Adiksyon
Apendiks: Suporta sa Pagrekober


“Apendiks: Suporta sa Paggaling,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)

“Suporta sa Paggaling,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober

Suporta sa Pagrekober

Ang Kahalagahan ng Paghahanap ng Suporta

Ang suporta mula sa ibang tao ay mahalaga upang matulungan tayong makarekober at gumaling. Ang pagkakaroon ng isang taong mababalingan natin sa mga panahon ng kahinaan ay kadalasang napakahalaga. Ang pagkakaila at kusang paglayo ay mga palatandaan ng pagkakaroon ng mga hindi mapigilan at nakalululong na gawain. Madaling bumalik sa mga gawaing ito kapag walang suporta at pananaw ng iba. Mahalagang makakuha tayo ng suporta sa lalong madaling panahon sa ating pagrekober.

Ang pakikipag-ugnayan sa iba ay hindi lamang nagbibigay ng lakas ng loob na maaaring kailanganin natin, kundi nakatutulong din sa atin na maalala na tayo ay karapat-dapat mahalin bilang mga anak ng Diyos. Kapag humihingi tayo ng suporta mula sa iba, tayo ay pinagpapala at ang mga sumusuporta sa atin ay pinagpapala rin. Sa paggawa natin ng 12 hakbang at paghingi ng suporta mula sa iba, maaaring makatulong sa atin ang sumusunod na mga mapagkukunan ng suporta:

  • Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo. Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at ang Espiritu Santo ang pinakamalalaking mapagkukunan natin ng suporta. Ang pagbabago ay naging posible dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Sa Aklat ni Mormon, ibinahagi ng propetang si Alma na “dadalhin [ni Cristo] ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:12). Madarama natin na tayo ay tinutulungan at pinangangalagaan kapag mapagpakumbaba tayong lumalapit sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

    Mahalagang huwag kalimutan ang tulong ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Itinuro na Niya sa atin, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Ang Espiritu Santo ay makapagbibigay sa atin ng kapanatagan, kapayapaan, at espirituwal na lakas upang patuloy na sumulong.

  • Mga miyembro ng pamilya. Ang mga miyembro ng pamilya ay maaaring mapagkunan ng suporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagmamahal at pagtanggap. Maaari nilang mapalago ang kanilang kakayahang sumuporta sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuro sa Gabay sa Pagsuporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling. Bagama’t hindi lahat ng miyembro ng pamilya ay nasa emosyonal na posisyon upang makapagbigay ng kapanatagan, ang makagagawa nito ang kadalasang pinakamakapangyirahang mapagkukunan ng suporta.

  • Mga kaibigan. Ang mga kaibigan ay makapagbibigay ng pagmamahal at suporta kapag sinabi natin sa kanila ang tungkol sa ating mga paghihirap, ipagtapat man natin sa kanila o hindi ang mga detalye. Kapag ang mga kaibigan ay may lakas ng loob na sabihin sa atin ang mga gawain na kailangan nating itigil o kapag hinikayat nila tayong humingi ng tulong, makasusulong tayo tungo sa pagrekober. Kapag nakaranas tayo ng pagmamahal at suporta mula sa mga kaibigan, maipapaalala nito sa atin ang ating halaga.

  • Mga lider ng simbahan. Ang mga lider ng Simbahan ay makapagbibigay ng kinakailangang suporta sa proseso ng pagbabago. Ang mga lider na ito ay makatutulong sa atin na madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas at sila ay mayroong mahalagang papel sa pagtulong sa atin na magsisi at espirituwal na maging malinis mula sa hindi mapigilan at nakalululong na gawain.

  • Mga sponsor. Ang mga sponsor ay mga taong nakarekober na sa pamamagitan ng paggawa sa 12 hakbang. Dahil sa kanilang karanasan, alam nila kung paano tayo tutulungang gamitin at ipamuhay ang mga hakbang. Karaniwang natutukoy nila ang pagsisinungaling at nauunawaan nila ang iba pang mga paghihirap kahit hindi natin nababatid ang mga ito.

  • Mga recovery meeting. Ang mga recovery meeting ay isang ligtas na lugar kung saan tayo makahahanap ng pagtanggap, pagmamahal, at suporta. Sa mga miting na ito, ibinabahagi natin ang ating karanasan gayundin ang ating pananampalataya at pag-asa na makarekober sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo at pagsasabuhay ng 12 hakbang sa ating mga buhay. Ang pagbabahagi ng ating mga karanasan ay maaaring makatulong sa atin na gawin ang mga kinakailangang pagbabago at makahanap ng pag-asa na posible ang pagrekober at paggaling.

  • Mga propesyonal sa kalusugang pangkaisipan at medisina. Ang mga propesyonal sa kalusugang pangkaisipan at medisina ay kadalasang nakapagbibigay ng kabatiran at mga natatanging kasanayan na kailangan upang makarekober at gumaling mula sa mga hindi mapigilan at nakalululong na gawain. Kung nahihirapan pa rin tayo sa mga hindi mapigilan at nakalululong na gawain kahit na nakikibahagi tayo sa Addiction Recovery Program, dapat nating isaalang-alang ang paghingi ng propesyonal na tulong mula sa isang propesyonal sa kalusugang pangkaisipan o medisina. Kapag naghahanap ng propesyonal na tulong, dapat piliin ng mga miyembro ng Simbahan ang isang taong sumusuporta sa mga alituntunin ng ebanghelyo.

Pagpili ng mga Taong Susuporta sa Iyo

Sa Addiction Recovery Program ng Simbahan, hindi itinatalaga sa iyo ang isang sponsor o isang support system. Ang pagpapasya kung kailan at kung kanino hihingi ng tulong ay isang personal na desisyon. Mapanalanging isaalang-alang ang mga tao sa paligid mo na pinakakomportable kang hingan ng tulong o makapagbibigay ng pinakamalaking tulong sa iyo. Karaniwan, kapag mas maraming tao ang sumusuporta sa iyo, mas malaki ang posibilidad na ikaw ay makarekober. Kapag natukoy mo na kung sino ang nais mong maging bahagi ng iyong support system, maaaring nakakahiya o nakakatakot na humingi ng tulong sa kanila. Gayunman, kapag ginawa mo ito, maaaring magulat ka sa tindi ng pagmamahal at pagtanggap na madarama mo. Kapag mas nakikipag-ugnayan ka sa iba, mas marami kang pagkakataon na makatanggap ng pagmamahal.

Tiyaking pumili ka ng mga taong talagang mapagkakatiwalaan na susuporta sa iyo. Ang ilan sa mga taong pinakaepektibong makapagbibigay ng suporta sa iyo ay ang mga may kasalukuyang kaugnayan sa iyo (gaya ng mga magulang, asawa, kapamilya, lider ng Simbahan), nagnanais na magtagumpay ka, lubos na aktibo sa Simbahan, at nakauunawa o mayroong hangarin na maunawaan ang partikular na katangian ng hamong kinakaharap mo. Ang isang taong nalampasan ang sarili niyang mga hamon ay kadalasang mas may kakayahang makiramay sa mga hamong pinagdaraanan ng iba. Ang mga taong may mga katulad na hamon ay kadalasang may mas malaking kakayahan na makiramay sa iyong paghihirap.

Sa iyong pagsisimula sa proseso ng pagbabago, maaaring maging mahina ka sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na aspeto. Mag-ingat na huwag magkaroon ng hindi angkop na relasyon sa taong sumusuporta sa iyo.