“Pagkakaroon ng Panibagong Pananaw sa Aking Sarili,” Tulong para sa mga Biktima (2018).
“Pagkakaroon ng Panibagong Pananaw sa Aking Sarili,” Tulong para sa mga Biktima.
Pagkakaroon ng Panibagong Pananaw sa Aking Sarili
Paunawa: Ito ay isang tunay na karanasan na ibinahagi ng isang nakaranas ng pang-aabuso. Ang mga pangalan at impormasyon ng pagkakakilanlan ay pinalitan.
Noong mga 8 taong gulang ako, sinimulan akong abusuhin ng aking ama. Hindi ko na maalaala kung kailan ito unang naganap; ang alam ko lang ay noong grade 4 ako, ang pambubugbog ng aking ama ay bahagi na ng aking pang-araw-araw na buhay. Sa loob ng ilang taon, tinanggap ko ito na karaniwan lang, isang bagay na dapat lang para sa akin. Madalas na sinasabi ng aking ama na kasalanan ko kaya ako “pinarurusahan” sa ganitong paraan. Sinasabi niya sa akin na napakasama kong anak, na labis na mas masama ako kumpara sa ibang mga batang kilala niya. Kung mas masunurin lang sana ako, kung mas malinis sana ang kuwarto ko, kung mas mataas sana ang grades ko, kung hindi ko sana siya ginagalit, kung mas mabuti sana akong anak na babae, hindi niya ako bubugbugin. Sinabi niya na ginagawa niya lang iyon para turuan ako ng aral at gawin akong mas mabuti. Sa katunayan, sinasabi niyang pinapalo niya lamang ako dahil mahal niya ako. At bilang isang batang babae na mahal ang kanyang ama at desperadong mahalin rin siya nito, naniwala ako sa kanya.
Nagsikap akong gawin ang lahat ng kayang gawin ng isang bata para magawa ang mga ipinapagawa niya sa akin. Sa panahong ito ng buhay ko, ako ay napakatahimik—masunurin pa nga. Sinikap ko nang husto na maging masunurin, maging magalang, maging matalino, pero hindi ito umubra. Palaging nagbabago ang mga patakaran, at palagi akong nasa panig ng mali.
Nagsimulang magbago ang ugali ko noong tinedyer na ako. Nagsimula akong makaramdam ng galit dahil walang umubra sa lahat ng ginawa ko. Nang lumala na ang galit at pagkabigo, nagsimula na akong lumaban kapag binubugbog na ako ng aking ama. Lalo lamang lumala ang karahasan dahil dito, at kung minsan ay umaabsent ako sa paaralan, simbahan, at mga pagtitipon dahil sa pang-aabuso. Naapektuhan ng galit ko ang lahat ng aspeto ng buhay ko. Inaway ko ang lahat—mga kapatid ko, kaibigan, guro sa paaralan, at mga lider ng Simbahan. Maaari akong maging katulad ng araw at gabi—masaya at mapagmahal sa isang sandali, malupit at nakakasakit sa susunod.
Hindi lang iyon ang tanging bagay na nagbago. Bumaba lahat ng grades ko sa paaralan. Bago nagsimula ang pang-aabuso, ipinasok ako sa isang advanced school na may mga programa para sa pinabilis na pagkatuto. Sa pagtatapos ng hayskul, nahirapan akong maging kwalipikado para sa graduation o pagtatapos. Ang tahimik, masipag, at may kumpiyansang pagkatao ko sa simula ay naging walang-katiyakan at suwail na puno ng galit. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi ko kailanman sinabi kanino man ang nangyayari sa bahay. Akala ko ay responsibilidad ko na itago ang sikreto. Bagama’t pagdating ng high school ay alam ko na ang pang-aabuso ay mali, pakiramdam ko ay tungkulin kong panatilihin ang reputasyon ng pamilya ko sa pamamagitan ng hindi pagsasalita tungkol sa mga nangyayari sa loob ng bahay. Nakasalalay sa akin na siguraduhin na magmukhang normal ang aming pamilya sa paningin ng mga kapitbahay at mga miyembro ng ward.
Patuloy na lumala ang buhay ko noong magdalaga na ako. Kaagad akong umalis sa bahay ng mga magulang ko noong kaya ko na at inakala na magiging mas mabuti ang buhay kapag nagsarili na ako. Pero hindi iyon nangyari—at sa maraming paraan ay naging mas malala ito. Ang kadiliman sa bahaging ito ng buhay ko ay isang bagay na ayaw ko nang isipin. Nadagdagan ang depresyon, galit, at pagkabalisa. Palagi akong nagkakaroon ng mga relasyong puro away at hindi ko alam kung paano makawala sa mga ito. Desperado akong magkaroon ng normal at mapayapang buhay, pero wala akong ideya kung paano gawin iyon o kahit man lang kung ano ang hitsura ng gayon. Pakiramdam ko ay hindi ako mapabilang kahit saan at namumuhay sa madilim na sulok ng mundo. Maaari kong masdan at panoorin ang masasaya at normal na mga tao na mamuhay nang masaya at normal na mga buhay, pero hindi ako kailanman pahihintulutan na mapabilang sa kanila. Hindi lang talaga ako kabilang.
Sa panahong ito, nagsimula akong tumanggap ng mga espirituwal na pahiwatig na magpunta sa misyon. Wala akong kahit anong hangarin na maglingkod sa misyon kaya pinaglabanan ko ang mga pahiwatig nang ilang taon. Sa huli ay inamin ko na at natanggap ang aking tawag na maglingkod sa silangang Europe. Mahirap ang misyon ko, at dahil sa sarili kong mga problema, kung minsan ay mahirap akong maging kasama sa paglilingkod. Pinagpala ako nang husto ng napakababait na mga kompanyon at ng isang mahabagin na mission president na ang asawa ay may pagsasanay sa mental health counseling. Sa misyon ako nagdesisyon na humingi ng payo para sa pang-aabuso na naranasan ko sa aking paglaki.
Nang kakauwi ko pa lang, tinawagan ko ang LDS Family Services office na malapit sa bahay namin. Wala akong ideya noon kung ano ang ginagawa ko; tinanong ako ng receptionist kung ano ang kailangan kong tulong at nag-aalangan kong sinabi, “Binubugbog ako dati ng tatay ko.” Inasayn niya ako sa isang counselor at binigyan ako ng petsa at oras para sa aking unang appointment.
Naaalala ko na nakatayo ako sa labas ng gusali ng LDS Family Services bago ang appointment na iyon. Pakiramdam ko ay napakatanga ko. “Masyado ko itong pinalalaki,” sabi ko sa sarili ko. “Dapat ay umuwi na ako.” Sigurado ako na kapag ipinaliwanag ko kung bakit ako naroon, babalewalain lang ito ng counselor, kakausapin ako kung paano ang therapy ng mga taong may “tunay” na mga problema, at sasabihing masyado akong madrama. Muntik na akong hindi pumasok.
Labis akong natutuwa na pumasok ako. Masasabi kong ang unang therapy session ko ang sandaling nagpabago sa landas na tinatahak ko sa buhay.
Ang counselor ko ang unang tao na nakinig sa kuwento ko nang may tunay na pag-unawa at pagdamay. Sinabi niya na tunay ang mga paghihirap na dinanas ko sa loob nang maraming taon. Hindi ko naisip na kailangang-kailangan ko ng pagpapatunay hanggang sa dumating ang sandaling iyon—para itong sariwang hangin na pumasok sa isang silid na sarado nang halos 20 taon. Tinukoy niya ang halos lahat ng itinuturing ko na “pagkawasak” ko (ang aking galit, kalungkutan, at ang kadaliang masangkot sa teribleng mga romantikong relasyon) na sintomas ng PTSD (post-traumatic stress disorder) at ang tipikal at normal na mga tugon sa nakaka-trauma na kapaligiran. Normal ako? Hindi ako depektibo? Wala pang nagsabi sa akin na ganoon ako simula pa noong 8 taon ako. Sa unang pagkakataon, nakadama ako ng malaking pag-asa na maaari akong maging masaya. Lumabas ako ng therapy session na iyon na magaan ang puso na hindi ko naranasan kailanman noon.
Tumagal ang aking therapy nang humigit-kumulang isang taon. Ang ilang sesyon ay puno nang emosyon; ang ilan ay magaan sa pakiramdam. Sa paglipas ng taong iyon, pinagsikapan kong itama ang mga pinsala sa pag-iisip na idinulot ng pang-aabuso ng aking ama. Tinulungan ako ng aking therapist na tukuyin ang mga bagong paraan ng pag-iisip at pagkilos na hindi ko mapag-iisipan nang mag-isa. Unti-unting nagsimulang magbago ang aking isipan mula sa pagiging negatibo at mapamintas sa sarili ako ay naging mas positibo at may kontrol. Iyak ako nang iyak habang nagte-therapy, kapwa sa opisina ng aking therapist at kapag mag-isa ako. Pero nagsimula rin akong tumawa nang mas natural at makaramdam ng tunay na kapayapaan sa aking sarili at sa buhay. Sa pagtatapos ng aking treatment, kaya ko nang mag-isip at magsalita tungkol sa pang-aabuso nang hindi nalulungkot, natatakot, o nahihiya. Nakagawa ako ng ilang mahahalagang pagtuklas, kabilang na ang maisip na hindi ko kailanman naging kasalanan ang pang-aabuso at ako ay may kakayahan at isang mahalagang tao.
Pumasok ako sa therapy na may napakaraming pasan na lihim na pasakit. Kung hindi ako pumunta at kung nanatili ako sa dati kong landas, alam kong magpapatuloy ang paglala ng sitwasyon. Gagawin ko siguro ang buong makakaya ko para “ayusin ang lahat,” pero tulad ng nangyari noon, maaaring nadala na ako ng sakit ng damdamin papunta sa masasakit na sitwasyon at desisyon. Natapos ako sa therapy na may maayos nang pagtingin sa sarili at mga kasanayan sa buhay na likas kong matatamo sa isang maayos na tahanan. Nagkaroon ako ng mas mabuting pananaw sa kung sino ako, kung paano lulutasin ang mga di pagkakasundo, kung ano ang pakiramdam ng magtiwala, at kung ano ang gagawin kung nababalot ang isip ko ng madidilim at negatibong kaisipan. Natapos ako sa therapy na handa, sa halip na takot sa buhay.
Halos 10 taon na mula nang nagsimula ako ng therapy. Mula noon, tinapos ko ang kolehiyo at ang master’s degree ko, nagsimula akong magtrabaho, at ikinasal. Nagsikap ako nang husto na maging tagapagtaguyod ng mental health at hinikayat ang mga nahihirapan na humingi ng propesyonal na tulong. May mga mahihirap na pinagdaraanan pa rin ako paminsan-minsan; hindi ko naiisip na ang lahat ng iyon ay mawawala. Pero alam ko na ngayon kung paano ang gagawin sa mga ito para hindi na ito tumindi at hindi na maging ganoon katagal. Ang buhay ko ngayon ay higit na mas masaya, mas maganda, at mas kasiya-siya kaysa kung hindi ako nagkaroon ng therapy. Labis akong nagpapasalamat sa pagpapala ng pagkakaroon ng therapy.
Kung ikaw o ang isang taong kilala mo ay naabuso, agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad, child protective services, o sa adult protective services. Maaari ka ring humingi ng tulong sa isang victim advocate o medical professional. Makakatulong ang mga serbisyong ito para maprotektahan ka at para maiwasan ang mga karagdagang pang-aabuso. Tingnan ang pahina ng “Nakaranas Ka ba ng Pang-aabuso” para sa karagdagang impormasyon.