Adiksyon
Hakbang 12: Dahil nagkaroon ng espirituwal na paggising sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo bunga ng paggawa ng mga hakbang na ito, ibinabahagi natin ang mensaheng ito sa iba at isinasagawa natin ang mga alituntuning ito sa lahat ng ating ginagawa


“Hakbang 12: Dahil nagkaroon ng espirituwal na paggising sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ibinabahagi natin ang mensaheng ito sa iba,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)

“Hakbang 12,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober

mga missionary na nakikipagkita sa isang babae

Hakbang 12: Dahil nagkaroon ng espirituwal na paggising sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo bunga ng paggawa ng mga hakbang na ito, ibinabahagi natin ang mensaheng ito sa iba at isinasagawa natin ang mga alituntuning ito sa lahat ng ating ginagawa.

3:35

Pangunahing Alituntunin: Paglilingkod

Habang papalapit tayo sa hakbang 12, kinikilala natin na hindi ito ang wakas ng ating paglalakbay. Bilang resulta ng paggawa ng mga hakbang na ito, tinatamasa natin ang isang buhay ng pagrekober sa pamamagitan ng biyaya at awa ng Diyos. Pinatototohanan natin na ang pagsasagawa ng mga hakbang nang isang beses ay hindi kailanman sapat. Nalaman natin na napakahalagang patuloy na gawin ang mga hakbang na ito, isagawa ang mga alituntuning ito sa lahat ng aspeto ng buhay, at ibahagi ang mensahe ng pag-asa sa iba.

May mensahe tayo ng pag-asa para sa iba na nahihirapan sa adiksiyon at para sa lahat ng taong nahaharap sa mga hamon ng mortalidad: Ang Diyos ay Diyos ng mga himala, tulad ng noon pa man (tingnan sa Mormon 9:11, 16–19). Pinatutunayan iyan ng ating mga buhay. Ang bawat isa sa atin ay pinaninibago sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pinakamainam nating maibabahagi ang mensaheng ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba. Ang pagbabahagi ng ating mga patotoo tungkol sa Kanyang awa at Kanyang biyaya ay isa sa pinakamahahalagang paglilingkod na maihahandog natin. Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa natin ay ang ipahayag ang ating mga patotoo sa pamamagitan ng paglilingkod, na, sa kabilang dako, ay lilikha ng espirituwal na pag-unlad, mas matinding pangako, at higit na kakayahang sundin ang mga utos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006],106).

Ang pagdadala ng mga pasanin ng isa’t isa sa pamamagitan ng mga gawain ng kabaitan at di-makasariling paglilingkod ay bahagi ng ating mga bagong buhay bilang mga tagasunod ni Cristo (tingnan sa Mosias 18:8). Ang pagnanais na tumulong sa iba ay isang likas na bunga ng espirituwal na paggising. Tulad ng pagnanais ng mga anak ni Mosias na ibahagi ang ebanghelyo sa mga Lamanita matapos silang magbalik-loob, maaari rin tayong maghangad na ibahagi ang pag-asa at pagpapagaling na naranasan natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo (tingnan sa Mosias 28:1–4). Maaari nating hangaring basbasan, tulungan, at pasiglahin ang mga nakapaligid sa atin. Napagtatanto natin ang katotohanang itinuro ni Haring Benjamin nang sinabi niya, “Kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).

Isang natural na paraan ng paglilingkod sa kapwa-tao ang maging sponsor o magturo sa iba na bago sa proseso ng pagrekober. (Mangyaring rebyuhin ang dokumentong “Pagpili ng Sponsor” upang malaman ang iba pa.) Ipinaaalam natin sa iba pang mga kalahok mula sa mga recovery group na dinadaluhan natin o sa ating mga lokal na lider ng Simbahan na nais nating tumulong bilang isang sponsor o mentor. Kapag nalaman natin na ang isang tao ay nakikipaglaban sa adiksiyon, nagbabahagi tayo ng impormasyon tungkol sa Addiction Recovery Program. Sinasabi natin sa kanila ang tungkol sa pag-asa na makarekober sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo, at inaanyayahan natin silang dumalo sa isang miting kasama natin.

Bukod sa pagtulong sa mga yaong nahihirapan sa adiksiyon, naglilingkod din tayo sa kanilang mga kapamilya at mahal sa buhay. Kadalasan, ang mga tao ay nagsasama-sama upang tumulong sa taong nahihirapan sa adiksiyon at nakakaligtaan na asikasuhin ang kanyang mga mahal sa buhay. Maaari nating kilalanin at tanggapin ang mga paghihirap na kinakaharap nila. Maaari nating ibahagi ang pag-asa na maaari silang bumaling sa Tagapagligtas at makahanap ng kapayapaan at pagpapagaling, piliin man ng kanilang mahal sa buhay na makarekober o hindi. Maaari nating ibahagi ang Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling at anyayahan silang dumalo sa miting ng grupo ng mga asawa at pamilya.

Kapag naglilingkod tayo sa iba sa pamamagitan ng pagsuporta sa kanila sa pagrekober, kailangan nating mag-ingat na huwag hayaan ang iba na labis na umasa sa atin. Ang ating responsibilidad ay hikayatin silang bumaling sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas para sa gabay at kapangyarihan. Dagdag pa rito, dapat hikayatin natin silang humingi ng suporta sa iba. Malalaking pagpapala ang nagmumula sa Panginoon sa pamamagitan ng mga lider ng Simbahan, sponsor, kapamilya, kaibigan, at iba pa. Maaari nating ibahagi ang dokumentong “Suporta sa Pagrekober” sa kanila, na matatagpuan sa apendiks ng gabay na ito.

Habang sinisikap nating tulungan ang iba, maaaring hindi pa sila handang gawin ang mga hakbang na ito. Habang ibinabahagi natin ang mensahe ng pagrekober at pag-asa sa pamamagitan ng Tagapagligtas, dapat tayong maging matiyaga at mapagpakumbaba. Walang puwang sa ating mga bagong buhay para sa pagmamalaki o anumang pakiramdam ng pagiging nakakataas sa iba. Makatutulong na alalahanin ang ating sariling pagkabihag at kung paano tayo tinubos ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang awa at biyaya (tingnan sa Mosias 29:20).

Sa ating kasigasigan na tulungan ang iba, sinisikap nating panatilihin ang balanse sa pagitan ng pagbabahagi ng mensahe at pagpapatuloy na gamitin ang mga hakbang na ito sa ating mga sariling buhay. Ang ating pangunahing tuon ay dapat nasa pagpapatuloy na gamitin ang mga alituntuning ito sa pagrekober sa ating mga sarili. Ang ating mga pagsisikap na ibahagi ang mga ideyang ito sa iba ay magiging epektibo lamang kapag napapanatili natin mismo ang pagrekober.

Kung handa tayo, marami tayong makikitang oportunidad na ibahagi ang mga espirituwal na alituntuning natutuhan natin sa programang ito. Habang pinagpapala natin ang mga buhay ng iba, ang ating mga sariling buhay ay pinagpapala. Nararanasan natin ang alituntuning itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila. Palalalimin Niya ang kanilang mga kagalakan, palalawakin ang kanilang pananaw, pasisiglahin ang kanilang mga isipan, palalakasin ang kanilang mga kalamnan, pasisiglahin ang kanilang espiritu, pararamihin ang kanilang mga pagpapala, daragdagan ang kanilang mga oportunidad, aaliwin ang kanilang mga kaluluwa, bibigyan sila ng mga kaibigan, at magbubuhos ng kapayapaan. Sinuman ang mawalan ng buhay sa paglilingkod sa Diyos ay makasusumpong ng buhay na walang-hanggan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 42–43).

Mga Hakbang na Gagawin

Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at matanggap ang patnubay at kapangyarihang kailangan upang magawa ang susunod na hakbang sa ating pagrekober.

Maglingkod sa iba

Ang pagnanais na maglingkod ay isang natural na resulta ng proseso ng ating pagpapagaling sa pamamagitan ng Panginoon. Sa ating pagrekober, nakaranas tayo ng malaking pagbabago sa puso ukol sa ating mga sarili at sa iba (tingnan sa Alma 5:14). Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Tunay na hinahangad [natin] na ipamuhay ang una at ikalawang dakilang mga kautusan. Kapag minamahal natin ang Diyos nang buong puso, ibinabaling Niya ang ating mga puso sa kapakanan ng iba sa isang maganda at banal na siklo” (“Ang Ikalawang Dakilang Kautusan,” Liahona, Nob. 2019, 97).

Gayunpaman, hindi palaging madali ang paglilingkod. Bagama’t gusto natin, hindi posibleng mapaglingkuran natin ang lahat ng nangangailangan. Patuloy nating kakailanganin ng patnubay at kapangyarihan mula sa Panginoon upang mapaglingkuran ang iba. Maaari tayong manalangin para sa tulong na mapansin at matukoy ang mga paraan na nais Niyang maglingkod tayo. Maaari nating tanungin ang mga taong nakapaligid sa atin tungkol sa mga oportunidad at pangangailangan. Maaari tayong magulat sa dami ng mga oportunidad na nakahanda na para sa atin. Ang paglilingkod sa iba ay maaaring kasing simple ng isang ngiti, o maaari itong mangailangan ng higit na paglahok tulad ng isang pangunahing proyekto. Dapat tayong gumamit ng matalinong paghusga sa ating paglilingkod upang maiwasang lumampas sa ating lakas o kakayahan.

Ang isa sa mga pinakamahusay na paraan na maaari tayong maglingkod ay ibahagi ang ating mga kuwento ng pagrekober. Maaari tayong patuloy na dumalo sa mga recovery meeting at magpatotoo tungkol sa biyaya at nakapagpapagaling na kapangyarihan ni Jesucristo. Noong mga bagong dating pa lamang tayo, nakatanggap tayo ng pag-asa mula sa mga yaong gumawa ng mga hakbang at nakarekober bago tayo. Mayroon na tayong oportunidad ngayon na ibahagi ang mensahe ng pagrekober sa pamamagitan ng pagsasabi ng ating mga kuwento. Ibinabahagi rin natin ang ating patotoo tungkol sa kapangyarihan ng Tagapagligtas kapag nasa simbahan tayo at kasama natin ang ating pamilya at mga kaibigan.

Makibahagi sa gawain sa templo at family history

Ang isang makabuluhan at makapangyarihang paraan na makapaglilingkod tayo ay sa pamamagitan ng gawain sa templo at family history. Ang paglilingkod na ito ay nagpapala hindi lamang sa mga namatay, kundi nagpapala rin ito sa atin. Tulad ng sabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Bagama’t may kapangyarihan ang gawain sa templo at family history na pagpalain ang mga pumanaw na, may kapangyarihan din itong pagpalain ang mga nabubuhay pa. May nakadadalisay na impluwensya ito sa mga nakikibahagi rito” (“Mga Henerasyong Nabigkis ng Pagmamahal,” Liahona, Mayo 2010, 93). Para sa marami sa atin, ang gawain sa templo at family history ay mahalagang bahagi ng ating pagrekober.

Ang ilan sa atin ay maaaring nakadarama na hindi pa sila handang maglingkod sa templo. Maaaring hindi tayo mahikayat o ni hindi natin alam kung saan magsisimula sa gawain sa family history. Ngunit maaari tayong magpasyang magsimula. Maaari nating bisitahin ang ating mga bishop o branch president tungkol sa ating mga hangaring maglingkod. Ang hangarin nating gawin ang kalooban ng Panginoon at magpatuloy sa ating pagrekober ay makahihikayat sa atin. Maaaring kailanganin nating gumawa ng ilang pagbabago sa ating mga buhay upang makapasok sa templo. Maaaring ni hindi natin alam kung paano gumawa ng gawain sa family history, ngunit maaari tayong humingi ng tulong. Matutulungan tayo ng mga Relief Society at pangulo ng elders quorum na malaman kung saan tayo magsisimula. Mayroon ding mga online resource na tutulong sa atin sa FamilySearch.org at ChurchofJesusChrist.org.

Ang gawain sa templo at family history ay nagbibigay ng kapangyarihan at lakas para sa ating pagrekober. “Tatanggap kayo hindi lamang ng proteksyon mula sa tukso at mga problema ng mundo, kundi maging ng personal na lakas—lakas na magbago, lakas na magsisi, lakas na matuto, lakas na mapabanal, at lakas na ibaling ang puso ng mga miyembro ng inyong pamilya sa isa’t isa at pagalingin ang kailangang mapagaling” (Dale G. Renlund, “Family History at mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Peb. 2017, 39). Ang mga alituntunin sa gabay na ito ay umaakay sa atin na sundin ang Tagapagligtas at matamasa ang lahat ng pagpapalang mayroon Siya para sa atin, lalo na ang mga yaong matatagpuan sa templo.

Pag-aaral at Pag-unawa

Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa ating pagrekober. Maaari nating gamitin ang mga ito para sa pagninilay, pag-aaral, at pagsusulat sa journal. Dapat nating tandaan na maging tapat at tiyak sa ating pagsusulat upang lubos na makinabang dito.

Pagbabalik-loob at paggaling

“Ang tunay na pagbabalik-loob ay hindi lang pagkakaroon ng kaalaman sa mga alituntunin ng ebanghelyo at higit pa sa pagkakaroon ng patotoo sa mga alituntuning iyon. … Ang tunay na pagbabalik-loob ay pagkilos ayon sa ating pinaniniwalaan at pagtutulot na lumikha ito ng ‘malaking pagbabago sa atin, o sa ating mga puso’ [Mosias 5:2]. … Kailangan [sa pagbabalik-loob] ng panahon, tiyaga, at paggawa” (Bonnie L. Oscarson, “Magbalik-loob Kayo,” Liahona, Nob. 2013, 76–77).

Habang binabago ng Panginoon ang ating mga puso sa pamamagitan ng pagbabalik-loob at pagrekober, nagiging mga mapagkukunan tayo ng lakas ng iba na nagsisimula pa lamang sa landas na ito. Sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro, “Kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid” (Lucas 22:32).

  • Paano naaangkop ang pagpapakahulugan ni Sister Oscarson sa pagbabalik-loob sa aking karanasan sa pagrekober?

  • Ano ang nadarama ko tungkol sa pagpapalakas ng iba habang nagrerekober sila mula sa mga nakalululong na gawain?

Malaking pag-unlad mula sa maliliit na hakbang

“Huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (Doktrina at mga Tipan 64:33).

  • Ano ang nadarama ko kapag naiisip kong ipamuhay ang mga alituntuning ito sa lahat ng aspeto ng aking buhay?

  • Paano nakatutulong sa akin na matantong ang mga kahanga-hangang bunga ay nagmumula sa maliliit na hakbang?

Ibahagi ang ating mga patotoo at aliwin ang iba

“Ito ang aking kaluwalhatian, na baka sakaling ako’y maging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang madala ang ilang kaluluwa sa pagsisisi; at ito ang aking kagalakan.

“At masdan, kapag nakita kong tunay na nagsisisi ang marami sa aking mga kapatid, at lumalapit sa Panginoon nilang Diyos, sa gayon napupuspos ang aking kaluluwa ng kagalakan; sa panahong yaon naaalaala ko kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa akin, oo, maging sa dininig niya ang aking panalangin; oo, sa panahong yaon ko naaalaala ang kanyang maawaing bisig na iniunat niya sa akin” (Alma 29:9–10).

Nalaman nating mahalaga sa pagrekober ang pagiging handang ibahagi ang ating mga patotoo tungkol sa mga alituntuning ito.

  • Paano makatutulong ang pagbabahagi ng aking karanasan upang manatiling matatag sa aking pagrekober?

“[Kung kayo ay] nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, nang kayo ay matubos ng Diyos, at mapabilang sa kanila sa unang pagkabuhay na mag-uli, nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan—

“Ngayon, sinasabi ko sa inyo, kung ito ang naisin ng inyong mga puso, ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo?” (Mosias 18:9–10).

Ang iyong karanasan sa adiksiyon ay tumutulong sa iyong makiramay sa mga yaong nahihirapan sa adiksiyon; ang iyong karanasan sa pagrekober ay tumutulong sa iyong aliwin sila.

  • Paano nadagdagan ang aking hangarin na tumayo bilang saksi ng Diyos mula nang sundin ko ang mga hakbang sa pagrekober?

Maglingkod sa kabila ng hindi pagiging perpekto

“Maliban sa Kanyang perpektong Bugtong na Anak, mga taong di-perpekto ang tanging katulong ng Diyos sa gawain noon pa man” (Jeffrey R. Holland, “(“Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 94).

“Wala sa atin ang may perpektong buhay o pamilya; sigurado ako na hindi perpekto ang aking buhay at pamilya. Kapag hinangad nating damayan ang ibang tao na may mga hamon at kahinaan rin, makatutulong ito sa kanila na madamang hindi sila nag-iisa sa kanilang pinagdaraanan. Kailangan ng lahat ng tao na madama na sila ay talagang kabilang at talagang kailangan sa katawan ni Cristo” (J. Anette Dennis, “Madaling Dalhin ang Kanyang Pamatok at Magaan ang Kanyang Pasan,” Liahona, Nob. 2022, 82).

Kung minsan iniisip natin kung handa na ba tayong magbahagi ng tungkol sa ating pagrekober sa iba dahil hindi pa natin naisasagawa ang mga alituntuning ito nang perpekto.

  • Paano nakatutulong sa akin ang kaalaman na kumikilos ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga taong hindi perpekto na maging mas handa akong ibahagi ang aking karanasan sa pagrekober?

Ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan

“Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya” (Roma 1:16).

  • Ano ang naiisip at nadarama ko kapag binabalikan ko ang aking espirituwal na pagbabago sa buong proseso ng pagrekober?

  • Nag-aatubili ba akong ibahagi ang aking karanasan sa pagrekober? Kung oo, bakit?

“Humayo ka kung saan ko man naisin, at ipahahayag sa iyo ng Mang-aaliw kung ano ang iyong gagawin at kung saan ka magtutungo.

“Manalangin tuwina, upang hindi ka matukso at mawala ang iyong gantimpala.

“Maging matapat hanggang sa katapusan, at masdan, ako ay kasama mo. Ang mga salitang ito ay hindi sa tao ni sa mga tao, kundi sa akin, maging si Jesucristo, ang iyong Manunubos, sa kalooban ng Ama” (Doktrina at mga Tipan 31:11–13).

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng gabay na tutulong sa ating mapanatili ang espirituwal na paraan ng pamumuhay na aakay sa atin pabalik sa Diyos.

  • Anong mga partikular na gabay ang nakita ko sa mga talatang ito?