“Hakbang 3: Magpasya na ibaling ang ating mga kalooban at ang ating mga buhay sa pangangalaga ng Diyos na Amang Walang Hanggan at ng Kanyang Anak na si Jesucristo,” Pagpapagaling sa Pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)
“Hakbang 3,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober
Hakbang 3: Magpasya na ibaling ang ating mga kalooban at ang ating mga buhay sa pangangalaga ng Diyos na Amang Walang Hanggan at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.
Pangunahing Alituntunin: Magtiwala sa Diyos
Ang hakbang 3 ay ang hakbang ng pagpapasya. Sa unang dalawang hakbang, tinanggap natin kung ano ang hindi natin magagawa para sa ating mga sarili at kung ano ang kailangan nating hilingin sa Diyos na gawin para sa atin. Sa hakbang 3, ipinaalam sa atin ang tanging bagay na magagawa natin para sa Diyos. Maaari tayong magpasya na buksan ang ating mga sarili sa Kanya at isuko ang ating buong buhay—nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap—at ang ating mga kalooban sa Kanya. Ang hakbang 3 ay paggamit ng kalayaang pumili. Ito ang pinakamahalagang pagpili na gagawin natin sa buhay na ito.
Ibinigay ni Elder Neal A. Maxwell ang sumusunod na pahayag tungkol sa napakahalagang pagpapasyang ito: “Ang pagsuko ng kalooban ang natatanging personal na bagay na maihahandog natin sa altar ng Diyos. Malalim at mahirap na doktrina ito, ngunit totoo. Ang iba pang maraming bagay na ibinibigay natin sa Diyos, ay mga bagay na ipinagkaloob Niya sa atin, at ipinahiram lamang Niya sa atin. Ngunit kapag sinimulan nating ipasakop ang ating sarili sa kalooban ng Diyos, doon pa lamang tayo talagang may naibibigay sa Kanya” (“Insights from My Life,” Ensign, Ago. 2000, 9).
Inilarawan ni Pangulong Boyd K. Packer ang kanyang desisyon na ibigay ang kanyang kalooban sa Diyos at ang kalayaan na ibinigay sa kanya ng desisyong iyon: “Marahil ang pinakamalaking natutuhan ko sa buhay, at walang alinlangan na pinakamatinding pangakong ginawa ko ay nang buong tiwala kong ipinaubaya sa Diyos ang karapatan kong pumili—nang hindi napilitan. … Sa isang banda, … ang ipaubaya ang kalayaang pumili … at sabihing, ‘gagawin ko anuman ang sabihin mo,’ ay ang matutuhan na sa pagpapaubaya nito ay lalo mo pa itong tinaglay” (Obedience, Brigham Young University Speeches of the Year [Dis. 7, 1971], 4).
Noong una tayong dumalo sa mga recovery meeting, maaaring nadama nating pinilit tayo ng iba na pumunta roon. Ngunit upang magawa ang hakbang 3, kailangan nating magpasya na kumilos para sa ating mga sarili. Natanto natin na ang pagbabago ng ating mga buhay ay dapat sarili nating desisyon. Hindi ito tungkol sa kung ano ang iniisip o ninanais ng ating mga kapamilya at kaibigan. Kailangan handa tayong manatili sa pagrekober anuman ang opinyon o pagpili ng iba.
Nang gawin natin ang hakbang 3, nalaman natin na ang pagrekober ay mas resulta ng mga pagsisikap ng Panginoon kaysa ng ating sariling pagsisikap. Gumawa Siya ng himala nang anyayahan natin Siya sa ating mga buhay. Pinili nating hayaan ang Diyos na parekoberin at tubusin tayo. Nagpasiya tayong hayaan Siyang pamahalaan ang ating mga buhay, inaalala, siyempre, na palagi Niyang iginagalang ang ating kalayaang pumili. Inilagay natin ang ating mga buhay sa Kanyang mga kamay nang magpasiya tayong ipagpatuloy ang nakatuon sa espirituwal na programang ito ng pagrekober.
Nang gawin natin ang hakbang na ito, natakot tayo sa hindi natin alam. Ano ang mangyayari kapag nagpakumbaba tayo ng ating mga sarili at isinuko natin nang lubusan ang ating mga buhay at kalooban sa pangangalaga ng Diyos? Para sa karamihan sa atin, ang kabataan ay napakahirap, at natakot tayong maging madaling masaktan muli tulad ng mga musmos na bata. Dahil sa mga nakaraang karanasan, nakumbinsi tayo na halos imposible ang pangako na makarekober. Nakita natin ang ibang tao na sumira ng napakaraming pangako, at tayo mismo ay napakarami ring nasira. Ngunit nagpasya tayong subukan ang iminungkahi ng ating mga nakarekober na kaibigan: “Huwag gumamit. Magpunta sa mga miting. Humingi ng tulong.” Ang mga nauna sa ating gumawa ng mga hakbang na ito ay nag-anyayang subukan natin ang bagong paraan ng pamumuhay na ito. Matiyaga silang naghintay na maging handa tayong pagbuksan ng pintuan ang Diyos kahit bahagya lamang.
Gayundin ang paanyaya ng Panginoon: “Ako’y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang aking tinig at buksan ang pinto, ako’y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya’y kasalo ko.” (Apocalipsis 3:20).
Noong una, ang ating mga pagsisikap ay takot at atubili. Paulit-ulit nating ibinibigay ang ating tiwala kay Jesucristo ngunit binabawi rin ito pagkatapos. Nag-alala tayo na baka magalit Siya sa ating pagiging pabagu-bago at bawiin Niya ang Kanyang suporta at pagmamahal mula sa atin. Ngunit hindi Niya ginawa iyon.
Unti-unti na nating hinayaang ipakita ng Panginoon ang Kanyang nakapagpapagaling na kapangyarihan at ang kaligtasang dulot ng pagsunod sa Kanyang landas. Kalaunan ay natanto natin na hindi lamang natin isinuko ang ating mga adiksiyon, kundi ipinaubaya rin natin ang ating mga buong kalooban at buhay sa Diyos. Sa paggawa nito, nalaman natin na Siya ay matiyaga at tinatanggap Niya ang ating mga atubiling pagsisikap na isuko sa Kanya ang lahat ng bagay.
Ang ating kakayahan na tiisin ang tukso ay nakaangkla na ngayon sa mapagpakumbabang pagpapasailalim sa kalooban ng Diyos. Ipinapahayag natin ang pangangailangan natin sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, nagsisimula na nating madama ang kapangyarihang iyon sa loob natin, pinapatibay tayo laban sa susunod na tukso. Natutuhan nating tanggapin ang buhay ayon sa nais ng Panginoon.
Ang pagpapasakop sa Diyos ay maaaring maging mahirap para sa atin. Kailangan dito na muli nating ituon ang ating mga sarili sa Kanyang kalooban sa bawat araw, kung minsan ay sa bawat oras, o maging sa bawat sandali. Kapag handa tayong gawin ito, nakikita natin ang biyaya at nagbibigay-kakayahang kapangyarihan na magawa ang hindi natin kayang gawin para sa ating mga sarili.
Ang patuloy na pagpapasakop sa kalooban ng Diyos ay nakababawas sa stress at naghahatid ng higit na kabuluhan sa ating mga buhay. Hindi na tayo gaanong naiinis sa mga maliliit na bagay na dati ay nakakabagabag sa atin. Pinapanagutan natin ang mga ginawa natin. Pinakikitunguhan natin ang ibang tao tulad ng pakikitungo ng Tagapagligtas sa kanila. Ang ating mga mata, isipan, at puso ay bukas sa katotohanang mapaghamon ang buhay sa mundo at palaging may posibilidad na maghatid ito sa atin ng kalungkutan at kabiguan gayundin ng kaligayahan.
Kada araw, pinaninibago natin ang ating pangako na magpasakop sa kalooban ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng karamihan sa atin kapag sinasabi nating, “Isang araw sa isang pagkakataon.” Nagpasya tayong bitawan ang sariling kalooban at pagiging makasarili na siyang ugat ng ating mga adiksiyon. At nagpasya tayong tamasahin ang isa pang araw ng katahimikan at lakas na nagmumula sa pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang kabutihan, kapangyarihan, at pagmamahal.
Ang mga hakbang 1, 2, at 3 ay tumutulong sa atin na maunawaan kung paano manampalataya. Ang isa sa mga pinakamalinaw na indikasyon ng paggawa ng hakbang 3 ay handa tayong magtiwala sa Diyos nang sapat upang magpatuloy sa susunod na hakbang.
Mga Hakbang na Gagawin
Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at matanggap ang patnubay at kapangyarihang kailangan upang magawa ang susunod na hakbang sa ating pagrekober.
Magpasyang magtiwala at sumunod sa Diyos
Ang mga salitang ito—na hango sa “Serenity Prayer [Panalangin ng Katiwasayan]” ni Reinhold Niebuhr—ay makatutulong sa atin sa pagpapasiyang pagkatiwalaan at sundin ang Diyos, “O, Diyos, ipagkaloob Ninyo sa akin ang katiwasayang matanggap ang mga bagay na hindi ko kayang baguhin, tapang na baguhin ang mga bagay na kaya kong baguhin, at karunungan na malaman ang kaibhan.” Ang mga salitang ito ay tumutugma nang maganda sa mga salita ni Propetang Joseph Smith sa Doktrina at mga Tipan 123:17: “ Samakatwid, … ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag.”
Ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang katiwasayan kapag nagtitiwala tayo sa Kanyang kakayahan na tulungan tayo. Tinatanggap natin na bagaman hindi natin kontrolado ang mga pinipili at ginagawa ng iba, maaari tayong magpasya kung ano ang gagawin natin sa bawat sitwasyon na kakaharapin natin. Matapang tayong nagpapasya na magtiwala sa ating Ama sa Langit at kumilos ayon sa Kanyang kalooban. Ipinapaubaya natin ang ating mga kalooban at buhay sa Kanyang pangangalaga. Nagpapasya tayong sundin Siya at sundin ang Kanyang mga kautusan.
Sa ating pagrekober, nalaman natin na kailangan nating sanayin ang hakbang 3 nang madalas. Minsan parang kailangan nating mangako muli sa bawat sandali o bawat araw. Hindi mahalaga kung gaano karaming beses natin kailangang gawin ito. Sa tuwing gagawin natin ito, nadarama natin ang tulong ng Diyos at ng Kanyang pagmamahal, at napapalakas tayo sa ating pagrekober. Ipinaalala sa atin ni Elder Neal A. Maxwell: “Hindi kaagad naisasagawa ang espirituwal na pagsunod, kundi sa paunti-unti at sunud-sunod na paghakbang. Kailangan din kasing paisa-isa ang gawing paghakbang sa mga batong tuntungan. … Sa huli ang ating kalooban ay ‘mapasasakop sa kalooban ng Ama’ habang tayo’y ‘handang pasakop … maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama’ (tingnan sa Mosias 15:7; 3:19)” (“Ilaan ang Inyong Gawain,” Ensign, Mayo 2002, 36).
Rebyuhin at panibaguhin ang mga tipan sa Diyos
Ang pagtitiwala sa Diyos sa lahat ng bagay ay tulad ng pagsusuot ng bagong pares ng salamin at pagkakita sa lahat nang malinaw. Kapag nagpasya tayong ipaubaya ang ating mga kalooban sa Diyos, nasisimulan nating maranasan ang kapanatagan at kagalakang dulot ng paghahangad at pagsunod sa kalooban ng Ama sa Langit. Ang isang paraan na naipapakita natin ang ating kahandaang magtiwala sa Diyos ay ang maghanda na marapat na tumanggap ng sakramento.
Kausapin ang iyong bishop o branch president tungkol sa iyong adiksiyon at sa iyong desisyon na sundin ang kalooban ng Diyos. Gawin ang lahat ng magagawa mo upang makadalo sa sacrament meeting bawat linggo. Habang sumasamba ka, pakinggang mabuti ang mga panalangin sa sakramento at isipin ang mga regalong ipinagkakaloob sa iyo ng Ama sa Langit. Pagkatapos ay panibaguhin ang iyong pangako na tanggapin at sundin ang Kanyang kalooban sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento kung sumang-ayon ang iyong bishop o branch president na handa ka nang gawin ito.
Habang umuunlad ka sa pagrekober, makikita mo ang iyong sarili na mas handang mapabilang sa mga taong nagpapahalaga sa sakripisyo ng Tagapagligtas. Unti-unti mo nang madarama ang katotohanan na “sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari” (Lucas 1:37).
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa ating pagrekober. Maaari nating gamitin ang mga ito para sa pagninilay, pag-aaral, at pagsusulat sa journal. Ang ating likas na ugali ay hanapin ang pinakamadali at komportableng pagpipilian para sa pagrekober. Ngunit alam na natin ngayon na ang pagiging tapat at tiyak ay mas nakatutulong. Habang nirerebyu natin ang ating mga sagot sa mga sumusunod na tanong kasama ang ating mga sponsor at iba pa, malinaw nating nakikita ang ating mga pananaw at motibo.
Tumugma sa kalooban ng Diyos
“Makipagkasundo kayo sa kalooban ng Diyos, at hindi sa kagustuhan ng diyablo at ng laman; at tandaan, matapos kayong makipagkasundo sa Diyos, na dahil lamang sa at sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos na kayo ay maliligtas” (2 Nephi 10:24).
-
Ano ang ibig sabihin ng salitang makipagkasundo?
-
Ano ang ibig sabihin ng mamuhay nang tugma sa kalooban ng Diyos?
-
Paano ko madarama ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Diyos sa aking buhay kapag bumaling ako sa Kanya?
-
Ano ang nadarama ko tungkol sa pagtutulot sa Diyos na pamahalaan ang aking buhay?
-
Ano ang humahadlang sa akin na tulutan Siya na pamahalaan ang aking buhay?
Magpasailalim sa kalooban ng Diyos
“At ito ay nangyari na, na ang mga pasaning ipinataw kay Alma at sa kanyang mga kapatid ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon” (Mosias 24:15).
Maaari sanang alisin ng Diyos ang mga pasanin ni Alma at ng kanyang mga tao. Ngunit sa halip, pinalakas Niya sila upang “mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan.” Pansinin na hindi sila nagreklamo kundi nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa kalooban ng Panginoon. Isipin ang pagpapakumbaba na kailangan upang maging handa na unti-unting pagaanin ang pasanin sa halip na kaagad.
-
Ano ang ibig sabihin ng magpasailalim sa Diyos?
-
Paano ako magpapasailalim?
-
Ano ang nadarama ko tungkol sa pagpapasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa panahon ng Diyos?
-
Paano ako magkakaroon ng lakas ng loob na patuloy na sikaping sundin ang Kanyang kalooban?
Mag-ayuno at manalangin
“Gayon pa man, sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa paghahandog ng kanilang mga puso sa Diyos” (Helaman 3:35).
-
Ang talatang ito ay naglalarawan ng mga taong inihandog ang kanilang mga puso sa Diyos. Paano ako matutulungan ng pag-aayuno na ihandog ang aking puso sa Diyos at umiwas sa adiksiyon?
-
Mangangako ba akong manalangin sa sandali ng tukso para sa pagpapakumbaba at pananampalataya kay Cristo? Bakit oo o bakit hindi?
-
Gaano katatag ang aking kahandaang ihandog ang aking puso sa Diyos sa halip na sa adiksyon?
Magpakumbaba ng ating mga sarili sa harapan ng Diyos
“Subalit masdan, kanyang pinalaya sila dahil sa nagpakumbaba sila ng kanilang sarili sa kanyang harapan; at dahil sa nagsumamo sila nang mataimtim sa kanya ay kanyang pinalaya sila mula sa pagkaalipin; at sa gayon gumagawa ang Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan sa lahat ng pagkakataon sa mga anak ng tao, inuunat ang bisig ng kanyang awa sa kanila na nagbibigay ng kanilang tiwala sa kanya” (Mosias 29:20).
Ang pagpapakumbaba ng ating mga sarili ay isang desisyon. Maaaring matukso tayong maniwala na bagaman tinulungan ng Diyos ang iba, hindi Niya tayo tutulungan dahil tayo ay walang magawa at walang pag-asa. Matutukoy natin na kasinungalingan ito. Ang katotohanan ay mga anak tayo ng Diyos.
-
Paano ako tinutulungan ng kaalamang ito na magpakumbaba ng aking sarili at humingi ng tulong sa Diyos?
-
Ano pang mga kaisipan at maling paniniwala tungkol sa Diyos at tungkol sa akin ang pumigil sa akin na magsumamo nang mataimtim sa Diyos para sa kaligtasan mula sa pagkaalipin?
Piliing magtiwala sa Diyos
“At ngayon nais ko na kayo ay maging mapagpakumbaba, at maging masunurin at maamo; madaling pakiusapan; puspos ng tiyaga at mahabang pagtitiis; mahinahon sa lahat ng bagay; masikap na sumusunod sa mga kautusan ng Diyos sa lahat ng panahon; humihingi ng ano mang bagay na inyong kinakailangan, maging espirituwal at temporal; parating gumaganti ng pasasalamat sa Diyos para sa ano mang bagay na inyong tinatanggap” (Alma 7:23).
Ang pagtitiwala sa Diyos ay isang pagpili. Nangyayari ang pagrekober sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ngunit pagkatapos lamang nating piliin na magpasailalim sa Kanyang kalooban. Pagkatapos ay binubuksan ng ating pagpapasya ang daan upang dumaloy ang Kanyang kapangyarihan sa ating mga buhay. Inilalarawan ng banal na kasulatang ito ang mga katangiang kailangan natin upang mapasailalim ang ating mga buhay at kalooban sa pangangalaga ng Diyos.
-
Alin sa mga katangiang ito ang kulang sa akin?
-
Sino ang makatutulong sa akin na magkaroon ng mga katangiang kulang sa akin?
-
Aling mga katangian ang maaari kong pagsikapan ngayon?
-
Ano ang magagawa ko ngayon upang masimulan ang pagkakaroon ng mga katangiang ito?
Maging tulad ng isang bata
“Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” (Mosias 3:19).
Marami sa atin ang nakaranas ng hindi magandang pakikitungo mula sa mga magulang o tagapag-alaga, kaya ang pagiging “tulad ng isang bata” ay malaking hamon, marahil nakakatakot pa nga.
-
Ganito ba ang sitwasyon ko? May mga problema ba akong hindi nalutas sa magulang?
-
Ano ang magagawa ko upang maihiwalay ang aking damdamin tungkol sa aking mga magulang sa aking damdamin tungkol sa Diyos?
Makipag-ugnayan sa Diyos
“[Si Jesus ay] lumuhod at nanalangin, ‘Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma’y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo’” (Lucas 22:41–42).
Sa panalanging ito, ipinakita ng Tagapagligtas ang Kanyang kahandaang magpasailalim sa Ama sa Langit. Sinabi Niya ang Kanyang mga nais, ngunit pagkatapos ay mapagpakumbaba Niyang ginawa ang kalooban ng Kanyang Ama. Isang pagpapala na masabi sa Diyos ang ating mga nadarama.
-
Paano nakatutulong sa akin ang malaman na nauunawaan ng Ama sa Langit ang aking takot, sakit, o anumang nadarama ko upang sabihin nang tapat, “Mangyari nawa ang Iyong kalooban”?