Pang-aabuso
Pagtuklas sa Aking Halaga


“Pagtuklas sa Aking Halaga,” Tulong para sa mga Biktima (2018).

“Pagtuklas sa Aking Halaga,” Tulong para sa mga Biktima.

Pagtuklas sa Aking Halaga

Paunawa: Ito ay isang tunay na karanasan na ibinahagi ng isang nakaranas ng pang-aabuso. Ang mga pangalan at impormasyon ng pagkakakilanlan ay pinalitan.

Ang sulat na ito ay orihinal na isinulat para sa isang pagsasanay sa stake upang matulungan ang mga bishop na makipagtulungan sa mga nakaligtas sa seksuwal na pang-aabuso. Ibinahagi ito rito nang may pahintulot.

Mahal naming mga Bishop,

Gusto ko kayong tulungan na maunawaan kung ano ang pakiramdam ng isang tao na may isang pangit na lihim—isang lihim na mula pa sa pagkabata.

Nakita na ako ng bawat isa sa inyo, at marami sa inyo ang nakakakilala kung sino ako. Ang ilan sa inyo ay nakipagtulungan na sa akin. Sinabi sa akin na ang tingin ninyo sa akin ay isa akong maayos na kabataang babae. Naglingkod ako sa misyon at humawak ng mahahalagang calling. Gayunman, may bahagi ng pagkatao ko, na nag-uugat pa sa aking nakalipas, na hindi makikita sa aking panlabas na anyo—bagamat kung minsan nadarama kong alam ng mga tao ang nakaraan ko. Madalas madama ng mga taong tulad ko na anumang sandali ay maaari kaming “mabisto,” at pagkatapos ang magiging resulta nito ay isang pangit na reputasyon at kami ay tatanggihan.

Hindi ko alam kung ilang taon ako noon nang magsimula ito—at maaaring hindi ko na malaman—ngunit ako ay sekswal na inabuso noong bata ako, sa una ng ilang kapitbahay na lalaki, at kalaunan, ng isang nakatatandang pinsan. Sa bawat panahon nadarama ko na wala akong halaga at sinubukan kong lumimot. Matagumpay kong nalimutan ang mga alaalang iyon sa aking isipan hanggang sa maging senior high school ako at napunta sa isang sitwasyon na nagpaalaala sa akin tungkol sa pang-aabuso.

Pagkatapos niyon, naalala ko ang ilang bagay mula sa nakaraan at ikinuwento ang nangyari sa aking pinakamatalik na kaibigan. Siya ang kauna-unahan at tanging taong pinagsabihan ko ng aking lihim sa loob ng maraming taon, dahil kapag ikaw ay dumanas ng sekswal na pang-aabuso, madalas ang tingin mo sa iyong sarili ay pangit ka, marumi, at may kasalanan. Nakadarama ka ng matinding pagkamuhi sa iyong sarili. Naniniwala ka na kung malalaman ng mga tao ang tungkol dito, makikita nila ang iyong kapangitan at magiging iba na ang tingin nila sa iyo.

Noong high school, at maraming beses mula noon, naranasan ko ang mga panahon ng anorexia—isang kalagayan na nalaman ko ay karaniwan sa mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso. Ang seksuwal na pang-aabuso ay kumakatawan sa pagkawala ng kontrol sa isang bagay na sagrado at personal. Nakadama ako ng matinding pangangailangan na magkaroon ng kontrol sa isang bagay. Naisip ko na ang pagkontrol sa aking gana sa pagkain ang tutulong sa akin na madaig ang nadarama kong pagkamuhi sa sarili. Siyempre, hindi iyon umubra, at lumala lamang ang sitwasyon nang ang paulit-ulit na pagkagutom ay naging napakalala na. Mayroon pa akong ibang mga dahilan para gawin ang hindi mabuting gawi sa pagkain. Sa pangalawang pagkakataon ng pang-aabuso sa akin, sinasabi sa akin ng taong nang-abuso sa akin na hindi ang klase ng katawan ko ang tipo niya. Dahil dito nasanay akong magkaroon ng negatibong damdamin tungkol sa aking hitsura.

Natatakot din ako na mahalata ng mga tao ang mga nangyari sa akin. Kaya ang pakikipagdeyt ay mahirap para sa akin. Sa mga pakikipagrelasyon ko, may tendensiya ako na maging tulad ng isang hunyango at baguhin ang aking sarili ayon sa gusto at hindi gusto ng sinumang kadeyt ko. Naging mahirap sa akin na magkaroon ng positibong paninindigan. Ito ay karaniwan sa mga biktima.

Buong buhay akong nahirapan dahil sa pangit kong sikreto. Mahirap sa akin na makita ang pagiging inosente ko sa harap ng Diyos at ihiwalay ito sa kung ano talaga ang mali—ang paglapastangan sa akin ng nang-abuso. Ito ay mas pinahirap pa ng katotohanan na noong ako ay minolestiya, ako ay isang inosenteng bata at hindi ko naunawaan na wala pa akong kakayahan na magkaroon ng kontrol sa mga ginagawa sa akin. Bakit hindi ko pinigilan ang pang-aabuso? Bakit ko ito hinayaang magpatuloy? Bakit ito kinailangang mangyari? Sa aking pagtanda, ginamit ko ang aking tumataas na antas ng pang-unawa sa aking sarili bilang isang maliit na bata. Lalo akong nakonsensiya dahil sa aking maling pananaw na ang kakayahan kong pumili noon ay patuloy na tumindi sa paglipas ng bawat taon. Ang gayong pag-iisip ay karaniwan. Hindi kailanman nakakatulong na marami sa amin, dahil napakapangit ng tingin namin sa aming sarili, ay napapasama sa mga lalaking nagpapatindi pa ng aming mga negatibong pananaw sa aming sarili sa pamamagitan ng pagturing sa amin bilang mga bagay na magagamit at hindi bilang mga anak na babae ng Diyos. Ang malaking bahagi ng aming pagkamuhi sa sarili ay nag-uugat sa ganitong paulit-ulit na pag-iisip at pagkilos.

Nagdulot din ng mga bangungot ang sekswal na pang-aabuso sa akin. Sa loob ng maraming taon ay may mga panahon na dinagsa ako ng mga bangungot na ito. Natutuhan kong maging maingat sa mga bagay na ipapasok ko sa aking isipan upang walang magamit si Satanas na lilikha ng nakakakilabot na mga panaginip.

Ang mga bangungot na ito ang naging dahilan para talakayin ko sa bishop ang sekswal na pang-aabuso sa akin. Ang mga talakayan ay nakatulong. Nakatulong ang mga ito para anyayahan ako ng bishop na makilahok sa isang LDS Family Services group. Ang tiyempo at kapaligiran ay ang mismong kailangan ko.

Nagpapasalamat ako na itinuro sa akin ng Ama sa Langit kung ano ang aking halaga at pinagpasensyahan Niya ako noong ako ay hindi nagsusumamo sa Kanya sa aking pinakamalulungkot na araw. Ang panalangin ay kadalasang mahirap para sa mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso. Napakahirap ang magtiwala—maging ang magtiwala sa Diyos, at kung minsan, lalo na ang magtiwala sa Diyos.

Noong ako ay nasaktan bilang isang bata, nilapastangan nito ang aking natural na pandama ng kaligtasan at ang aking paniniwala sa pumoprotektang kamay ng Diyos. Ang proseso ng pagdarasal nang may pagsisikap at layunin ay naging posible dahil sa desisyong sumubok at magtiwala, isang pagsisikap na linangin ang kababaang-loob, at ang lumalagong pang-unawa na mahal ako ng Diyos at gusto Niya akong maging masaya. Ang mga pananaw na natamo ko mula sa aking misyon, kung saan ako natuto na manalangin nang may pananampalataya, ay mahalaga sa aking paghilom. Ang pakikibahagi sa LDS Family Services group counseling ay mahalaga rin sa proseso ng aking paghilom.

Kinailangan kong malaman na matutulungan ako ng Panginoon na maghilom. Ang mga sugat ng sekswal na pang-aabuso ay malalim. Ang pakikipagtulungan sa aking bishop at sa LDS Family Services group ay tumulong sa akin na buksan, linisin, at bendahan ang aking mga sugat. Ako ay gumagaling. Sa palagay ko ay patuloy na magkakaroon ng mga sandali na hahapdi ang aking mga sugat, ngunit mas magaling na ang mga ito ngayon kaysa rati. Ako ay nagpapasalamat.

Mga bishop, dapat ninyong malaman na kayo ay mga halimbawa ng kung paano ninyo tinatrato ang mga taong nakapaligid sa inyo at ng antas ng paggalang na ipinapakita ninyo sa mga babae. Ang makakita ng mabubuting lalaki sa ebanghelyo ay nagbibigay sa amin ng pag-asa na may mga lalaki sa mundong ito na maaaring mapagkatiwalaan. Ang isa sa mga pinakamalaking tulong sa amin ay ang panghihikayat na malaman ang aming kahalagahan. Lahat tayo ay may kaloob na maging mga anak ng Diyos at mga indibiduwal na may likas na kahalagahan. Ito ay isang yaman kapag nalaman natin na tayo ay may halaga at kapag nakita natin ang landas tungo sa Tagapagligtas, na nagpapatibay ng ating kahalagahan sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo. Nagsisimula nating maunawaan kung paano Niya madadala ang ating mga pagdadalamhati at kalungkutan.

Nasumpungan ko ang malaking kalakasan sa Tagapagligtas. Alam kong mahal Niya ako at nagmamalasakit Siya sa akin. Nalaman ko rin kung gaano kalaki ang maitutulong Niya sa akin kapag tinanggap ko Siya sa aking puso. Naging mas malakas ako na tao dahil sa kaalamang ito. Marami pa akong dapat gawin.

Ipinagdarasal ko kayo, mga butihing bishop. Mabigat ang inyong pasanin, at alam kong kasama ninyo ang Panginoon at pinalalakas Niya kayo. Salamat at nasa posisyon kayo na magagamit ng Panginoon ang inyong tulong. Nawa’y pagpalain kayo ng Panginoon sa lahat ng inyong ginagawa.

Tapat na sumasainyo,

Ang inyong kapatid

Kung ikaw o ang isang taong kilala mo ay naabuso, agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad, child protective services, o sa adult protective services. Maaari ka ring humingi ng tulong sa isang victim advocate o medical professional. Makakatulong ang mga serbisyong ito para maprotektahan ka at para maiwasan ang karagdagang mga pang-aabuso. Tingnan ang pahina ng “Nakaranas Ka ba ng Pang-aabuso?” para sa karagdagang impormasyon.