“Hakbang 4: Gumawa ng mapanuri at walang takot na nakasulat na moral na imbentaryo ng ating mga sarili,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)
“Hakbang 4,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober
Hakbang 4: Gumawa ng mapanuri at walang takot na nakasulat na moral na imbentaryo ng ating mga sarili.
Pangunahing Alituntunin: Katotohanan
Ang layunin ng hakbang 4 ay tingnan ang ating nakaraan upang mas maunawaan ang ating mga kahinaan at matukoy kung ano ang pumipigil sa atin na maging katulad ng Tagapagligtas at maglingkod sa iba. Halimbawa, ang takot, katwiran, at pagtanggi ay maaaring makabawas sa ating kakayahang makita ang mga bagay nang malinaw. Ngunit hindi natin mababago ang isang bagay kung hindi natin ito lubos na nababatid. Ang ating mga imbentaryo ay tumutulong sa atin na maunawaan ang lahat ng bagay na nakahahadlang sa proseso ng ating pagrekober. Ang pagsulat ng ating mga imbentaryo ay nangangailangan na maging tapat tayo sa ating mga sarili tungkol sa kung sino tayo at kung saan tayo nanggaling upang pagkatapos ay maaari nating hilingin sa Diyos na tulungan tayong magbago, maging mas mahusay, at gumaling.
Lahat tayo ay nakaranas ng mga napakahirap na bagay. Ang ating mga puso ay nadurog, at mayroon tayong masasakit na emosyonal na peklat. Bumaling tayo sa mga nakalululong na sangkap at gawain na nagpamanhid sa sakit, at pagkatapos ay gumawa tayo ng mga pagpili na ipagpatuloy ang paghahangad ng pansamantalang ginhawa na ito. Ang mga gawaing ito ay nagdulot ng higit na sakit, na nagbigay sa atin ng higit na rason upang gamitin ang adiksiyon upang makayanan ito. Ang mga sakit ng buhay at ang ating mga nakalululong na gawain ay naging mga bundok ng kahihiyan na sinubukan nating itago, kalimutan, o ikaila.
Ang ating mga adiksiyon, takot, at pagkakaila ay pumilay sa ating kakayahan na magnilay nang tapat tungkol sa ating mga buhay. Ikinaila natin o hindi natin naunawaan ang pinsala at kaguluhang idinulot ng ating mga adiksiyon sa ating mga relasyon. Kaya ginawa natin ang lahat ng ating makakaya upang makalimot, mangatwiran, o magsinungaling sa ating mga sarili upang makayanan ang ating sakit. Dahil dito, hindi natin natukoy ang marami sa ating mga pagkakamali o sinubukan nating kalimutan ang mga ito. Talagang nakakakumbinsi ang pagsisinungaling natin sa ating mga sarili kaya karamihan sa ating nakaraan ay hindi na malinaw sa atin ngayon. Hiniling ng ating mga sponsor at ng iba pa sa mga recovery group na gawin natin ang mahirap na gawain at aminin sa ating mga sarili kung ano ang maaaring nakalimutan na natin o hindi natin gustong makita. Sa gayon lamang natin mauunawaan na kailangan natin ang Tagapagligtas upang pagalingin tayo.
Ang mungkahing rebyuhin ang ating nakaraan at pagkatapos ay isulat ito ay tila nakakalula at kung minsan ay imposible pa nga. Kailangan ng matinding pagsisikap at sigasig upang magawa ito. Kailangan nating saliksikin ang ating mga puso at isipan upang maalala ang ating mga nakaraang karanasan, at mahirap para sa atin na isulat ang mga ito. Ang mahalaga ay umupo at magsimulang magsulat. Dahil dito ay napilitan tayong gamitin ang ating bagong pinalakas na tiwala sa Diyos. Ang ating pag-asa na maaari tayong gumaling, mapatawad, at mapalaya mula sa pagkaalipin ay nagbigay sa atin ng lakas ng loob na sumubok. Hiniling natin sa Diyos na tulungan tayong madaig ang ating takot. Hiniling natin sa Kanya na tulungan tayong alalahanin at harapin ang ating mga pagkakamali nang may lakas ng loob. Narinig Niya tayo at naroon Siya para sa atin.
Mahalaga ang ating mga sponsor sa pagtulong sa atin na matapang na sumulong sa hakbang na ito. Dahil nagawa na nila mismo ang hakbang na ito, nahikayat nila tayo at natulungan nila tayong makita nang malinaw ang ating nakaraan. Hindi natin ito nagawa nang perpekto, ngunit ginawa natin ang ating makakaya. At sa huli, sapat na iyon. Sa pagtukoy at pagtuklas sa mga mapanirang elemento sa ating mga buhay, nakagawa tayo ng isang kinakailangang hakbang sa pagwawasto sa mga ito. Nakatulong din sa atin na tukuyin ang kabutihan sa ating nakaraan at isama sa ating mga imbentaryo ang mga positibong bagay na nagawa natin at ang mga kalakasang nagkaroon tayo. Tinulungan tayo ng hakbang 4 na bigyan ang Diyos ng matapat na salaysay kung sino tayo, kabilang na ang ating mga kahinaan at kalakasan.
Ang mga nakasulat na listahan na ito ng ating mga sama ng loob, takot, pinsala, at lakas ay nagiging isang napakahalagang kasangkapan sa ating paglalakbay sa pagrekober. Sa pagsulong natin sa mga hakbang 6 at 7, gagamitin natin ang ating mga imbentaryo upang rebyuhin ang mga kahinaan na bumibitag sa atin sa mga mapanirang siklo magpakailanman. Halimbawa, ang kapalaluan at takot ang pumigil sa atin na aminin ang ating mga pagkakamali, na naging dahilan upang masira ang ating mga relasyon at tiwala. Pagkatapos, habang papalapit tayo sa mga hakbang 8 at 9, ang mga tao mula sa ating mga imbentaryo ay ang mga yaong magkakaroon tayo ng oportunidad na patawarin at makipag-ayos.
Hakbang na Gagawin
Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at matanggap ang patnubay at kapangyarihang kailangan upang magawa ang susunod na hakbang sa ating pagrekober.
Magsulat ng imbentaryo sa tulong ng isang sponsor
Sa hakbang na ito, nagsisimula tayong manampalataya sa pamamagitan ng ating mga gawa (tingnan sa Santiago 2:17–18). Para sa marami sa atin, ito ang pinakamahirap na hakbang. Maaaring mahirap, masakit, at nakakalula ito, at maaaring madama natin na kailangan nating alalahanin ang lahat ng bagay sa ating nakaraan. Gayunpaman, ang pagsulat ng ating mga imbentaryo ay hindi kailangang maging isang hindi mapagtagumpayang gawain. Maaari tayong umupo, manalangin, at magsimulang magsulat, kahit na magsulat lamang tayo tungkol sa isang tanong o kaganapan sa isang pagkakataon.
Mangyaring rebyuhin ang mga halimbawa at alituntunin sa apendiks (halimbawa, ang worksheet). Maaari nating gamitin ang isa sa mga halimbawang ito bilang isang template upang matulungan tayong magsimula. Kung gagawin nating sobrang kumplikado ang prosesong ito, mas mahirap para sa atin na magsimula o umunlad. Kaya kapag nagsusulat ng ating unang imbentaryo, maaaring pinakamainam na panatilihing simple ang mga bagay. Maaaring palagi nating balikan ito habang patuloy nating ginagawa ang mga hakbang. Mangyaring makipagtulungan sa iyong sponsor habang nagsusulat ka ng iyong imbentaryo. Pinagpapala tayo ng Diyos habang ginagawa natin ang gawaing ito, at hindi natin ito kailanman pagsisisihan.
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa ating pagrekober sa adiksiyon. Maaari nating gamitin ang mga ito para sa pagninilay, pag-aaral, at pagsusulat sa journal. Dapat nating tandaan na maging tapat at tiyak sa ating pagsusulat upang lubos na makinabang dito.
Ang adiksiyon ay isang sintomas
“Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya” (Mga Kawikaan 23:7).
Ipinalagay ng marami sa atin na ang ating mga adiksiyon ay isang pisikal na problema. Nagulat tayong malaman na ang ating mga naiisip, nadarama, at pinaniniwalaan ang mga ugat ng ating mga nakalululong na gawain. Ang mahirap na kumbinasyon ng ating utak, katawan, at pag-uugali ang tila bumibitag sa atin. Nakita natin na ang ating mga nakalululong na gawain ay hindi ang ating pangunahing problema kundi isang mapaminsalang solusyon sa ating mga tunay na problema.
-
Paanong ang pananaw na ito tungkol sa aking adiksiyon ay makatutulong sa akin na sumulong sa pagsulat ng aking imbentaryo?
Gumawa ng imbentaryo
Sa mga banal na kasulatan, nakikita natin ang maraming paanyaya na tingnan nang mabuti at tapat ang ating mga sarili. Isang napakagandang halimbawa ang matatagpuan sa Alma 5:14. Itinanong ng propetang si Alma ang mga pang-imbentaryong tanong na ito: “Kayo ba ay espirituwal na isinilang ng Diyos? Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha? Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso?” Iminumungkahing pag-aralan ang natitirang bahagi ng Alma kabanata 5 para sa iba pang mga halimbawa ng mga pang-imbentaryong tanong na maaari nating itanong sa ating mga sarili.
Ang paggawa ng imbentaryo kung nasaan tayo ngayon ay maaaring makatulong nang malaki. Halimbawa, ang isang negosyo na hindi regular na gumagawa ng imbentaryo ng mga ari-arian at pananagutan nito ay karaniwang hindi umuunlad. Ang paggawa ng imbentaryo ay isang oportunidad para sa mga may-ari ng negosyo na obhetibong matukoy kung ano ang mahalaga at dapat itago at kung ano ang nakakapinsala at dapat itapon. Kung ang mga may-ari ng negosyo ay nahuhulog sa bitag ng kawalang-katapatan at niloloko nila ang kanilang mga sarili tungkol sa tunay na katangian ng imbentaryo, hindi sila makagagawa ng mga tumpak na desisyon tungkol sa halaga ng kanilang mga produkto.
Katulad nito, mahalaga para sa atin na tingnan nang tapat ang ating mga buhay at pagkatao.
-
Habang ako ay nananalangin at humihiling sa Diyos na tulungan akong maging tapat, ano ang itinuturo sa akin ng Espiritu Santo tungkol sa aking pagkahilig na ikaila ang katotohanan ng aking kalagayan at mga sitwasyon?
-
Paano ko naloko ang aking sarili tungkol sa aking mga kahinaan?
-
Paano ako nabigong makita ang aking tunay na kahalagahan at lakas?
Harapin ang ating nakaraan
“At kapag nais kong magsaya, ang aking puso ay dumaraing dahil sa aking mga kasalanan; gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala” (2 Nephi 4:19).
Habang ginagawa ang ating mga imbentaryo, may mga pagkakataon na ang ating mga puso ay dumadaing dahil sa ating mga kasalanan at sa mga sakit na maaaring kinaharap natin.
-
Paano ako matutulungan ng pagtitiwala sa Diyos habang kinukumpleto ko ang aking imbentaryo at hinaharap ko ang aking mga kasalanan at sakit?
Magtiwala na pagagalingin Niya tayo
“Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa. Sa lahat ng iyong mga lakad siya’y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin” (Mga Kawikaan 3:5–6).
Ang imbentaryo ay makatutulong sa atin na makita ang buong larawan. Tinutulungan tayo nito na mabatid ang ating mga iniisip, nadarama, at ginagawa pati na rin kung sino ang naapektuhan ng ating mga pagpili. Ang dalawa sa mga karaniwang umuulit na tema sa marami sa ating mga imbentaryo ay takot at labis na pag-asa sa sarili. Ang pangakong ginawa natin sa hakbang 3 ay magtiwala sa Diyos at sa prosesong ito ng pagrekober. Ang ating mga imbentaryo ay ang susunod na hakbang ng pagrekober at magbibigay sa atin ng mga kongkretong ideya tungkol sa kung paano magpatuloy.
-
Paano mag-iiba ang aking buhay at mga pagpili kung bibitawan ko ang kapalaluan at sa halip ay pipiliin kong umasa at magtiwala sa Diyos?
-
Anong pag-aatubili ang nadarama ko tungkol sa pagsulong sa aking pangako na ibaling ang aking buhay at kalooban sa pangangalaga ng Diyos?
-
Kapag tinatanong ko ang Diyos kung aalagaan ba Niya ako sa bawat hakbang ng aking pagrekober, ano ang sagot na natatanggap ko sa aking puso at isipan sa pamamagitan ng Espiritu Santo? Tandaan na ang paraan ng pangangalaga ng Diyos sa atin ay maaaring iba sa pipiliin natin para sa ating mga sarili.
Espirituwal na karamdaman
“Minsan, ang espirituwal na karamdaman ay dumarating bilang resulta ng kasalanan o ng mga sugat sa damdamin. Minsan, ang mga espirituwal na panlulupaypay ay dumarating nang dahan-dahan kaya hindi natin masasabi kung ano ang nangyayari. Tulad ng mga patung-patong na sedimentary rock, magpapatung-patong ang espirituwal na sakit at dalamhati sa paglipas ng panahon, nagpapabigat sa ating espiritu hanggang [sa] halos hindi na ito kayang pasanin. …
“Subalit hindi dahil sa totoo ang mga espirituwal na pagsubok ay hindi na malulunasan ang mga ito.
“Mapagagaling tayo sa espirituwal.
“Maging ang pinakamalalalim na espirituwal na sugat—oo, maging ang mga tila hindi na malulunasan—ay mapagagaling” (Dieter F. Uchtdorf, “Mga Tagadala ng Makalangit na Liwanagit,” Liahona, Nob. 2017, 78).
Isaalang-alang ang tatlong pinakamasamang bagay na nagawa mo sa iyong buhay. Malapit ka ba sa Tagapagligtas at sa Kanyang Espiritu nang gawin mo ang mga bagay na iyon? Kung ikaw ay katulad namin, hindi ka bukas sa Kanyang Espiritu. Marami sa pagrekober ang tumatawag sa pagkawala ng koneksyon na ito na pagkakaroon ng “espirituwal na karamdaman.”
-
Kapag nakikibahagi ako sa mga nakalululong at maling gawain, ako ba ay mayroong espirituwal na karamdaman? Bakit oo o bakit hindi?
Mga sama ng loob
Ang malaking bahagi ng ating mga imbentaryo ay upang itala ang ating mga sama ng loob. Kabilang dito ang mga sama ng loob na kinimkim natin laban sa mga tao, institusyon, at iba pang mga bagay na nadama nating nakapinsala sa atin o hindi makatarungan ang pakikitungo sa atin. Ang pagkikimkim ng sama ng loob ay isa sa mga pinakamakamandag at nakakapinsalang pwersa sa ating mga adiksiyon. Inilalagay tayo nito laban sa iba at inaakay tayong madama na makatwiran tayo sa ating mga sariling nakakapinsala o walang malasakit na pagpili.
Nakahanap tayo ng tulong mula sa langit na makita ang iba sa isang bago at mapagmahal na liwanag nang sadya nating piliin na manalangin para sa kanila at hilingin sa Diyos na pagpalain sila ng bawat pagpapala na hangad natin para sa ating mga sarili. “Ang magpatawad ay maaaring mangailangan ng matinding lakas ng loob at pagpapakumbaba. Maaaring kailanganin din nito ang mahabang panahon. Kinakailangang manampalataya at magtiwala tayo sa Panginoon habang pinananagutan natin ang nararamdaman ng ating puso. Nakasalalay rito ang kabuluhan at kapangyarihan ng ating kalayaang pumili” (Amy A. Wright, “Pinagagaling ni Cristo ang Nawasak,” Liahona, Mayo 2022, 83).
-
Maaari ko bang piliin na magkaroon ng bagong pananaw tungkol sa mga taong masama ang loob ko? Maaari bang sila, tulad ko, ay may espirituwal na karamdaman at nahiwalay sa Diyos nang gawan nila ako ng mali?
-
Kung nahihirapan ako rito, paano ko mababago ang aking diskarte sa pananalangin para sa mga taong ito?