“Hakbang 11: Hangarin sa pamamagitan ng panalangin at pagninilay na malaman ang kalooban ng Panginoon at magkaroon ng kapangyarihang isagawa ito,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)
“Hakbang 11,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober
Hakbang 11: Hangarin sa pamamagitan ng panalangin at pagninilay na malaman ang kalooban ng Panginoon at magkaroon ng kapangyarihang isagawa ito.
Pangunahing Alituntunin: Personal na Paghahayag
Sa hakbang 11, tayo ay gumagawa ng pang-araw-araw na pangako na hangarin na malaman ang kalooban ng Panginoon at nananalangin na makatanggap ng kapangyarihang isagawa ito. Nalaman natin na nais ng Diyos na makipag-usap sa atin at maaari nating matutuhan kung paano Siya maririnig. Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson, “Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo? Oo!” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95). Ang layunin ng hakbang na ito ay pagbutihin ang ating mga kakayahan na marinig si Jesucristo, tumanggap ng personal na paghahayag, at tumanggap ng kapangyarihang mamuhay nang naaayon dito. Ang hangaring ito para sa personal na paghahayag ay matinding kaibahan sa mga pananabik na naranasan natin noong tayo ay lulong sa ating mga adiksiyon.
Noong araw, akala natin ang pag-asa, kagalakan, kapayapaan, at katuparan ay magmumula sa mga mapagkukunan sa lupa tulad ng alak, droga, pagnanasa, hindi masustansyang pagkain, o iba pang nakalululong o hindi mapigilang gawain. Ang ating nakasanayan ay iwasan ang mga negatibong emosyon sa pamamagitan ng pagpapamanhid sa mga ito gamit ang ating mga adiksiyon. Sinusubukan ng ilan sa atin na punan ang kahungkagan sa ating mga buhay ng anuman maliban sa Diyos. Sa paglipas ng panahon, natuklasan natin na ang anumang positibong epekto ng ating mga adiksiyon ay mga panandaliang huwad na solusyong nag-iwan sa atin na maging hungkag.
Ang paghahanap ng paghahayag ay isang mahalagang hakbang sa pagkamit ng pangmatagalang pagrekober. Sinabi ni Pangulong Nelson: “Hinihimok ko kayong dagdagan pa ang espirituwal na kakayahan ninyong makatanggap ng personal na paghahayag, sapagkat ipinangako ng Panginoon na ‘kung kayo ay hihingi, kayo ay makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang inyong malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan’ [Doktrina at mga Tipan 42:61]” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 95–96).
Sinimulan nating pahalagahan ang ating pangangailangan sa Tagapagligtas na si Jesucristo at unawain ang Kanyang papel sa ating mga buhay. Nadama ng ilan sa atin na tayo ay magulo at hindi sanay manalangin, ngunit nagsimula tayong manalangin sa Ama sa pangalan ni Jesucristo para sa mas malapit na ugnayan sa Kanya. Alam natin na mas marami pa tayong magagawa kasama Siya kaysa sa magagawa natin kung wala Siya. Sinimulan nating malaman na ang pagrekober ay hindi lamang nakatuon sa adiksiyon o katinuan; kabilang dito ang pag-anyaya sa gabay ng Panginoon sa lahat ng aspeto ng ating mga buhay.
Ang pananalangin, pagninilay, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay mahalaga sa paglapit kay Cristo. Matutulungan tayo ng mga ito na marinig ang Kanyang tinig at makatanggap ng kapangyarihang isagawa ang Kanyang kalooban. Sinisikap nating manalangin nang may pagpapakumbaba, batid na umaasa tayo sa banal na patnubay at lakas ng Panginoon. Tayo ay humihinto at nagninilay buong araw, sinisikap na patahimikin ang ating mga isip at pakinggan ang marahan at banayad na tinig. Pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon, dahil pinatototohanan ng mga ito ang kahandaan ng Panginoon na bigyan tayo ng patnubay at kapangyarihan. Habang ginagawa natin ang mga bagay na ito, nararanasan natin ang personal na paghahayag at natatanggap natin ang pagpapala ng “sa tuwina ay [mapasaatin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” upang gabayan, patnubayan, at aliwin tayo (Moroni 4:3).
Para sa marami sa atin, ang ideya ng pagtanggap ng personal na paghahayag ay mahirap dahil naniniwala tayo na hindi tayo karapat-dapat sa pagmamahal ng Diyos. Sa ating mga adiksiyon, naisip natin na walang sapat na pakialam ang Ama sa Langit at si Jesucristo upang makipag-usap sa atin o na nawalan tayo ng karapatang tumanggap ng paghahayag dahil sa ating mga nakaraan. Ang akala ng ilan sa atin ay hindi pa tayo nakatanggap ng personal na paghahayag kailanman. Nanalangin at nagnilay tayo, at tila walang nangyari. Wala tayong nadamang espesyal o natanggap na anumang mga katukuy-tukoy na sagot. Nang mangyari ito, lumitaw muli ang dati nating paraan ng pag-iisip: “Maaaring tulungan ng Diyos ang iba, ngunit hindi Niya ako tinutulungan.”
Marami pa rin sa atin ang nahihirapan sa mga damdaming ito. Ngunit nang mabatid natin ang Kanyang pagmamahal at awa, ang mga maling paniniwalang ito ay nabasag. Ang ating kumpiyansa na mahal Niya tayo nang sapat upang makipag-usap sa atin ay maaaring madagdagan habang ginagamit natin ang hakbang 11 sa ating mga buhay.
Ang ating gawain sa hakbang 11 ay nangangailangan na manampalataya tayo na sasagutin Niya tayo, at matututuhan nating kilalanin ang Kanyang tinig. Maaaring hindi ito mangyari nang mabilis o nang may mahimalang palatandaan mula sa langit. Ngunit maaari tayong makinig at maging matiyaga. Naririnig natin Siyang lahat sa iba’t ibang paraan. Minsan, hindi agad tayo nakakakuha ng tiyak na patnubay. Hindi ibig sabihin nito na hindi Niya tayo mahal. Sa halip, maaaring mangahulugan ito na nais Niyang matuto tayong magtiwala sa Kanya at ipamuhay ang mga katotohanang ibinigay na Niya sa atin. Ang ating pagtitiwala sa Kanya ay tumutulong sa atin na maging handang maghintay sa Kanya at palaguin ang kakayahang marinig ang Kanyang tinig (para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa Richard G. Scott, “Learning to Recognize Answers to Prayer,” Ensign, Nob. 1989, 30).
Kadalasang sinasagot ng Panginoon ang ating mga panalangin sa pamamagitan ng iba. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwan ay tinutugunan Niya ang ating mga pangangailangan sa pamamagitan ng ibang tao” (“Small Acts of Service,” Ensign, Dis. 1974, 5). Mahalaga para sa atin na kumonekta sa iba, lalo na sa mga yaong nasa ating mga support system. Maririnig natin ang Kanyang tinig sa pamamagitan ng ating mga lider ng Simbahan, kapamilya, at kaibigan gayundin sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pag-aaral ng mga mensahe sa kumperensya, at pakikinig sa sagradong musika. Maaari rin tayong regular na makatanggap ng inspirasyon at gabay habang dumadalo tayo sa mga recovery meeting at ginagawa natin ang mga hakbang ng pagrekober kasama ang ating mga sponsor.
Ang pagpapabuti ng ating kakayahan na maghanap at tumanggap ng paghahayag ay nangangailangan ng pagsasanay at pagtitiis. “Tiyak na may mga pagkakataon na sa pakiramdam ninyo ay tila sarado na ang kalangitan. Ngunit ipinapangako ko na kung patuloy kayong magiging masunurin, nagpasasalamat sa lahat ng pagpapalang ibinibigay ng Panginoon sa iyo, at kung matiyaga kayong maghihintay sa takdang panahon ng Panginoon, ibibigay sa inyo ang kaalaman at pang-unawang hangad ninyo. Bawat pagpapalang inilaan ng Panginoon para sa inyo—pati na mga himala—ay susunod na darating. Iyan ang gagawin sa inyo ng personal na paghahayag” (Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 96).
Mga Hakbang na Gagawin
Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at tanggapin ang patnubay at kapangyarihang kailangan upang magawa ang susunod na hakbang sa ating pagrekober.
Lumapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, at pagninilay
Para sa mga yaon sa atin na walang gaanong karanasan sa panalangin, ang mga salita ni Elder Richard G. Scott ay nakapapanatag: “Huwag mag-alala tungkol sa asiwang pagpapahayag ninyo ng damdamin. Basta kausapin mo lamang ang iyong Ama. Pinakikinggan Niya ang bawat panalangin at sinasagot ito sa Kanyang paraan” (“Learning to Recognize Answers to Prayer,” Ensign, Nob. 1989, 31). Nakatulong din ang pagrerebyu ng mga bahagi ng panalangin. Tinatawag natin ang Ama sa Langit sa pangalan, sinasabi sa Kanya kung ano ang pinasasalamatan natin, hinihingi ang mga pagpapalang kailangan natin, at pagkatapos ay nagtatapos sa pangalan ni Jesucristo. Lumuluhod tayo kung tayo ay may pisikal na kakayanan. Madalas tayong manalangin nang malakas sa Ama, hinahangad ang Kanyang gabay sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa Roma 8:26). Hindi natin kailangang gumamit ng mabulaklak na pananalita. Maaari tayong maging tapat at ibahagi ang ating mga puso sa Ama sa Langit.
Marami sa atin ang natutong gumising nang maaga at maggugol ng oras sa tahimik na pag-iisa para sa pag-aaral at panalangin. Nag-iiskedyul tayo ng oras para sa panalangin at pagninilay, karaniwan sa umaga. Sa oras na ito, maaari nating unahin ang Diyos, bago ang sinuman o anuman sa araw na iyon. Pagkatapos ay mag-aaral tayo, gamit ang mga banal na kasulatan at ang mga turo ng mga makabagong propeta upang magabayan ang ating mga pagninilay. Ang pag-aayuno ay maaaring maging isang makapangyarihang kasangkapan na idaragdag sa pagsisikap na ito. Pagkatapos ay nakikinig tayo sa ating mga puso at isip upang subukang marinig o madama Siya. Sinusulat natin ang ating mga iniisip at impresyon habang nananalangin at nagninilay tayo.
Kapag ang mahalagang pribadong sandali na ito ay tapos na, hindi tayo tumitigil manalangin. Ang tahimik na panalangin, sa kaibuturan ng ating mga puso’t isipan, ay nagiging paraan ng pag-iisip natin sa buong araw. Hinihingi natin ang payo ng Panginoon habang tayo ay nakikisalamuha sa iba, gumagawa ng mga desisyon, at nahaharap sa mga emosyon at tukso. Patuloy nating inaanyayahan at hinahangad ang Kanyang Espiritu na sumaatin upang tayo ay magabayan na gawin ang tama (tingnan sa Mga Awit 46:1; Alma 37:36–37; 3 Nephi 20:1).
Magnilay sa kapanatagan at katahimikan
Natuklasan ng marami sa atin na ang pagninilay ay nakatutulong sa paghahangad natin ng paghahayag at patnubay mula sa Panginoon. Naghahanap tayo ng isang tahimik na lugar, na walang gambala. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang tahimik na oras ay sagradong oras” (“Ang Ating Natututuhan at Hindi Malilimutan,” Liahona, Mayo 2021, 80). Maaaring makatulong na maghanap ng isang komportableng posisyon. Nililinaw natin ang ating mga isip at nagpapahinga tayo. Humihinga tayo nang mabagal at malalim.
Susunod, pinag-iisipan at pinagninilayan natin kung ano ang mahalaga sa atin at pinakikinggan natin ang mga kaisipang pumapasok sa ating mga isipan. Maaari nating isipin ang mga hamon na kinakaharap natin, lalo na ang mga yaong nasa ating pagrekober o relasyon. Maaari nating isipin ang mga talata ng banal na kasulatan o ang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na ating pinag-aaralan. Maaari na lamang nating isipin ang darating na araw at ang direksyon na kailangan natin. Maaari pa nga nating itala ang mga kaisipang pumapasok sa ating isipan sa isang journal para sa higit na kalinawan. Pagkatapos ng tahimik na panahong ito, patuloy nating hinahanap ang patnubay at kapangyarihan ng Panginoon sa buong maghapon habang sinisikap nating “isaalang-alang [Siya] sa bawat pag-iisip” (Doktrina at mga Tipan 6:36).
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Mahalagang mapanatag at makinig at sundin ang Espiritu. Napakarami lang gumagambala sa atin na umaagaw sa ating pansin, na mas matindi kaysa noon. Kailangan ng bawat isa na magnilay at mag-isip na mabuti. Kailangan natin ng panahong tanungin o interbyuhin ang ating sarili nang regular at sarilinan. Madalas ay abala tayo at napakaingay ng mundo kaya mahirap marinig ang makalangit na mga salitang ‘mapanatag, at malaman na ako ang Diyos.’ [Awit 46:10]” (“Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos” [debosyonal ng Church Educational System para sa mga young adult, Mayo 4, 2014], broadcasts.ChurchofJesusChrist.org).
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa ating pagrekober. Maaari nating gamitin ang mga ito para sa pagninilay, pag-aaral, at pagsusulat sa journal. Dapat nating tandaan na maging tapat at tiyak sa ating pagsusulat upang lubos na makinabang dito.
Magsilapit sa Panginoon
“Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan” (Doktrina at mga Tipan 88:63).
Iginagalang ng Panginoon ang ating kalooban at kalayaang pumili. Tinutulutan Niya tayong piliing lumapit sa Kanya nang hindi pinipilit. Lumalapit Siya sa atin kapag inaanyayahan natin Siyang gawin iyon.
-
Paano ako lalapit sa Kanya ngayon?
Magpasalamat
“Manalangin kayong walang patid. Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo. Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu.” (1 Tesalonica 5:17–19).
Kapag naaalala natin na magpasalamat para sa lahat ng bagay sa ating mga buhay, maging ang mga bagay na hindi natin nauunawaan, magagawa nating patuloy na makipag-ugnayan sa Diyos na tinawag ni Pablo na “[pananalangin na] walang patid.” Subukang pasalamatan ang Diyos sa buong maghapon.
-
Paano nakaaapekto ang gawing ito ng pagpapasalamat sa aking pagiging malapit sa Espiritu?
Magpakabusog sa mga salita ni Cristo
“Ang mga anghel ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; anupa’t, nangungusap sila ng mga salita ni Cristo. Samakatwid, sinabi ko sa inyo, magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).
Sa talatang ito, itinuro ni Nephi na kapag nagpakabusog tayo sa mga salita ni Cristo, gagabayan tayo ng mga salitang ito sa lahat ng kailangan nating malaman at gawin. Isipin kung paano kaya kung kausap at kasama mo sa paglalakad si Jesucristo sa buong maghapon.
-
Ano ang nadarama ko kapag pinagninilayan ko ang larawang ito?
Makatanggap ng personal na paghahayag
“Sinabi ng Tagapagligtas na ‘Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo’ (D&T 8:2, idinagdag ang italics). … Ang impresyon sa isipan ay talagang partikular. Ang mga detalyadong salita ay maaaring marinig o madama at maisulat na parang idinidikta ang mga tagubilin. Ang komunikasyon sa puso ay mas pangkalahatang impresyon” (Richard G. Scott, “Helping Others to Be Spiritually Led” [mensaheng ibinigay sa Church Educational System Symposium, Ago. 11, 1998], 3–4).
Habang nadaragdagan ang ating pang-unawa sa personal na paghahayag, matutukoy natin ito nang mas madalas at sa mas maraming paraan.
-
Paano ako nakatanggap ng mga impresyon at paghahayag mula sa Panginoon?
“Sinasabi ko sa inyo na [ang mga bagay na ito na sinabi ko] ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos. Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu; at ito ang diwa ng paghahayag na nasa akin” (Alma 5:46).
Ang pag-aayuno sa paraang inorden ng Panginoon ay makapaghahatid ng dakilang kapangyarihang hindi natin matatamo sa ibang paraan (tingnan sa Mateo 17:14–21). Sa katunayan, maaari tayong mag-ayuno nang partikular upang mapagtagumpayan ang adiksiyon. Itinuro ni Isaias, “Hindi ba ito ang ayuno na aking pinili: na kalagin ang mga tali ng kasamaan, na kalasin ang mga panali ng pamatok, na palayain ang naaapi, at baliin ang bawat pamatok?” (Isaias 58:6).
-
Paano nadagdagan ng pag-aayuno at panalangin ang kakayahan kong tumanggap ng paghahayag?
“Ang ideya na ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nagdudulot ng inspirasyon at paghahayag ay nagpapahiwatig ng katotohanan na kasama sa layunin ng pagsulat sa isang banal na kasulatan ay ang maaaring maging kahulugan ng banal na kasulatan na iyan sa mambabasa ngayon. Maliban diyan, sa pagbabasa ng banal na kasulatan maaaring may matanggap na bagong paghahayag tungkol sa anumang nais ipabatid ng Panginoon sa nagbabasa sa sandaling iyon. Hindi natin inilalahad nang labis ang paksa kapag sinasabi natin na ang mga banal na kasulatan ay maaaring maging Urim at Tummim upang tulungan ang bawat isa sa atin na tumanggap ng personal na paghahayag.” (Dallin H. Oaks, “Scripture Reading and Revelation,” Ensign, Ene. 1995, 8).
Ang pag-aaral ng wika ng banal na kasulatan ay parang pag-aaral ng banyagang wika. Ang pinakaepektibong paraan upang matuto ay ituon ang ating mga sarili sa mga ito—basahin at pag-aralan ang mga ito araw-araw.
-
Kailan ako nakatanggap ng paghahayag mula sa isang talata sa banal na kasulatan?
Tumanggap ng payo mula sa Panginoon
“Huwag hangaring pagpayuhan ang Panginoon, kundi tumanggap ng payo mula sa Kanyang kamay. Sapagkat masdan, kayo na rin sa inyong sarili ay nalalamang nagpapayo siya sa karunungan, at sa katarungan, at sa dakilang pagkaawa, sa lahat ng kanyang gawa” (Jacob 4:10).
Ang ating mga panalangin ay maaaring hindi epektibo noon dahil mas marami pa tayong oras na ginugol sa pagpapayo sa Panginoon—sinasabi sa Kanya kung ano ang gusto natin—sa halip na hangarin ang Kanyang kalooban tungkol sa ating mga desisyon at pag-uugali.
-
Nagkaroon ba ako kamakailan ng karanasan sa panalangin? Kung oo, ito ba ay napuno ng payo sa Panginoon o mula sa Panginoon?
-
Handa ba akong pakinggan at tanggapin ang Kanyang payo?