Adiksyon
Pambungad


“Pambungad,” Pagpapagaling sa Pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Programa sa Pagbawi ng Adiksyon 12-Step Recovery Guide (2023)

“Pambungad,” Ang Programang Pagbawi ng Adiksyon 12-Step Recovery Guide

mga kamay na magkakakapit

Pambungad

Una at pinakamahalaga, nais naming malaman mo na may pag-asa para sa pagrekober mula sa adiksiyon. (“Kami” ay kalalakihan at kababaihan na nagdusa sa mga mapaminsalang epekto ng iba’t ibang adiksiyon at nakaranas ng pangmatagalang pagrekober.) Kami ay nakaranas ng matinding kalungkutan, ngunit nakita namin ang kapangyarihan ng Tagapagligtas na palitan ang aming nakapanlulumong pagkagapi ng maluwalhati at espirituwal na tagumpay. Kami na dating nabubuhay bawat araw na may lungkot, pangamba, takot, at galit ay maligaya at payapa na ngayon. Nakita namin ang mga himala sa aming mga buhay at sa buhay ng iba na nabitag ng adiksiyon.

Nakakakilabot ang aming naging bayad sa sakit at pagdurusa dahil sa aming mga adiksiyon. Ngunit pinagpala kami ng Diyos habang ginagawa namin ang bawat hakbang sa pagrekober. Nakita namin ang aming mga sarili bilang mga minamahal na anak ng Diyos. Dahil kami ay espirituwal na naliwanagan, araw-araw naming sinisikap na palalimin pa ang aming kaugnayan sa Ama sa Langit; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; sa aming sarili; at sa ibang tao. Sa madaling salita, ginawa ng Tagapagligtas para sa amin ang hindi namin magagawa para sa aming mga sarili.

Itinuturing ng ilang tao na masamang bisyo lamang ang adiksiyon na kayang pigilan kung gugustuhin, ngunit kami ay lubhang nalulong na sa gawain o sangkap kung kaya’t hindi na namin alam kung paano iwasan ito. Nawalan kami ng pananaw at ng diwa ng iba pang prayoridad sa aming mga buhay. Wala nang ibang mahalaga kundi matugunan ang aming desperadong pangangailangan. Kapag sinusubukan naming pigilan ito, nakararanas kami ng matitinding pisikal, sikolohikal, at emosyonal na pananabik. Habang nagpapadala kami sa aming mga pananabik at adiksiyon, nababawasan o nahihigpitan ang aming kakayahan na gamitin ang aming kalayaang pumili. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer, “Ang adiksiyon ay may kakayahang tanggalin ang kalooban ng tao at pawalang-saysay ang kalayaang moral.” (“Revelation in a Changing World,” Ensign, Nob. 1989, 14).

Sinimulan namin ang proseso ng pagrekober sa pamamagitan ng pagiging mapagpakumbaba at tapat, sa pamamagitan ng pagtawag sa Diyos at sa iba para sa tulong, at sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na nakabalangkas sa gabay na ito. Itinuro sa amin ng 12 hakbang ng pagrekober kung paano ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Sinabi ni Pangulong Jeffrey R. Holland: “Nakikipaglaban ka ba sa demonyong adiksyon—tabako o droga o sugal, o … pornograpiya? … Anuman ang iba pang mga hakbang na kailangan ninyong gawin para malutas ang mga alalahaning ito, unahin ang ebanghelyo ni Jesucristo” (“Mga Sirang Bagay na Aayusin,” Liahona, Mayo 2006, 70).

Itinuturo sa atin sa mga hakbang 1–3 kung paano manampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang mga hakbang 4–9 ay magdadala sa atin sa proseso ng lubos na pagsisisi. Hinihikayat tayo ng mga hakbang 10–12 na maging responsable, humingi ng banal na patnubay at kapangyarihan na manatili sa landas ng tipan, ibahagi sa iba ang himalang dumating sa ating mga buhay, at magtiis hanggang wakas.

Marami sa amin na nabubuhay sa pagrekober ay nakikibahagi pa rin sa Addiction Recovery Program. Nakakakita kami ng malaking suporta sa aming pagnanais na mapanatili ang aming kalayaan mula sa adiksiyon. At pinagpapala kami kapag sinisikap naming tulungan ang iba na alipin ng adiksiyon. Matatag kaming naniniwala na nabago kami sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tulad ng mga Anti-Nephi-Lehi sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Alma 24:17–19), nakaranas kami ng pagpapagaling at pagbabago sa aming likas na katangian sa pamamagitan ng biyaya at kapangyarihan ni Jesucristo. Ayaw naming mawala ang kaloob na iyan, kaya araw-araw ay pinipili naming alalahanin ang lubos naming pag-asa sa Kanya. Habang patuloy kaming nakikibahagi sa Addiction Recovery Program, ipinaaalala sa amin na ang adiksiyon ay makapangyarihan at sa huli ay maaari kaming bumalik dito sa halip na sa Diyos kung malilimutan namin ang mga katotohanang ito. Ang hangarin namin ay mapanatili ang biyaya na ibinigay sa amin ng Diyos.

Kung sa palagay mo ay may adiksiyon ka at may kahit pinakamaliit na hangarin kang makalaya at handa ka sa “pagsubok” sa salita ng Diyos (Alma 32:27), inaanyayahan ka naming sumama sa amin sa pag-aaral at pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo tulad ng itinuro sa gabay na ito. Tinitiyak namin sa iyo na kung susundin mo ang landas na ito nang taos sa puso, mahahanap mo ang kapangyarihang kailangan mo upang makarekober sa adiksiyon. Ang kapangyarihang ito ay tinatawag na biyaya. “Tinutulungan tayo ng biyaya ng Diyos sa bawat araw. Pinalalakas tayo nito upang magawa ang mabubuting bagay na hindi natin magagawa nang mag-isa.” (Mga Paksa at Mga Tanong, “Biyaya,” Gospel Library). Sa pagsasabuhay mo ng bawat isa sa 12 hakbang na ito nang buong katapatan, palalakasin ka ng Tagapagligtas at iyong “malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa [iyo]” (Juan 8:32).

Alam namin batay sa aming sariling karanasan na maaari kang makawala sa mga tanikala ng adiksiyon. Kahit na sa pakiramdam mo ay naligaw ka ng landas at wala ka nang pag-asa, ikaw ay anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Kung hindi mo man madama ang katotohanang ito, ang mga alituntuning ipinapaliwanag sa gabay na ito ay makatutulong sa iyong madama itong muli at maitimo sa iyong puso. Ang mga alituntuning ito ay makatutulong sa iyong lumapit kay Cristo at tulutan Siya na baguhin ka. Habang isinasabuhay mo ang mga hakbang, magiging sandigan mo ang kapangyarihan ng Tagapagligtas at palalayain ka Niya mula sa pagkaalipin.

Inaanyayahan ka naming mga nasa pagrekober, taglay ang lahat ng aming pakikiramay at pagmamahal, upang makiisa sa amin sa maluwalhating buhay ng pag-asa, kalayaan, at kagalakan, yakap ng bisig ni Jesucristo na ating Manunubos. Tulad naming gumaling, ikaw ay gagaling din at matatamasa mo ang lahat ng pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Mga Hakbang na Gagawin

Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at matanggap ang patnubay at kapangyarihang kailangan upang magpatuloy sa ating pagrekober. Mangyaring tandaan na makipagtulungan sa iyong sponsor.

Magtuon sa ating walang hanggang identidad

Nang tanungin si Pangulong Russell M. Nelson kung paano tutulungan ang mga nahihirapan sa adiksiyon, sumagot siya, “Ituro sa kanila ang kanilang pagkatao at layunin” (sa Tad R. Callister, “Our Identity and Our Destiny” [Brigham Young University devotional, Ago. 14, 2012], speeches.byu.edu). Ang bawat isa sa atin ay anak ng mapagmahal na Diyos. Alam natin na mahal Niya tayo at aktibo Niyang inaalagaan tayo.

Ngunit hindi kami palaging ganito mag-isip noon. Kumbinsido ang ilan sa amin na wala Siya. Walang pakialam ang ilan sa amin. Naniwala ang ilan sa amin na nariyan Siya ngunit Siya ay masyadong galit o nabigo sa atin upang tumulong. Para sa halos lahat sa amin, ang hindi pagkakaunawaan sa aming relasyon sa Diyos ay humantong sa isang hadlang na pumigil sa amin na humingi ng tulong sa Kanya. Sa halip, bumaling kami sa mga nakalululong na sangkap o gawain upang matulungan kaming makayanan ang mga hamon sa buhay. Madalas kaming pumasok sa mga negatibong siklo. Kami ay nagpakasasa, na humantong sa mga damdamin ng pagkabagabag ng budhi at kahihiyan, at ito ay humantong sa higit pang pagpapakasasa upang matabunan ang sakit ng mga emosyon na ito. Ang pag-unawa sa aming pagkakakilanlan at layunin bilang mga anak ng Diyos ay nagbigay sa amin ng kapangyarihang putulin ang mga siklo na ito.

Nalaman din namin ang pagkakaiba ng pagkabagabag ng budhi at kahihiyan. Ang pagkabagabag ng budhi ay masamang pakiramdam tungkol sa isang bagay na nagawa natin, at ang kahihiyan ay masamang pakiramdam tungkol sa kung sino tayo. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ang kahalagahan ng pagkakasala sa ganitong paraan: “Ang nababagabag na budhi sa ating espiritu ang katumbas ng sakit na nadarama ng ating katawan—isang babala ng panganib at proteksyon mula sa karagdagang pinsala” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Liahona, Mayo 2013, 44). Bago gumaling, marami sa amin ang sa halip ay nakaramdam ng kahihiyan, ipinapalagay na kami ay tuluyang nasira at hindi karapat-dapat na mahalin ng Diyos o ng sinuman.

Gayunman, nang makita namin ang aming banal na katangian at aminin ang pangangailangan namin sa tulong ng langit upang makarekober mula sa adiksiyon, nagsimula naming makita ang aming mga sarili tulad ng nakikita sa amin ni Jesucristo: mga lalaki at babaeng may espirituwal na karamdaman na nagsisikap na gumaling sa pamamagitan ng Kanyang biyaya sa halip na masasamang lalaki at babae na nagsisikap na maging sapat na mabuti upang matamo ang Kanyang pagmamahal.

Inaanyayahan ka naming magsanay na maniwala na ikaw ay anak ng Diyos at mahal ka Niya anuman ang iyong nagawa. Bagama’t totoo na nililimitahan ng masasamang pagpili ang ating mga oportunidad, ang ating kahalagahan sa Diyos ay hindi kailanman magbabago. Mahal Niya tayo dahil tayo ay Kanyang mga anak, hindi dahil sa ating mga pagpili: “Kahit nagkukulang tayo, lubos tayong mahal ng Diyos. Kahit hindi tayo perpekto, sakdal ang pag-ibig Niya sa atin. Kahit nadarama nating naligaw tayo at walang gabay, yakap tayo ng pag-ibig ng Diyos.” (Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pag-ibig sa Diyos,” Liahona, Nob. 2009, 22).

Magkusang umiwas

Sa wakas ay handa na kaming umiwas nang ang sakit na dulot ng problema ay naging mas malala pa sa sakit na dulot ng solusyon. Dumating ka na ba sa puntong iyon? Kung hindi pa at patuloy ka pa rin sa iyong adiksiyon, siguradong darating ka sa puntong iyon dahil ang adiksiyon ay isang problemang palala nang palala. Ito ay isang degenerative na karamdaman na nag-aalis ng ating kakayahan na mamuhay nang normal.

Sa una, ang pananatiling lubos na matino ay tila napakahirap para sa amin. Ngunit habang patuloy kaming nakikinig mula sa iba na natagpuan ang katiwasayan at katinuan na hinahangad namin, nagsimula kaming maniwala na maaari rin kaming makarekober.

Bago namin simulan ang proseso ng pagrekober, kailangan muna namin ang pagnanais na makarekober (tingnan sa Alma 32:27). Ang paglaya mula sa adiksiyon ay nagsisimula sa kahit katiting na kahandaan. Kung hindi matindi at hindi tuluy-tuloy ang pagnanais mong gumaling ngayon, huwag kang mag-alala. Kapag kumilos ka, lalago ito! Nalaman namin na ang isa sa mga pinakamalakas na aksyon na maaari naming gawin ay ang manalangin at hilingin sa Diyos na dagdagan ang aming pagnanais na umiwas.

Kung wala ka pang pagnanais na simulan ang pagrekober, maaari mong kilalanin ang iyong pag-ayaw at isaalang-alang ang mga kapalit ng iyong adiksiyon. Ilista kung ano ang mahalaga sa iyo. Isipin mo ang iyong mga relasyon sa mga kapamilya at kaibigan, ang iyong relasyon sa Diyos, ang iyong espirituwal na lakas, ang iyong kakayahang tulungan at pagpalain ang iba, at ang iyong kalusugan. Pagkatapos ay tingnan mo ang pagkakaiba ng pinaniniwalaan at inaasam mo at ng ginagawa mo. Isipin mo kung paano sinisira ng ginagawa mo ang pinahahalagahan mo. Manalangin na tulungan ka ng Panginoon na makita ang iyong sarili at iyong buhay kung paano Niya nakikita ito—taglay ang lahat ng banal na potensyal na mayroon ka—at kung ano ang mawawala sa iyo kapag nagpatuloy ka pa rin sa iyong adiksiyon.

Ang pagkilala sa mawawala sa iyo sa pagpapatuloy sa iyong adiksiyon ay makatutulong sa iyong magkaroon ng pagnanais na tigilan ito. Kapag iyong natagpuan ang kahit pinakakatiting na pagnanais, masisimulan mo na ang unang hakbang. At habang ipinagpatuloy mo ang mga hakbang sa programang ito at nakita mong nagbabago ang buhay mo, lalong titindi ang iyong pagnanais.

Tandaan: Depende sa likas na katangian ng iyong adiksiyon, maaaring kailanganin mong humingi ng medikal na atensyon bago mo simulan ang iyong pagrekober. Mangyaring kumunsulta sa isang medikal na propesyonal.

Humingi ng suporta

Ang paglalakbay patungo sa pagrekober at paggaling ay mahaba at mahirap, ngunit hindi natin kailangang gawin ito nang mag isa. Ang pagpapagaling ay nangangailangan ng lubos na katapatan. Ang pagkakaila, panlilinlang sa sarili, at paghihiwalay sa sarili ay nagpapahirap sa pagkamit ng pangmatagalan at matatag na pag-unlad sa pagrekober. Mahalaga para sa atin na humingi ng suporta sa iba sa lalong madaling panahon. Maraming tao ang handang suportahan at tulungan tayo. Sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2011], 100).

Ang paghingi ng tulong sa Diyos at sa iba ay hindi lamang magbibigay ng pampalakas ng loob na kailangan natin upang ipagpatuloy ang paglalakbay kundi tutulungan din tayong tandaan na karapat-dapat tayong tulungan. Kapag humingi ka ng tulong, magugulat ka sa tindi ng pagmamahal at pagtanggap na iyong mahahanap. Kapag mas nakikipag-ugnayan ka sa iba, mas marami kang pagkakataon na makatanggap ng pagmamahal at suporta sa pagtuklas ng tunay na paggaling at pagrekober.

Isaalang-alang ang iba’t ibang mga mapagkukunan ng suporta na magagamit mo at kung paano ka maaaring humingi ng tulong. Inirerekomenda namin ang paghahanap ng at pakikipagtulungan sa isang sponsor na matagumpay na isinabuhay ang 12 hakbang. Ang isang sponsor ay hindi kailanman nakatalaga. Hinihikayat ka naming mapanalanging isaalang-alang kung sino ang maaari mong hilingin na maging iyong sponsor sa lalong madaling panahon. Ang isang magandang lugar upang makahanap ng isang sponsor ay sa isang recovery meeting. Ang mga recovery meeting ay isang ligtas na lugar para sa atin upang magbahagi at matuto tungkol sa pagrekober.

Kabilang sa iba pang mahahalagang mapagkukunan ng suporta ang mga kapamilya, kaibigan, lider ng Simbahan, at therapist. Ang pinakapinagmumulan ng suporta ay ang Ama sa Langit. Ang pagpapasya kung kanino hihingi at kailan hihingi ng suporta ay isang personal na desisyon. Sa ilang pagkakataon, maaaring hindi ligtas o makatutulong sa atin na magtapat o humingi ng tulong sa ilang kapamilya o kaibigan. Gayunpaman, mahalaga na makakuha tayo ng mas maraming suporta mula sa mas maraming mapagkukunan hangga’t maaari. Para sa karagdagang impormasyon, mangyaring rebyuhin ang bahaging “Suporta sa Pagrekober” na matatagpuan sa apendiks ng gabay na ito.

Maaaring nahihiya tayong humingi ng suporta sa iba. Maaaring ayaw nating malaman ng iba ang ating mga problema o pagkakamali. Maaaring ayaw nating maging pabigat o pakiramdam natin ay hindi tayo karapat-dapat na tulungan. Ngunit nalaman natin na ang mga tao ay pinagpapala kapag humihingi tayo ng tulong sa kanila. Ang ika-12 hakbang ay tungkol sa paglilingkod at pagtulong sa iba. Kapag ang mga nasa pagrekober ay naglilingkod sa iba, sila ay napapalakas sa kanilang sariling pagrekober.

Pag-aaral at Pag-unawa

Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay tutulong sa iyong simulan ang pagrekober. Gamitin ang mga ito sa pagninilay, pag-aaral, at pagsulat. Tandaan na maging tapat at detalyado sa iyong pagsulat.

Ang aking banal na pagkatao

“Balikan ninyo ang nakaraan, at alalahanin na napatunayan ninyo ang inyong pagkamarapat bago kayo isinilang. Kayo ay magiting na anak ng Diyos, at sa tulong Niya, maaari kayong magtagumpay sa mga pakikibaka ninyo sa masamang mundong ito. Nagawa na ninyo ito noon, at magagawa ninyo itong muli.

“Isipin ninyo ang hinaharap. Totoong-totoo ang inyong mga problema at kalungkutan, ngunit hindi magtatagal ang mga ito magpakailanman” (Neil L. Andersen, “Sugatan,” Liahona, Nob. 2018, 85; idinagdag ang pagbibigay-diin).

  • Sa pagbabalik-tanaw, anong mga laban na ang napaglabanan at napanalunan ko?

  • Kailan ako nakatanggap ng tulong mula sa Panginoon sa aking buhay?

“Sa Simbahan naririnig ko sa maraming tao ang bagay na ito: ‘Hindi ako mahusay.’ ‘Ang laki-laki ng kakulangan ko.’ ‘Hindi ako kailanman magiging karapat-dapat.’ …

“… Bilang mga anak ng Diyos, hindi natin dapat ibinababa at minamaliit ang ating sarili, na para bang ang pagpaparusa sa ating sarili ay hahantong sa taong nais ng Diyos na kahinatnan natin. Hindi!” (Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Liahona, Nob. 2017, 40).

  • Paano ako matututo mula sa aking mga pagkakamali habang inaalala ko pa rin ang aking kahalagahan bilang anak ng Diyos?

  • Ano ang naisip ko tungkol sa paggamit ni Pangulong Holland ng salitang sa wakas sa pamagat ng kanyang mensahe?

Ang aking relasyon kay Jesucristo

“At nakita nila ang sarili sa kanilang makamundong kalagayan, maging higit na mababa kaysa sa alabok ng lupa. At silang lahat ay sumigaw nang malakas sa iisang tinig, sinasabing: O maawa, at gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang kami ay makatanggap ng kapatawaran ng aming mga kasalanan, at ang aming mga puso ay maging dalisay; sapagkat kami ay naniniwala kay Jesucristo, na Anak ng Diyos, na siyang lumikha ng langit at lupa, at lahat ng bagay; na siyang bababa sa mga anak ng tao” (Mosias 4:2).

Ang proseso ng pagrekober ay nangyayari kapag nakatuon tayo sa solusyon sa halip na sa problema. Kapag pinatitibay natin ang ating relasyon kay Jesucristo, bibigyan Niya tayo ng kapangyarihan at kapayapaan na kailangan natin upang mabuhay sa pagrekober.

  • Ano ang aking relasyon kay Jesucristo? Nagtitiwala ba ako na tutulungan Niya ako?

  • Kapag natutukoy ko ang sarili kong mga kahinaan, may lakas ba ako ng loob na bumaling sa aking Tagapagligtas para sa Kanyang nakatutubos na kapangyarihan? Bakit oo o bakit hindi? Kung hindi, paano ako magsisimula?

“Ayon sa mga banal na kasulatan ang kahulugan ng doktrina ni Cristo ay pagsampalataya kay Cristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas [tingnan sa 2 Nephi 31].

“Dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, makakaasa tayo sa ‘kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas,’ [2 Nephi 2:8], ‘maging ganap [kay Cristo],’ [Moroni 10:32], matamo ang bawat mabuting bagay, at makamit ang buhay na walang hanggan.

“Sa kabilang banda, ang doktrina ni Cristo ang paraan—ang tanging paraan—para matanggap natin ang lahat ng mga pagpapalang maaari nating matamo sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesus” (Brian K. Ashton, “Ang Doktrina ni Cristo,” Liahona, Nob. 2016, 106).

  • Ang 12 hakbang sa pagrekober ay tinatawag kung minsan bilang “mga hakbang ng sanggol” dahil ang mga ito ay mga hakbang na dumarami sa proseso ng paggamit ng doktrina ni Jesucristo sa problema ng adiksiyon. Paano makatutulong sa akin ang paggawa ng “mga hakbang ng sanggol” na ito upang matanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Ang pagnanais kong umiwas sa adiksiyon

“Kapag inalis na ninyo ang tuon sa mga panggagambala ng mundo, ang mga bagay na tila mahalaga sa inyo ngayon ay hindi na gaanong magiging prayoridad. Kakailanganin ninyong tanggihan ang ilang bagay, kahit tila hindi naman nakapipinsala ang mga ito. Kapag sinimulan at ipinagpatuloy ninyo habambuhay ang paglalaang ito ng inyong buhay sa Panginoon, mamamangha kayo sa mga pagbabago sa inyong pananaw, damdamin, at espirituwal na lakas!” (Russell M. Nelson, “Mga Espirituwal na Kayamanan,” Liahona, Nob. 2019, 78)

Ang pangakong ito, na ginawa ng isang propeta ng Diyos, ay nagbabalangkas sa mga kamangha-manghang pagbabagong posible kapag inilipat natin ang ating tuon sa Panginoon.

  • Anong mga gagawin ko araw-araw upang magtuon kay Jesucristo?

  • Anong mga makamundong bagay ang tatanggihan ko, nagtitiwala na ang mga ito ay “hindi na gaanong magiging prayoridad”?

“At sinabi [kay Alma] ng Panginoon: Huwag manggilalas na ang buong sangkatauhan, oo, kalalakihan at kababaihan, lahat ng bansa, lahi, wika at tao, ay kinakailangang isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae” (Mosias 27:25).

  • Ang aking kahandaang magbago ay susi upang matubos mula sa aking “nakahulog na kalagayan.” May pagnanais ba akong umiwas sa aking adiksiyon? Nadarama ko bang ayaw ko? Kung oo, bakit?

  • Ang kahandaan ay dumarating kapag isinasaalang-alang ko kung ano ang kabayaran ng aking mga adiksiyon sa akin at sa iba. Ano ang mga kabayaran sa aking adiksiyon?

  • Ano ang dulot nito sa aking kalusugan?

  • Ano ang dulot nito sa aking pamilya? aking mga relasyon? aking kakayahang tumulong sa iba?

  • Paano nakaaapekto ang aking adiksiyon sa aking relasyon sa Diyos?

Maghanap ng tulong

“Bilang mga alagad ni Cristo, hindi tayo makaiiwas sa mga hamon at pagsubok sa ating buhay. Madalas ay kailangan nating gumawa ng mahihirap na bagay na nakalulula kung tatangkaing mag-isa, at maaaring imposible. Sa pagtanggap natin sa paanyaya ng Tagapagligtas na ‘lumapit sa akin’ [Mateo 11:28], maglalaan Siya ng suporta, aliw, at kapayapaang kailangan” (John A. McCune, “Lumapit kay Cristo—Pamumuhay bilang mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Mayo 2020, 36).

  • Ang Tagapagligtas ay nagbibigay ng kinakailangang suporta, kapanatagan, at kapayapaan upang magawa ang mga napakahirap o imposibleng bagay. Paano ko mahahanap ang suporta at kapanatagan na ipinangako Niya?

  • Tila napahirap ba o marahil ay imposible ang pagrekober kung susubukan ko ito nang mag-isa?

  • Paano nakatutulong sa akin ang kaalaman na walang nalaligtas sa mga pagsubok sa kanilang mga buhay at lahat tayo ay nangangailangan ng suporta upang mawala ang pag-aatubili kong humingi ng tulong sa iba?

  • Nanalangin na ba ako kung sino ang hihilingin kong maging sponsor ko? May mga pangalan bang pumasok sa isip ko?

“Sa pamamagitan din ng biyaya ng Panginoon na ang mga indibiduwal, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsisisi ng kanilang mga kasalanan, ay makatatanggap ng lakas at tulong na gumawa nang mabuti na hindi nila magagawa sa sariling kakayahan lamang nila. Ang biyayang ito ay isang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan na nagtutulot sa kalalakihan at kababaihan na magtamo ng buhay na walang-hanggan at kadakilaan matapos nilang magawa ang lahat ng kanilang makakaya” (Bible Dictionary, “Grace”).

  • May mga pagkakataon na panandalian kong naisuko ang aking adiksiyon. Paano ako patuloy na mananatiling malaya sa adiksiyon, kahit na stressed o pinanghihinaan ako ng loob?