“Hakbang 1: Tanggapin na tayo, sa ating mga sarili, ay walang kapangyarihang madaig ang ating mga adiksiyon at na ang ating mga buhay ay hindi na mapamahalaan,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)
“Hakbang 1,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober
Hakbang 1: Tanggapin na tayo, sa ating mga sarili, ay walang kapangyarihang madaig ang ating mga adiksiyon at na ang ating mga buhay ay hindi na mapamahalaan.
Pangunahing Alituntunin: Katapatan
Marami sa atin ang nagsimulang magkaroon ng adiksiyon dahil sa kuryusidad. Ang ilan sa atin ay nalulong dahil sa makatwirang pangangailangan (tulad ng iniresetang gamot) o sadyang pagrerebelde. Ang ilan sa atin ay nagsimula bilang pagtatangka na makatakas sa sakit. Marami sa atin ang nagsimula sa landas na ito noong halos hindi pa tayo matanda sa mga bata. Anuman ang ating mga dahilan at anuman ang ating mga kalagayan, hindi nagtagal ay natuklasan natin na hindi lamang sakit ng katawan ang napapawi ng adiksiyon. Napapawi nito ang stress o napapamanhid ang ating mga nadarama. Nakatulong ito sa atin na maiwasan ang ating mga problema—o akala natin. Pansamantalang nawawala ang ating takot, pangamba, lungkot, panghihina ng loob, panghihinayang, o pagkabagot. Ngunit dahil maraming kalagayan sa mundo ang nagpapadama sa atin nito, mas lalo tayong bumabaling sa ating mga adiksiyon. Ang adiksiyon ay naging isa sa mga pangunahing paraan na sinubukan nating makayanan ang ating mga pangangailangan at emosyon. Nauunawaan ng Tagapagligtas na si Jesucristo ang pakikibaka na ito. Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Nakita ni Jesus na mali ang kasalanan ngunit nakita rin niya ang kasalanan na nagmumula sa malalim at hindi natutugunan na mga pangangailangan ng makasalanan” (“Jesus: The Perfect Leader,” Ensign, Ago. 1979, 5).
Ngunit marami pa rin sa atin ang hindi matanggap o ayaw aminin na hindi natin kayang labanan at iwasan ito nang tayo lamang mag-isa. Sa ating pinakamababang punto, marami sa atin ang nakadama na kakaunti ang ating mga pagpipilian. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Isinusuko kalaunan ng adiksyon ang kalayaan nating pumili. Sa pamamagitan ng kemikal na paraan, literal na nahihiwalay ang tao mula sa kanyang pag-iisip” (“Addiction or Freedom,” Ensign, Nob. 1988, 7).
Gusto nating tumigil ngunit nawalan na tayo ng pag asa. Napuno ng takot at kawalan ng pag-asa, naisip pa nga ng ilan sa atin na tapusin ang ating buhay bilang tanging alternatibo. Ngunit natanto natin na hindi ito ang landas na nais ng Ama sa Langit na tahakin natin.
Mahirap aminin ang ating mga nakalululong na gawain. Ikinaila natin ang tindi ng ating kalagayan at sinubukan nating iwasan ang pagkahuli at ang mga kinahinatnan ng ating mga pagpili sa pamamagitan ng pagmamaliit o pagtatago ng ating mga gawain. Hindi namin natanto na sa panloloko sa iba at sa ating mga sarili, lalo lamang tayong nalululong. Habang lalo tayong nawawalan ng kapangyarihan sa ating adiksyon, marami sa atin ang nakahanap ng kamalian sa ating mga kapamilya, kaibigan, lider ng Simbahan, at maging sa Diyos. Mas lalo tayong napag-isa, hinihiwalay ang ating mga sarili sa iba—lalo na sa Diyos.
Nang humantong tayo sa pagsisinungaling at paglilihim, umaasang mapawalang-sala tayo o masisi ang iba, humina ang ating espirituwalidad. Sa bawat pagsisinungaling tungkol sa at pagtatago ng ating mga adiksiyon, iginagapos natin ang ating mga sarili ng “de-ilong lubid,” na kalaunan ay naging kasintibay ng kadena (2 Nephi 26:22). At dumating ang panahon na naharap tayo sa katotohanan. Hindi na natin maitago ang ating mga adiksiyon sa pagsisinungaling o sa pagsasabing, “Hindi naman ito ganoon kasama!”
Sinabi sa atin ng ating mahal sa buhay, doktor, hukom, o lider ng Simbahan ang katotohanang hindi na natin maikakaila: sinisira ng adiksiyon ang ating mga buhay. Nang matapat nating binalikan ang nakaraan, inamin natin na walang naitulong ang anumang solusyon na sinubukan natin nang mag-isa. Inamin natin na lalo pa ngang lumala ang adiksiyon. Natanto natin kung gaano sinira ng adiksiyon ang ating mga relasyon at tinanggal ang ating pagpapahalaga sa sarili. Sa puntong ito, ginawa natin ang unang hakbang patungo sa kalayaan at pagrekober sa pamamagitan ng paghahanap ng lakas ng loob na amining ito ay higit pa sa isang problema o masamang bisyo.
Sa wakas ay inamin natin ang katotohanan na ang ating mga buhay ay hindi na mapamahalaan at kailangan na natin ng tulong upang madaig ang ating mga adiksiyon. Tinanggap natin na hindi natin mapapagaling ang ating mga sarili at inamin natin na hindi natin kayang manatiling matino habang ginagawa pa rin ang ating adiksiyon sa anumang paraan. Natanto natin na kailangan natin ng tulong mula sa Diyos at sa iba pa upang maging tapat sa ating mga sarili. Ang magandang ibinunga ng tapat na pagtanggap na ito ng pagkatalo at ang ating kasunod na pagsuko ay nasimulan na sa wakas ang pagpapagaling.
Ang katapatan ang pundasyon ng lahat ng iba pang hakbang at tumutulong sa atin na matanto ang ating pangangailangan sa Tagapagligtas. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay miyembro ng Unang Panguluhan: “Ang makitang mabuti ang ating sarili ay napakahalaga sa ating espirituwal na pag-unlad at kapakanan. Kung ang ating mga kahinaan at pagkukulang ay patuloy nating ikakaila, hindi ito mapapagaling at magagawang kalakasan [tingnan sa Eter 12:27]” (“Ako Baga, Panginoon?,” Liahona, Nob. 2014, 58).
Nang magpakalulong tayo sa ating mga adiksiyon, nagsinungaling tayo sa ating mga sarili at sa iba, ngunit hindi natin tunay na malilinlang ang ating mga sarili. Nagkunwari tayong maayos, puno ng kabangisan at mga dahilan. Ngunit sa ating kaibuturan, alam nating ang pagpapasasa sa ating mga adiksiyon ay hahantong sa mas matinding kalungkutan. Ang Liwanag ni Cristo ang patuloy na nagpaalala sa atin. Nakakapagod ikaila ang katotohanang ito; nakakagaan ng loob na sa wakas ay aminin na may problema tayo. Sa wakas, tinulutan nating magkaroon ng maliit na puwang upang makapasok ang pag-asa. Nang magpasya tayong amining may problema tayo at handa tayong humingi ng tulong, binigyan natin ng lugar ang pag-asang iyon upang lumago.
Mga Hakbang na Gagawin
Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at matanggap ang patnubay at kapangyarihang kailangan upang magawa ang susunod na hakbang sa ating pagrekober.
Iwaksi ang kapalaluan at sikaping magpakumbaba
Ang kapalaluan at katapatan ay hindi maaaring magsama. Ang kapalaluan ay isang ilusyon at malaking bahagi ng lahat ng adiksiyon. Binabaluktot ng kapalaluan ang katotohanan ng mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga ito ngayon, kung ano ang mga ito noon, at kung ano ang mga ito sa hinaharap. Malaking balakid ito sa ating pagrekober. Sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Ang kapalaluan ay talagang likas na pakikipagkumpitensya. Sinasalungat natin ang kalooban ng Diyos. Kapag nagmamataas tayo sa Diyos, iyon ay dahil sa ugaling ‘ang aking kalooban ang masusunod at hindi ang inyo.’ …
“Kapag sinalungat natin ang kalooban ng Diyos, hindi natin mapipigil ang ating mga pagnanasa, gana, at silakbo ng damdamin.
“Hindi matatanggap ng palalo ang awtoridad ng Diyos na papatnubay sa kanilang buhay. Iginigiit nila ang pagkaunawa nila sa katotohanan laban sa dakilang kaalaman ng Diyos, ang kanilang mga kakayahan laban sa kapangyarihan ng priesthood ng Diyos, ang kanilang mga nagawa laban sa Kanyang mga makapangyarihang gawa” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 232).
Sa ilang mga punto, kailangan nating piliin na iwaksi ang ating kapalaluan at maging tapat tungkol sa ating adiksiyon. Hindi madali ang maging mapagpakumbaba, matapos ang maraming taon ng panlilinlang sa sarili, at sa huli ay piliin ang katapatan, ngunit sa paglipas ng panahon, ito ay nagiging isang malaking pagpapala.
Malaking panahon ng pagbabago ito sa atin nang sa wakas ay naiwaksi natin ang ating kapalaluan at naging mapagpakumbaba tayo. Ang karamihan sa atin ay hindi nagpakumbaba kundi “napilitang magpakumbaba” (Alma 32:13). Alinman sa dalawang ito, naabutan tayo ng mga bunga ng ating mga adiksiyon, at nawalan tayo ng mga bagay na mahal natin—ang ating mga tahanan, trabaho, pamilya, at maging ang ating kalayaan. Nawalan ng tiwala sa atin ang mga kapamilya at kaibigan. Nawalan tayo ng respeto sa sarili at lakas ng loob na harapin ang mga hamon ng buhay. Narating natin ang ating pinakamababang punto ng ating buhay, at bagaman masakit ang naging resulta na pagpapakumbaba, ito ang simula ng ating pagrekober.
Hindi madali ang pagrekober mula sa adiksiyon; nangangailangan ito ng sigasig. Ngunit sa wakas ay natanto natin na ang presyong binayaran natin upang manatili sa ating mga adiksiyon ay mas malaki kaysa sa kapalit ng pagrekober. Nang iwaksi natin ang kapalaluan, naging handa na tayong magsimula sa landas tungo sa kalayaan mula sa adiksiyon.
Maging tapat at makipag-usap sa isang tao
Ang isang mahalagang pagkilos upang matulungan tayong maging tapat tungkol sa ating mga adiksiyon ay makipag-usap sa isang tao tungkol dito. Dahil ang ating mga adiksiyon ay nagtulak sa atin na mangatwiran, magdahilan, at magsinungaling sa iba, kabilang na ang ating mga sarili, marami sa atin ang eksperto sa panlilinlang. Ang panlilinlang na ito ay nagtutulot sa atin na ipagpatuloy ang ating mga adiksiyon, at mahirap para sa atin na makita ang mga bagay-bagay nang tapat. Habang pinapaliit at binibigyang-katwiran natin ang ating gawain, nagkakamali tayo sa pag-iisip na kontrolado pa rin natin ito. Gayunman, kapag tayo ay bukas at nasa harap ng ibang tao, matutulungan tayo ng taong iyon na makita ang katotohanan at maiwaksi ang panlilinlang.
Ang taong maaaring gusto nating kausapin muna ay ang ating Ama sa Langit. Maaari tayong manalangin at humiling sa Kanya na tulungan tayong maging tapat, makita ang mga bagay-bagay nang mas malinaw, at magkaroon ng lakas ng loob na tanggapin ang katotohanan. Pagkatapos ay mapanalangin nating maiisip ang ibang taong maaaring kausapin, isang taong nakauunawa sa ebanghelyo ni Jesucristo at ang landas tungo sa pagrekober. Pumili ng isang taong pinagkakatiwalaan mo. Maaaring ito ay asawa, magulang, kapamilya, lider ng Simbahan, kaibigan, katrabaho, therapist, sponsor, ang mga misyonero, o facilitator sa recovery meeting. Matapos pumili ng isang tao, ang susunod na hakbang ay ibahagi sa kanila ang mga paraan na nahihirapan tayo. Kailangan nating manalangin para sa lakas ng loob na maging tapat hangga’t maaari tungkol sa ating mga adiksiyon. (Tingnan ang dokumentong “Suporta sa Pagrekober.”)
Dumalo sa mga miting
Ang mga recovery meeting ay mabibisang mapagkukunan ng pag-asa at suporta. Saanman tayo naroroon, maaari tayong dumalo sa mga miting nang personal o online. Ang mga miting na ito ay isang lugar upang makapagtipon kasama ang iba na naghahangad ng pagrekober at ang mga yaong nakadaan na sa landas na ito at katibayan ng pagiging epektibo nito. Sa mga recovery meeting, nakahahanap tayo ng iba na may karanasan sa paggamit ng mga hakbang at paghahanap ng pagrekober at handang tulungan tayo sa ating sariling paglalakbay. Ang mga recovery meeting ay isang lugar ng pag-unawa, pag-asa, at suporta.
Sa mga miting na ito, pinag-aaralan natin ang mga partikular na alituntunin ng ebanghelyo na makatutulong sa pagbabago ng gawi. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis na makapagpapabuti sa pag-uugali kaysa sa mismong pag-aaral ng pag-uugali. Ang pagtutuon sa hindi karapat-dapat na ugali ay maaaring humantong sa hindi karapat-dapat na ugali. Iyan ang dahilan kaya binibigyang-diin natin nang husto ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo” (“Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17). Ang mga miting ay walang bayad at kumpidensyal. Pumunta sa AddictionRecovery.ChurchofJesusChrist.org upang makahanap ng isang miting na malapit sa iyo.
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga pahayag ng mga lider ng Simbahan ay tutulong sa ating simulan ang ating pagrekober. Ang pag-aaral na ito ay nakadaragdag sa ating pag-unawa at tumutulong sa ating matuto. Ginagamit natin ang mga sumusunod na banal na kasulatan, pahayag, at tanong para sa mapanalanging personal na pag-aaral, pagsulat, at talakayan ng grupo.
Maaaring mag-alala ka na kailangan mong magsulat, ngunit malaki ang maitutulong ng pagsulat sa iyong pagrekober. Ang pagsulat ay nagbibigay sa atin ng oras upang magnilay-nilay, tumutulong sa atin na ituon ang ating pag-iisip, at tumutulong sa atin na makita at maunawaan ang mga isyu, kaisipan, at gawi na nakapalibot sa ating mga adiksiyon. Sa pagsulat natin, magkakaroon rin tayo ng rekord ng mga naiisip natin. Habang umuunlad tayo sa mga hakbang, makikita natin ang ating pag-unlad. Sa ngayon, maging totoo at tapat lamang sa pagsulat ng iyong mga naiisip, nadarama, at impresyon.
Kumbinsido ka bang wala kang kapangyarihan sa iyong adiksiyon?
“Ang adiksiyon ay may kakayahang tanggalin ang kalooban ng tao at pawalang-saysay ang kalayaang moral. Maaari nitong agawin sa isang tao ang kapangyarihang magpasiya” (Boyd K. Packer, “Revelation in a Changing World,” Ensign, Nob. 1989, 14).
-
Ano ang mga palatandaan na wala akong kapangyarihan sa aking mga nakaluulong na gawain?
-
Paano ako naaapektuhan ng aking adiksiyon?
-
Ano ang mga sikreto na itinatago ko sa iba?
-
Saan na ako nakaabot upang maipagpatuloy ang aking nakalululong na gawain?
-
Anong mga moralidad o pamantayan ang nilabag ko?
-
Paano ko pinangatwiranan ang mga pagpiling ito?
Gutom at uhaw
“Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin” (Mateo 5:6).
“At ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa; at sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya; oo, at nang dumating ang gabi ay inilakas ko pa ang aking tinig sa kaitaasan kung kaya’t iyon ay nakarating sa kalangitan” (Enos 1:4).
-
Sa dalawang banal na kasulatang ito, nalaman natin na nagugutom ang ating mga kaluluwa. Nadama ko na ba na hungkag ang aking kalooban, kahit hindi ako gutom sa pisikal? Ano ang sanhi ng kahungkagang iyon?
-
Paano ako natutulungan ng gutom para sa mga bagay ng Espiritu na maging mas matapat?
Katapatan
“Maaaring ituring ng ilan na ang pagiging matapat ay napakaordinaryong bagay. Ngunit naniniwala ako na ito ang pinakadiwa ng ebanghelyo. Kung walang katapatan, ang buhay natin … ay mapupuno ng kasamaan at kaguluhan” (Gordon B. Hinckley, “We Believe in Being Honest,” Ensign, Okt. 1990, 2).
-
Sa anong mga paraang nagsinungaling ako at nagtangkang itago ang aking adiksiyon mula sa aking sarili at sa iba? Paano nagdulot ng “kasamaan at kaguluhan” ang gawaing ito?
Pagpapakumbaba
“At ngayon, dahil sa kayo ay napilitang magpakumbaba, kayo ay pinagpala; sapagkat ang isang tao kung minsan, kung siya ay napilitang magpakumbaba, ay naghahangad na magsisi; at ngayon, tiyak na ang sinumang magsisisi ay makasusumpong ng awa, at siya na nakasumpong ng awa at makapagtitiis hanggang katapusan, siya rin ay maliligtas” (Alma 32:13).
-
Anong mga sitwasyon ang nagtulak sa akin na magpakumbaba at magsisi?
-
Anong pag-asa ang ibinigay sa akin ni Alma? Paano ko mahahanap o matatanggap ang pag-asang iyon?
Napipiit ng mga tukso
“Ako ay napipiit dahil sa mga tukso at kasalanang madaling bumibihag sa akin.
“At kapag nais kong magsaya, ang aking puso ay dumaraing dahil sa aking mga kasalanan; gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala.
“Ang aking Diyos ang aking naging tagapagtaguyod; pinatnubayan niya ako sa aking mga kahirapan sa ilang; at pinangalagaan niya ako sa ibabaw ng tubig ng malawak na dagat.
“Pinuspos niya ako ng kanyang pag-ibig, maging hanggang sa madaig ang aking laman” (2 Nephi 4:18–21).
-
Noong nagulumihanan si Nephi, kanino siya nagtiwala?
-
Ano ang magagawa ko upang mas magtiwala sa Panginoon?
“Aking nalaman na ang tao ay walang kabuluhan”
“At ito ay nangyari na, na maraming oras ang lumipas bago natanggap muli ni Moises ang kanyang likas na lakas tulad ng sa tao; at sinabi niya sa kanyang sarili: Ngayon, sa kadahilanang ito, aking nalaman na ang tao ay walang kabuluhan, siyang bagay na hindi ko inakala kailanman” (Moises 1:10).
-
Sa anong mga paraan ako walang kabuluhan kapag wala ang tulong ng Diyos?
-
Sa anong mga paraan ako walang hanggan ang kahalagahan?
-
Paanong ang pagkilala sa aking pangangailangan na umasa sa Diyos ay mag-uudyok sa akin na aminin ang aking sariling “kawalang-kabuluhan” at maging tulad ng isang maliit na bata? (Mosias 4:5; tingnan din sa Mosias 3:19).