang mga panganib ng pagkukumpara. Sabi niya: “Gumugugol tayo ng maraming oras at lakas sa paghahambing sa ating sarili sa iba[.] … Itinutulak tayo nito na asahan sa ating sarili ang mga bagay na imposibleng magawa. Dahil dito, hindi tayo natutuwa sa mabubuti nating gawa dahil tila hamak iyon kumpara sa ginagawa ng iba.”
Lubha akong nakatuon sa ginagawa ng iba pang mga returned missionary, kaya pakiramdam ko ay hindi ako gaanong umuunlad. Pero ang paghingi ng tulong sa Ama sa Langit para mabago ang aking tuon at ang aktibo kong pagsisikap na gawin ito ay nagtulot sa akin na di-gaanong mag-alala tungkol sa ginagawa ng iba. Sa halip, nagtuon ako sa natatangi kong landas at sa mga hakbang na puwede kong gawin bawat araw para makamit ang aking mga espirituwal at temporal na mithiin.
3. Pagiging Masikap sa Espirituwal na Aspeto
Ang pagpunta sa Dubai ay nagturo sa akin ng kahalagahan ng pagsisikap. Anuman ang ating sitwasyon, maaari tayong magsikap sa paggawa ng mga pagbabago at paghahanap kay Cristo saanman tayo naroroon.
Bagama’t tila nakakapagod ang ebanghelyo nang umuwi ako mula sa misyon, ang pagiging abala ko rito ang naging sagot talaga sa kapaguran ko. Nakasumpong ako ng higit na kapayapaan at paggaling nang sikapin kong maging bahagi ng aking ward at mag-ukol ako ng oras para sa Panginoon bawat araw.
Pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson ang konseptong ito, na sinasabing: “Kailangan natin ng araw-araw na mga karanasan ng pagsamba sa Panginoon at pag-aaral ng Kanyang ebanghelyo. Nakikiusap ako sa inyo na hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay. Bigyan Siya ng makatwirang bahagi ng inyong oras. Sa paggawa nito, pansinin ang mangyayari sa inyong positibong espirituwal na momentum.”
Kapag nakararamdam ako ng espirituwal na kapaguran, alam ko na ngayon na ang paraan para makasumpong ng kapayapaan ay ang panatilihin ang espirituwal na momentum. Ang isang paraan para magawa natin ito ay ang ilipat ang ating pokus sa Tagapagligtas at kalimutan ang mga inaasahan ng iba.
Kapag ginagawa ko ito, nasusumpungan ko ang kapayapaang kailangan ko para makausad sa landas ng tipan—sa paisa-isang hakbang.