“Hakbang 5: Aminin sa ating mga sarili, sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo, sa wastong awtoridad ng priesthood, at sa ibang tao kung ano ang tunay na katangian ng ating mga pagkakamali, Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)
“Hakbang 5,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober
Hakbang 5: Aminin sa ating mga sarili, sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo, sa wastong awtoridad ng priesthood, at sa ibang tao kung ano ang tunay na katangian ng ating mga pagkakamali.
Mahalagang Prinsipyo: Pagtatapat
Sa ating mga adiksiyon, ang karamihan sa atin ay nakadama na nakahiwalay o nag-iisa tayo. Kahit sa mga pagkakataon na maaaring nakadama ng koneksyon ang iba, nadama nating tila hindi tayo kabilang. Marami sa atin ang nakadama na sira na tayo at nakaisip na walang tatanggap o magmamahal sa atin, lalo na kung alam nila ang tungkol sa ating mga adiksiyon. Nang pumunta tayo sa mga recovery meeting, unti-unti tayong lumitaw mula sa pagkakahiwalay kung saan namayagpag ang adiksiyon. Noong una, marami sa atin ang nakaupo at nakikinig lamang, ngunit kalaunan ay nadama nating ligtas tayong magbahagi ng ating mga karanasan. Gayunpaman, marami pa rin tayong itinago—mga bagay na nakakahiya, mga bagay na nakakalungkot, mga bagay na nakakasakit sa atin.
Ang paggawa ng hakbang 4 ay maaaring magbalik ng mga pakiramdam na ito ng hiya, kaya iminumungkahing gawin kaagad ang hakbang 5 pagkatapos kumpletuhin ang hakbang 4. Ang pagpapaliban nito ay parang hindi paggamot sa sugat gayong alam mo nang may impeksiyon ito. Tila napakahirap ng pag-amin ng ating mga pagkakamali, ngunit nang humingi tayo ng tulong kay Jesucristo, binigyan Niya tayo ng tapang at lakas.
Ang pagbabahagi ng ating mga imbentaryo sa ating mga sponsor at pagkatapos ay pagtatapat sa ating mga bishop ay tila ang pinakamahihirap na bagay na nagawa natin. Ngunit ang mga nauna sa atin ay nakatulong sa atin na maunawaan ang kahalagahan ng hakbang na ito. Ang pagsulat ng ating mga imbentaryo ay nakatulong sa atin na lubos na mabatid ang ating mga pagkakamali, kahinaan, at kasalanan. Ngunit ang pagkabatid sa mga ito ay hindi sapat. Ang adiksiyon ay umiigting sa paglilihim. Sa pamamagitan ng paggawa ng hakbang 5, binasag natin ang paglilihim na iyon. Itinuro ni Sister Carole M. Stephens na, “Ang pag-asa at paggaling ay hindi matatagpuan sa paglilihim kundi sa paglantad sa liwanag at pagmamahal ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo” (“Ang Dalubhasang Manggagamot,” Liahona, Nob. 2016, 10–11). Ang pagiging ganap na tapat ay naghahanda sa atin para sa mga susunod na hakbang at nagtutulot kay Jesucristo na pagalingin tayo nang mas lubusan.
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Ang pagsisisi ay hindi maaaring dumating hangga’t hindi nailalantad ng isang tao ang kanyang kaluluwa at naaamin ang kanyang mga ginawa nang walang pagdadahilan o pangangatwiran. … Ang mga taong piniling harapin ang problema at baguhin ang buhay nila ay maaaring mahirapang magsisi sa una, ngunit makikita nila na higit na kasiya-siya ang landas na ito sa sandaling matamasa nila” (“The Gospel of Repentance,” Ensign, Okt. 1982, 4).
Nagtitiwala sa Diyos at naglalakas-loob, nagpasiya tayong gawin ang hakbang 5. Hindi tayo sigurado kung madaraig natin ang matinding pakiramdam ng kahihiyan at takot sa pagtanggi. Ang ilan sa atin ay nagsimulang magbahagi o magtapat ngunit nagpadala sa takot at kailangang sumubok muli. Tayo ay nanalangin at humiling sa Diyos na tulungan tayong magkaroon ng lakas na kailangan natin. Ang pagbabahagi at pag-amin ng ating mga pagkakamali ay isang makapangyarihang karanasan. Nang gawin natin ito, nadama natin ang pagmamahal ni Jesucristo para sa atin, na nagbigay sa atin ng pag-asa na magiging ayos ito.
Bagama’t tinulungan tayo ng ating mga sponsor na magsulat ng ating mga imbentaryo, kinailangan nating ibahagi ang ating mga imbentaryo sa kanila o sa isa pang pinagkakatiwalaang tao. Nakita nila ang mga bagay mula sa ibang pananaw at tinulungan nila tayong makita ang mga bagay na hindi natin nakita. Tinulungan nila tayong mas maunawaan ang ating mga pagkahilig sa mga negatibong kaisipan at emosyon (tulad ng sariling kalooban, takot, kapalaluan, awa sa sarili, paninibugho, pagmamagaling, galit, sama ng loob, pagnanasa, at iba pa). Ang mga kaisipan at emosyong ito ay sumalamin sa katangian at mga bunga ng ating mga pagkakamali. Ngunit nakita ng ating mga sponsor ang kabutihan sa atin at tinulungan nila tayong makita ang kabutihan sa ating mga sarili.
Ipinagtapat natin sa ating mga bishop o branch president ang anumang bagay na ilegal o na makahahadlang sa atin na magkaroon ng temple recommend. Kung nag-alinlangan tayo kung ano ang dapat ipagtapat, magtanong tayo sa ating mga lider ng priesthood. Kabilang sa ating mga pagtatapat ang paghingi ng kapatawaran mula kay Jesucristo sa pamamagitan ng panalangin at wastong awtoridad ng priesthood. Para sa karamihan sa atin, ang karanasang ito ay nagpapalaya. Ibinaba natin ang ating mabibigat na pasanin at inilagay ang mga ito sa paanan ng Tagapagligtas. Nakadama tayo ng kapayapaan, kagalakan, at pagmamahal. Ang karanasang ito ay sagrado at kalugud-lugod.
Mga Hakbang na Gagawin
Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at matanggap ang patnubay at kapangyarihang kailangan upang magawa ang susunod na hakbang sa ating pagrekober.
Ibahagi ang ating mga imbentaryo mula sa hakbang 4 sa ating mga sponsor at ipagtapat ang ating mga kasalanan sa Diyos at wastong mga awtoridad ng priesthood kung kailangan
Pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na si Corianton na “kilalanin ang [kanyang] mga pagkakasala at [ang] kamaliang [kanyang] nagawa” (Alma 39:13). Ang payo na ito ay maaaring magsilbing gabay at inspirasyon para sa paggawa ng hakbang 5. Kasama sa hakbang na ito ang pagbabahagi ng ating mga imbentaryo mula sa hakbang 4 sa ibang tao, karaniwan ay sa isang sponsor, na dumaan sa proseso at maaaring makatulong sa atin na magbahagi sa isang tapat at isang masusing paraan. Kung ang isang sponsor ay hindi available, mapanalanging pumili ng isa pang pinagkakatiwalaang tao, mas mabuti kung isang taong may matibay na pundasyon sa pagrekober. Iwasan ang sinumang pinaghihinalaan mong maaaring magbigay ng hindi tamang gabay, magbigay ng maling impormasyon, o mahirapan sa pagpapanatili ng mga tiwala. Iminumungkahi rin ang pag-iingat sa pagbabahagi ng ating mga imbentaryo sa mga malapit na miyembro ng pamilya. Mahalagang makipagpayuhan sa ating mga bishop o therapist upang makapagpasya kung kailan ibubunyag ang ating mga gawain sa asawa upang maiwasan ang karagdagang pinsala sa kanila.
Itinuro ni Jesucristo na ang pagtatapat ay isang mahalagang bahagi ng proseso ng pagsisisi: “Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon” (Doktrina at mga Tipan 58:43). Samakatuwid, ipinagtatapat natin ang ating mga kasalanan sa ating Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo at humihingi tayo ng Kanyang kapatawaran. Dagdag pa rito, dapat nating ipagtapat ang ating mas malalalang pagkakasala sa isang bishop o branch president. Kung hindi ka sigurado kung ano ang ipagtatapat, makinig sa iyong konsensya at isaisip ang mga kasalanang seksuwal o iba pang imoral na gawain. Kapag nag-aalinlangan, alalahanin ang paanyaya na “Pumarito kayo ngayon, at tayo’y mangatuwiran sa isa’t isa” (Isaias 1:18) at talakayin ang iyong mga tanong sa iyong lider ng priesthood.
“Bagama’t tanging Panginoon lamang ang makapagpapatawad sa mga kasalanan, mahalaga ang papel ng mga lider ng priesthood na ito sa proseso ng pagsisisi. Ililihim nila ang ipinagtapat ninyo at tutulungan kayo sa buong proseso ng pagsisisi. Magtapat nang lubusan sa kanila. Kung hindi ninyo ipagtatapat ang lahat, na binabanggit lamang ang maliliit na pagkakamali, hindi malulutas ang mas mabigat na kasalanang hindi ninyo ipinagtapat. Kapag mas maaga ninyong sinimulan ang prosesong ito, mas maaga kayong mapapayapa at magagalak sa himala ng kapatawaran” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 156).
Papasukin ang kapayapaan sa ating mga buhay
Ang pagsisisi at pagtatapat ay naghahatid ng kapayapaan sa ating mga buhay. Inilarawan ni Elder Quentin L. Cook ang kapayapaang ito sa pagsasabing: “Kapag mabigat ang kasalanan, kailangan itong ipagtapat para magkaroon ng katahimikan. Marahil ay walang katulad ang kapayapaang nadarama ng isang kaluluwang nagdurusa dahil sa kasalanan nang idinulog niya ang kanyang mga pasanin sa Panginoon at nakamtan ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala” (“Kapayapaan sa Sarili: Ang Gantimpala ng Kabutihan,” Liahona, Mayo 2013, 34).
Paminsan-minsan, ang mga tao sa mga recovery meeting o sa iba pang mga sitwasyon ay patuloy na bumabalik sa kanilang mga kasalanan at kamalian. Bagama’t palagi nilang ipinagtatapat ang kanilang mga pagkakamali, hindi sila kailanman nakasusumpong ng kapayapaan. Huwag akalaing ang hakbang 5 ay isang matinding pagnanais na mamalagi sa mga negatibong bagay. Ang layunin ng hakbang 5 ay talagang kabaligtaran nito. Ginagawa natin ang hakbang 5 hindi upang kumapit sa mga bagay na ipinagtapat natin kundi upang bitawan ang mga ito.
Kapag tapat at masusi nating nakumpleto ang hakbang 5, wala na tayong maaaring itago. Ipinakita natin ang ating pagnanais na “[talikuran] ang lahat ng [ating] kasalanan” (Alma 22:18) upang makatanggap tayo ng higit na kaalaman tungkol sa pagmamahal ng Diyos at sa pagmamahal ng maraming taong nagmamalasakit sa atin.
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa ating pagrekober sa adiksiyon. Maaari nating gamitin ang mga ito para sa pagninilay, pag-aaral, at pagsusulat sa journal. Dapat nating tandaan na maging tapat at tiyak sa ating pagsusulat upang lubos na makinabang dito.
Magtapat sa Diyos
“Ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan sa mga yaong umaamin ng kanilang mga kasalanan sa aking harapan at humihingi ng kapatawaran” (Doktrina at mga Tipan 64:7).
-
Paano nakatutulong ang pagtatapat ng aking mga kasalanan sa Diyos upang makagawa ako ng mga positibong pagbabago sa aking buhay? Paano ito nagbibigay sa akin ng tapang at lakas na magtapat sa ibang tao?
Magtuon sa kung paano tayo nakikita ng Diyos
“Huwag hayaang ipagmalaki ng sinuman ang sarili niyang kabutihan; … bagkus ay hayaang ipagtapat niya ang kanyang mga kasalanan, at siya ay patatawarin, at siya ay lalong magbubunga” (Joseph Smith, sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume C-1 Addenda, 46, josephsmithpapers.org).
-
Isang pangunahing kinahuhumalingan ng mga taong nahihirapan sa adiksiyon ay ang pagnanais na magmukhang mabuti sa paningin ng iba. Paano nakahahadlang ang pagnanais na ito sa aking pagpapakabuti at “lalong pagbunga,” o paggawa ng mabubuting gawa?
-
Paano magbabago ang aking gawi kung mas inaalala ko ang tingin ng Diyos sa akin?
Maging taos-puso
“Kung sinuman ang lalabag sa akin, siya ay hahatulan mo alinsunod sa mga kasalanang kanyang nagawa; at kung magtatapat siya ng kanyang mga kasalanan sa iyo at sa akin, at magsisisi nang taos sa kanyang puso, siya ay iyong patatawarin, at akin din siyang patatawarin” (Mosias 26:29).
Kapag nagtapat tayo ng ating mga kasalanan, dapat maging taos-puso tayo.
-
Isipin kung paanong ang hindi pagsasabi ng ibang bahagi ng aking dapat ipagtapat ay nakababawas sa pagiging taos-puso ng aking mga pagsisikap. Anong bahagi ng aking imbentaryo, kung mayroon man, ang natutukso akong itago?
-
Ano ang mapapala ko sa pagtatago ng bahaging ito ng aking imbentaryo? Ano ang mawawala sa akin?
-
Paano mapagpapala ni Jesucristo ang aking buhay kung ipagtatapat ko muna ang pinakamahihirap na bagay at ibibigay ko ang mga ito sa Kanya?
Ipagtapat ang ating mga kasalanan sa sandaling matukoy ang mga ito
“Sa taon ding ito, sila ay nadala sa kaalaman ng kanilang kamalian at ipinagtapat ang kanilang mga pagkakamali” (3 Nephi 1:25).
-
Ang talatang ito ay isang halimbawa ng mga tao na hindi ipinagpaliban ang pagtatapat ng kanilang mga kasalanan nang matukoy nila ang mga ito. Ano ang mga pakinabang ng pagtatapat kaagad ng aking mga kasalanan matapos kong matukoy ang mga ito?
-
Ano ang maaaring masasamang epekto kung ipagpapaliban ko ang pagtatapat ng aking mga kasalanan?
Mapawi ang stress at makahanap ng kapayapaan
“Hindi ko tutukuyin ang iyong mabibigat na kasalanan upang saktan ang iyong kaluluwa, kung ito ay hindi para sa iyong ikabubuti” (Alma 39:7).
Maaaring sabihin ng ilang tao na ang mga hakbang 4 at 5 ay masyadong nakatuon sa mga negatibong bagay at nakadaragdag lamang sa stress ng pagrekober. Sa talatang ito, nalaman natin na ang pagkabatid sa ating mga kamalian at pagharap sa ating mga pagkakamali ay makatutulong sa atin sa ating pagrekober.
-
Sa anong mga paraan nakapapawi ng stress at nakapagdadala sa akin ng higit na kapayapaan ang mga hakbang 4 at 5?
Talikdan ang kasalanan
“Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (Doktina at mga Tipan 58:43).
-
Ang ibig sabihin ng talikdan ang isang bagay ay lubusang iwanan o isuko ito. Paano ipinakikita ng pagtatapat ng aking mga kasalanan ang aking pagnanais na talikdan ang aking mga dating gawi?