“Apendiks: Pagpili ng Sponsor,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)
“Pagpili ng Sponsor,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober
Pagpili ng Sponsor
Ang pakikipagtulungan sa isang sponsor ay makapagpapabilis sa iyong pagrekober. Masusuportahan ka ng isang sponsor sa iyong pag-unlad at determinasyong daigin ang mga hamon, labis-labis na pagdepende, o nakalululong na gawain na kinakaharap mo. Sa iyong paglalakbay tungo sa pagrekober, hindi ka nag-iisa; ang isang sponsor ay isang taong “nahahandang … aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang mga saksi ng Diyos” (Mosias 18:9). Isaalang-alang ang pakikipagtulungan sa isang sponsor sa lalong madaling panahon.
Ano ang Isang Sponsor?
Ang isang sponsor ay isang taong nakarekober na sa pamamagitan ng paggawa sa 12 hakbang. Maaaring nauunawaan niya ang mga partikular na hamon na may kinalaman sa pagrekober kahit na maaaring hindi mo nababatid ang mga ito. Ang isang sponsor ay hindi nilayong maging iyong matalik na kaibigan o propesyonal sa kalusugang pangkaisipan. Sa halip, ang papel ng isang sponsor ay tulungan kang gawin ang mga hakbang sa pagrekober.
Paghahanap ng Isang Sponsor
Sa Addiction Recovery Program ng Simbahan, hindi itinatalaga sa iyo ang isang partikular na sponsor. Maaari mong isaalang-alang ang pagkakaroon ng sponsor sa paraang akma sa iyong indibiduwal na karanasan, mga pangangailangan, at personalidad. Ang pagkakaroon ng sponsor ay sama-samang pinagdedesisyunan mo, ng sponsor, at ng Panginoon.
Maaaring nakakatakot ang paghahanap ng isang sponsor, ngunit matutulungan ka ng iba. Ang pinakamainam na paraan upang makahanap ng isang sponsor ay sa pamamagitan ng pagdalo sa mga miting sa pagrekober. Ang mga taong may katulad na mga hamon ay kadalasang may mas malaking kakayahan na makiramay sa iyong paghihirap. Ang mga sumusunod na ideya ay maaaring makatulong sa paghahanap ng angkop na sponsor:
-
Humingi ng espirituwal na patnubay mula sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno tungkol sa kung sino ang maaaring maging sponsor para sa iyo.
-
Isaalang-alang ang pagpili ng isang tao na gumugol na ng sapat na panahon sa pagrekober at nagawa na ang 12 hakbang.
-
Makinig habang ibinabahagi ng mga tao ang kanilang mga karanasan sa pagrekober at isipin kung kanino ka maaaring makaugnay.
-
Maaari kang ipakilala ng mga lider at facilitator ng grupo sa mga angkop at handang kandidato.
-
Tanungin ang isang taong sa palagay mo ay karapat-dapat.
-
Dapat pumili ka ng sponsor na kapareho mo ng kasarian (maliban na lamang kung kamag-anak ang sponsor).
-
Sa iyong pagsisimula sa proseso ng pagbabago, maaaring maging mahina ka sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na aspeto. Iwasang umasa nang husto sa iyong sponsor.
-
Maaari mong hilingin sa isang tao na maging pansamantalang sponsor mo. Maaari kang magpalit ng sponsor anumang oras.
Pagiging epektibong sponsor
Ang pagiging sponsor ay isang mahalagang paglilingkod habang ibinabahagi mo ang iyong sariling karanasan, pananampalataya, at pag-asa na natagpuan mo habang ginagawa ang 12 hakbang sa pagrekober at paggaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang mga sponsor ay nagtatanong ng magagandang tanong, nagtutuon sa mga resource, nagbabahagi ng praktikal na tulong kung paano gawin ang mga hakbang, at naghihikayat sa mga taong iniisponsoran nila na dumalo sa mga miting. Nauunawaan ng sponsor na maaaring makatulong ang iba sa pagrekober ng isang tao at hindi siya magdaramdam kung ang mga iniisponsoran niya ay humingi ng suporta mula sa iba o pumili ng ibang mga sponsor. Nasa ibaba ang ilang alituntunin upang maging isang epektibong sponsor:
-
Unahin ang Diyos bago ang lahat ng iba pa. Palaging alalahanin ang Diyos at tulungan ang mga taong iniisponsoran mo na umasa sa Kanya. Ingatang hindi umasa nang husto sa iyo ang mga taong iniisponsoran mo. Ang iyong responsibilidad bilang sponsor ay hikayatin ang iba na bumaling sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas upang magabayan at mapalakas sila. Ang iyong tungkulin ay ibahagi ang iyong mga karanasan ng pananampalataya at pag-asa upang matulungan ang taong sinusuportahan mo na madama na siya ay minamahal at sinusuportahan ng Diyos.
-
Maging isang aktibong kalahok sa pagrekober. Ang isang sponsor ay dapat nakarekober na sa loob ng sapat na panahon bago maging sponsor ng sinuman (karaniwang 12 buwan o mas mahaba pa) at dapat aktibong isinasabuhay at pinag-aaralan ang mga alituntunin sa pagrekober. Maaari kang makadama ng dagdag na alalahanin sa sarili mong pagrekober kapag nagsimula ka nang maging sponsor ng ibang tao. Ingatang hindi malagay sa alanganin ang sarili mong pagrekober dahil sa pag-isponsor sa iba. Inaalagaan ng sponsor ang kanyang sarili at humihingi siya ng tulong o suporta kapag kailangan.
-
Maging mapagpakumbaba. Bilang isang sponsor, ang iyong tungkulin ay gamitin ang iyong mga kakayahan upang makapagbigay ng suporta at patnubay.
-
Igalang ang kalayaang pumili ng iba at magtiyaga. Nagiging epektibo ang pag-isponsor “sa pamamagitan … ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig; sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman” (Doktrina at mga Tipan 121:41–42). Iwasang subukang baguhin ang pag-uugali ng iba sa anumang paraan. Tulungan ang iba na isaalang-alang ang mga alituntunin at gawain at pagkatapos ay suportahan sila habang gumagawa sila ng sarili nilang mga desisyon. Igalang ang kanilang kalayaang pumili at umasa na tutulungan sila ng Panginoon habang bumabaling sila sa Kanya. Maaaring hindi pa handang sumulong ang taong tinutulungan mo. Maaaring balikan pa rin niya ang masasamang kaugalian o hindi siya kaagad sumunod sa mga alituntunin at gawain tungo sa taos-pusong pagbabago. Kailangang maging mapagpasensya sa iba ang sponsor habang naglalakbay sila tungo sa pagrekober.
-
Maglingkod nang hindi iniisip ang sarili. Ang paglilingkod nang hindi iniisip ang sarili ay nangangailangan ng pagbibigay nang walang hinihintay na anumang kapalit. Ang sponsor ay dapat magkaroon ng malaking kakayahan na umunawa at kahandaang maglaan ng oras at pagsisikap sa mga taong iniisponsoran nila. Iwasang maghangad ng papuri, paghanga, katapatan, o iba pang pampalubag-loob mula sa mga taong iniisponsoran mo.
-
Isagawa ang iyong mga personal na tungkulin. Ang pagiging sponsor ay hindi nangangahulugan na dapat mong ibigay ang lahat ng oras at resource mo sa mga taong iniisponsoran mo. Maaari kang magpakita ng halimbawa ng kahalagahan ng pagkakaroon ng tamang distansya sa relasyon sa pamamagitan ng pagtupad sa iba mo pang mga tungkulin, kabilang na ang sa iyong pamilya, sa Simbahan, sa trabaho, at sa sarili mo. Tandaan ang payo na ibinigay ni Haring Benjamin sa Mosias 4:27: “At tiyakin na ang lahat ng bagay na ito ay gagawin sa karunungan at kaayusan; sapagkat hindi kinakailangan na ang tao ay tumakbo nang higit na mabilis kaysa sa kanyang lakas.”
-
Maging madasalin. Sa tuwing pipiliin mong maging sponsor ng isang tao, hingin ang patnubay ng Panginoon upang malaman kung aling mga alituntunin o gawain ang lubos na makatutulong sa kasalukuyang mga pangangailangan ng indibiduwal. Ipagdasal palagi kung paano ka makapaglilingkod at palaging hilingin na gabayan ka ng Espiritu.
-
Maging saksi sa katotohanan. Maaari kang makadama ng pahiwatig na magbahagi ng mga karanasan upang maipaalam sa iba na nauunawaan mo sila. Maaari ka ring magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nakapagpapagaling na kapangyarihan. Ang katotohanan na ang Diyos ay Diyos ng mga himala ang susi (tingnan sa Moroni 7:29). Ang pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa Kanyang awa at biyaya ay maaaring maging isa sa mga pinakamahalagang paglilingkod na maibibigay mo.
-
Panatilihin ang tiwala ng iba. Bilang sponsor, responsibilidad mong protektahan ang privacy ng iba. Ang pagpapanatiling tago ng pangalan at ng iba pang impormasyon ay mahalagang alituntunin sa pagpapalakas ng kakayahan mong mag-isponsor at tumulong sa iba.