“Hakbang 10: Magpatuloy sa paggawa ng personal na imbentaryo, at kapag mali tayo, aminin ito kaagad,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)
“Hakbang 10,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober
Hakbang 10: Magpatuloy sa paggawa ng personal na imbentaryo, at kapag mali tayo, aminin ito kaagad.
Pangunahing Alituntunin: Araw-araw na Pananagutan
Ang hakbang 10 ay tumutulong sa atin na umunlad sa ating bagong paraan ng pamumuhay na nakatuon sa espirituwal. Ito ay tungkol sa pagpapanagot sa ating mga sarili araw-araw sa pamamagitan ng personal na pagsusuri, pagtanggap sa natuklasan natin, at kaagad na pagsisisi. Hindi tayo perpekto at patuloy tayong magkakamali sa ating mga buhay gayundin sa ating pagrekober. Ang ilan sa atin ay maaaring mag-alala na hindi tayo maaaring umunlad sa ating pagrekober maliban na lamang kung ganap nating makumpleto ang bawat hakbang o mabuhay tayo nang walang mga pagkakamali. Pinoprotektahan tayo ng hakbang 10 laban sa panggigipit na mamuhay nang perpekto. Ipinaaalala sa atin na patuloy nating kailangan ang Panginoon habang umuunlad tayo sa ating pagrekober.
Sa Aklat ni Mormon, itinuro ni Alma na ang malaking pagbabago sa puso ay nangangailangan ng pananampalataya sa Pagtubos at Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo (tingnan sa Alma 5:14–15). Gamit ang sitwasyon ng Araw ng Paghuhukom at pagbibigay ng maraming halimbawa ng mga tanong na maitatanong natin sa ating mga sarili, binigyang-diin ni Alma ang mahalagang papel ng matapat na pagpapahalaga sa sarili sa pagbubukas ng ating mga sarili sa kapangyarihang makatubos ni Cristo. Magagawa natin ang alituntuning ito sa pamamagitan ng uri ng mga tanong na iminungkahi ni Alma tungkol sa ating nadarama, iniisip, hinahangad, at ginagawa. Ang araw-araw na personal na pagsusuri at ang nakatutubos na tulong ng Panginoon ay maaaring makapigil sa atin na magkaila, maging kampante, at bumalik sa dating gawi.
Ang napakagandang proseso ng pagrekober ay tungkol sa pagtutulot sa Panginoon na baguhin ang ating mga iniisip, nadarama, at puso. Dahil dito, magbabago ang ating mga pag-uugali. Hinikayat tayo ng mga nauna sa atin na mag-ingat sa pagmamalaki sa lahat ng anyo nito at mapagpakumbabang dalhin ang ating mga kahinaan sa Ama sa Langit. Ang araw-araw na pananagutan ay tumutulong sa atin na matukoy kung kailan tayo nangangailangan ng tulong at pumipigil sa atin na bumalik sa mga dating gawi.
Normal na magkaroon ng mga negatibong kaisipan at damdamin. Kapag tayo ay nag-aalala o nakadarama ng awa sa sarili, pagkabalisa, sama ng loob, pagnanasa, o takot, maaari tayong bumaling kaagad sa Ama at hilingin sa Kanya na pagpalain tayo ng kapayapaan at pananaw. Maaari rin nating matuklasan na kumakapit pa rin tayo sa mga negatibong paniniwala. Maaari nating hilingin sa ating Ama sa Langit na tulungan tayong gumawa ng tapat na pagsisikap na magbago. Sa paggawa ng hakbang 10, hindi na natin nadarama ang pangangailangan na magdahilan, mangatwiran, o manisi. Ang mithiin natin ay panatilihing bukas ang ating mga puso at nakatuon ang ating mga isipan sa Tagapagligtas at sa Kanyang biyaya.
Ginagawa natin ang hakbang 10 sa pamamagitan ng paggawa ng isang pang-araw-araw na imbentaryo. Sa pagpaplano natin ng ating araw, mapanalangin nating sinusuri natin ang ating mga kilos at posibleng motibo: Napakarami ba o napakakaunti ng ginagawa natin? Pinangangalagaan ba natin ang ating mga pangunahing espirituwal, emosyonal, at pisikal na pangangailangan? Pinaglilingkuran ba natin ang iba? May anumang mga sitwasyon ba sa ating araw na mahirap o nagdudulot ng stress? Kailangan ba natin ng tulong mula sa iba upang maharap ang mga mahihirap na bagay na ito? May nakikita ba tayong mga dating gawi o pag-iisip? Ang mga ganitong uri ng tanong ay tumutulong sa atin na mamuhay nang may layunin, palakasin ang ating pagrekober, at mapalapit kay Jesucristo.
Maaari nating suriin ang ating mga sarili anumang oras sa pamamagitan ng paggugol ng oras upang isipin, pagnilayan, at gamitin ang mga hakbang na natutuhan natin. Kapag natagpuan natin ang ating mga sarili sa isang sandali ng krisis, maaari nating tanungin ang ating mga sarili at ang Diyos, “Anong kahinaan ng pagkatao ko ang nati-trigger? Ano ang ginawa ko upang makapag-ambag sa problemang ito? May masasabi o magagawa ba ako nang walang pagkukunwari na magdudulot ng kagalang-galang na solusyon para sa akin at sa ibang tao?” Maaari nating ipaalala sa ating mga sarili, “Nasa Panginoon ang lahat ng kapangyarihan. Ibibigay ko ito sa Kanya at magtitiwala ako sa Kanya.”
Sa tuwing nakikita natin ang ating mga sarili na gumagawa ng negatibong bagay sa ibang tao, maaari tayong makipag-ayos sa lalong madaling panahon. Mahalagang isantabi ang ating pagmamataas at tandaan na ang taos-pusong pagsasabing, “Nagkamali ako” ay kadalasang kasinghalaga sa pag-aayos ng relasyon ng pagsasabing, “Mahal kita.”
Sa pagtatapos ng araw, sinusuri natin kung ano ang mga bagay na nangyari. Kumusta? Kailangan pa rin ba nating makipagpayuhan sa Panginoon tungkol sa anumang mga negatibong gawi, kaisipan, o damdamin? Maaari rin tayong makipag-usap sa isang miyembro ng pamilya, kaibigan, sponsor, o pinagkakatiwalaang tagapayo upang matulungan tayong makita ang mga bagay nang mas malinaw.
Siyempre, patuloy tayong magkakamali sa kabila ng lahat ng ating pagsisikap. Ngunit ang araw-araw na pananagutan ay isang pangako na tanggapin ang responsibilidad para sa mga pagkakamaling ito. Kapag sinusuri natin ang ating mga iniisip at ginagawa araw-araw, nilulutas natin ang mga ito, at nagsisisi tayo sa pamamagitan ng Tagapagligtas, mawawala ang mga negatibong kaisipan at damdamin.
“Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi. Ang pagsisisi ay hindi ginagawa nang isang beses lang, ito ay isang proseso. Ito ay susi sa kaligayahan at kapayapaan ng isipan. Kapag nilakipan ng pananampalataya, ang pagsisisi ay nagiging daan para magamit natin ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo [tingnan sa 2 Nephi 9:23]” (Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67).
Ang araw-araw na pananagutan, o araw-araw na pagsisisi, ay tumutulong sa atin na maranasan ang kagalakan at kalayaan na iniaalok sa atin ng Tagapagligtas. Hindi na tayo mamumuhay nang nakahiwalay sa Panginoon o sa ibang tao. Maaari tayong magkaroon ng lakas at pananampalataya na harapin ang mga problema at lutasin ang mga ito. Maaari tayong magalak sa ating pag-unlad at magtiwala na ang pagsasanay at tiyaga ay magtitiyak ng patuloy na pagrekober.
Mga Hakbang na Gagawin
Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at matanggap ang patnubay at kapangyarihang kailangan upang magawa ang susunod na hakbang sa ating pagrekober.
Espirituwal na paghahanda para sa bawat araw
Ang isang mahalagang bahagi ng araw-araw na pananagutan ay magplano ng ating araw, sundin ang ating mga plano, at pagkatapos ay rebyuhin kung ano ang mga nangyari sa pagtatapos ng araw. Kapag sinasadya nating gawin ito, napoprotektahan tayo sa pagbalik sa mga dating gawi.
Pinayuhan tayo ni Elder David A. Bednar na ihanda ang ating araw kasama ang Panginoon sa umaga: “Ang makabuluhang panalangin sa umaga ay mahalagang sangkap sa espirituwal na paglikha sa bawat araw—at nauuna sa temporal na paglikha o sa aktwal na pagsasagawa ng araw” (“Laging Manalangin,” Liahona, Nob. 2008, 41).
Habang ipinagpapatuloy natin ang ating araw, may panalangin tayo sa ating mga puso para sa patuloy na tulong at gabay. Kung minsan, ang mga bagay-bagay ay hindi naaayon sa ating plano, at kailangan nating matutong bumagay at patuloy na humingi ng tulong sa Ama sa Langit.
Pinayuhan tayo ni Elder Bednar: “Sa pagtatapos ng ating araw, muli tayong lumuluhod at nag-uulat sa ating Ama. Nirerebyu natin ang mga pangyayari sa araw na iyon” (“Laging Manalangin,” 42). Kapag nag-ulat tayo sa Panginoon at nirebyu natin ang ating araw, maaari nating ipagdiwang ang ating mga tagumpay at tukuyin kung saan tayo nagkulang. Nakikipagpayuhan tayo sa Panginoon tungkol sa kung ano ang kailangan nating gawin upang magsisi o makipag-ayos at kung paano tayo makagagawa ng mas mabuti sa susunod.
Araw-araw na pagsisisi
Ang “isang araw sa isang pagkakataon” ay isang pamilyar na parirala na nangangahulugang nabubuhay sa isang sandali sa isang pagkakataon. Sa patuloy na pagsasaalang-alang ng ating mga iniisip, nadarama, at ginagawa, nagkakaroon tayo ng oportunidad na magsisi at lumapit sa ating Ama sa Langit. Habang nagsisisi tayo, natutuklasan natin ang katotohanan na ang pagsisisi ay hindi isang malungkot at mahigpit na pagsubok kundi isang masaya at mapagpalayang karanasan na inaasam nating tanggapin.
Habang nagsisisi tayo araw-araw, maaaring makatuklas tayo ng mga karagdagang pagkukulang o maalala natin ang mga ginawa natin noon na kailangan ng pansin at, sa ilang pagkakataon, pagbawi. Maaaring maging bahagi ng ating araw-araw na pagsisisi ang muling pagtuon ng pansin sa mga naunang hakbang na nilayon upang maalis ang ating mga pagkukulang o makabawi. Ang pagrerebyu sa ating mga sponsor kung ano ang natutuhan natin sa ating mga pagsisikap na magsisi araw-araw ay makapaglilinaw kung ano pa ang kailangan nating gawin upang lubos na makapagsisi. Maaaring kailanganin din nating magtapat sa wastong awtoridad ng priesthood.
Hinikayat tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi—ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw” (“Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67). Habang nagpapakumbaba tayo at nagsisikap na maging tapat araw-araw, mas lumalapit tayo sa Tagapagligtas. Tinagubilinan ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili at magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin” (Lucas 9:23). Ang pagsisisi at pagpasan ng ating krus upang sumunod sa Tagapagligtas araw-araw ay naghahanda sa atin para sa hakbang 11.
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa ating pagrekober. Maaari nating gamitin ang mga ito para sa pagninilay, pag-aaral, at pagsusulat sa journal. Dapat nating tandaan na maging tapat at tiyak sa ating pagsusulat upang lubos na makinabang dito.
Bantayan ang ating mga iniisip, sinasabi, at ginagawa
“Kung hindi ninyo babantayan ang inyong sarili, at ang inyong mga isipan, at ang inyong mga salita, at ang inyong mga gawa, at susunod sa mga kautusan ng Diyos, at magpapatuloy sa pananampalataya sa inyong mga narinig hinggil sa pagparito ng ating Panginoon, maging hanggang sa katapusan ng inyong mga buhay, kayo ay tiyak na masasawi. At ngayon, O tao, pakatandaan at nang huwag masawi” (Mosias 4:30).
Maaaring mapanganib o nakamamatay kung hindi tayo nakatutok sa ginagawa natin habang nagmamaneho ng sasakyan. Magsulat ng tungkol sa pagkakaroon ng kamalayan sa sarili.
-
Paano nakatutulong sa akin ang pagpapahalaga sa sarili upang hindi na bumalik sa aking mga adiksiyon (at mawala)?
Pagpapakumbaba at pagpigil sa sarili
“Pinagpala sila na nagpapakumbaba ng kanilang sarili na hindi kailangang piliting magpakumbaba” (Alma 32:16).
Ang kahandaang alisin ang mga negatibong bagay sa isipan bago pa ito humantong sa nakakasakit na gawain ay isang paraan ng pagpapakumbaba ng ating mga sarili nang hindi pinipilit. Magsulat tungkol sa iyong kahandaang magpakumbaba ng iyong sarili. Subukan mo sa loob ng isang araw na alisin ang mga negatibong bagay sa isipan.
-
Anong mga pagpapala ang dumating sa akin?
Mabuhay sa kasalukuyan
“Kapag ang tao ay mas naliwanagan, mas hinahangad niya na magsisi, at mas sinisikap niyang makalaya mula sa kasalanan sa sandaling masuway niya ang kagustuhan ng Diyos. … Nararapat lamang kung gayon na mapatawad ang mga kasalanan ng mga may takot sa Diyos at ng mabubuti dahil sila ay nagsisisi at muling lumalapit sa Panginoon sa bawat araw at sa bawat oras” (Bruce R. McConkie, Doctrinal New Testament Commentary, 3 tomo [1973], 3:342–43).
Ang isa sa mga pinakakapaki-pakinabang na epekto—sa isipan, sa damdamin, at sa espirituwal—ng pamumuhay ng mga alituntuning inilarawan sa mga hakbang na ito ay ang matutunan mong mabuhay sa kasalukuyan.
-
Paano ako natutulungan ng hakbang 10 na harapin ang buhay nang isang oras sa isang pagkakataon kung kinakailangan?
-
Paano nakatutulong sa akin na malaman na kailangan ko lamang ipamuhay ang mga alituntuning ito nang isang araw sa isang pagkakataon?
Ipagpatuloy ang pagsisisi at pagpapatawad
“Kasindalas na sila ay magsisi at humingi ng kapatawaran, nang may tunay na layunin, sila ay pinatatawad” (Moroni 6:8).
Ang kaalaman na handa tayong patawarin ng Panginoon kasindalas na tayo ay magsisisi nang may tunay na layunin ay makapagbibigay sa atin ng lakas ng loob na sumubok muli sa tuwing tayo ay nagkukulang.
-
Ano ang ibig sabihin sa akin ng magsisi at maghangad ng kapatawaran nang may tunay na layunin?
Maging matiyaga
“At ngayon nais ko na kayo ay maging mapagpakumbaba, at maging masunurin at maamo; madaling pakiusapan; puspos ng tiyaga at mahabang pagtitiis; mahinahon sa lahat ng bagay” (Alma 7:23).
Hindi binanggit ng kung sinuman ang nakaisip ng kasabihang “Nagiging perpekto ang ginagawa kapag palaging nagsasanay” kung gaano katinding tiyaga ang kailangan upang patuloy na magsanay. Habang tayo ay matiyaga at patuloy na gumagawa ng pang-araw-araw na pagbawi at pang-araw-araw na imbentaryo, tayo ay uunlad sa ating daan patungo sa pagrekober.
-
Paano tinitiyak ng pagpapahalaga sa sarili at pang-araw-araw na pakikipag-ayos na magpapatuloy ako sa aking pagpapakumbaba at espirituwal na pag-unlad?
-
Paano nakatutulong sa akin ang pag-imbentaryo sa pagtatapos ng bawat araw na daigin ang pagkahilig na magkimkim ng galit o iba pang nakakasakit na emosyon?
Habambuhay na pagpapabuti
“Aking … nadarama na kailangan kong itanim sa isipan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pangangailangan sa isang masusing pagsasagawa ng mga alituntunin ng Ebanghelyo sa ating buhay, kilos at mga pananalita at sa lahat ng ating ginagawa; at hinihingi nito ang kabuuan ng isang tao, ang buong buhay upang italaga sa patuloy na pagsulong nang sa gayon ay malaman ang katotohanang tulad ng taglay ni Jesucristo” (Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe [1954], 11).
Ang paggawa ng mga hakbang na ito ay mailalarawan bilang “masusing pagsasagawa” ng mga alituntunin ng ebanghelyo.
-
Paano nakatutulong ang kahandaang suriin ang aking sarili araw-araw sa bawat aspeto (ginagawa, sinasabi, iniisip, nadarama, at pinaniniwalaan) upang maituon ko ang aking sarili sa habambuhay na pagpapabuti?