Pang-aabuso
Ang Aking Paglalakbay


“Ang Aking Paglalakbay,” Tulong para sa mga Biktima (2018).

“Ang Aking Paglalakbay,” Tulong para sa mga Biktima.

Ang Aking Paglalakbay

Paunawa: Ito ay isang tunay na karanasan mula sa isang nakaranas ng pang-aabuso. Ang mga pangalan at impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ay pinalitan.

Ako ay nakaranas ng paulit-ulit na sekswal na pang-aabuso simula noong ako ay 6 hanggang humigit-kumulang 14 na taong gulang ako, ng isang pinsan na sampung taon ang tanda sa akin. Napakalapit ko sa pinsan kong ito at sa kanyang pamilya. Palagi akong nasa bahay nila. Mahal ko sila nang higit pa sa kayang sambitin. Gaya sa mga kaso ng seksuwal na pang-aabuso, hindi lubos na naunawaan ng aking murang isipan ang epekto ng pang-aabuso hanggang sa nagkaroon na ako ng pang-unawa—sa sitwasyon ko, noong mga 16 na taong gulang na ako. Sa halip na maunawaan na ang pang-aabuso ay hindi ko kasalanan (paano ito magiging kasalanan ko … isang 6 na taong gulang na batang lalaki na hindi dapat nalalaman o nararanasan ang mga bagay na itinuro at ginawa sa akin), isinaisip ko ang pang-aabuso at sinisi ang sarili ko. Napakatindi ng nadama kong pagkakonsensiya at pandidiri sa aking sarili! Ang tanging paraan para makatakas ako sa pagkamuhi sa sarili ko ay ang humanap ng bagay na magbibigay sa akin ng pakiramdam na mas may kontrol ako sa buhay ko (kahit na wala talaga akong kontrol). Bilang isang tinedyer, ang “kontrol” na ito ay makikita sa anyo ng maling pagkain—anorexia nervosa at bulimia.

Nanghina ako kapwa sa pisikal at emosyonal. “Bumagsak” ang timbang ko, mga 100 libras, at halos kailangan na akong ipaospital—ang puso ko at mga internal organ ko ay nagsisimula nang hindi gumana. Dahil dito, nag-home school ako sa tulong ng mga gurong sumusuporta. Sinikap ng aking doktor na tulungan akong magkaroon ng mas malusog na timbang at ini-refer niya rin ako sa isang psychologist. Kahanga-hanga siyang lalaki at napakalaki ng naitulong sa akin! Sa aming mga counseling session, sinimulan kong harapin ang pang-aabuso na nangyari at ang damdamin ng pagkalito at sakit na nanatili sa akin. Nagsimula ang aking mahabang lakbayin ng paghilom.

Pagkaraan ng ilang buwan, nakapagpasiya na rin ako sa wakas na ang bagay ay hindi na maaaring “walisin papunta sa ilalim ng carpet” sa loob ng aming pamilya—ang ganitong bagay ay hindi dapat nakatago, binabalewala, o pinananatiling lihim sa halip na lutasin ito. Natakot ako na gawin din ng pinsan ko ang ganitong bagay sa iba pang maliliit na bata at alam kong lulong siya sa child pornography. Alam ko ang naidulot sa akin ng malalim na pilat ng pang-aabuso, at hindi ko nais na may iba pang mga batang lalaki na magdusa dahil wala akong lakas-ng-loob na sabihin kung ano ang nangyari. Kaya inireport ko ang pang-aabuso.

Sa kasamaang-palad, ang pagrereport ko ay lumikha ng mga problema sa pamilya ko, na naging dahilan para magkaroon ako ng mas matinding pagkakonsensiya. Nang unang pumutok ang balita na ginawan ako ng sekswal na pang-aabuso ng pinsan ko, ibinahagi ng mga miyembro ng pamilya na ayaw nilang “kumiling sa isang panig.” Gayunman, hindi ko naisip na mayroong “panig” na dapat kilingan. Ayaw kong layuan o itakwil ng sinuman ang pinsan ko. Ang gusto ko lamang ay kilalanin ang nangyari, na ito ay isang kasuklam-suklam na bagay para pagdaanan ng isang batang tulad ko, at kailangang harapin ng pinsan ko ang mga bunga at pananagutan sa mga pagpiling ginawa niya—at sa prosesong ito ay makatanggap siya ng tulong at suportang kailangan niya. Sa huli, sa payo at tulong ng bishop ko, pinatawad ko ang pinsan ko at ang mga kapamilya ko na hindi sumuporta sa akin—hindi na ito naging pasanin para sa akin. Mayroong Isang mas dakila kaysa sa akin na nagbayad para hindi ko na dalhin ang pasaning iyon; labis akong nagpapasalamat sa aking Tagapagligtas.

Para sa sinuman na nasugatan, nakikiusap ako sa inyo na huwag sumuko. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag tumigil sa pagsulong. Ang paghilom ay hindi nangyayari nang magdamag. Kung minsan ang paghilom ay maaari pa ngang hindi dumating sa buhay na ito, ngunit ang landas na tinatahak natin ay hindi nilayong maging ganap na tuwid at makinis. Mayroon palaging mga lubak at bako, magaganda at hindi magagandang pangyayari, mga pasikut-sikot at pagliko. Pagkakataon nating ituon ang ating mga pananaw sa abot-tanaw at magpatuloy sa paglakad, nang paisa-isang hakbang lang sa bawat pagkakataon (kahit may ilang hakbang paurong paminsan-minsan). Bagama’t ang seksuwal na pang-aabuso sa akin ay natapos maraming taon na ang nakararaan, at nalakad ko na ang mahabang landas ng paghilom, paminsan-minsan ay nagigising pa rin ako na may sariwang alaala ng paulit-ulit na bangungot ng pang-aabuso sa akin.

Ginagawa ba ako nitong maysugat habambuhay? Hinding-hindi. Maaaring palaging manatili ang mga pilat mula sa mga sugat ng nakaraan, ngunit ang mga ito ay hindi ang mismong ako. Sugatan? Oo. Pira-piraso? Hindi. Bilang isang adult na malaki na ang naranasang paghilom, natutuhan ko nang aluin ang sugatang bata na nananahan pa rin sa aking kalooban. Sa aking pagbalik sa pagtulog pagkatapos ng isa sa mga bangungot na iyon ay may mga salita ng kapanatagan na tumitimo sa hindi malay na kaisipan ng isang takot na batang lalaki: “Hindi mo ito kasalanan. Hindi ka dapat sisihin. Huwag mong dalhin ang bigat ng pasakit na ito sa iyong sarili.” Naniniwala ako sa mga salitang iyon at hinihikayat ang sinumang nasugatan na tandaan na ito ay hindi mo kasalanan! Ikaw ay minamahal. Hindi ka basag na mga piraso. Sa paglipas ng panahon, maghihilom ang lahat ng sugat at lahat ng pagkakamali ay maitatama dahil sa Kanya “na makapangyarihang magligtas” (2 Nephi 31:19).

Kung ikaw o ang isang taong kilala mo ay naabuso, agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad, child protective services, o adult protective services. Maaari ka ring humingi ng tulong sa isang victim advocate o medical professional. Makakatulong ang mga serbisyong ito para maprotektahan ka at para maiwasan ang mga karagdagang pang-aabuso. Tingnan ang pahina na “Nakaranas Ka ba ng Pang-aabuso” para sa karagdagang impormasyon.

Print