Pang-aabuso
Paghahanap ng mga Kislap ng Liwanag


“Paghahanap ng mga Kislap ng Liwanag,” Tulong para sa mga Biktima (2018).

“Paghahanap ng mga Kislap ng Liwanag,” Tulong para sa mga Biktima.

Paghahanap ng mga Kislap ng Liwanag

Paunawa: Ito ay isang tunay na karanasan na ibinahagi sa isang nakaranas ng pang-aabuso. Ang mga pangalan at impormasyon ng pagkakakilanlan ay pinalitan.

Ang aking buhay may asawa ay tila maayos sa simula. Ako ay umiibig o in love at masaya. Ngunit di nagtagal, nagsimula ang pisikal, emosyonal, at berbal na pang-aabuso. Kinailangan kong makalabas para manatiling ligtas ang aking sarili at ang aking mga anak. Ang kakulangan ko ng kaalaman kung paano lumikha ng panibagong hinaharap para sa aking pamilya at ang aking takot ang humadlang sa akin para humingi ng tulong. Pero pagkatapos ng siyam na taon, naisip ko kung paano maging malaya.

Paano ako nakawala matapos ang siyam na taon ng pamumuhay sa mapang-abusong relasyong iyon? Ano ang ginawa ko? Tumigil ako sa wakas sa pakikinig sa tinig ng kaaway na nagsasabi sa akin na walang daan palabas. Sa halip, bumaling ako sa mga kislap ng liwanag na ibinigay ng aking Ama sa Langit para gabayan ako na iwanan ang aking mapang-abusong asawa. Kinailangan kong matutuhan kung paano magdasal at sundin ang Kanyang patnubay sa paghahanap ng mga kislap ng liwanag na iyon:

  1. Ako ay tumupad sa aking tipan, nagbayad ng aking ikapu, at natutuhan ko kung paano sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu—mga gawaing nagpanatili sa pananampalataya ko sa aking Ama sa Langit.

  2. Nakipagtulungan ako sa bishop ko at nagkaroon ng lakas na tumanggap ng personal na paghahayag. Sa pamamagitan ng lakas na iyon, nalaman ko ang tamang panahon ng paglisan.

  3. Nagkaroon ako ng pananaw at kasagutan na hindi ko matutulungan, maaayos, o maaakay ang aking asawa tungo sa liwanag. Siya ay nasa mga kamay ng Ama sa Langit—kailangan ko nang bumitaw!

  4. Nagkaroon ako ng sapat na salapi sa pamamagitan ng pagkakaroon ng training at pagiging guro (pero inabot ng limang taon ang aking buhay may asawa bago nangyari iyon).

  5. May mga sitwasyon na nagdala sa akin sa isang pulis na nagbigay sa akin ng impormasyon tungkol sa crisis center.

  6. Ang crisis center ang tumulong sa akin na makakuha ng isang temporary protective order.

  7. Binigyan ako ng hukuman ng permanent protective order, pagkatapos ay diborsyo at buong kustodiya sa aming mga anak.

May mental at emosyonal na mga problema habang naghihilom ako; ang mga ito ay naganap sa aking mga bangungot. Sinasabihan ako ng kasinungalingan ng kaaway, gaya ng, “Napaka mo: napakalaking gawain, napakaraming anak, napakaraming problema. Sino pa ang magkakagusto sa iyo kapag umalis ka? Masyado kang maraming kailangang harapin. Napakahina mo para tulungan ang sarili mong asawa.” Sinubukan ng kaaway na sirain ang aking pagpapahalaga sa sarili gamit ang mga negatibong kaisipan, at sinikap nitong papaniwalain ako na wala akong halaga. Mabuti na lang at hindi nagtagal ang malagim na alingawngaw na paulit-ulit sa aking isipan matapos ang mga karanasang ito.

Bakit? Dahil sa napakaraming gawain na kailangan kong gawin: ako ay isang ina na may limang anak, at tatlo sa kanila ay may autism. Tinupad at tinutupad ko ang aking mga tipan. Nagturo ako ng mga grade five na estudyanteng may autism, kumuha ako ng sertipikasyon sa pagtuturo, at nag-aral ako ng master’s degree sa special education at ginawa ko ang mga ito nang sabay-sabay. Nang magtuon ako sa aking trabaho, sa aking patotoo, at sa buhay ko, nagkaroon ako ng mga pananaw at katibayan ng aking mga pagpapala. Ang katibayang iyan ang nagpatahimik sa tinig ng kaaway.

Nagkaroon din ako ng pananaw at pag-asa na ang komunikasyon, pagkakaibigan, at pagmamahal ay maaaring mabuo. Ako ay nagmamasid, nagsusulat sa aking journal, at pagkatapos ay binabasa at paulit-ulit na binabasa ito para makakita ng mga pattern, suporta, istruktura, pagkakaibigan, at mga patibong na maaaring mangyari sa sinuman sa atin.

Nang matutuhan kong maramdamang muli ang pagmamahal nalaman ko ang dalawang mabisang kabatiran: (1) ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa lahat ng Kanyang mga anak ay perpekto at (2) dahil sa pag-ibig na iyan, hindi manghihimasok ang Ama sa Langit sa kalayaang pumili ng Kanyang mga anak. Sa pamamagitan ng ating kalayaan, maaari tayong pumili ng liwanag o kadiliman, pagmamahal o digmaan. Maaari nating pakinggan ang mga pahiwatig ng Espiritu. Maaari tayong magkaroon ng pag-asa! At sa huli, makakakita tayo ng mga kislap ng liwanag na gagabay sa atin mula sa madilim na kalaliman ng pang-aabuso.

Kung ikaw o ang isang taong kilala mo ay naabuso, agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad, child protective services, o adult protective services. Maaari ka ring humingi ng tulong sa isang victim advocate o medical professional. Makakatulong ang mga serbisyong ito para maprotektahan ka at para maiwasan ang mga karagdagang pang-aabuso. Tingnan ang pahina ng “Nakaranas Ka ba ng Pang-aabuso” para sa karagdagang impormasyon.