“Paunang Salita,” Pagpapagaling sa Pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)
“Paunang Salita,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober
Paunang Salita
Kung ikaw man ay nahihirapan sa adiksiyon o may kakilala kang nahihirapan dito, ang gabay na ito ay maaaring maging biyaya sa iyong buhay. Sa pahintulot ng Alcoholics Anonymous, ang 12 hakbang ay iniangkop upang maisama ang mga doktrina, alituntunin, at paniniwala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa gabay na ito, ang mga hakbang ay inilalahad nang sunud-sunod kasama ang kaugnay na alituntunin ng ebanghelyo. Ang gabay na ito ay tutulong sa iyo na malaman kung paano gagamitin ang mga hakbang na ito. Anuman ang iyong kalagayan, ang mga hakbang na ito ay makatutulong sa iyo na lumapit kay Cristo at matanggap ang mga pagpapala ng pagrekober at paggaling.
Ang mga adiksiyon ay maaaring kabilangan ng paggamit ng mga sangkap tulad ng tabako, alak, kape, tsaa, at kapwa inireseta at iligal na droga. Ang mga adiksiyon ay maaari ring kabilangan ng mga gawain tulad ng pagsusugal, panonood ng pornograpiya, pagnanasa, hindi naaangkop na seksuwal na gawain, paglalaro ng video game, hindi naaangkop na paggamit ng teknolohiya, at hindi malusog na pagkain. Bagama’t itinuturing ng mga propesyonal sa pangangalaga ng kalusugan ang adiksiyon bilang isang pisikal na sakit, ang pisikal na aspeto ay bahagi lamang ng problema. Ang adiksiyon ay nakaaapekto sa isipan, katawan, at espiritu, kaya dapat matugunan ng solusyon ang lahat ng aspeto ng sakit.
Ang gabay na ito ay hindi lamang para sa isang partikular na adiksiyon. Bagama’t nahihirapan ang mga tao sa iba’t ibang uri ng adiksiyon, marami ang nakakita ng karaniwang solusyon sa landas na nakabalangkas sa gabay na ito. Ito ay isang workbook at sanggunian para sa sinumang nagnanais na makarekober mula sa anumang uri ng adiksiyon. Ang gabay na ito ang pangunahing babasahin sa mga addiction recovery support meeting na inisponsoran ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang mga kalalakihan at kababaihan na nagdusa sa mga mapaminsalang epekto ng iba’t ibang mga adiksiyon at nakaranas ng pangmatagalang pagrekober ay nakatulong sa pagbuo ng gabay na ito at inanyayahan na ibahagi ang kanilang mga karanasan sa paggamit ng 12 hakbang. Ang kanilang pananaw (ang “kami” sa gabay na ito) ay ginamit upang ipahayag ang pighating dulot ng adiksiyon at ang kagalakang dulot ng paggaling at pagrekober. Makahahanap ka ng kapanatagan at suporta mula sa mga taong ito. Ang mga lider ng Simbahan at mga propesyonal na tagapayo ay tumulong din sa pagsulat at pagbuo ng gabay na ito. Ang pinagsamang karunungan at karanasan ng mga may-akda na ito ay isa na namang patunay na totoo ang Pagbayayad-sala ni Jesucristo at ang pagiging posible ng pagrekober mula sa adiksiyon.
Inaanyayahan ka naming pumunta sa isang recovery meeting. (“Kami” ay mga kalalakihan at kababaihan na nagdusa sa mapaminsalang epekto ng iba’t ibang mga adiksiyon at nakaranas ng pangmatagalang pagrekober.) Ang mga direksyon sa paghahanap ng mga miting na personal, video, telepono, o nakarekord (nang may pahintulot) ay makukuha sa website ng Addiction Recovery Program (AddictionRecovery.ChurchofJesusChrist.org). Huwag hayaang ipagkait sa iyo ng iyong mga takot ang mga pagpapala ng pagdalo sa isang recovery meeting. Mangyaring malaman na ang mga miting na ito ay mga lugar ng pag-unawa, pag-asa, at suporta, kung saan matutuklasan mo na hindi ka nag-iisa at makikita mo na posible ang pagrekober. Nalaman namin na ang gabay na ito ay pinakaepektibo kapag ginawa ang mga hakbang kasama ang isang sponsor at ang aming bishop. Ang ilan sa amin ay nagsama ng isang propesyonal na tagapayo sa aming paglalakbay sa pagrekober.
Ang pagrekober ay nagsisimula kapag tayo ay tapat at inamin natin na nahihirapan tayo sa adiksiyon. Para sa ilang tao, ang pagtukoy sa kanilang mga sarili bilang mga adik sa mga recovery meeting ay nakatutulong sa kanila na maging tapat at tandaan kung gaano kalakas ang kanilang adiksiyon. Gayunman, dapat tayong mag-ingat na hindi nito nililimitahan ang ating pag-asa o pagtitiwala sa Diyos. Kung tinutukoy natin ang ating mga sarili bilang mga adik, maaaring hindi sinasadya nating tanggihan ang katotohanan na magagawa ni Jesucristo na pagalingin tayo at baguhin ang ating likas na katangian. Sa ating pagrekober, dapat tayong lahat ay makahanap ng balanse sa pagitan ng pagiging tapat tungkol sa kapangyarihan ng adiksiyon habang nagtitiwala rin na maibabalik tayo ni Jesucristo sa lubos na espirituwal na kasiglahan.
Kung sa palagay mo ay maaaring may adiksiyon ka at may pinakamaliit na hangarin kang makalaya, o kung handa kang magkaroon ng hangarin, inaanyayahan ka naming sumama sa amin sa pag-aaral at pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo na nakabalangkas sa gabay na ito. Kung susundin mo ang landas na ito nang taos sa puso, makahahanap ka ng kapangyarihan kay Jesucristo na makarekober mula sa adiksiyon.
Ipinaliwanag ni Elder Robert D. Hales: “Ang adiksyon ay pagnanasa ng likas na tao, at hindi ito kailanman mapapawi. Ito ay isang walang kabusugang gana” (“Becoming Provident Providers Temporally and Spiritually,” Liahona, Mayo 2009, 10).
Pagkatapos ay inilarawan niya ang nadarama ng napakaraming taong nalululong sa adiksiyon: “Ngunit bilang mga anak ng Diyos, ang pinakamatinding gutom natin at ang dapat nating hanapin ay ang maibibigay ng Panginoon lamang—ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang kahalagahan, ang Kanyang seguridad, ang Kanyang tiwala, ang Kanyang pag-asa sa hinaharap, at katiyakan ng Kanyang pagmamahal, na nagdudulot sa atin ng walang hanggang kagalakan (“Becoming Provident Providers Temporally and Spiritually,” 10).
Bagama’t tila hindi madaraig ang agwat sa pagitan ng kinaroroonan natin at ng inaasam nating marating, ang Addiction Recovery Program at ang gabay na ito ay nakatulong sa maraming tao na maglakbay sa kalsada mula sa adiksiyon tungo sa pagrekober, at makatutulong ito sa iyo na gawin din iyon.