Adiksyon
Apendiks: Pagkilala at Pagtanggap sa Baguhan


“Apendiks: Pagkilala at Pagtanggap sa Baguhan,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)

“Pagkilala at Pagtanggap sa Baguhan,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober

Pagkilala at Pagtanggap sa Baguhan

Ang isang baguhan ay isang tao na bago sa mga recovery meeting. Siya ay isang indibiduwal na karaniwang nagsisimula pa lamang magbago, kagagaling lamang mula sa relapse, o kaibigan o kapamilya ng isang taong nakikibaka sa adiksiyon. Ang sinumang hindi natin kakilala ay maaaring baguhan, at dahil kritikal ang mga unang miting na dinadaluhan ng mga baguhan, napakahalaga na subukang gawing komportable ang mga indibiduwal na ito at ipadamang tanggap sila.

Ang mga baguhan ay kadalasang nadududa at natatakot. Alalahanin na kailangan ng mga indibiduwal ng matinding lakas ng loob upang maamin na nakikilahok sila sa mga gawaing mapanira, na magulo ang kanilang buhay, at kailangan nila ng tulong. Kailangan din ng lakas ng loob ng mga kaibigan o kapamilya upang makapagsalita tungkol sa mga epekto ng adiksiyon sa buhay ng kanilang mahal sa buhay at sa kanilang sariling buhay. Ang ating layunin ay tulungan ang mga baguhan na gustuhing bumalik.

Mayroon tayong responsibilidad na malugod natin silang tinatanggap bago, habang, at pagkatapos ng bawat meeting. Magtiwala na gagabayan ng Espiritu ang mga baguhan sa proseso ng pagbabago. Alalahanin na kadalasang nagugulumihanan pa ang mga baguhan, kaya nararapat na maging mapagmahal at mahinahon sa pakikitungo sa kanila. Ang pagmamahal, suporta, at paghihikayat ay mahahalagang elemento ng pagdama ng pagiging tanggap at kabilang.

Nakatanggap tayo ng tagubilin mula sa Simbahan na ang mga recovery meeting ay para sa mga taong 18 taong gulang pataas. Kung ang indibiduwal ay wala pang 18, hikayatin siyang kumonsulta sa kanyang mga magulang, bishop, at mental health o physical health provider para sa iba pang mga opsiyon na maaaring makatulong. Kung nais niya ng mas detalyadong paliwanag, hikayatin siyang makipag-ugnayan sa lokal na tagapamahala ng ahensya ng Family Services. Kapag naipaalam mo na sa kanya ang panuntunang ito, kung patuloy siyang dadalo, huwag mo nang ipaalala muli sa kanya ang panuntunan at huwag gumawa ng kahit ano upang ipatupad ang panuntunan.

Ang mga sumusunod na mungkahi ay maaaring makatulong habang nakikitungo ka sa mga baguhan bago at pagkatapos ng mga meeting:

  1. Kapag binabati mo ang isang taong hindi mo kakilala, ipakilala ang iyong sarili at itanong kung nakadalo na ba siya ng recovery meeting dati.

  2. Tiyakin sa mga baguhan na sila ay nasa isang ligtas na lugar. Ipaliwanag na sinusunod natin ang alituntunin ng confidentiality at hindi na nila kailangang banggitin ang kanilang apelyido. Ipaalam din sa kanila na kung hindi sila komportableng magbasa o magbahagi sa mga miting, maaari naman silang makinig lamang.

  3. Hayaan ang mga baguhan na ibahagi lamang ang gusto nila. Kilalanin na kadalasan ay hindi sila komportableng ipaliwanag kung bakit sila dumadalo sa mga miting.

  4. Imungkahi na pakinggan ng mga baguhan kung may pagkakatulad sila sa ibang mga kalahok. Mas mahihikayat ang mga baguhan na bumalik sa mga miting kapag nakakaugnay sila sa mga yaong nagbabahagi. Ipaliwanag na dahil ang ating mga miting ay bukas sa mga indibiduwal na dumaranas ng iba’t ibang uri ng mga gawaing mapanira, ang mga miyembro ng grupo ay maaaring hindi palaging magkakatulad ang mga karanasan ngunit kadalasan ay magkakatulad ang mga nadarama, gayundin ang mga yaong ang mga buhay ay naaapektuhan ng mga pagpili o gawain ng iba. Anyayahan ang mga baguhan na manatili pagkatapos ng miting kung may mga tanong sila.

  5. Magtiwala na mauunawaan ng mga baguhan ang programa kahit hindi pa nila naririnig ang bawat aspeto nito. Ipakita sa mga baguhan ang Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober o ang Gabay sa Suporta: Tulong para sa mga Asawa at Pamilya ng mga Taong Nagpapagaling at hikayatin silang gamitin ang resources na ito (makikita sa Gospel Library sa bahaging “Adiksyon” ng Tulong sa Buhay). Ipaliwanag sa mga baguhan na sa pamamagitan ng pakikinig sa Espiritu, pagdalo sa mga miting, at pag-aaral ng gabay, mas mauunawaan at maipamumuhay nila ang mga alituntunin at gawain na hahantong sa pagbabago.

  6. Ipakilala ang mga baguhan sa facilitator. Naaalala ng mga facilitator kung ano ang pakiramdam ng pagdalo sa unang miting. Sila ay magsisilbing halimbawa sa mga kalahok at makapagpapatotoo kung paano naghatid ng pagbabago ang programa sa kanilang mga buhay.

  7. Kung may mga problemang may kinalaman sa pagbabahagi ng mga baguhan ng kanilang mga karanasan, maging mahinahon hangga’t maaari sa iyong pagtugon. Ang karamihan sa mga problema at tanong ay mas epektibong nasasagot pagkatapos ng miting kaysa habang nagmimiting. Kalaunan, matututunan din ng baguhan ang dapat na ikilos sa miting.

  8. Ibahagi sa mga baguhan na kapamilya o mahal sa buhay ng mga yaong nahihirapan dahil sa paggamit ng pornograpiya o pag-abuso sa droga na may mahahanap na mga support group meeting para sa asawa at pamilya.

  9. Pagkatapos ng miting, personal na pasalamatan ang mga baguhan sa pagdalo.

  10. Tandaan na ang mga baguhan ay pagpapala sa grupo. Ang mga baguhan ay nagbibigay ng patuloy na pagkakataong maglingkod, sumuporta, at matuto mula sa isa’t isa.