Adiksyon
Pangwakas na Salita


“Pangwakas na Salita,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)

“Pangwakas na Salita,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober

Pangwakas na Salita

Sa pagsapit natin sa wakas ng gabay na ito, pinatototohanan natin na hindi pa tayo nakarating sa wakas ng sagradong paglalakbay na ito. Noong una tayong dumalo sa mga recovery meeting, inakala natin na ang pinakamalaking himalang mararanasan natin ay ang ating paggaling mula sa adiksiyon. Alam nating mga nakararanas ng pagpapalang ito na marami pa—mas maraming gawain ang dapat gawin at mas maraming himala at biyaya ang mararanasan. “Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga, at hindi pumasok sa puso ng tao, ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya” (1 Corinto 2:9).

Kami na gumawa ng mga hakbang na ito at nakarekober ay umaasa at nananalangin na kayo rin ay pagpalain ng ganap na pagrekober, kabilang na ang mga karagdagang pagpapala ng lubos na pakikibahagi sa Simbahan. Ang pagiging malinis at matino ay simula ng pagyakap sa lahat ng mayroon ang Panginoon para sa atin.

Ang ilan sa atin ay nakikibahagi sa programa, iniisip na gumaling na tayo, tumitigil sa paglahok, at pagkatapos ay bumabalik sa dating gawi. Ang iba ay nakakarekober ngunit tumitigil nang hindi natatanggap ang mga pagpapala ng ganap na aktibidad sa Simbahan. Nalaman natin na kabilang sa lubusang pagrekober ang paghahanap ng balanse at ugnayan sa pagitan ng 12 hakbang sa pagrekober at ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Nagiging mga bagong nilalang tayo kay Cristo, at dahil dito, maaari tayong maging mga makapangyarihang kasangkapan upang tulungan ang Panginoon sa magkabilang panig ng tabing (tingnan sa 2 Corinto 5:17). Pinatototohanan natin ang karagdagang lakas na nahahanap natin kapag patuloy nating isinasagawa ang mga alituntuning ito ng ebanghelyo sa lahat ng aspeto ng ating mga buhay, kabilang na ang ating pagiging aktibo sa Simbahan. Ang mga alituntuning isinasabuhay natin sa pagrekober, ang mga aral na natututuhan natin, at ang mga karanasang natatamo natin ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo nang mas lubusan at aakay sa atin na kumilos ayon sa plano ng Panginoon. Tayo ay nagiging mga “sabik” na miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (Doktrina at mga Tipan 58:27).

Pinagpala tayo ng Panginoon habang ginagamit natin ang mga kasangkapang iminungkahi sa gabay na ito. Gayunman, ang Simbahan ni Jesucristo ang kamalig ng lahat ng kasangkapan na kailangan natin upang mapanatili ang ating katinuan at umunlad sa landas ng tipan. Sa pagwawakas natin ng gabay na ito, inaanyayahan natin ang lahat ng kalahok sa Addiction Recovery Program ng Simbahan na “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (2 Nephi 31:20). Kapag ginawa natin ito, bibigyan tayo ng pinakadakila sa lahat ng pangako ng Panginoon: “Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (talata 20).

Bilang pagwawakas, iniiwan namin sa iyo ang aming patotoo na may pag-asa para sa pagrekober sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo at ng mga alituntuning ito. Nakibahagi kami sa ebanghelyo at ginawa namin ang mga hakbang na ito, at alam naming epektibo ang mga ito. Inaanyayahan ka naming manalangin para sa pagnanais at kahandaan na ipagpatuloy ang gawaing ito, na nagtutulot sa walang hanggang biyaya ni Jesucristo na kumpletuhin ang iyong pagrekober. Nawa’y pagpalain ka ng Diyos sa iyong paglalakbay.