“May Pag-asa Ako” Tulong para sa mga Biktima (2018)
“May Pag-asa Ako” Tulong para sa mga Biktima
May Pag-asa Ako
Paunawa: Ito ay isang tunay na karanasan na ibinahagi ng isang nakaranas ng pang-aabuso. Ang mga pangalan at impormasyon ng pagkakakilanlan ay pinalitan.
Noong tinedyer pa ako, pisikal akong ginahasa at hinalay ng isang kaibigan ng pamilya. Siya ay isang lalaking minsan kong iginalang at pinagkatiwalaan. Lahat ng inakala kong alam ko tungkol sa buhay ay nagbago.
Lumaki ako na naturuang maging masaya kapag napapaligiran ako ng ibang tao. Sa ganitong paraan ko nilutas ang bawat hamon sa buhay, at hindi naiba ang resulta ng panghahalay. Sa mga tao sa paligid ko, mukha akong matagumpay. Patuloy akong nakakuha ng matataas na marka at lumahok sa isang sports team paglabas ko ng paaralan, pati na sa iba pang extracurricular activities. Aktibo ako sa aking ward at sa mga aktibidad ng kabataan. Ayaw kong malaman ng sinuman ang nangyari, kaya ginawa ko ang makakaya ko para magmukha akong normal.
Ngunit kahit anong sikap ko, hindi ko maitago ang nangyari. Sa kabila ng hitsura ko, nahirapan ako sa depresyon, pagkabalisa, at post-traumatic stress disorder. Ayaw ko nang magpahipo kaninuman—kahit sa mga magulang at mga kapatid ko. Sa araw, bigla kong naaalala ang nakaraan; sa gabi, napapanaginipan ko iyon. Kahit ang dating nakapapanatag na pagdarasal ay parang walang-bisa at madalas mauwi sa mga pagkasindak.
Binantaan na akong papatayin ng humalay sa akin, at maraming beses kong naisip na mas mabuti pa ngang totohanin na niya ang sinabi niya.
Para makapagpigil at makapahinga mula sa sakit ng damdamin, sinimulan kong saktan ang sarili ko para matakasan ko iyon. Pinuspos ako ng napakalaking kahihiyan at paghamak sa sarili tungkol sa nagawa ko sa aking katawan kaya parang hindi na mahalaga kung ano pa ang nangyari dito. Nahirapan akong maniwala na may halaga ako. Dahil hindi ko maihiwalay ang nangyari sa akin mula sa aking pagkatao, pakiramdam ko ay napakarumi ko. Paano pa ako tunay na mamahalin ng Diyos? Hindi ko naunawaan ang kabuluhan ng sakripisyo ng Tagapagligtas para sa akin, at pakiramdam ko hindi na ako maaayos pa. Ang mga baluktot at maling paniniwalang ito ay nauwi sa kawalan ng tiwala sa Ama sa Langit at nakahadlang sa akin na tapat na lumapit sa Kanya.
Sa panahong ito, humingi ako ng tulong sa isang lisensyadong therapist at isang psychiatrist. Alam ko na kailangan ko ng tulong at mapalad akong magkaroon ng mga magulang na nagdala sa akin sa isang therapist. Ang proseso ng paggaling mula sa trauma ay mahaba at masakit, ngunit nang tulutan ko siya, tinulungan niya akong matutuhan kung paano lunasan ang aking trauma sa positibong paraan, na pinapalitan ang mga mapanirang paraang ginamit ko. Sa pamamagitan ng therapy, natanto ko kung paano nakakaapekto sa buhay ko ang mapanirang mga paraan ng pag-iisip na nabuo ko matapos ang panghahalay.
Natanto ko na inihiwalay ko na rin ang sarili ko sa Diyos. Oo, sadya kong pinili na patuloy na magsimba. Oo, alam ko ang gusto ko—at kailangan—ang ebanghelyo sa buhay ko, ngunit hindi sapat ang lakas ng aking patotoo para mapaglabanan ang pagdududa ko sa aking sarili. Ang mga paniniwalang ito ang pinakamahirap para sa akin na lutasin at mapagtagumpayan sa isang therapy.
Ilang taon matapos akong halayin, nagsimula akong pumasok sa kolehiyo. Sumapit ang bagong yugtong ito sa buhay ko na may kasamang isang hamon mula sa aking bishop na pagbutihin pa ang pakikipag-ugnayan ko sa Ama sa Langit. Hindi pa rin ako sigurado kung kaya kong gawin iyon, o kung karapat-dapat nga ba ako sa sinabi sa akin na inialay Niya, ngunit ipinasiya kong subukan iyon.
Ang talata sa Alma 32:27 ay nagligtas sa buhay ko: “Subalit masdan, kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita.” At nagkaroon ako ng hangaring mas mapalapit sa aking Ama sa Langit.
Alam ko na marami akong kailangang gawin, at gusto kong malaman kung saan magsisimula. Noong panahong iyon, ang pinakamatatag na bahagi ng aking patotoo ay nakasentro sa Pagpapanumbalik. Alam ko na nakatanggap si Joseph Smith ng sagot sa kanyang tanong, kaya nagpasiya akong tanungin ang Ama sa Langit kung paano ako mas mapapalapit sa Kanya.
Dumating ang sagot sa isang tahimik na ideya, “Alamin kung sino Ako.”
Sinunod ko ang tagubiling ito sa pagpasok sa mga sitwasyon kung saan maaari kong matutuhan ang ebanghelyo. Unti-unti kong natanto na palaging nariyan ang Ama sa Langit at hinihintay akong emosyonal at espirituwal na ihanda ang aking sarili na tanggapin Siya. Ang pag-aalis ng emosyonal at espirituwal na mga hadlang na nalikha ko sa nakaraang ilang taon ay isang mabagal, ngunit tuluy-tuloy, na proseso. Sa panahong ito, ang mga panalangin ko ay madalas na kahalintulad ng sa ama na nagsumamo sa Tagapagligtas para sa kanyang anak, “[Panginoon], nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya” (Marcos 9:24). Nang maragdagan ang nalalaman ko tungkol sa ebanghelyo, lumago ang aking patotoo at nabawasan ang pagtanggi ko sa pagmamahal ng Ama sa Langit.
Noon pa man ay nasisiyahan akong matuto, ngunit sa unang pagkakataon sa buhay ko ay nagustuhan ko nang husto ang pag-aaral ng ebanghelyo. Nang lalo akong matuto, lalo akong naniwala at lalo kong ginustong makaalam. Nagsimula akong makakita ng mga pagbabago sa buhay ko, at nagsimulang mabawasan ang epekto ng panggagahasa sa akin.
Patuloy akong nakikipagkita sa therapist kapag kailangan. Ang propesyonal na tulong na iyon ay naging mahalagang bahagi ng pagpapagaling mula sa aking seksuwal na trauma. Natutuhan ko kung paano tukuyin ang aking mga emosyon at tugunan ang aking mga iniisip at pag-uugali. Ang kakayahang makaagapay na natutuhan ko sa therapy ay nagligtas sa buhay ko nang mahigit pa sa isang pagkakataon. Ang pagtutuon kapwa sa aking espirituwal na pag-unlad at kalusugang pangkaisipan ang talagang kinailangan ko para lumago.
Mananatili akong isang babaeng hinalay, ngunit hindi nakakaapekto ang pangyayaring iyon sa aking pagkatao bilang anak ng Diyos. Ang pakiramdam na ako ay sira na, marumi, o hindi katanggap-tanggap ay pumapasok pa rin sa aking isipan, ngunit ngayon ay nagagawa ko nang alalahanin ang mga walang-hanggang katotohanan para paglabanan ang mga ito. Sa bawat hakbang ko, mas lalo kong pinaniniwalaan ang mga katotohanang iyon.
Nalaman ko kung gaano kalawak ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ang kapangyarihan Niya na hindi lamang tubusin tayo mula sa ating mga kasalanan, kundi pabanalin tayo at bigyan tayo ng kakayahang maabot ang ating banal na potensyal. Naniniwala ako sa kapangyarihang magbago na nagmumula sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Naniniwala na ako sa aking kahalagahan bilang anak ng Ama sa Langit, at alam ko na ngayon na mahal ako ng aking Ama at ng aking Tagapagligtas nang higit pa sa kaya kong maunawaan.
Higit sa lahat, natutuhan ko ang tungkol sa likas na katangian ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Sa pagsunod sa pahiwatig na alamin pa kung sino Sila talaga, naipakita sa akin na mapagkakatiwalaan ko Sila nang lubusan at kung paano magtiwala at manampalataya.
Dati-rati ay labis akong nadirimlan. Ngunit ang pagpiling sundin ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naghatid ng Kanyang walang-kapantay na liwanag sa buhay ko. Ngayon, habang inaasam ko ang hinaharap, may pag-asa ako.
Kung ikaw o ang isang taong kilala mo ay naabuso, agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad, child protective services, o sa adult protective services. Maaari ka ring humingi ng tulong sa isang victim advocate o medical professional. Makakatulong ang mga serbisyong ito para maprotektahan ka at para maiwasan ang mga karagdagang pang-aabuso. Tingnan ang pahina ng “Nakaranas Ka ba ng Pang-aabuso” para sa iba pang impormasyon.