Liahona
Ang mga Anak ng Diyos at ang Kanyang Pagmamahal
Agosto 2024


Digital Lamang: Mga Turo ng mga Pinuno ng Simbahan mula sa Social Media

Ang mga Anak ng Diyos at ang Kanyang Pagmamahal

Tingnan kung ano ang itinuro ng mga buhay na propeta at ng iba pang mga pinuno ng Simbahan kamakailan sa social media kung paano nasabing tayo ay mga anak ng Diyos.

Si Jesucristo na nagtuturo sa mga batang paslit

Ang Awit 82:6 ay nagpapaalala sa ating banal na pamana: “Kayo’y mga diyos; kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.”

Gayundin, taimtim na hiniling sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na alamin ang katotohanan tungkol sa kung sino tayo:

“Mahal kong mga kaibigan, kayo ay literal na mga espiritung anak ng Diyos. Nakanta na ninyo ang katotohanang ito mula nang matutuhan ninyo ang mga titik sa ‘Ako ay Anak ng Diyos.’ Ngunit nakatatak ba sa puso ninyo ang walang-hanggang katotohanang iyan? …

“Ang mga pantukoy ng mundo ay hinding-hindi magbibigay sa inyo ng pagkaunawa kung ano ang maaari ninyong kahinatnan sa huli. Hinding-hindi nila pagtitibayin ang inyong banal na DNA o ang inyong walang hanggan at banal na potensyal. …

“… Kapag tinanggap ninyo ang mga katotohanang ito, tutulungan kayo ng ating Ama sa Langit na maabot ang inyong pinakamimithi na mamuhay nang walang hanggan sa Kanyang banal na kinaroroonan.”

Nagsalita na ang mga pinuno ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa ating banal na pamana bilang mga anak ng Diyos (tingnan sa mga koleksyon na “banal na katangian” at “halaga ng bawat isa”). Nagbahagi rin sila ng mga mensahe tungkol sa mga paksang ito sa social media, kabilang na ang mga sumusunod:

Kayo ay mga Anak ng Diyos, Isang Kakaibang Banal na Pamana

Dallin H. Oaks

“Napakahirap ng mga panahong ito para sa ating lahat, pero binibigyan tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo ng sapat na dahilan para magalak. Sa pamamagitan ng Kanyang propeta, binigyan tayo ng Diyos ng hamon na sumulong sa kabila ng kahirapan, at ipinakikita ng mga turo ni Jesucristo ang daan sa ating banal na tadhanang buhay na walang hanggan. Alam ninyo na kayo ay mga anak ng Diyos, isang kakaibang banal na pamana. Mahal kayo ng Diyos. Siya ay isang makapangyarihang guro, at nangako Siyang tutulungan kayo kung hahanapin ninyo Siya sa paraang itinuro Niya.

“Ikintal sa inyong isipan at itakda bilang inyong mga personal na prayoridad ang makapangyarihang katotohanan na kayo ay pinakamamahal na anak ng Diyos. Ang Kanyang pagmamahal ay pinagkakalooban kayo ng paggalang sa sarili, lakas, at ng pagganyak na labanan ang anumang mga problemang nararanasan ninyo sa buhay. At huwag ninyong kalimutan kailanman na mahal kayo ng Kanyang mga lingkod. Mahal namin kayo. Sa lahat ng ating alalahanin, habang sinisikap nating daigin ang ating mga hamon, hinihimok namin kayong magalak, dahil nadaig Niya ang mundo. Magagawa rin natin iyon. Tandaan, ang plano ng Ama sa Langit ay isang plano ng kaligayahan.”

Pangulong Dallin H. Oaks, Facebook, Mayo 22, 2023, facebook.com/dallin.h.oaks.

Hindi Titigil ang Diyos na Mahalin Ka

Dieter F. Uchtdorf

“Anuman ang saloobin ninyo sa Diyos, hindi Siya titigil na mahalin kayo.

“Ilang beses kaya kayong pagpapasensyahan ng Ama sa Langit?

“Higit pa sa kaya ninyong maintindihan.

“Ilang beses kaya Niya kayong patatawarin?

“Higit pa sa pakiramdam ninyong nararapat sa inyo.

“Gaano kadalas kaya Niya kayo pangangalagaan at aaluin?

“Higit pa sa kaya ninyong malaman.

“Walang katapusan ang biyaya at awa ng ating mabait na Diyos. Walang hangganan ang lalim ng Kanyang pagmamahal. Walang hadlang sa Kanyang habag para sa Kanyang mga anak.

“Ang Diyos ay hindi natin kalaban. Siya ang ating tagapagturo. Ang ating gabay. Ang ating tagapagpagaling. Ang ating Tagapagligtas.

“Ang sinabi Niyang layunin at pinakamalaking kagalakan Niya ay ang ating kaligayahan sa pamamagitan ng imortalidad at buhay na walang hanggan.”

Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Peb. 8, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Alam ng Diyos ang Ating Walang-Hanggang Potensyal

Dieter F. Uchtdorf

“Kapag tayo, na Kanyang mga anak, ay tinitingnan ng Ama sa Langit, nakikita Niya tayo kung sino talaga tayo. Alam Niya ang lahat tungkol sa atin. Ang ating mga pangamba, kawalang-pag-asa, at kalungkutan. Ngunit alam din Niya at nagagalak Siya sa ating pananampalataya, sa ating mabubuting hangarin at tagumpay. Ipinagdiriwang Niya ang mga pagkakataon na nalampasan natin ang mga balakid, pisikal man, mental, emosyonal, o espirituwal ang mga iyon. Ngunit higit sa lahat, alam Niya ang ating walang-hanggang potensyal. Ang inyong walang-hanggang potensyal. Nakikita Niya ang pinakamagandang bersyon natin, ang maluwalhating tao na may potensyal na marating natin.

Kapag sinusunod ninyo ang ating pinakamamahal na Tagapagligtas na si Jesucristo, lalago ang inyong pananampalataya. Lalakas ang inyong kumpiyansa sa sarili, at balang-araw, tiyak na malalaman ninyo na sulit ang inyong mga pagsisikap sa paglalakbay. Magagawa ninyo ito. Maniwala. Maniwala sa Diyos. Maniwala sa sarili ninyo. Piliing sundin ang Tagapagligtas. Lumapit sa inyong Ama sa Langit, at lalapit Siya sa inyo.”

Elder Dieter F. Uchtdorf, Facebook, Set. 18, 2023, facebook.com/dieterf.uchtdorf.

Bahagi Tayo ng Pamilya ng Panginoon

Quentin L. Cook

“Tinitiyak ko sa inyo na kung ikaw ay may asawa o walang asawa, may malaking pamilya o maliit, bahagi pa rin kayo ng pamilya ng Panginoon. Nagagalak ako sa dakilang plano ng kaligtasan na sapat ang laki para sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit. At partikular akong nagpapasalamat na ang plano ng Diyos ay naglalaan ng paraan para umabot ang mga relasyon ng pamilya hanggang sa kabilang-buhay. Pinatototohanan ko na kapag bumalik tayo sa piling ng Diyos, makakasama natin nang walang hanggan ang mga taong pinakamamahal natin.”

Elder Quentin L. Cook, Facebook, Mayo 15, 2023, facebook.com/quentin.lcook.

Personal Tayong Kilala at Mahal ng Ama sa Langit

Quentin L. Cook

“Malinaw na mayroon tayong Ama sa Langit, na personal na nakakikilala at nagmamahal sa atin at lubos na nakauunawa sa ating mga pagdurusa. Ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos.

“Ang plano ng kaligayahan ng Ama para sa Kanyang mga anak ay saklaw hindi lamang ang premortal at mortal na buhay kundi ang potensyal na matamo ang buhay na walang hanggan, pati na ang dakila at maluwalhating pagkikita nating muli ng mga pumanaw nating mahal sa buhay. Lahat ng pagkakamali ay itatama, at lilinaw at magiging ganap ang ating pananaw at pag-unawa.”

Elder Quentin L. Cook, Facebook, Okt. 19, 2023, facebook.com/quentin.lcook.

Bawat Henerasyon ay Kailangang Maunawaan Kung Sino Sila

Quentin L. Cook

“Bawat henerasyon ay kailangang maunawaan kung sino sila at ang kanilang walang-hanggang identidad. [Maaaring ito ay] mahirap mahiwatigan dahil ayaw ng kaaway na magkaroon kayo ng malinaw na pang-unawa tungkol sa Diyos Ama at kay Jesucristo at sa Kanilang plano ng kaligayahan para sa inyo at sa kaugnayan ninyo sa Kanila.

“Ang aral dito ay huwag hayaang madaig ng mga pag-aalinlangan o kawalan ng paniniwala ang ating pananampalataya.”

Elder Quentin L. Cook, Facebook, Dis. 7, 2023, facebook.com/quentin.lcook.

Ang mga Templo ay Tanda ng Pagmamahal ng Diyos

Ulisses Soares

“Ang pagtatayo ng … mga templo sa buong mundo ay tunay na pagpapakita ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak. Ito ay isa ring patotoo na ang ating Ama sa Langit ay buhay at nagmamalasakit sa walang-hanggang kaligtasan ng Kanyang mga anak sa lahat ng dako. Ito ay magandang patotoo tungkol sa banal na pangitain at plano ng Diyos para sa atin, sa Kanyang mga anak, sa ating mga ninuno, at mga inapo.”

Elder Ulisses Soares, Facebook, Okt. 9, 2023, facebook.com/soares.u.

Ang Iyong mga Pangangailangan, Hamon, at Hangarin ay Patuloy na Nasa Harapan ng Diyos

Kristin M. Yee

“Mga kapatid kong dalaga, dapat ninyong malaman na gusto kong magsalita sa inyo at sa lahat ng mga kapatid kong babae na kailangang malaman na mahal at kilala sila ng ating Ama sa Langit. …

“Mahal kong magagandang kababaihan at anak na babae ng Diyos, alam ko na alam ng ating Ama sa Langit at ng Tagapagligtas ang nangyayari sa inyo. Mahal Nila kayo. Naririnig Nila ang mga pagsamo ng inyong puso, ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga kalungkutan, ang inyong mga kagalakan. Hindi kayo nag-iisa kailanman. Makakakita kayo ng lubos na pag-unawa sa Kanila. Nilayon kayong maging katuwang ng Panginoon sa mabisang paraan sa pamamagitan ng inyong mga tipan. Sa Isaias kabanata 49 binigyan tayo ng Panginoon ng kabatiran tungkol sa Kanyang dakilang pagmamahal sa inyo at sa akin. Sa [mga talata 14–16] sinasabi:

“‘Ngunit sinabi ng Zion, Pinabayaan ako ng Panginoon, [at nakalimutan na] ako ng aking Panginoon.

“‘Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin, na siya’y hindi mahahabag sa anak ng kanyang sinapupunan? Oo, ang mga ito’y makakalimot, ngunit hindi kita kalilimutan.

“‘Narito, aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko, ang iyong mga pader ay laging nasa harapan ko.’

Ang inyong mga pader—ang inyong mga pangangailangan, hamon, hangarin—ay patuloy na nasa harapan Niya. Hindi kailanman nagkaroon ng panahon na wala kayo sa Kanyang isipan at sa Kanyang puso. Tayo ay inanyuan sa mga palad ng Kanyang mga kamay. Mahal ko kayo, at dalangin ko na makatagpo kayo ng kasiya-siyang pangangalaga, pagpapagaling, at kapayapaan sa walang-humpay na pagmamahal ng Diyos sa inyo bilang Kanyang anak.”

Sister Kristin M. Yee, Facebook, Mar. 8, 2023, facebook.com/RS2ndCounselor.

Maaaring Panatilihing Nangunguna ng Pagmamahal at Liwanag ng Diyos ang Ating Banal na Identidad

Tracy Y. Browning

“Habang lumalaki ako sa Queens, New York, pakiramdam ko kung minsan ay wala akong koneksiyon sa maraming taong nakatira malapit sa sentro ng lungsod. Kung minsan pakiramdam ko ay nakahiwalay ako at nag-iisa, kahit napapaligiran ako ng napakaraming tao.

“Nang ituro sa akin ang ebanghelyo ni Jesucristo, unti-unti kong naramdaman ang Liwanag ni Cristo sa buhay ko. Nang tanggapin ko ang mga paanyayang basahin ang mga banal na kasulatan, manalangin, at magnilay-nilay, nagsimulang lumago ang liwanag sa aking kalooban. Nadama ko na kilalang-kilala ako ng Diyos, kahit na ang pakiramdam ko dati ay hindi ako kilala ng iba.

“Noong tinedyer ako, maaga akong umasa at naghanap sa liwanag na iyon, at nananatili akong umaasa roon hanggang ngayon. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson na ‘mahalaga’ na maranasan ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo—lalo na sa ating panahon ngayon. Nagpapasalamat ako sa mahalagang karanasang iyon noong kabataan ko at na patuloy akong isinusulong ng Kanilang pagmamahal at liwanag ngayon.

“Pinananatiling nangunguna ng pagmamahal at liwanag ng Diyos ang aking banal na identidad bilang minamahal na anak na babae ng Diyos at ganoon ko pinipiling ipakilala ang sarili ko at mamuhay sa araw-araw. Tinulutan din ako nitong makita ang kabanalan ng lahat ng mga anak ng Diyos—na aking mga kapatid. Ang pagmamahal ng Diyos ay maaaring tumagos sa pinakasentro ng puso ng Kanyang mga anak. Kapag nadarama natin ito—kapag nararanasan natin ito sa ating sarili—nalalaman natin kung bakit ‘ito ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay … at ang labis na nakalulugod sa kaluluwa’ (1 Nephi 11:22–23).”

Sister Tracy Y. Browning, Facebook, Hulyo 27, 2023, facebook.com/Primary2ndCounselor.