Pang-aabuso
Nakadarama Akong Muli ng Kapayapaan


“Nakadarama Akong Muli ng Kapayapaan,” Tulong para sa mga Biktima (2018).

“Nakadarama Akong Muli ng Kapayapaan,” Tulong para sa mga Biktima.

Nakadarama Akong Muli ng Kapayapaan

Paunawa: Ito ay isang tunay na karanasan mula sa isang nakaranas ng pang-aabuso. Ang mga pangalan at impormasyon ng pagkakakilanlan ay pinalitan.

Kaming magkakapatid ay isinilang sa isang magulong pamilya. Mula pa noong bata ako, naaalala ko ang mga magulang ko na palaging nag-aaway. Dinisiplina nila kami sa paraan na akala ko noon ay normal lang pero ngayon ay kinikilala ko na na mapang-abuso: mga suntok, sampal, hampas ng latigo, pagbuhos ng malamig na tubig, pang-iinsulto, pananakot, at paghila sa buhok at tainga. Kung minsan ay ibinabato nila ang mga bagay sa amin. Kadalasan ay wala sila sa bahay at ang kuya ko ang tumitingin sa amin. Ginaya niya ang halimbawa ng aking mga magulang sa kanyang pagtrato sa amin.

Hinding-hindi ko malilimutan nang sinimulan ni Luis na sekswal akong abusuhin noong anim na taong gulang ako. Madalas itong nangyayari kapag kaming dalawa lang ang nasa bahay. Akala ko ay ako lang ang sekswal na inaabuso niya hanggang sa makita ko siya na kasama ang kapatid kong babae noong walong taong gulang ako.

Lumala ang pang-aabuso ni Luis sa paglipas ng mga taon. Sinabi niya sa akin na kung hindi ako makikipagtulungan, papatayin niya ako. Pinaniwalaan ko siya. Maraming beses sa aking kabataan ay lubos akong nawalan ng pag-asa at na-trauma, nagnanais na ako ay maglaho o mamatay. Nakonsensya ako at inisip kung ano ang masasamang bagay na nagawa ko para parusahan nang napakalupit. Palagi akong natatakot. Maraming beses akong nagdasal sa Diyos; gayunman, naisip ko na hindi Niya ako pinakikinggan. Pakiramdam ko ay wala akong proteksiyon at pinabayaan na ako.

Natakot akong sabihin sa aking mga magulang ang tungkol sa ginagawa ni Luis. At palaging nakabantay si Luis. Kapag naroon ang mga magulang ko, sumesenyas siya para takutin ako at ipakita kung ano ang mangyayari kung magsasalita ako. Palagi kong sinisikap na magtago mula sa aking kapatid at pakiramdam ko ay hindi ako ligtas sa sarili kong tahanan. Gusto kong huminto sa pag-aaral at magtrabaho para hindi na ako gaanong madalas sa bahay. Gayunman, hindi ako pinayagan na gawin ito.

Isang araw noong ako ay 11, binigyan ako ni Itay ng perang pambili ng inumin para sa pamilya. Habang naglalakad ako papunta sa tindahan, lumapit sa akin si Luis mula sa likuran at hiniling na ibigay ko sa kanya ang pera. Sabi niya, “Kung itatanong sa iyo ni Itay kung nasaan ang mga inumin, sabihin mo sa kanya na may nagnakaw ng pera sa iyo.”

Pagod na ako sa ganitong sitwasyon sa aking buhay at tumanggi akong sundin siya. Nagalit siya at pinagpapalo niya ako hanggang sa ako ay nalugmok sa lupa. Nakatayo ako at tumakbo pabalik sa aking ama. May luha sa aking mga pisngi nang sinabi ko sa kanya kung ano ang ginawa ni Luis. Galit na galit sa kanya si Itay.

Matapos iyon, nakadama ako ng kaunting ginhawa. Hindi ko sinabi sa aking ama ang tungkol sa seksuwal na pang-aabuso; nahihiya ako at halos nadaramang parang kasalanan ko ang nakapandidiring sekswal na mga bagay na ipinapagawa sa akin ni Luis. Matapos kong kausapin ang aking ama, tumigil si Luis sa sekswal na pang-aabuso sa akin, ngunit patuloy niya akong binugbog at sinaktan. Natutuhan kong mamuhay na tinitiis ang sakit. Balewala iyon kung ihahambing sa ginawa niya noon.

Kalaunan, nagpasiya si Luis na magsundalo. Para sa amin, iyon ang pinakamasamang desisyong magagawa niya. Guminhawa ang pakiramdam ng ina at ama ko na malalayo na si Luis sa bahay sa matagal na panahon, pero nahirapan si Luis sa army. Naging mas malala siya. Ang anumang naranasan niya sa army ay nagpatindi ng kanyang marahas na pag-uugali. Nang bumalik siya mula sa kanyang serbisyo, naging mas malala siya kaysa sa dati.

Kalaunan ay nagkaroon si Luis ng sarili niyang pamilya. Umasa kami na baka makatulong ito sa kanya na magbago. Pero hindi ito ang nangyari. Nagkaroon siya ng iba pang mga biktima. Palaging umiiyak ang kanyang asawa at mga anak. At patuloy siyang nakipag-away sa amin at maging sa mga kapitbahay namin.

Sa edad na 18, nagpasiya na ako sa wakas na umalis ng bahay. Pagod na pagod na ako sa buhay ko. Mayroon akong mga pilat at nabaling mga buto na magpapaalaala sa akin ng mga pinagdaanan kong karahasan kay Luis.

Pagkaraan ng ilang taon nakilala ko ang isang dalaga at nagpakasal, sa hangarin na magkaroon ng isang kahanga-hangang pamilyang mas maayos kaysa sa kinalakihan ko. Gayunman, hindi ito naging maayos, at nagwakas ang pagsasama naming mag-asawa. Labis akong nalungkot. Nawalan ako ng trabaho. Hindi ko na kayang mag-aral. Nilabag ko ang batas ng kalinisang-puri at tumigil ako sa pagsisimba. May bahagi ng aking pagkatao na hindi na makaugnay sa realidad. Wala akong pag-asa at motibasyon.

Sa huli ay sinimulan kong magdasal sa Diyos para tulungan ako. Nag-ipon ako ng lakas ng loob at ipinagtapat sa bishop ang aking mga kasalanan. Ipinadala ako ng bishop ko sa LDS Family Services upang tumanggap ng therapy. Noong una akala ko ay hindi masyadong malaki ang problema ko. Gayunman, sinimulan kong ibahagi ang aking pinagmulan at hinarap ang mga kakila-kilabot kong problema. Natutuhan kong gawing mas mabuti ang aking relasyon sa aking mga kapatid na babae. Natanto ko rin na ako ay may adiksyon sa pakikipagtatalik at nagsimulang dumalo sa mga miting ng LDS Addiction Recovery Program. Natuklasan ko ang maraming bagay tungkol sa aking sarili sa prosesong iyan.

Ito ay mahirap na paglalakbay, ngunit pagkaraan ng ilang panahon, sa panghihikayat ng mga kaibigan ko sa recovery program, nagpasiya akong lubusang bumalik sa Simbahan. Nagsimula akong magsikap na mabuti para mapatawad sa mga pagpiling ginawa ko dahil sa aking mga pasakit at maging karapat-dapat na muling pumasok sa templo.

Natagpuan ko ang mga sagot sa mga recovery meeting. Malaya kong naibabahagi ang aking naiisip at nararamdaman. Nauunawaan ng mga kaibigan ko sa programa ang aking mga problema at hindi nila ako hinuhusgahan. Tinatanggap nila ako sa kung sino ako at nakikita kung gaano kaliwanag ang aking kinabukasan.

Ang paglalakbay ko ay patuloy na nangangailangan ng panahon, tiyaga, pagmamahal, paglilingkod, bukas na komunikasyon, at mapagpakumbabang puso. Unti-unti akong sumusulong habang naiibsan ang mabibigat na pasanin sa aking mga balikat. Sa kapangyarihan ni Cristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, mas nagkaroon ako ng kontrol sa buhay ko. Binago ng Diyos ang aking kaluluwa, at nakadarama akong muli ng kapayapaan. Ngayon ay mayroon na akong pag-asa sa hinaharap.

Kung ikaw o ang isang taong kilala mo ay naabuso, agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad, child protective services, o adult protective services. Maaari ka ring humingi ng tulong sa isang victim advocate o medical professional. Makakatulong ang mga serbisyong ito para maprotektahan ka at para maiwasan ang mga karagdagang pang-aabuso. Tingnan ang pahina ng “Nakaranas Ka ba ng Pang-aabuso” para sa karagdagang impormasyon.

Print