“Paano Magpapahayag ng Suporta sa Iyong Anak na Missionary,” Liahona, Ago. 2024.
Para sa mga Magulang
Paano Magpapahayag ng Suporta sa Iyong Anak na Missionary
Ang mga sumusunod na alituntunin mula sa mga lider ng Simbahan ay makatutulong sa paghahangad mong magbigay ng iyong suporta sa missionary.
Kapag nagmisyon ang iyong anak, ito man ay service o teaching mission, may kasama itong magkakahalong damdamin. Maaaring nakadarama ka ng kasabikan, kalungkutan, kasiyahan, at pag-aalala—nang sabay-sabay. Maaaring pinanghihinaan din ng loob o nalulungkot ang iyong missionary kung minsan pero makadarama rin ng kagalakan, pagmamahal, at pag-asa. Bilang magulang at kapamilya, may espesyal na pagkakataon kang pasiglahin at palakasin ang iyong missionary habang nakikipag-ugnayan ka sa kanya. Ang pag-unawa sa ilang alituntunin para sa pakikibahagi sa ganitong uri ng pakikipag-ugnayan ay maaaring maging kapaki-pakinabang hindi lamang sa mga magulang ng missionary kundi maging sa mga kamag-anak, kaibigan, at lider.
Ipaalala sa Kanila ang Kanilang Layunin
Ipaalala sa iyong missionary ang dakilang gawaing ipinapagawa sa kanya. Binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson ang kahalagahan ng sagradong gawaing ito:
“Bawat anak ng ating Ama sa Langit ay nararapat na magkaroon ng pagkakataon na piliing sundin si Jesucristo, na tanggapin ang Kanyang ebanghelyo kasama ang lahat ng biyaya nito. …
“… Ipinadala kayo sa mundo sa panahong ito, sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng mundo, upang tumulong na tipunin ang Israel. Wala nang ibang nangyayari sa daigdig na ito ngayon mismo na mas mahalaga pa kaysa riyan.”
Natututuhan ng mga misyonero na ang layunin nila ay “anyayahan ang iba na lumapit kay Cristo sa pagtulong sa kanila na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas.”
Tulungan ang iyong mga anak na alalahanin ang kanilang banal na pagkatao. Sila ay mga anak ng Diyos, isinugo rito sa panahong ito dahil pinagkatiwalaan sila ng Ama sa Langit sa Kanyang gawain. Bigyang-diin ang mga paraan na magagamit nila ang kanilang mga kaloob upang pagpalain ang buhay ng iba. Bilang mga disipulo ni Jesucristo, may kakayahan silang gawin ang mga bagay na maaaring iniisip nila na hindi nila kaya.
Magtuon sa Espirituwal
Bagama’t maaaring nais mong makatanggap ng balita tungkol sa bawat aspeto ng misyon, huwag hayaang madaig ng walang-kabuluhan ang pag-uusap. Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Magtuon sa espirituwal na aspeto ng paglilingkod ng inyong anak. Napakasayang pagkakataon ang makatawag sa bahay ang isang missionary; maaari nilang ibahin ang pokus ng pag-uusap mula sa ‘Ano ang inalmusal mo?’ at gawing … ‘Aling pamilya o indibiduwal ang tinuturuan mo ngayon at anong lesson? Ano ang lubos na nagpalakas sa iyo?’ Ang panganib kung minsan ay nakatuon tayo sa walang-kabuluhan at binabalewala ang espirituwal.”
Magtuon sa espirituwal sa pamamagitan ng pagpapahiwatig sa iyong missionary na magbahagi ng mga karanasan tungkol sa mga taong pinaglilingkuran o tinuturuan niya. Isiping ipagdasal ang mga taong iyon sa iyong personal na panalangin o sa panalangin ng pamilya. Makinig na mabuti habang nagbabahagi ang iyong missionary ng mga paraan kung paano naantig ng Espiritu ang kanyang puso sa linggong iyon.
Sa halip na magbigay ng mga balita sa mga palabas sa TV o sa isports, magbahagi ng mahahalagang sandali mula sa iyong buhay kung saan ikaw ay ginabayan, pinanatag, o tinuruan ng Panginoon. Sa paggawa mo nito, ang inyong mga pag-uusap ng iyong missionary ay magbibigay ng panibagong espirituwal na lakas.
Makibahagi sa Espirituwal na Paglalakbay
Ang pakikipag-usap mo sa iyong missionary ay pagpapalain kapag hinahangad mong makibahagi rin sa gawain ng pagtitipon ng Israel. Ibinahagi ni Sister Bonnie H. Cordon, dating Young Women General President:
“Maaaring hindi ninyo … katabing naglalakad [ang inyong missionary], pero maaari pa rin kayong makibahagi sa espirituwal na paglalakbay. …
“Samahan ang inyong missionary sa gawain—mag-aral, maglingkod, at ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo! Kapag ginawa ninyo ito, kapwa ninyo aanihin ang mga ipinangakong pagpapala ng paglilingkod bilang missionary.”
Nagbigay rin si Sister Cordon ng tatlong mungkahi:
-
“Dagdagan ang sarili ninyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ibahagi ang inyong mga ideya sa susunod na email ninyo.
-
“Dumalo sa templo at samahan sila sa maluwalhating gawain ng pagdadala ng mga pamilya kay Cristo.
-
“Hangarin na magkaroon ng sarili ninyong mga karanasan bilang missionary upang sama-sama ninyong matuklasan ang kagalakan ng pagbabahagi ng ebanghelyo.”
Anuman ang iyong piniling paraan sa pagsama sa espirituwal na paglalakbay, madaragdagan ang iyong kagalakan habang kapwa ninyong hinahangad na tulungan ang iba na lumapit kay Cristo.
Sa lahat ng pakikipag-ugnayan mo sa iyong missionary, alalahaning bumaling sa Panginoon. Bibigyan ka Niya ng inspirasyon upang malaman kung ano ang kailangang marinig ng iyong missionary. Ikaw at ang iyong missionary ay pagpapalain habang kayo ay natututo, lumalago, at naglilingkod nang magkasama.