Pang-aabuso
Paisa-isang Hakbang


“Paisa-isang Hakbang,” Tulong para sa mga Biktima (2018).

“Paisa-isang Hakbang,” Tulong para sa mga Biktima.

Paisa-isang Hakbang

Paunawa: Ito ay isang tunay na karanasan na ibinahagi ng isang nakaranas ng pang-aabuso. Ang mga pangalan at impormasyon ng pagkakakilanlan ay pinalitan.

Hindi ko maalaala kung ano ang eksaktong edad ko noong sinimulan akong abusuhin. Sinimulan akong molestiyahin ng aking kapatid na lalaki na siyam na taon ang tanda sa akin. Kung minsan ang pang-aabuso ay nangyayari sa araw kapag wala ang aking mga magulang at siya ang nag-aalaga sa akin. Isang beses, bukas ang kanyang radyo—naalaala ko pa ang tumutugtog na kanta. Kinamumuhian ko ang awiting iyon.

Pagtuntong ko ng walong taong gulang, dapat ang tatay ko ang magbibinyag sa akin. Ang nangyari ay hindi siya makakarating sa takdang petsa at ayaw ng aking ina na baguhin ang petsa ng aking binyag, kaya iminungkahi niya na ang kapatid ko ang magbinyag sa akin. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin, kaya hinayaan ko siya. Pagkatapos noon, pinagdudahan ko ang binyag ko sa mahabang panahon.

Ang isa pang nang-abuso sa akin ay ang pinsan ko. Sinimulan niya akong abusuhin noong magbakasyon sa amin ang kanyang pamilya sa loob ng dalawang linggo. Mga pito o walong taong gulang ako noon. Kinamumuhian ko ang lahat ng iyon.

Pagkaraan ng dalawang taon, lumipat ang pamilya ng pinsan ko malapit sa amin. Bumibisita kami sa kanila kapag walang pasok, at kapag tag-araw, nagbabakasyon kami sa kanila nang ilang linggo. Nagpatuloy ang pang-aabuso. Palagi niyang sinusubukan na masolo ako. Pakiramdam ko ay nakakadiri ako at marumi at walang kakayahan.

Sa edad na 12, kinausap ko ang bishop ko tungkol sa pagpunta sa templo para magpabinyag para sa mga patay. Nang itinanong ng bishop ko ang isa sa mga tanong sa interbyu sa pagkuha ng recommend, nagsimula akong umiyak. Nalaman niya kaagad ang ibig sabihin niyon. Ang sinabi niya lang ay “Sino?” Ang isinumbong ko lang ay ang pinsan ko. Malapit nang umuwi mula sa misyon ang kuya ko kaya wala akong sinabi tungkol sa kanya. Nahirapan ako sa desisyong iyon halos sa buong buhay ko.

Sinimulan kong uminom ng alak noong nasa grade 8 o 9 na ako. Noong tinedyer ako, nakipagtalik ako sa mga naging nobyo ko. “Wala akong pakialam” ang naging ugali ko at ginawa ko ang anumang ipagawa sa akin. Pagkatapos ng high school, nagsama kami ng nobyo ko ng mga isang taon hanggang sa magkahiwalay kami.

Isang mabuting kaibigan ang tumulong sa akin na isipin kung ano ang gusto kong gawin sa buhay ko. Nagsimula akong magsimba muli at isaayos ang buhay ko. Kalaunan ay nagpakasal ako sa isang kahanga-hangang lalaki. Noong 13 taon na kaming kasal, sinabi ko sa kanya ang tungkol sa pang-aabuso. Niyakap lang niya ako. Tinulungan niya akong humingi ng payo, at pagkatapos at nagsimula akong dumalo sa group therapy. Na-depress ako nang ilang buwan matapos kong sabihin sa asawa ko ang tungkol sa pang-aabuso, pero pagkatapos kong mag-individual at group counseling, mas bumuti ang pakiramdam ko.

Naranasan ko ang maraming epekto ng pang-aabuso. Labis akong magprotekta bilang ina. Hindi ako madaling magtiwala sa tao. Nahihirapan ako sa paggawa ng pagpapasiya.

Sa ilang paraan, ginamit ko ang natutuhan ko para maging isang mas mabuting magulang. Itinuro namin ng asawa ko sa aming mga anak ang tungkol sa angkop na paghawak [sa katawan]. Bukas palagi ang aming pintuan para sa aming mga anak at sinasabi namin sa kanila na maaari silang makipag-usap sa amin tungkol sa anumang bagay.

Mayroon pa ring mga araw na masama ang pakiramdam ko, ngunit natutuhan ko nang harapin nang paisa-isang hakbang ang mga bagay-bagay. Mas madalang na ako ngayon na magkaroon ng di-mabuting pakiramdam. Mayroon akong pag-asa para sa hinaharap.

Kung ikaw o ang isang taong kilala mo ay naabuso, agad na humingi ng tulong sa mga awtoridad, child protective services, o adult protective services. Maaari ka ring humingi ng tulong sa isang victim advocate o medical professional. Makakatulong ang mga serbisyong ito para maprotektahan ka at para maiwasan ang mga karagdagang pang-aabuso. Tingnan ang pahina ng “Nakaranas Ka ba ng Pang-aabuso” para sa karagdagang impormasyon.