Adiksyon
Hakbang 6: Maging lubos na handa upang maalis ng Diyos ang lahat ng kahinaan ng ating pagkatao


“Hakbang 6: Maging lubos na handa upang maalis ng Diyos ang lahat ng kahinaan ng ating pagkatao,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)

“Hakbang 6,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober

lalaking nakangiti sa isang grupo

Hakbang 6: Maging lubos na handa upang maalis ng Diyos ang lahat ng kahinaan ng ating pagkatao.

4:4

Pangunahing Alituntunin: Pagbabago ng Puso

Marami sa atin ang nakasumpong ng tagumpay at pagpapagaling sa pamamagitan ng hakbang 5. Tayo ay namangha sa at nagpapasalamat para sa pagbabago sa ating mga sarili. Nadama ng karamihan sa atin na hindi na tayo madali at madalas na matukso ng adiksiyon. Nagsimula nang makita ng ilan sa atin ang mga pagpapala ng pagrekober. Nadama nating lahat na mas malapit tayo sa Ama sa Langit at nagkaroon tayo ng higit na kapayapaan sa ating mga buhay. Sa gayong mga malalaking pagbabago, ang ilan sa atin ay nagtaka kung ito lamang ba ang kailangan nating gawin. Ngunit kailangan pa rin natin ng higit pang pagpapagaling upang magpatuloy at mapanatili ang ating pagrekober.

Napansin natin na dahil sa pag-iwas ay naging mas kapansin-pansin ang mga kahinaan ng pagkatao natin. Dahil hindi na natin ginagamit ang adiksiyon bilang pagtakas, mas malinaw nating nakikita ang ating mga isyu. Sinikap nating kontrolin ang ating mga negatibong naiisip at nadarama, ngunit muli’t muling bumabalik ang mga ito, nananakot at nagbabanta sa ating mga bagong buhay sa pagrekober. Natukso tayong gamitin ang ating mga nakalululong na gawain at sariling kalooban upang subukang kontrolin ang mga kahinaan sa pagkatao natin at makayanan ang stress tulad ng nagawa natin sa ating nakaraan.

Hinikayat tayo ng mga yaong nakaunawa sa mga espirituwal na aspeto ng pagrekober na matukoy na bagama’t maganda ang lahat ng panlabas na epekto sa ating mga buhay, si Jesucristo ay may higit na biyaya para sa atin. Ipinaunawa sa atin ng iba na kung nais nating hindi lamang iwasan ang ating mga adiksiyon kundi mawalan ng hangarin na balikan ang mga ito, kailangan nating makaranas ng pagbabago sa puso. Ang pagnanais na ito para sa isang pagbabago sa puso ay ang layunin ng hakbang 6.

Maaaring mapaisip ka kung paano mo maisasakatuparan ang gayong pagbabago. Ang hakbang 6, tulad ng mga hakbang na nauna rito, ay tila isang napakalaking hamon. Huwag kang panghinaan ng loob dahil dito. Masakit man, maaaring kailangan mong tanggapin, tulad namin, na ang pagtukoy at pag-amin sa mga kahinaan ng pagkatao natin sa mga hakbang 4 at 5 ay hindi nangangahulugang handa na tayong talikuran ang mga ito. Maaari pa rin tayong kumapit sa ating mga dating gawi habang sinisikap nating makayanan ang stress.

Ang pinakanakapagpapakumbabang bagay na tanggapin ay na maaaring sinusubukan nating baguhin ang ating mga sarili nang wala ang tulong ng Diyos. Ang hakbang 6 ay nangangailangan na isuko natin sa Diyos ang lahat ng natitirang kapalaluhan at sariling kalooban. Tulad ng mga hakbang 1 at 2, ang hakbang 6 ay nangangailangan na patuloy tayong magpakumbaba ng ating mga sarili at tanggapin natin ang ating pangangailangan para sa nakatutubos at nakapagpapabagong kapangyarihan ni Cristo. Ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo ang nagtulot sa atin na magawa ang bawat hakbang hanggang sa makarating sa bahaging ito. Ang hakbang 6 ay hindi naiiba.

Sa paglapit natin kay Jesucristo at paghingi ng tulong para sa hakbang na ito, hindi tayo mabibigo. Kung tayo ay magtitiwala sa Kanya at magtitiyaga sa proseso, makikita natin na unti-unting napapalitan ng pagpapakumbaba ang ating kapalaluan. Matiyaga Niyang hihintayin na mapagod tayo sa ating mga pagsisikap na mag-isang magbago nang walang tulong. Sa sandaling bumaling tayo sa Kanya, muli nating masasaksihan ang Kanyang pagmamahal at kapangyarihan. Sa halip na kumapit sa mga dating gawi, maaari tayong magkaroon ng bukas na isipan habang ang Espiritu ay malumanay na nagmumungkahi ng isang mas mahusay na paraan ng pamumuhay. Ang ating takot sa pagbabago ay mawawala habang natatanto natin na nauunawaan ni Jesucristo ang sakit at sigasig na kailangan dito. Muli, ito ay nangyayari sa paglipas ng panahon at naiiba para sa bawat isa sa atin. Ito ay pagsasanay ng patuloy na pagbibigay ng ating mga kalooban sa Panginoon. Ito ay isang proseso at hindi minsanang kaganapan.

Kapag naisapuso na natin ang proseso ng paglapit kay Cristo, ang mga maling paniniwala na nagpapasiklab sa ating mga negatibong naiisip at nadarama ay mapapalitan ng katotohanan. Lalakas tayo kapag patuloy nating pinag-aralan at isinabuhay ang salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng patotoo ng iba, tutulungan tayo ng Panginoon na malamang kaya tayong pagalingin ng Kanyang kapangyarihan. Ang pagnanais na sisihin ang iba o mangatwiran upang makaiwas sa mapaghamong prosesong ito ay mapapalitan ng pagnanais na maging responsable sa Kanya at maging masunurin sa Kanyang kalooban. Sa pamamagitan ng propetang si Ezekiel, ipinahayag ng Panginoon, “Bibigyan ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman” (Ezekiel 36:26).

Nais ng Tagapagligtas na pagpalain tayo at baguhin ang ating mga likas na pag-uugali. Kapag hinayaan natin Siyang gawin ito, magiging mas nagkakaisa tayo sa Kanya, tulad ng pagkakaisa Niya sa Ama sa Langit. Nais ng Tagapagligtas na bigyan tayo ng kapahingahan mula sa pag-iisa at takot na nakaambag sa ating mga adiksiyon. Nais Niyang pagpalain tayo ng Kanyang biyaya at kapangyarihang makukuha natin sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Kapag nagpasakop tayo sa mga pahiwatig ng Espiritu at umasa sa Diyos para sa kaligtasan hindi lamang mula sa pagkagumon kundi mula sa mga kahinaan ng pagkatao, babaguhin Niya ang ating disposisyon at pagkatao kung handa tayo. Ang sumisidhing pagnanais na mapabanal ng Diyos ay maghahanda sa atin na baguhin ang ating mga likas na pag-uugali. Inilarawan ni Pangulong Ezra Taft Benson ang pagbabagong ito sa sumusunod na paraan:

“Binabago ng Panginoon ang kalooban. Binabago ng mundo ang panlabas na anyo. Maiaalis ng daigdig ang mga tao mula sa mga magugulo at maruruming lugar. Inaalis ni Cristo ang di-magagandang ugali ng mga tao, at inaalis naman nila ang kanilang sarili sa magulo at maruming lugar. Hinuhubog ng daigdig ang mga tao sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang kapaligiran. Binabago ni Cristo ang mga tao, na siya namang nagbabago ng kanilang kapaligiran. Mahuhubog ng daigdig ang kilos ng mga tao, subalit mababago ni Cristo ang ugali ng mga tao. …

“Nawa’y magtiwala tayo na si Jesus ang Cristo, magpasiyang sundin Siya, magbago para sa Kanya, mapatnubayan Niya, magpasakop sa Kanya, at maisilang na muli” (“Born of God,” Ensign, Nob. 1985, 6–7).

Mga Hakbang na Gagawin

Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at tumanggap ng patnubay at kapangyarihang kailangan upang magawa ang susunod na hakbang sa ating pagrekober.

Maging handang magbago sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos

Nang una nating malaman ang tungkol sa hakbang 6, sinabi ng ilan sa atin, “Siyempre, handa akong alisin ng Diyos ang aking mga kahinaan!” Nakadama tayo ng kabiguan sa maraming bigong pagtatangka na daigin ang ating mga kahinaan nang mag-isa. Gayunpaman, nang tayo ay magnilay at makatanggap ng input mula sa ating mga sponsor, natanto natin na mas nag-aatubili tayong bitawan ang ating mga kahinaan kaysa sa inakala natin.

Tinulungan tayo ng Banal na Espiritu at ng iba pa na makitang madalas nating gamitin ang ating mga kahinaan bilang mga pananggang mekanismo o bilang mga paraan upang mapataas ang tingin natin sa ating mga sarili. Halimbawa, ang ilan sa atin ay gumagamit ng sama ng loob at ng pakiramdam na nakatataas sa iba kapag nakadama tayong may banta. Gusto natin ang pakiramdam na tama tayo bagaman madalas ay mali tayo.

Ibinababa ng ilan sa atin ang ating mga sarili at binabawasan ang ating banal na katangian upang hindi tayo masaktan ng iba. Inakala natin na kung mauuna nating insultuhin ang ating mga sarili, ang ibang hahamak sa atin ay aabot lamang sa parehong konklusyong naabot na natin.

Ngunit ang mga hindi magagandang tugon na ito sa mga hamon ay nagmula sa mga kahinaan ng pagkatao natin, hindi sa ating mga kalakasan. Natakot tayo na kung bibitawan natin ang ating mga kahinaan, mas madali tayong masasaktan. Ngunit nang hayaan nating alisin ng Diyos ang ating mga kahinaan at makipagtulungan tayo sa ating mga sponsor, natuklasan natin kung gaano tayo kamahal ng Diyos.

Inaanyayahan ka naming mamulat sa iyong tunay na halaga at ilagay ang iyong lakas ng loob sa pangangalaga ng Diyos sa halip na sa iyong sariling mga pananggol.

Maghanap ng koneksyon sa iba sa pagrekober at sa simbahan

Habang naging mas komportable tayo sa ibang tao sa pagrekober, nasimulan nating makita na mas katulad natin sila kaysa sa ipinalagay natin. Habang nagkukuwento tayo at nakikinig sa pagbabahagi ng ibang tao, lumago ang ating pakikiramay. Nasimulan nating matukoy ang karaniwang kalagayan ng lahat ng anak ng Diyos at mas naging komportable tayo sa paligid nila. Inanyayahan tayo ng mga kapamilya, mga kaibigan, at mga lider ng Simbahan na bumalik sa simbahan o na patibayin ang ating mga kasalukuyang pangako. Sa halip na manlaban o magdahilan, nagpasya tayong magsimba. Unti-unti nating nalaman na ang maraming bagay na gusto natin tungkol sa mga recovery meeting ay bahagi rin ng pagsamba sa simbahan.

Noong bininyagan tayo, iilan lamang sa atin ang nakaunawa sa panghabang-buhay na proseso ng tunay na pagbabalik-loob. Gayunpaman, malinaw itong ipinaliwanag ni Pangulong Marion G. Romney: “Sa isang taong tunay na nagbalik-loob, ang pagnanais sa mga bagay na salungat sa ebanghelyo ni Jesucristo ay nawala nang lubusan. Ang pumalit dito ay ang pagmamahal sa Diyos, na may matatag na determinasyong sundin ang kanyang mga utos” (sa Conference Report, Guatemala Area Conference 1977, 8).

Habang nararanasan natin ang himala ng patuloy na pagrekober—una mula sa mga nakalululong na gawain at pagkatapos ay mula sa mga kahinaan ng pagkatao natin—makararanas tayo ng tunay na pagbabalik-loob. Tayo ay magigising at matatauhan tulad ng alibughang anak na “[n]atauhan” (Lucas 15:17).

Pag-aaral at Pag-unawa

Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa ating pagrekober. Maaari nating gamitin ang mga ito para sa pagninilay, pag-aaral, at pagsusulat sa journal. Dapat nating tandaan na maging tapat at tiyak sa ating pagsusulat upang lubos na makinabang dito.

Talikuran ang lahat ng iyong mga kasalanan

“Sinabi ng hari … [A]no ang nararapat kong gawin upang isilang sa Diyos, nang ang masamang espiritung ito ay mabunot mula sa aking dibdib, at matanggap ang kanyang Espiritu, upang ako ay mapuspos ng galak. … Tatalikuran ko ang lahat ng aking pag-aari … upang matanggap ko ang labis na kagalakang ito. …

“Lumuhod ang hari sa harapan ng Panginoon, sa kanyang mga tuhod; oo, maging sa itinirapa niya ang kanyang sarili sa lupa, at nagsumamo nang taimtim, sinasabing:

“O Diyos, … Tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo, at upang magbangon ako mula sa pagkamatay at maligtas sa huling araw” (Alma 22:15, 17–18).

  • Basahing muli nang mabuti ang mga talatang ito. Anong mga hadlang, kabilang na ang mga saloobin at damdamin, ang pumipigil sa aking talikuran ang “lahat ng aking kasalanan” at mas lubos na tanggapin ang Espiritu ng Panginoon?

Pakikibahagi sa kapatiran ng Simbahan

“At ngayon, dahil sa tipang inyong ginawa, kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; sapagkat masdan, sa araw na ito kayo ay kanyang espirituwal na isinilang; sapagkat sinasabi ninyo na ang inyong mga puso ay nagbago sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan; anupa’t kayo ay isinilang sa kanya at naging kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae” (Mosias 5:7).

Kapag tinaglay natin sa ating mga sarili ang pangalan ni Cristo at napalakas tayo ng Kanyang Espiritu, nasisimulan nating madama na kabilang tayo sa mga Banal—mga kapatid na nabinyagan at naging bahagi ng Kanyang pamilya sa mundo.

  • Habang mas nakikilala ko ang aking mga kapwa Banal, paano ako naging mas handang makibahagi sa kapatiran ng Simbahan?

Makaranas ng pagtubos

“Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos, at naging gayon mula pa sa pagkahulog ni Adan, at magiging gayon, magpakailanman at walang katapusan, maliban kung kanyang bigyang-daan ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig” (Mosias 3:19).

Marami sa atin ang nagiging Banal sa pangalan lamang kapag bininyagan at naggugol ng nalalabi nating mga buhay sa paghihirap na “hubarin ang likas na tao” at taglayin ang mga katangiang nakalista sa talatang ito.

  • Paano ako inihanda ng paghihirap na ito na tanggapin na tanging sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Cristo—sa pakikiisa kay Jesucristo at sa Ama sa Langit—makararanas ng pagtubos?

Lumapit kay Cristo

Itinuro ni Elder Richard G. Scott: “Kahit ano ang pinagmumulan ng hirap at kahit paano mo sisimulang makadama ng kapanatagan—sa pamamagitan ng isang kwalipikadong propesyonal na therapist, doktor, priesthood leader, kaibigan, magulang na nag-aalala, o mahal sa buhay—paano ka man magsisimula, ang mga solusyong iyon ay hindi kailanman magbibigay ng ganap na kasagutan. Nangyayari ang lubusang paggaling sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo, nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu at pagsunod sa Kanyang mga kautusan” (“To Be Healed,” Ensign, Mayo 1994, 9).

Walang laki ng suporta o kapatiran—kahit sa mga recovery group o kongregasyon ng Simbahan—ang magdudulot ng kaligtasan. Maaaring suportahan at tulungan tayo ng ibang tao sa ating paglalakbay, ngunit sa huli dapat ay lumapit tayo kay Cristo Mismo.

  • Paano nagsimula ang aking paglalakbay sa pagrekober?

  • Sino ang naging kasangkapan sa pagtulong sa akin na makapunta sa landas tungo sa pagsisisi at pagrekober? Paano ako inakay ng kanilang halimbawa tungo sa Tagapagligtas?

  • Ano ang natutuhan ko tungkol sa Tagapagligtas na nakatulong o nakaimpluwensya sa aking hangarin o kakayahan na baguhin ang aking gawi?

Maging matiyaga sa proseso

“Kayo ay maliliit na bata at hindi ninyo makakaya ang lahat ng bagay sa ngayon; kailangan kayong lumaki sa biyaya at sa kaalaman ng katotohanan.

“Huwag matakot, maliliit na bata, sapagkat kayo ay akin, at aking nadaig ang daigdig; …

“At wala sa kanila na ibinigay ng Ama sa akin ang mawawala” (Doktrina at mga Tipan 50:40–42).

Kung minsan ay nawawalan tayo ng tiyaga o pinanghihinaan tayo ng loob dahil hindi natatapos ang proseso ng pagrekober. Ipinapakita ng mga talatang ito ang pagtitiyaga ni Jesucristo at ng Ama sa Langit sa atin na parang “maliliit na bata.” Ipamuhay ang mga talatang ito sa pamamagitan ng pagsulat sa mga ito na parang ikaw ang pinatutungkulan nito.

  • Paano ako pinalalakas ng mga pangako sa banal na kasulatang ito kapag pinaghihinaan ako ng loob?

Tumanggap ng tulong mula kay Jesucristo

“Mga minamahal kong kapatid, matapos na kayo ay mapasamakipot at makitid na landas, itatanong ko kung ang lahat ay nagawa na? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; sapagkat hindi pa kayo nakalalapit maliban sa ito ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo na may hindi matitinag na pananampalataya sa kanya, na umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas.

“Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:19–20).

  • Paano ako tinutulungan ni Jesucristo sa makipot at makitid na landas?

  • Paano ako natutulungan ng aking nag-iibayong pagmamahal sa Diyos at sa ibang tao na makawala mula sa adiksiyon, patuloy na umiwas, at ibalik ang aking pag-asa sa buhay na walang hanggan?