Pang-aabuso
Natututo sa Bawat Araw


“Natututo sa Bawat Araw,” Tulong para sa mga Biktima (2018).

“Natututo sa Bawat Araw,” Tulong para sa mga Biktima.

Natututo sa Bawat Araw

Paunawa: Ito ay isang tunay na karanasan mula sa isang nakaranas ng pang-aabuso. Ang mga pangalan at impormasyon ng pagkakakilanlan ay pinalitan.

Ako ay 33 taong gulang, kamakailan ay nagdiborsyo, at nagpasiya na makipagdeyt muli. Sa dalawang magkahiwalay na pagkakataon, ginahasa ako ng mga lalaki na nakilala ko sa mga social activity. Ang pagtanto sa mga naganap sa akin ay napakahirap. Matagal bago ko naamin sa aking sarili ang nangyari. Na-trauma ang aking katawan at naging manhid ako; pinagdaanan ko ang mga panahon na pakiramdam ko ay ginamit ako nang lubos, wala akong halaga, at nahihiya ako.

May mga pagkakataon na gusto ko nang sumuko dahil nakakapagod nang sumubok. Alam ko na hindi ko kayang manalo sa labang ito nang mag-isa. Humingi ako ng tulong sa isang propesyonal na tagapayo, at tinulungan at ginabayan niya ako sa proseso ng pagdadalamhati.

Regular din akong humingi ng payo sa bishop. Magkasama nila akong ginabayan at hinikayat na magpatuloy, at hinikayat nila ako na palakasin ang aking relasyon sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Nalaman ko sa mga sandali na ako ay nakaluhod at nagmamakaawa para sa tulong na dinadalisay ako at pinalalakas, nang paunti-unti, ng Ama sa Langit para mapaglabanan ang mga ito. Ang pag-asa at paghilom ay posible. Marami akong natutuhan tungkol sa aking sarili, sa aking Ama sa Langit, at sa aking Tagapagligtas, sa buong paglalakbay na ito.

Natuto akong magtiwala sa Ama sa Langit. Alam Niya ang pinakamainam para sa atin. Natutuhan ko na manalangin kapag ako ay nangangailangan ng tulong, payo, o patnubay.

Nalaman ko kung sino ang mga kaibigan ko, at nalaman ko kung ano ang mga katangian ng isang tunay na kaibigan. Natutuhan ko rin kung paano magtakda ng mga limitasyon.

Natuto ako na mas magmahal, mahabag, at magtiyaga.

Natutuhan kong maging mas mabait sa sarili ko, na huwag sisihin ang sarili ko, lalo na kapag ang isang bagay ay hindi ko naman kasalanan. Natutuhan kong huwag maging mapanghusga o maging kritikal sa aking sarili. Natututuhan kong mas mahalin pa ang aking sarili sa bawat araw.

Nagpapasalamat ako para sa tahimik na katapangang nakatulong sa akin para maging kung sino ako ngayon. Umuunlad at natututo pa rin ako sa bawat araw, pero nagpapasalamat ako sa landas kung saan ako naroon ngayon at para sa lahat ng napagtagumpayan ko.

Maaaring ito ay isang tahimik na paglalakbay—bagama’t hindi alam ng marami ang mga pinagdaanan ko—pero sa palagay ko, kadalasan ang pinakatahimik na pagpapakita ng katapangan ay ang pinakamabisa.

Nauunawaan ko ang nagpapahilom na kapangyarihan na kayang ibigay ni Cristo dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala. Mas nauunawaan ko na kung paano Niya tiniis ang aking sakit at pagdurusa sa halamanan at sa krus. Naniniwala ako sa kapangyarihan ng mga anghel at ng proteksyong ibinibigay nila. Alam kong hindi ako nag-iisa sa paglalakbay na ito, at ang kaalaman na ang Diyos ay talagang nariyan sa lahat ng aspeto ng ating buhay ay nagpalakas sa aking patotoo. Hindi lamang Niya ako tinitingnan paminsan-minsan; Siya ay laging naglalaan para sa atin, at binabantayan Niya tayo.

Lumakas ang aking patotoo. Nalaman ko na tunay ang daigdig ng mga espiritu. Alam ko na nakikipaglaban ako sa kaaway araw-araw. Kung minsan ay iniisip ko na nagsusuot ako ng espirituwal na baluti; nakatulong ito para magkaroon ako ng lakas. Alam kong kailangan kong espirituwal na protektahan ang aking sarili mula sa mahihirap na panahon na kailangan kong pagtiisan para kilalanin at tanggapin ang aking mga karanasan. Ang pasakit na nadarama ko ay malalim at tunay at talagang pinasakit nito ang aking puso at buong katawan. Kung minsan, pakiramdam ko ay maysakit ang katawan ko.

Gayunman, ang karanasang ito ay nagbunga rin ng katatagan ng kalooban—lakas na hindi ko alam na naroon pala. Lakas na mabait, nanghihikayat, at nagpapasigla. Lakas na nagsasabi sa akin na magagawa ko ang mahihirap na bagay. Lakas na alam kong magtutulak sa akin sa mahihirap na panahon na puno ng hamon. Lakas na nakakikilala sa akin nang higit kaysa pagkakakilala ko sa aking sarili. Nadama kong ang pagpapaalab ng aking espiritu, ng aking kaluluwa, ng aking walang-hanggang katauhan na minsang nakapiling ang Ama sa Langit, ng aking espiritu na nakaaalam kung ano ang kaya kong gawin.

Ang halaga ng ating mga kaluluwa ay higit pa sa kaya nating maisip! Kapag umasa tayo sa tulong at kapangyarihan ni Jesucristo, sa huli tayo ay magwawagi, mananaig, mananalo at magtatagumpay! Tayo ay mga anak ng isang Hari sa Langit, at iyan ay isang dahilan para magbunyi! Nilikha tayo para sa mga bagay na dakila at maganda—mga bagay na hindi natin kayang isipin o damhin. Magalak tayo sa kung sino tayo; tayo ay maganda at kahanga-hanga sa paningin ng ating Ama sa Langit. Tayo ay napakahalaga! Naniniwala akong nais ng ating mga kaluluwa na makabalik sa tahanan ng ating Ama sa Langit at makapiling Siyang muli. Ibinibigay ko sa Kanya ang aking papuri, aking Ama, aking Hari.

Kung ikaw o ang isang taong kilala mo ay naabuso, agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad, child protective services, o adult protective services. Maaari ka ring humingi ng tulong sa isang victim advocate o medical professional. Makakatulong ang mga serbisyong ito para maprotektahan ka at para maiwasan ang mga karagdagang pang-aabuso. Tingnan ang pahina ng “Nakaranas Ka ba ng Pang-aabuso” para sa karagdagang impormasyon.