“Apendiks: Mga Alituntunin upang Makapagsulat ng Mabisang Imbentaryo,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)
“Mga Alituntunin upang Makapagsulat ng Mabisang Imbentaryo,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober
Mga Alituntunin upang Makapagsulat ng Mabisang Imbentaryo
Kapag nagsisimula sa hakbang 4, mahalagang malaman na walang isang tamang paraan upang gawin ang imbentaryong ito. Ang imbentaryo ay isang napakapersonal na proseso. Maraming tao ang pinanghihinaan ng loob o nababalisa habang sinusubukang alamin kung paano lumikha ng imbentaryo ngunit hinihikayat ka namin na magsimula lamang, kahit na nangangahulugan iyon na pagsulat ng isang listahan ng mga kaganapan.
Kailangan nating hingin ang patnubay ng Panginoon. Tutulungan Niya tayong maging totoo at mapagmahal habang binabalikan natin ang ating mga alaala at nadarama at nagsasagawa tayo ng tapat na pagsusuri sa sarili. Maaari rin tayong kumonsulta sa ating mga sponsor o sa iba pang nakagawa na ng imbentaryo. Tutulungan nila tayong mapagtanto kung paano pinakamainam na magpapatuloy.
Ang layunin ng imbentaryo ay tulungan tayong maitama ang mga bagay-bagay sa Diyos, sa ating sarili, at sa iba. Ang imbentaryo ay nagbibigay sa atin ng isang pagkakataon na umatras at suriin sa obhektibong paraan ang ating mga buhay. Habang ginagawa natin ito, nakakikita tayo ng mga pattern sa mga paraan kung paano tayo tumugon sa ating mga karanasan sa buhay, tinutukoy kapwa ang mga kapintasan ng pagkatao at mga kabutihan ng pagkatao. Nasa ibaba ang ilang mga simpleng alituntunin na makatutulong sa atin na simulan ang ating mga imbentaryo.
A. Maghanda na Gawin ng Ating mga Imbentaryo
Habang sinisimulan natin ang ating mga imbentaryo, mahalagang patuloy na makipagtulungan sa ating mga sponsor. Tinutulungan tayo ng mga sponsor na gawin ang hakbang na ito nang epektibo. Kadalasan, ang unang tagubilin na ibinibigay ng mga sponsor ay simulan ang bawat aspeto ng imbentaryo sa panalangin at hilingin sa Diyos na akayin tayo sa katotohanan. Makapagtitiwala tayo sa mga impresyon at kaisipang dumarating sa atin.
Ang panalangin ay tutulong din sa atin na mapanatili ang pag-asa sa buong proseso. Lahat tayo ay naharap na sa parehong napakabigat na gawain na may parehong paghihirap sa pagiging lubos na tapat. Pinatototohanan natin na ang prosesong ito ang tiyak na landas na umakay sa atin pabalik sa isang tapat at masayang relasyon sa ating sarili, sa iba, at sa Diyos.
B. Isulat ang Ating mga Imbentaryo
Ang mga imbentaryo ng ating mga buhay ay magiging pinakaepektibo kung isusulat natin ang mga ito. Maaari nating hawakan ang isang nakasulat na listahan sa ating mga kamay, rebyuhin ito, at balikan ito kapag kinakailangan. Ang mga hindi nakasulat na kaisipan ay madaling makalimutan. Habang isinusulat natin ang ating mga imbentaryo, mas malinaw nating maiisip ang tungkol sa mga pangyayari sa ating mga buhay at mapagtutuunan natin ang mga ito nang may mas kaunting gambala.
Ang ilan sa atin ay nag-aatubiling isulat ang ating mga imbentaryo dahil nahihiya o natatakot tayo sa ating mga kakayahang magsulat o sa ibang tao na magbabasa ng ating isinulat. Ngunit huwag nating hayaan na pigilan tayo ng mga takot na ito. Hindi mahalaga ang ating mga kakayahan sa pagbabaybay, balarila, pagsusulat, o pagta-type.
C. Tukuyin ang mga Mahahalagang Pangyayari
Isinusulat natin ang tungkol sa mga mahahalagang sandali sa ating mga buhay na nakaapekto sa atin. Habang ginagawa natin ang ating mga imbentaryo, tinitingnan natin ang higit pa sa mga pangyayari at sinusuri natin ang ating mga naiisip, nadarama, at paniniwalaan. Ang mga ito talaga ang mga ugat ng ating mga nakalululong na gawain. Nalaman natin na upang ganap na gumaling at makarekober, kailangan nating suriin ang ating takot, kapalaluan, sama ng loob, galit, sariling kalooban, at awa sa sarili.
Kung minsan, nabibigatan tayo sa pagsubok na magpasya kung ano ang unang isusulat. Ipinapangkat ng ilang tao ang kanilang mga buhay ayon sa edad, antas sa paaralan, mga lugar na tinirahan, o mga relasyon. Ang iba ay nagsisimula naman sa brainstorming. Marahil ay hindi natin maaalala ang lahat nang sabay-sabay. Kailangan nating patuloy na manalangin at hayaang ipaalala sa atin ng Panginoon ang mga bagay-bagay. Iniiwan natin ang prosesong ito na walang tiyak na wakas at nagdaragdag tayo sa ating mga imbentaryo habang naaalala natin ang mga karanasan at sitwasyon.
Kinikilala natin na ang ilang mga alaala ay maaaring naiba at hindi tumpak dahil sa malalim na epekto ng panlilinlang sa sarili at trauma na maaaring magkaroon sa ating mga alaala. Ang ilan sa mga alaala ay napakasakit at nakakahiya kaya maaaring mag-atubili tayong kilalanin at isulat ang mga ito. Gagabayan tayo ng Espiritu kapag palagi tayong nananalangin at humihingi ng feedback sa ating mga sponsor. Ang mga mapagkukunan ng suporta na ito ay tutulong sa atin na makilala ang katotohanan.
D. Walang Takot na Maging Tapat sa Ating Pagsusuri sa Sarili
Ang susunod na mahalagang hakbang sa ating mga imbentaryo ay mas mahusay na maunawaan ang ating mga nakaraan. Ang paglalarawan kung ano ang nangyari, kung ano ang nadama natin, kung bakit ito nangyari, at kung sino pa ang naapektuhan nito ay isang proseso ng pagtuklas sa sarili. Sa pamamagitan ng isang walang takot na tapat na pagsusuri sa sarili, kinilala natin ang katotohanan ng ating mga nakaraan at kung ano ang ibig sabihin nito para sa hinaharap. Ang pagiging tapat sa ating pagsusuri sa sarili ay nakatulong sa atin na magsisi, humingi ng kapatawaran, at gumaling nang mas lubusan.
Maaaring ito ang pinakamahirap na yugto ng proseso ng pag-iimbentaryo. Masakit makita ang ating bahagi sa mga hindi maaayos na relasyon at negatibong karanasan. Ngunit ang ating mga sponsor ay maaaring sumuporta sa atin at makatulong na panatilihin tayong nakatuon at tapat. Maaari tayong magpatuloy at tanggapin natin na ang prosesong ito ng pagtuklas sa sarili ay mahalaga sa ating pagrekober. Gaya ng sinabi ni Elder Bruce D. Porter, “Ang pagtuklas sa sarili ay isang malalim na espirituwal na karanasan, isang karanasang posible para sa sinumang handang matuto. … Kung ang mithiin ay matapat na tutuparin, makakakita [tayo] ng kayamanan sa katapusan ng paglalakbay” (“Searching Inward,” Ensign, Nob. 1971, 63, 65).
Mangyaring tingnan ang bahaging pinamagatang “Halimbawa 1—Tanong na Format” para sa mga halimbawa ng mga tanong na tutulong na gabayan ka sa isang matapat na pagsusuri sa sarili.
E. Ipagdiwang ang Ating mga Pagsisikap
Kinikilala natin na ang isang matapat na nakasulat na imbentaryo ay isang patuloy na proseso sa pagrekober. Nalaman natin na kailangan nating balikan ang ating mga imbentaryo at magdagdag sa mga ito. Ang prosesong ito ay nakatulong na palakasin ang ating pag-unawa at kakayahan na mapanatili ang pagrekober at nakatulong sa atin na bumuo ng mga bago at mas pinahusay na maayos na relasyon.
Ang hakbang 4 ay isang proseso. Maaari nating ipagdiwang ang lahat ng ating pagsisikap sa pagsulat ng ating mga imbentaryo. Ang pagsalamin sa ating mga sarili na makikita natin habang ginagawa natin ang hakbang na ito ay maaaring magbigay-inspirasyon sa atin na baguhin ang direksyon ng ating mga buhay kung tutulutan natin ito. Dahil sa pagmamahal at biyaya ng Tagapagligtas, hindi natin kailangang maging katulad ng dati. Kapag humingi tayo ng gabay sa Panginoon habang sinusuri natin ang ating mga buhay, makikita natin ang ating mga karanasan bilang mga pagkakataong matuto.
Ang proseso ng pag-iimbentaryo ay nagbibigay ng kapangyarihan sa atin na mapagkumbabang tanggapin ang ating mga kahinaan at humingi ng tulong sa Diyos upang magawang mga kalakasan ang mga ito. “At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).
F. Maaaring Kailangan Natin ng Propesyonal na Tulong
Maaaring napakahirap ng mga karanasan o mga bagay na nangyari sa atin. Ang ilan sa mga bagay na ito ay maaaring kabilangan ng mga karanasang nakaka-trauma, tulad ng pang-aabuso, karahasan, o malubhang sikolohikal na pasakit. Habang isinusulat natin ang ating mga imbentaryo, ang pag-alala sa mga mahihirap na karanasang ito ay maaaring magbalik ng sakit, takot, at mga emosyon na kaugnay ng mga pangyayaring ito. Ang pagbabalik-tanaw sa mga masasakit na karanasan at emosyon ay maaaring magdulot ng higit na pinsala sa atin kung walang tamang suporta at tulong. Dapat nating isaalang-alang ang paghingi ng propesyonal na tulong mula sa isang therapist, tagapayo, o doktor upang maunawaan at matanggap ang mga ganitong uri ng mga pangyayari. Ang mga propesyonal ay maaaring makatulong sa atin na ligtas na maproseso ang trauma sa isang naaangkop na bilis. Kung hindi ka sigurado kung kailangan mo ang tulong na ito, mangyaring talakayin ito sa isang taong pinagkakatiwalaan mo. Maaari ka ring makipagkita sa isang propesyonal para sa isang pagtatasa at isaalang-alang ang kanyang rekomendasyon.
Mga Halimbawa ng Pagsulat ng Imbentaryo sa Hakbang 4
Maraming matagumpay na format para sa paglikha ng imbentaryo sa hakbang 4. Gayunpaman, nalaman natin na ang mga sumusunod na elemento ay gumagawa ng isang imbentaryo na pinakaepektibo para sa pagrekober.
-
Diyos—Ang paggawa ng imbentaryo ay mahirap na trabaho, at hindi natin ito maisasagawa nang mag-isa. Kailangan natin ang suporta ng Diyos. Ang panalangin ay isang mahalagang bahagi ng kinakailangang pagsisikap na ito. Kapag bumaling tayo sa Diyos sa panalangin, palalakasin Niya tayo at tutulungan Niya tayong gawin ang mahalagang gawaing ito.
-
Katapatan—Ang mga imbentaryo ay mga masususing pagsusuri sa ating mga buhay at dapat kapabilangan ng mga pangyayari, sitwasyon, at relasyon na naaalala natin nang may paghihirap o pagkabalisa. Dapat tayong maging tapat at masinsin hangga’t maaari. Nalaman natin na kung gaano tayo kahandang saliksikin ang ating mga kaluluwa, ganoon din magiging kaepektibo ang paggawa ng hakbang 4.
-
Pagsulat—Ang proseso ng pagsulat ay nagbibigay sa atin ng mas maraming kabatiran, pananaw, at kalinawan. Dahil sa ilan sa ating mga sitwasyon, nagiging hamon na ilagay ang ating mga imbentaryo sa pagsulat. Bagama’t magkakaiba tayo ng mga kakayahan at kinahihiligan, pagpapalain ng Panginoon ang bawat pagsisikap nating ilagay ang ating pinakamahihirap na karanasan sa harapan Niya sa pamamagitan ng pagsulat. Kung nahihirapan ka sa pagsulat, humingi ng tulong sa iyong sponsor o sa iba.
-
Sponsor—Ang isang sponsor ay dapat isang taong nagawa na ang 12 hakbang at nakumpleto na ang kanyang sariling imbentaryo. Ang mga sponsor ay maaaring pinakamakatulong sa paggabay sa atin sa proseso at pagwasto ng ating pananaw sa buhay. Kung hindi mo pa nagagawa, mariin naming iminumungkahi na simulan mong makipagtulungan sa isang sponsor.
Matapos nating isulat ang ating mga imbentaryo, itinatago natin ang mga ito upang magamit bilang sanggunian para sa mga susunod na hakbang sa pagrekober. Ang ating mga imbentaryo ay tumutulong sa atin na matukoy ang mga kahinaan at kalakasan ng pagkatao sa mga hakbang 6 at 7, at ang mga tao o institusyon na binanggit natin sa ating mga imbentaryo ay magiging mga yaong kailangan nating patawarin o kung kanino tayo kailangang makipag-ayos sa mga hakbang 8 at 9. Kapag tama ang panahon, maaari nating sirain ang mga bahagi ng ating mga imbentaryo na kinabibilangan ng mga negatibo o galit na pagpapahayag, mga salaysay ng mga personal na pagkakasala, at anumang iba pang mga sensitibong bagay na hindi natin dapat ibahagi sa iba. Ang pagsira sa mga sulating ito ay maaaring maging simbolo ng ating pagsisisi at isang mabisang paraan upang mabitawan ang ating mga nakaraan.
Tulad ng naunang nabanggit, maraming paraan upang magsulat ng isang imbentaryo. Nasa ibaba ang tatlong halimbawa. Marami pang ibang paraan ng pagsulat ng imbentaryo na hindi nakalista rito. Ang mga halimbawang ito ay tutulong sa atin na makapagsimula. Anuman ang paraan o kumbinasyon ng mga paraan na ginagamit natin, mahalaga na hayaan natin ang Diyos na ipakita sa atin kung paano Niya tayo nakikita at ang bawat sitwasyon. Kung gagawin natin ito, bibigyan tayo ng Diyos ng higit na lakas at pag-asa sa prosesong ito.
Paano tayo magsisimula? Ang ilang mga tao ay gumagawa sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod ng kanilang mga buhay ayon sa edad, antas sa paaralan, mga lugar na tinirahan, o mga relasyon. Ang iba ay nagsisimula naman sa brainstorming. Hindi natin maaalala ang lahat nang sabay-sabay, kaya patuloy tayong nananalangin at hinahayaan natin ang Panginoon na ipaalala sa atin ang mga bagay-bagay. Palagi tayong maaaring magdagdag sa ating mga imbentaryo habang naaalala natin ang mga sitwasyon at karanasan.
-
Halimbawa 1—Tanong na Format. Ang pamamaraang ito ay gumagamit ng mga tanong upang suriin ang mga nakababahalang pangyayari sa buhay. Ito ay tumutulong sa atin na siyasatin nang mabuti ang bawat sitwasyon.
-
Halimbawa 2—Worksheet na Format. Ang pamamaraang ito ay tumutulong sa atin na ilagay sa chart at ayusin ang mga tao o institusyon na napinsala natin. Tinutulungan tayo nito na matukoy ang mga kahinaan ng ating pagkatao at nagbibigay ito ng mahalagang impormasyon para sa mga susunod na hakbang.
-
Halimbawa 3—Journal na Format. Ang pamamaraang ito na paggamit ng journal ay maaaring magbigay ng kaliwanagan sa ating mga buhay. Nagbibigay ito sa atin ng pagkakataon na pagnilayan at iproseso ang mga detalye ng ating mga buhay.
Halimbawa 1—Tanong na Format
Habang nirerebyu natin ang ating mga buhay, ang unang hamon ay tukuyin ang mga nakaraan at kasalukuyan na sitwasyon na nagiging dahilan upang hindi tayo maging komportable. Sa huli, sinisikap nating makita ang mga kahinaan ng ating sariling pagkatao at tukuyin ang mga taong kailangan nating patawarin o kung kanino tayo kailangang makipag-ayos. Ang sumusunod na halimbawa ay gumagamit ng mga tanong upang matulungan tayong gumawa ng walang takot at masusing pagsusuri sa sarili. Ang mga tanong na ito ay tumutulong sa atin na tukuyin ang mga mahahalagang tao, sitwasyon, alituntunin, institusyon, o pangyayari. Tinutulungan tayo ng mga ito na ilarawan kung ano ang nangyari, kung ano ang nadama natin, kung bakit nangyari ito, at kung sino ang naapektuhan nito. Naglalaan tayo ng isang pahina sa bawat tao o sitwasyon. Sa bawat pahina, isinusulat natin ang ating sariling mga sagot sa mga tanong. Sinisikap nating panatilihin ang ating mga sagot na hindi lalagpas sa 15 salita—ang maiikling parirala ay sapat na.
Ang sumusunod na halimbawa ay tumatalakay sa isang pangyayari lamang, ang aksidenteng pagkamatay ng isang kapatid na babae.
Mga Paunang Tanong
-
Ano ang nangyari? Magbigay ng maikling paglalarawan ng sitwasyon.
Ang aking kapatid na babae ay napatay sa isang aksidente sa sasakyan.
-
Bakit ako nabahala sa pangyayaring ito?
Ito ang pinakamasamang nangyari sa akin.
-
Paano nakaapekto ang pangyayari sa akin at sa mga relasyon ko (sa pinansyal, emosyonal, pisikal)? Paano ako napinsala ng pangyayaring ito?
Lumayo ako sa iba. Nadarama ko pa ring hindi ako sapat. Nagsimula akong uminom ng alak upang mamanhid sa sakit, at tumaba ako. Nawalan ako ng anumang pagnanais na ipagpatuloy ang aking pag-aaral. Ayaw kong mapalapit sa kahit kanino. Natatakot akong pumasok sa isang seryosong relasyon.
-
Ano ang mga paunang nadama ko noong nangyari iyon? Ano pa ang mga nadarama ko tungkol sa pangyayaring ito?
Ako ay nabigla at nasaktan noong nangyari iyon. Ako ay nagalit sa Diyos. Ako ay nakadarama pa rin ng pinsala.
-
Sa pagbabalik-tanaw, ano ang ilan sa mga kahinaan ng aking pagkatao na nakaambag sa sitwasyong ito? (Dapat mapanalangin nating hingin ang tulong ng Diyos upang maging mapagpakumbaba at harapin ang katotohanan, kahit na maaaring napakasakit nito.)
-
Hindi ba ako naging tapat? Sino ang pinagsinungalingan ko?
Sa malaking bahagi, nagsinungaling ako sa aking sarili. Sinisi ko ang Diyos at ang aking pamilya para sa sarili kong kawalan ng pananampalataya kay Jesucristo.
-
Natakot ba ako?
Oo, hindi ko maintindihan kung bakit hindi siya pinrotektahan ng Ama sa Langit. Kung ang gayong masamang bagay ay nangyari na nang isang beses, maaari itong mangyari muli.
-
Sumama ba ang loob ko?
Oo, lalo na sa Diyos ngunit pati na rin sa kanyang asawa at sa nagmamaneho ng kotseng bumangga sa kanya. Sa palagay ko ay hindi makatarungan na napatay siya.
-
Anong katibayan ng kapalaluan ang nakikita ko sa aking buhay? Nakakikita ba ako ng mga palatandaan ng panlilinlang sa sarili, pagmamagaling, o awa sa sarili sa aking mga saloobin at kilos?
Inasahan ko na laging magiging masaya ang aking buhay. Sa palagay ko ay hindi dapat mangyari sa akin o sa aking pamilya ang masasamang bagay. Talagang nakadama ako ng awa para sa aking sarili.
-
-
Nakasakit o nagkaroon ba ng negatibong epekto sa iba ang aking mga kilos? Kung oo, sino?
Ang aking mga kilos ay nakasakit sa iba sa aking pamilya, tulad ng bayaw ko. Hindi ako naging matatag sa aking mga emosyon at naglabas ako ng galit sa aking pamilya. Hindi ko pinatawad ang isa pang nagmamaneho. Ang aking galit sa Diyos ay nakasakit sa akin.
-
Ano ang ginawa ko upang makontrol ang sitwasyon? Ano ang mga kilos na ginawa ko o hindi ko ginawa upang makuha ang gusto ko?
Ako ay lumayo o hindi kaya ay napagsalitaan ng masakit ang iba. Ako ay nagmaktol. Ayaw ko lamang na maging totoo iyon. Gusto kong balikan ang nakaraan. Gusto kong buhayin siyang muli ng Diyos. Pinakiusapan ko pa nga ang aking mga magulang na ipanalanging sana ay bumalik siya. Talagang gulung-gulo ang aking isip!
-
Paano ako kumilos na parang biktima upang manipulahin ang iba (halimbawa, pangangailangan ng atensyon, pakikiramay, at iba pa)? Iginiit ko ba na tama ako? Nadama ko bang binalewala ako o hindi pinansin?
Ako ay nagmaktol, ihiniwalay ko ang aking sarili, at tumanggi akong makipag-usap sa isang tagapayo sa pighati. Ang nakita ko lamang ay ang aking mga sariling nadarama at ang aking sariling pasakit. Gusto ko lamang talaga na may ibang tao na umayos ng lahat para sa akin.
-
May kinalaman ba ako roon? Kaninong nadarama ang hindi ko pinansin dahil sa pag-iisip lamang ng aking sarili?
May kinalaman ako roon. Siya ay aking kapatid na babae, at nakadama ako ng matinding pasakit. Gayunman, hindi ako kailanman tumigil sa pagsaalang-alang sa pasakit na nadarama ng iba—ng aking mga magulang, ng aking mga kapatid na lalaki at babae, ng aming mga kaibigan, ng kanyang asawa.
-
Hindi ko ba tinanggap ang tulong mula Diyos at sa iba?
Oo, galit ako sa Diyos, kaya hindi ako nanalangin. Hindi ako nakipag-usap sa sinuman o hinayaang aluin ang aking sarili.
Halimbawa 2—Worksheet na Format
Ang isa pang paraan upang makagawa ng imbentaryo ay punan ang chart sa ibaba. Una, punan ang unang hanay sa kaliwa, pagkatapos ay ang pangalawa, pangatlo, pang-apat, at iba pa. Ang pagpuno sa chart na ito ay maaaring magbunyag ng mga pattern na kailangan nating hanapin sa ating mga imbentaryo. Isinasaalang-alang natin ang mga positibong katangiang kailangan nating magkaroon o mayroon na tayo, na laging inaalala na kayang gawin ng Panginoon na mga kalakasan ang ating mga kahinaan (tingnan sa Eter 12:27). Naglalaan tayo ng oras upang basahin at pagnilayan ang payo ng Panginoon.
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin kung saan ako ay may mga negatibong nadarama
Ano ang nangyari at ano ang kilos na ginawa ko? Magbigay ng maikling paglalarawan ng pangyayari. Isaalang-alang ang paglilista ng mga bagay mula sa aking buhay ayon sa kronolohiya, marahil sa mga pagtaas ng 5 hanggang 10 taon.
Epekto
Bakit ako nabahala sa tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntuning ito? Naapektuhan ba nito ang aking emosyonal, pisikal, o pinansiyal na seguridad? Naapektuhan ba nito ang aking mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o ambisyon para sa hinaharap?
Mga Nadarama
Ano ang mga nadama ko noong panahong iyon? Ano ang mga nadarama ko pa rin tungkol dito? Nakadarama ba ako ng pagsisisi para sa aking bahagi sa problema o sama ng loob sa isang tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin?
Mga kahinaan ng pagkatao
Anong katibayan ng kapalaluan ang nakikita ko sa aking buhay? Nakakikita ba ako ng mga palatandaan ng panlilinlang sa sarili, pagmamagaling, awa sa sarili, o sariling kalooban sa aking mga saloobin at kilos? Ano ang aking mga takot na nakatuon sa aking sarili na nakaambag sa sitwasyon o pangyayaring ito o sa mga nadarama ko tungkol sa tao, institusyon, o alituntuning ito?
Magpatawad at makipag-ayos
Sino ang kailangan kong patawarin? Kanino ako kailangang makipag-ayos? Tandaan na idagdag ang aking sariling pangalan sa hanay na ito.
Mga positibong katangian
Kapag ginagawa ko ang aking imbentaryo, maaari akong magtuon sa mahihirap na aspeto ng aking buhay. Gayunpaman, dapat ko ring isipin ang aking mga kalakasan at positibong katangian. Ano ang mga kalakasan ng aking pagkatao? Aling mga kalakasan ng pagkatao ang kailangan kong pagbutihin pa? Ang pagtuon sa aking mga positibong kalakasan ay maaaring magpaalala sa akin ng aking walang hanggan at hindi nasisirang banal na kahalagahan.
0 hanggang 10 taon
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) |
Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) |
Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) |
Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) |
Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) |
Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) |
Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? |
---|---|---|---|---|---|---|
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) Patuloy akong pinagkatuwaan at tinawag ng kung anu-ano ni Sam, isang bata sa paaralan. | Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) Naapektuhan nito ang nadarama ko tungkol sa aking sarili at sa aking mga relasyon sa mga kaibigan. Gusto kong maging matapang, ngunit hindi ko magawa. | Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) Natakot ako, at nahiya rin ako kung gaano ako katakot. Sana ay sinaktan ko na lamang siya. | Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) awa sa sarili, pagmamagaling | Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) Kailangan kong patawarin si Sam. Sa hinaharap, gusto kong maging isang tao na mabait ngunit tapat din. | Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) Ako ay isang mabait na tao. Sa pangkalahatan ay nakikita ko ang kabutihan sa iba. | Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? kapatawaran, katapangan |
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) Gumawa ako ng meryenda sa isang aktibidad sa Primary. Gusto ko itong iuwi upang maipakita kina Inay at Itay, ngunit patuloy akong kumain ng maliliit na kagat habang naglalakad. Sa huli, kinain ko na lamang ang natira. | Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) Naapektuhan nito ang pagpapahalaga ko sa aking sarili. Nais kong ibahagi ang aking nagawa sa aking mga magulang, ngunit nabigo ako. | Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) Habang pauwi ako, pinagsisihan ko ang ginawa ko. Nadama kong ako ay napahiya, mataba, at mahina. Nadama kong ako ay isang kabiguan. | Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) kapalaluan, awa sa sarili, katakawan, kawalan ng pagpipigil sa sarili | Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) ako | Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) Gusto kong gawin ang tama. Sa palagay ko ay may mabuti akong puso. | Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? pagpapakumbaba, pananampalataya kay Jesucristo, pagpipigil sa sarili sa pagkain |
10 hanggang 20 taon
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) |
Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) |
Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) |
Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) |
Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) |
Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) |
Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? |
---|---|---|---|---|---|---|
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) Natuklasan ko ang masturbation nang ang mga bata sa paaralan ay nagbibiro tungkol dito. Nang tanungin ko ang aking ina tungkol dito, nataranta siya at sinabihan niya ako na kailanman ay huwag nang gagawin o pag-uusapan ito muli. | Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) Naguluhan ang aking kalooban dahil masarap ito sa pakiramdam ngunit naiiwan akong nababagabag. Kapag kasama ko ang aking mga kaibigan sa simbahan, pakiramdam ko ay tila ako lamang ang nahihirapan dito dahil walang nagtatalakay nito. | Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) Nadama kong ako ay napahiya, nilayuan ng aking ina, mag-isa, hindi tapat, at marumi. | Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) sariling kalooban, hindi tapat, marumi, kawalan ng pagpipigil sa sarili | Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) ako, ang aking ina | Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) Sa palagay ko ay may mabuti akong konsensya. Gusto kong maging mabuti. | Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? kahandaang buksan ang aking sarili sa iba, katapatan, kalinisang-puri, pagsisisi |
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) Sa loob ng mga 14 na buwan, palagian akong nagnakaw ng pera mula sa kaha o gumamit ng mga produkto nang hindi nagbabayad sa lugar na pinagtatrabahuhan ko. | Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) Palagi akong kinakabahan sa paligid ng aking tagapamahala. Nakukunsensya ako tungkol dito ngayon ngunit hindi ko alam kung paano ito gagawing tama dahil wala na ang negosyong iyon. | Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) takot, kasakiman, pagtutuon sa sarili | Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) kawalang-katapatan, sariling kalooban, panlilinlang sa sarili | Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) ang lugar na pinagtatrabahuhan ko, ang aking tagapamahala | Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) Ako ay isang masipag na manggagawa. | Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? katapatan, pananagutan |
20 hanggang 30 taon
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) |
Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) |
Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) |
Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) |
Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) |
Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) |
Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? |
---|---|---|---|---|---|---|
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) Nalasing ako sa isang party at nagising ako na may kasama akong halos hindi ko kilala. | Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) Naapektuhan nito ang aking mga nadaramang seguridad, kaligtasan, at pagpapahalaga sa sarili. Gusto kong magpakasal sa templo, ngunit mukhang hindi na mangyayari iyon. | Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) Nadarama kong ako ay marumi, walang pag asa, at miserable. Pinagsisisihan kong nagpunta pa ako sa party na iyon. Bakit nangyari ito sa akin? | Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) kawalang-tiwala, paghamak sa aking sarili at sa aking mga tinatawag na kaibigan, awa sa sarili | Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) ako, aking mga kaibigan | Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) Ako ay isang tao na mabait. Gusto kong malampasan ito kahit papaano. Nagsikap akong pagbutihin ang aking mga talento. | Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? pagpipigil sa bisyo, responsibilidad, pagsunod, pag-una sa Diyos, kalinisang-puri |
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) Ang aking kapatid na babae ay napatay sa isang aksidente sa sasakyan. Nadama kong malapit ako sa kanyang asawa at mga anak, ngunit inilayo niya ang kanyang sarili mula sa aming pamilya. | Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) Ito ay naging isang malaking trauma sa aking buhay. Nadarama kong hindi ako sapat sa pisikal at emosyonal. Ang aking relasyon sa aking kapatid na babae at sa kanyang pamilya ay wala na talaga. | Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) Ako ay nalulungkot sa halos lahat ng oras. Alam ko na ang alak ay hindi nakatutulong sa sitwasyon, ngunit dahil dito ay nawawala iyon sa isang maikling sandali. | Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) pagkabalisa, takot, kawalang-kasiyahan, awa sa sarili | Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) Diyos, ako, asawa ng aking kapatid na babae, mga taong nasaktan ko sa aking pag-inom | Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) Ako ay isang mabuting mag-aaral at masipag na manggagawa. Mahal ko ang mga tao at nakakasundo ko ang mga iba sa trabaho. | Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? pananampalataya kay Jesucristo, pag-asa, pagpipigil sa bisyo |
30 hanggang 60 taon
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) |
Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) |
Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) |
Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) |
Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) |
Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) |
Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? |
---|---|---|---|---|---|---|
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) Masama ang loob ko sa aking manugang. Palagi siyang nangangailangan ng pera, ngunit hindi siya nagtatagal sa trabaho. Pabaya siya. Natatakot akong hindi masaya ang aking anak na babae dahil sa kanya. | Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) Nag-aalala ako tungkol sa mga pananalapi. Kapag ako ay may mga nadaramang masasama sa kanya, naaapektuhan nito ang aking relasyon sa aking anak. | Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) Nakadarama ako ng kabiguan. Nakadarama ako ng sama ng loob, at nagagalit ako sa aking sarili dahil sa sama ng loob. Nadarama kong nakakulong ako at hindi ako makaisip ng anumang magandang solusyon. | Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) pagmamagaling, awa sa sarili, kapalaluan, sama ng loob | Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) aking manugang, aking anak na babae, aking asawa | Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) Ako ay karaniwang medyo mapagbigay. Masipag akong magtrabaho sa bahay at sa Simbahan. | Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? pag-ibig sa kapwa-tao, kapatawaran, pagtanggap ng personal na paghahayag |
Tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin (Ano ang nangyari? Sino ang nasaktan? at iba pa) Ang aking asawa ay nagsasalita tungkol sa paghihiwalay o diborsyo. Alam kong hindi ako naging perpekto, ngunit hindi ako ang palaging nagiging sanhi ng mga problema. | Epekto (emosyonal, pisikal, o pinansyal na seguridad; mga relasyon, pagpapahalaga sa sarili, o mga ambisyon) Ang aking mga relasyon ay hindi maaayos. Naapektuhan ang aking pagpapahalaga sa sarili pati na rin ang aking pinansiyal at emosyonal na seguridad. | Mga nadarama (sama ng loob, takot, panghihinayang, pasakit, at iba pa) Takot na takot ako. Paano kung hindi ko na makita ang mga bata? Hindi ko alam kung paano ako mabubuhay pagkatapos ng diborsyo. | Mga kahinaan ng pagkatao (sariling kalooban, kapalaluan, kawalang-katapatan, pagmamagaling, awa sa sarili, panlilinlang sa sarili, at iba pa) takot, awa sa sarili, sama ng loob, pagkabalisa | Magpatawad at humingi ng kapatawaran (Sino ang kailangan kong patawarin o kanino ako kailangang makipag-ayos?) ako, aking asawa, aking mga anak | Mga positibong katangian (pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, katapatan, katapangan, pananampalataya kay Jesucristo, at iba pa) Sinubukan ko talagang magbago. Nagpunta pa nga ako sa tagapayo. | Aling mga katangian ang kailangan kong pagbutihin pa? pag-ibig sa kapwa-tao, pag-ibig, kapayapaan, at higit na pagtitiwala sa Diyos |
Halimbawa 3—Journal na Format
Ang pagsulat ay maaaring maging isang makapangyarihang kasangkapan para sa pag-unawa at pagpapagaling. Ang mapanalanging pagsulat sa journal bago o pagkatapos gumawa ng ating mga imbentaryo ay maaaring makatulong nang malaki. Habang nirerebyu natin ang ating mga buhay, nagsisimula lamang tayong magsulat tungkol sa mga sitwasyong natuklasan natin at kung ano ang nadarama natin. Walang sistema rito. Kumuha lamang tayo ng panulat, manalangin, at magsimulang sumulat. Hayaan lang itong dumaloy! Habang iniisip natin ang ating mga buhay gamit ang pagsulat sa journal, naghahanap tayo ng mga tao, institusyon, sitwasyon, pangyayari, o alituntunin kung saan mayroon tayong mga negatibong nadarama. Nagsusulat tayo tungkol sa kung paano naaapektuhan ang ating mga emosyon at nadarama, at sinusubukan nating unawain kung ano ang mga kahinaan ng ating pagkatao at kung ano ang mga kalakasang nais nating pagbutihin. Nananalangin din tayong malaman kung sino ang kailangan nating patawarin at kung kanino tayo kailangang makipag-ayos. Narito ang ilang halimbawa ng mga inilagay sa journal:
-
Iniisip ko ang tungkol sa aking mga karanasan sa pagkabata kamakailan. Naalala ko ang batang iyon—hindi ko maalala ang kanyang pangalan—ngunit mas malaki siya sa akin, at napakasama niya. Patuloy niya akong tinawag na sanggol at mas malalala pang bansag. Kinailangan kong tumakbo pauwi mula sa paaralan nang pinakamabilis na kaya ko araw-araw. Ewan ko kung doon ko nasimulang madama na tila wala akong kaibigan at na ni hindi ko magawang makipagkaibigan. Hindi ko gusto kapag tumatakas ako sa mga problema. Hindi ko gusto na matakot, ngunit hindi lamang makatarungan na ilang mga taong mas malaki at mas masama. Palagi kong sinusubukang maging palakaibigan. Siguro ay naaawa ako sa aking sarili. Hindi ko maunawaan kung bakit hindi mas mabait ang mga tao sa akin. Ako ay isang tao na mabait.
-
Ako ay medyo matabang bata. Medyo sobra pa rin ang timbang ko, ngunit mahirap para sa akin na itigil ang pagkain ng isang bagay na gustung-gusto ko. Kahit noong nasa Primary ako, hindi ako nakapag-uuwi ng meryenda na ibabahagi sa aking pamilya. Dahil dito, nadama kong tila isa akong kabiguan. Palagi akong nahihiya tungkol sa aking pagkain at tungkol sa aking timbang. Ang ilang tao ay maaaring kumain ng kahit anong gusto nila, at hindi ito nakaaapekto sa kanilang timbang. Nagagalit talaga ako dahil dito!
-
May problema ako sa seksuwal na pagnanasa. Hindi ko naman talaga kasalanan na nahihirapan ako roon. Natuklasan ko ang masturbation nang ang mga bata sa paaralan ay magbiro tungkol dito. Nang tanungin ko ang aking ina tungkol dito, nataranta siya at sinabihan niya ako na kailanman ay huwag nang gagawin o pag-uusapan ito muli. Ngunit paano naman nang interbyuhin ako ng bishop kalaunan? Dapat ba sinabi ko sa kanya?
-
Nakadama ako ng labis na kahihiyan sa nangyayari sa aking tahanan sa pagitan ng aking mga magulang at ang tanging nagpagaan sa nadarama ko ay ang paninigarilyo. Nakakita ako ng ilang sigarilyo at binigyan ako ng mga ito ng sigla, isang bagay na nakatulong sa kung gaano kamiserable ang pakiramdam ko. May sarili akong lihim na buhay kapag bumabangon ako sa gabi at hindi dinadalaw ng antok. Akala ko ay maaari akong tumigil kahit kailan, ngunit hindi ko talaga magawa. Pagkatapos ay naubos ko ang mga sigarilyong nahanap ko, at kinailangan kong magnakaw upang magkaroon ng pera para sa higit pa. Nagnakaw ako ng mga bagay-bagay sa pinagtatrabahuhan ko. Talagang kinabahan ako na baka mahuli ako, ng isang tao sa aking pamilya o mas malala pa, ng mga pulis. Hindi ko gusto ang kawalang-katapatan, ngunit kinailangan ko ang oras na iyon ng paninigarilyo nang mag-isa—isang bagay na para lamang sa akin. Siguro ay naawa ako sa aking sarili.
-
Isa pang masamang alaala ang nangyari noong nasa kolehiyo ako. Ninais kong maging katulad ng aking mga kasamahan sa kwarto, ngunit hindi ako naanyayahan sa maraming party. Naalala ko ang gabi na sa wakas ay nagpunta ako sa isang party kung saan maraming alak. “Bakit hindi?” naisip ko. Ninais kong maging bahagi ng grupo. Ninais kong magsaya kahit minsan. Hindi ko na maalala ang sumunod na nangyari, ngunit paggising ko, may kasama akong hindi ko talaga kilala. Mula sa masama ay naging mas masama pa ang mga bagay-bagay. Bakit walang nangyayaring maganda? Walang pumapabor sa akin.
-
Tila katapusan na ng mundo nang mabalitaan naming napatay ang aking kapatid na babae. Naglalakad siya sa daan at isang kotse ang umararo sa kanya. Nanlumo ang aking pamilya, at ang ilan sa amin ay gumawa ng mga bagay na hindi dapat gawin nang higit pa kaysa dati. Galit na galit ang kanyang asawa kaya sabi niya hindi na raw niya papayagan ang kanilang mga anak na makipag-usap sa amin muli. Sabi niya ang aking pamilya ay nagdudulot ng gulo sa kanilang mga buhay.
-
Tila ipinagpatuloy ng aking mga anak ang tradisyon ng pamilya. Ang aking anak na babae ay nagpakasal sa isang tunay na talunan. Kailanman ay hindi sila nagkaroon ng sapat na pera, at sa totoo lang, hindi ko na rin kayang patuloy na suportahan sila. Bakit hindi siya kumuha ng trabaho at pagkatapos ay ipagpatuloy ito? Nakadama ako ng matinding kabiguan. Gusto kong maging mabuting magulang sa aking anak, ngunit ang palagiang problema sa pera ay nagdudulot ng mga problema sa pagitan namin. Sana ay maaaring basta ko na lamang matanggap ang kanyang asawa, ngunit hindi ko magawa. Patawad.
-
Ang araw ng Linggo ay dapat na maging isang magandang araw ng pamilya, hindi ba? Hindi ko inakalang mangyayari ito. Sinabi sa akin ng aking asawa kagabi na kailangan muna naming manirahan nang magkabukod, na ang ibig sabihin ay paghihiwalay. Ano? Hindi ako makapaniwala. Siyempre, hindi ako perpekto, ngunit wala namang perpekto. Diyos ko, ano ang maaari kong gawin?
-
Kinausap ko ang aking sponsor tungkol sa ideya ng paggawa ng imbentaryo ng aking buhay. Binigyang-diin ng aking sponsor na may tila uri ng pattern sa mga nadarama ko at na may ilang mga bagay na kailangan kong sabihin sa aking bishop. Habang binabasa ko ang mga inilagay ko sa journal nitong mga nakaraang linggo, nakita ko na palagi akong naaawa sa aking sarili. May ilang masasamang bagay na nangyari sa akin, sigurado, ngunit nasimulan ko nang makita na kapag isinuko ko ang aking sarili sa Panginoon, maaalis Niya ang ilan sa aking pasakit. Hindi ko na kailangang patuloy na gamitin ang aking pagkalulong. Wala akong kapangyarihang tumigil, ngunit ang Panginoon ang may gayong kapangyarihan.
-
Ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta ay nagsisimulang maging mas makabuluhan sa akin ngayon. Nakikita ko kung paano naaangkop ang mga ito sa aking buhay. Mas alam ko na ang mga kahinaan ng pagkatao na dating hindi ko nakikita. Kung minsan ay iniisip ko kung mas lumalala ba ang mga ito dahil mas nakikita ko na sila. Alam kong kailangan kong ituloy ang mga susunod na hakbang upang makarekober talaga ako.