Adiksyon
Hakbang 9: Hangga’t maaari, tuwirang bumawi sa lahat ng taong nasaktan natin


“Hakbang 9: Hangga’t maaari, tuwirang bumawi sa lahat ng taong nasaktan natin,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)

“Hakbang 9,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober

lalaking nagsasalita sa mga tao sa isang bilog

Hakbang 9: Hangga’t maaari, tuwirang bumawi sa lahat ng taong nasaktan natin.

6:0

Pangunahing Alituntunin: Makipag-ayos

Sa pagsulong natin sa hakbang 9, handa na tayong humingi ng kapatawaran. Tulad ng mga nagsisising anak na lalaki ni Mosias na “buong sigasig na nagsusumikap na maisaayos ang lahat ng kapinsalaang kanilang nagawa” (Mosias 27:35), hangad din nating makipag-ayos. Gayunpaman, sa pagharap natin sa hakbang 9, alam nating hindi natin maisasakatuparan ang ating mga hangarin maliban na lamang kung pagpapalain tayo ng Diyos ng Kanyang Espiritu. Kailangan natin ng tapang, mabuting pagpapasiya, pagsasaalang-alang sa damdamin ng iba, pagtitimpi, at tamang panahon. Hindi taglay ng karamihan sa atin ang mga katangiang ito noong panahong iyon. Natanto natin na muling susubukan ng hakbang 9 ang ating kahandaang magpakumbaba ng ating mga sarili at maghangad ng tulong at biyaya ng Panginoon.

Dahil sa ating mga karanasan sa mahirap na prosesong ito, may ilan tayong mungkahi. Napakahalaga na hindi tayo pabigla-bigla o padalus-dalos habang sinusubukan nating makipag-ayos. Mahalaga rin na hindi natin ito ipagpaliban. Maraming tao sa pagrekober ang bumalik sa dating mga gawi nang hayaan nila ang takot na pigilan silang makipag-ayos. Kailangan nating manalangin para sa gabay ng Panginoon kung kailan at paano makikipag-ayos. Dagdag pa rito, makatutulong na kausapin ang ating mga sponsor, lider ng Simbahan, o iba pang pinagkakatiwalaan natin.

Kung minsan ay maaaring matukso tayong iwasang makipagkita sa isang taong nasa ating mga listahan. Gayunpaman, iminumungkahing labanan mo ang tuksong ito, maliban, siyempre, kung ipinababawal ng batas na makipagkita ka sa isang tao. Kapag tayo ay mapagpakumbaba at tapat at gumagawa ng mga makatwirang pagsisikap na makipagkita nang personal, maaari nating ayusin ang mga nasirang relasyon. Ipinaaalam natin sa mga tao na nilalapitan natin sila upang makipag-ayos. Iginagalang natin ang kanilang mga kahilingan kung sabihin nilang ayaw nilang talakayin ang bagay na iyon. Kung bibigyan nila tayo ng pagkakataong humingi ng kapatawaran, kailangan nating ilahad nang maikli at partikular ang sitwasyon. Maingat tayong huwag magdahilan o manipulahin ang mga taong nilalapitan natin. Ang layunin ng pagbawi ay hindi upang bigyang-katwiran ang ating mga ginawa o upang punahin ang mga tao; ang layunin ay aminin ang ating mga pagkakamali, humingi ng kapatawaran, at bumawi hangga’t maaari. Huwag makipagtalo sa mga tao, kahit pa hindi mo gusto o hindi mo matanggap ang kanilang tugon. Mapagpakumbaba nating nilalapitan ang bawat tao at nag-aalok tayo ng pagkakasundo, hindi ng katwiran.

Maaaring mahirap humingi ng kapatawaran para sa ilang partikular na gawain. Halimbawa, maaaring kailangan nating harapin ang mga bagay na may legal na kahihinatnan, tulad ng pagnanakaw o pang-aabuso. Maaaring matukso tayong magkaroon ng labis na reaksyon, magdahilan, o umiwas na makipag-ayos. Mapanalangin tayong naghahangad ng payo mula sa mga lider ng Simbahan o sa mga propesyonal bago gumawa ng anumang hakbang sa mga talagang seryosong kasong ito.

Sa ibang mga kaso, maaaring hindi natin magawang direktang makipag-ayos. Maaaring namatay ang tao, o maaaring hindi natin alam kung saan siya nakatira. Sa gayong mga kaso, maaari pa rin tayong hindi direktang makipag-ayos. Maaari tayong magsulat ng liham na nagpapahayag ng ating panghihinayang at ng ating hangaring makipag-ayos, kahit hindi man makarating sa kanya ang sulat. Maaari tayong maghanap ng isang taong nagpapaalala sa atin sa taong iyon at gumawa ng isang bagay upang matulungan siya, o maaari tayong gumawa ng isang bagay nang hindi nagpapakilala upang matulungan ang isang miyembro ng pamilya ng taong iyon.

Sa ilang mga kaso, maaaring nakagawa tayo ng pinsala na hindi natin maaayos. Itinuro ni Elder Neil L. Andersen:

“Maraming pagkakamali na hindi maitatama ng taong nakasakit o nakapagbigay ng sama ng loob, at may sakit at pagdurusa na hindi lubos na maaayos. Ngunit huwag kailanman iwaksi ang mapagbigay na pagbawi na maaari mong gawin, ang pagdurusa na maaari mong pagaanin, kahit na ang pag-ibig, kadalisayan, kabanalan, tiwala, at paggalang ay maaaring imposibleng maibalik kung walang pamamagitan ng Panginoon. … Para sa ilang mga kasalanan, ang tanging paraan upang makabawi ay pagpalain ang mga buhay ng iba at maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon upang dalhin ang kanyang kabutihan at biyaya sa iba” (The Divine Gift of Forgiveness [2019], 218, 221).

Sa sandaling magdesisyon tayong gamitin ang mga tunay na alituntuning ito sa ating bagong pamamaraan ng buhay, nagsisimula tayong makipag-ayos ng buhay. Inaayos natin ang pamamaraan ng ating pamumuhay, at habang namumuhay tayo sa pagrekober, napagpapala nito ang lahat ng tao sa paligid natin.

Maaaring may mga sitwasyon kung saan ang paglapit sa isang tao upang makipag-ayos ay magiging masakit para sa taong iyon o makakapinsala pa nga. Kung sa palagay mo ay ganyan ang kaso, talakayin ang sitwasyon sa iyong sponsor o mapagkakatiwalaang tagapayo. Ang hakbang na ito ng pagrekober ay hindi kailanman dapat magdulot ng higit na pinsala o pagkabalisa sa iba.

Matapos makipag-ayos para sa halos lahat ng ating nagawa noon, maaaring may isa o dalawang tao pa rin na hindi natin kayang harapin. Naharap ang marami sa atin sa katotohanang ito. Iminumungkahing bumaling ka sa Panginoon sa tapat na panalangin. Kung natatakot o nagagalit ka pa rin sa isang tao, marahil ay dapat na ipagpaliban mo muna ang pakikipagkita sa kanya. Madaraig natin ang mga negatibong damdamin sa pamamagitan ng pananalangin para sa pag-ibig sa kapwa-tao upang makita ang taong iyon kung paano siya nakikita ng Panginoon. Maaari tayong maghanap ng mga positibong rason kung bakit ang pagbawi at pakikipag-ayos ay makatutulong. Kung gagawin natin ang mga bagay na ito at magtitiyaga tayo, magagawa at gagawin ng Panginoon—sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang sariling panahon—na bigyan tayo ng mahimalang oportunidad na humingi ng kapatawaran sa lahat ng tao sa ating mga listahan.

Sa ilang mga kaso, hindi pipiliin o magagawa ng taong iyon na patawarin tayo. Maaaring patawarin tayo ng ibang tao ngunit ayaw nang makipag-ayos o magkaroon ng relasyon sa atin. Bagama’t maaaring nakapanghihina ito ng loob o masakit para sa atin, mahalagang irespeto ang kanilang mga damdamin at igalang ang kanilang kalayaang pumili. Ang hakbang 9 ay tungkol sa paggawa ng ating bahagi upang makipag-ayos. Hindi kailangan sa hakbang na ito na patawarin tayo ng ibang tao o makipag-ayos siya sa atin. Habang ginagawa natin ang ating bahagi sa paggawa ng tapat na pagsisikap na makipag-ayos, isinasagawa natin ang hakbang 9 at sumusulong tayo sa ating paglalakbay sa pagrekober.

Mga Hakbang na Gagawin

Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at matanggap ang patnubay at kapangyarihang kailangan upang magawa ang susunod na hakbang sa ating pagrekober.

Lumapit sa iba

Sa hakbang 8, gumawa tayo ng mga listahan at mapanalanging pinag-isipan kung kailan at paano lalapitan ang mga tao sa ating mga listahan. Tinalakay natin ang ating mga plano sa ating mga sponsor o pinagkakatiwalaang tagapayo, at pagkatapos ay handa na tayo para sa hakbang 9—ang pagkontak sa mga tao sa ating mga listahan (kung maaari at angkop). Kapag kinokontak natin ang mga tao upang makipag-ayos, hindi natin kailangang sabihin ang lahat ng detalye tungkol sa ating mga adiksiyon. Ngunit kailangan nating magbahagi ng sapat na detalye upang matulungan silang mas maunawaan kung bakit kailangan nating makipag-usap sa kanila.

Inaamin natin ang ating mga pagkakamali at itinatanong natin kung ano ang magagawa natin upang maitama ang mga bagay-bagay. Nasa kanila na kung patatawarin nila tayo o hindi. Ang mga taong nilalapitan natin ay maaaring may mga tanong na angkop nating sagutin. Tandaan na sagutin ang kanilang mga tanong sa paraang hindi na makapipinsala pa sa relasyon. Kung mayroon kang anumang mga pag-aalinlangan, sabihin lamang sa kanila na gusto mong pag-isipan ito nang higit pa at babalikan mo sila. Pagkatapos ay maaari mong talakayin sa iyong sponsor o pinagkakatiwalaang tagapayo kung paano at kailan sasagutin ang mga tanong na ito.

Kung minsang ay maaari tayong maging emosyonal sa prosesong ito. Tayo ay nananalangin at humihingi ng tulong sa Panginoon upang manatiling kalmado at nakatuon sa layunin ng ating pagbisita. Maaari tayong matuksong bigyang-katwiran o ipaliwanag ang ating mga ginawa sa pamamagitan ng pagbanggit o pagtuon sa isang bagay na ginawa ng iba, ngunit dapat nating labanan ang tuksong ito. Kailangan nating manatiling nakatuon sa pakikipag-ayos para sa ating mga ginawa.

Tinatalakay natin kung ano ang magagawa natin upang makabawi sa taong nagawan natin ng mali. Halimbawa, kung kailangan nating makabawi sa pamamagitan ng pagbabayad ng pera, maaaring patawarin ng tao ang utang, hingin ang halaga ng prinsipal, o humingi ng interes. Maaaring hindi natin kailangang abutin ang kanilang mga inaasahan; gayunpaman, mahalagang maunawaan kung ano ang nadarama ng taong kailangan nating gawin upang makabawi, at dapat mapanalangin nating isaalang-alang ito.

Pagkatapos makipag-ayos, kukumpletuhin natin ang huling dalawang hanay sa tsart na ginawa natin sa hakbang 4 (tingnan ang apendiks para sa halimbawa ng tsart). Ilalagay natin ang petsa ng bawat pagkontak, ang mga pakikipag-ayos na ginawa natin, at ang mga resulta. Pagkatapos ay talakayin natin ang mga resulta sa ating mga sponsor. Kinikilala natin na sinisikap nating gawin ang lahat ng magagawa natin upang makaayon sa mga tao sa ating mga listahan. Ginawa natin ang lahat upang maitama ang mga bagay-bagay, at makapagtitiwala tayo sa Panginoon na pagalingin ang hindi natin kayang pagalingin. Ang kapayapaan ay dumarating sa pamamagitan ng ating relasyon sa Panginoon. Ang ibang tao ay may kalayaang pumili na tumugon ayon sa kanilang nais.

Kilalanin ang mga pagpapala ng pagrekober

Nang makaipon tayo ng lakas ng loob na makipag-ayos, nakahihikayat na gumawa ng imbentaryo ng mga pagpapalang natanggap natin mula sa paggawa ng mga hakbang hanggang sa puntong ito. Nagsimula nating matanto na nahigitan ng mga pagpapala ng pagrekober ang ating mga inaasahan. Iminumungkahing simulan mo ang isang listahan ng mga pagbabago sa iyong buhay. Narito ang ilan sa mga pagbabagong napansin natin sa ating mga sarili nang sumapit tayo sa puntong ito sa ating mga pagrekober:

  • Nadarama natin ang ganap na pag-ibig ng Diyos para sa atin.

  • Nadarama natin ang bagong kagalakan, kaligayahan, at kalayaan sa ating mga buhay.

  • Nauunawaan natin ang mga tao, relasyon, at sitwasyon nang may mas malalim na pananaw at mayroon tayong karagdagang pakikiramay sa iba.

  • May bagong direksyon at layunin tayo para sa ating mga buhay.

  • Nakadarama tayo ng mas malalim na pagtanggap at pagmamahal para sa ating mga sarili at para sa iba.

  • Mas hindi na natin iniisip ang ating mga sarili at mas nakatuon tayo sa paglilingkod sa mga taong nangangailangan ng ating tulong.

  • Nadarama natin ang walang-hanggang Pagbabayad-sala ni Jesucristo nang mas matindi at personal.

  • May higit na pag asa at pananampalataya tayo para sa ating walang hanggang kinabukasan.

  • Nabawasan ang ating takot sa buhay at sa mga sitwasyong pinansyal.

  • Nadarama nating pinatawad tayo, at mas madali na para sa atin na magpatawad ng iba.

  • Nagtitiwala tayo na sa kapangyarihan ng Diyos, magagawa natin ang mga bagay na hindi natin kayang gawin nang mag-isa.

Pag-aaral at Pag-unawa

Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa ating pagrekober. Maaari nating gamitin ang mga ito para sa pagninilay, pag-aaral, at pagsusulat sa journal. Dapat nating tandaan na maging tapat at tiyak sa ating pagsusulat upang lubos na makinabang dito.

Impluwensyahan ang iba para sa kabutihan

“Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa akin: Utusan ang iyong mga anak na gumawa ng mabuti, at baka maakay nila ang mga puso ng maraming tao sa pagkawasak; kaya nga, iniuutos ko sa iyo, anak ko, nang may takot sa Diyos, na ikaw ay tumigil sa iyong mga kasamaan;

“Na ikaw ay bumaling sa Panginoon nang buo mong pag-iisip, kakayahan at lakas; na huwag mo nang akayin pa ang puso ng sinuman na gumawa ng kasamaan; sa halip, ikaw ay bumalik sa kanila, at kilalanin ang iyong mga pagkakasala at kamaliang iyong nagawa” (Alma 39:12–13).

Ang isa sa mga pinakanakapipinsalang kahihinatnan ng ating mga nakalululong na gawain ay maaaring naimpluwensyahan natin ang iba na magkaroon ng kanilang mga sariling adiksiyon.

  • Sino sa aking buhay ang naimpluwensyahan ko sa ganitong paraan?

  • Ayon sa mga turo ni Alma sa mga talatang ito, saan ako makahahanap ng lakas ng loob na makipag-ayos sa mga taong ito?

Mahikayat, hindi mapilitan

“Sinumang nais na lumapit ay makalalapit at malayang makababahagi sa tubig ng buhay; at ang sinumang hindi lalapit siya ay hindi pinipilit na lumapit; ngunit sa huling araw, ito ay manunumbalik sa kanya alinsunod sa kanyang mga gawa” (Alma 42:27).

Sa kabila ng maraming matinding dahilan upang gawin ang hakbang 9, hindi mo dapat paniwalaan kailanman ang kasinungalingan na wala ka nang pagpipiliian. Ang Addiction Recovery Program ay isang programa ng panghihikayat, hindi pamimilit.

  • Ako ba ay nahihikayat o napipilitan na makipag-ayos?

  • Ayon sa talatang ito, ano ang ilang dahilan kung bakit ako maaaring mahikayat?

Maghandang humarap sa Diyos

“Nais ko na kayo ay lumapit at huwag nang patigasin pa ang inyong mga puso; sapagkat masdan, ngayon na ang panahon at ang araw ng inyong kaligtasan; at kaya nga, kung kayo ay magsisisi at hindi patitigasin ang inyong mga puso, kapagdaka ang dakilang plano ng pagtubos ay madadala sa inyo.

“Sapagkat masdan, ang buhay na ito ang panahon para sa mga tao na maghanda sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para sa mga tao na gampanan ang kanilang mga gawain” (Alma 34:31–32).

  • Ano ang naisasakatuparan ko kapag pinalalambot ko ang aking puso at nakikipag-ayos ako?

  • Paano nadaragdagan ang aking kahandaang makipag-ayos kapag natanto kong naghahanda rin akong humarap sa Diyos?

Pagiging aktibo sa Simbahan

“At [ang Nakababatang Alma at ang mga anak ni Mosias] ay naglakbay sa lahat ng dako ng buong lupain, … buong sigasig na nagsusumikap na maisaayos ang lahat ng kapinsalaang kanilang nagawa sa simbahan, ipinagtatapat ang lahat ng kanilang kasalanan, at inihahayag ang lahat ng bagay na kanilang nakita, at ipinaliliwanag ang mga propesiya at banal na kasulatan sa lahat ng nagnanais na marinig ang mga ito” (Mosias 27:35).

Dahil sa mga adiksiyon, maraming tao ang hindi na dumadalo sa simbahan. Ginagamit ng ilang tao ang mga pagkakamali ng iba upang bigyang-katwiran ang limitadong pakikibahagi sa Simbahan.

  • Ano ang aking naging karanasan sa pagiging aktibo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

  • Paano nakatulong ang paglapit sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagrekober na madama kong kaisa akong muli sa Kanyang Simbahan?

  • Paano nakatutulong ang pagiging aktibo sa Simbahan na makipag-ayos ako at mas lubusang makarekober?

Kahandaang bumawi

“Kailangan mong isauli hanggang maaari ang lahat ng ninakaw, napinsala, o narumihan. Ang kahandaang bumawi ay malinaw na katibayan sa Panginoon na gagawin mo ang lahat upang makapagsisi” (Richard G. Scott, “Finding Forgiveness,” Ensign, Mayo 1995, 76).

  • Paanong ang pakikipag-ayos ay katibayan hindi lamang sa Panginoon kundi pati na rin sa aking sarili at sa iba na ako ay determinadong mamuhay nang may kapakumbabaan at katapatan?

Ang mga layunin ng ating mga puso

“Siya na nagsisisi at sumusunod sa mga kautusan ng Panginoon ay patatawarin” (Doktrina at mga Tipan 1:32).

Sa pakikipag-ayos, maaaring maharap tayo sa mga taong hindi magpapatawad sa atin. Marahil ay matigas pa rin ang kanilang mga puso sa atin, o kaya ay hindi sila nagtitiwala sa ating mga layunin.

  • Paano nakatutulong na malamang nauunawaan ng Panginoon ang tunay na layunin ng aking puso at na tatanggapin Niya ang aking hangaring magsisi at bumawi, kahit hindi ito tanggapin ng ibang mga tao?

Ang magagawa ng Tagapagligtas para sa atin

“Hindi maaaring patawarin ng mga tao ang kanilang mga sariling kasalanan; hindi nila maaaring linisin ang kanilang sarili mula sa mga kinahinatnan ng kanilang mga kasalanan. Ang mga tao ay maaaring tumigil sa paggawa ng kasalanan at makagawa ng tama sa hinaharap, at gayon pa man ang kanilang mabubuting gawa ay maaaring tanggapin sa harapan ng Panginoon at maging karapat-dapat sa pagsasaalang-alang. Ngunit sino ang mag-aayos sa mga kamaliang ginawa nila sa kanilang sarili at sa iba, na para bang imposible sa kanila na ayusin nila ito mismo? Sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang mga kasalanan ng nagsipagsisi ay mapapalis; bagaman ang mga ito ay maging mapula, gagawin itong mapuputi na parang lana. Ito ang pangakong ibinigay sa inyo” (Joseph F. Smith, sa Conference Report, Okt. 1899, 41).

Habang nakikipag-ayos ka, huwag panghinaan ng loob dahil sa mga kaisipang tulad ng, “Imposible ito! Walang paraan upang makabawi ako nang sapat para sa pagkakamaling nagawa ko sa taong ito.” Bagama’t maaaring totoo iyan, isaalang-alang ang kapangyarihan ni Jesucristo na ayusin ang mga bagay na iyon na hindi mo kayang ayusin. Dapat tayong magtiwala na gagawin ni Jesucristo ang hindi natin kayang gawin.

  • Paano ko maipapakita sa Panginoon na nagtitiwala ako sa Kanya? Paano ko madaragdagan ang pagtitiwalang iyan?