Adiksyon
Hakbang 7: Mapagpakumbabang hilingin sa Ama sa Langit na alisin ang ating mga kahinaan


“Hakbang 7: Mapagpakumbabang hilingin sa Ama sa Langit na alisin ang ating mga kahinaan,” Pagpapagaling sa Pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)

“Hakbang 7,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober

mga kamay na magkakakapit

Hakbang 7: Mapagpakumbabang hilingin sa Ama sa Langit na alisin ang ating mga kahinaan.

4:19

Pangunahing Alituntunin: Pagpapakumbaba

Ang lahat ng mga nakaraang hakbang ay naghanda sa atin para sa hakbang na ito. Ang hakbang 1 ay nakatulong sa atin na maging mapagpakumbaba at aminin na wala tayong kapangyarihan sa ating mga adiksiyon. Ang mga hakbang 2 at 3 ay nakatulong sa atin na magkaroon ng sapat na pananampalataya at lakas ng loob sa Panginoon upang humingi ng tulong sa Kanya. Ang ating mga imbentaryo mula sa hakbang 4 ay nakatulong sa atin na makita ang ating mga pagkatao at gawain nang mas malinaw. Ang paggawa ng hakbang 5 ay nagpakita ng ating lakas ng loob na maging tapat sa Diyos, sa ating mga sarili, at sa ibang tao. Ang hakbang 6 ay nakatulong sa atin na maging handa at kusang-loob na bitawan ang mga kahinaan ng pagkatao natin. Handa na tayo ngayon na gawin ang hakbang 7. Nakatuon tayo sa “PAANO” ng paggawa ng bawat hakbang: pagiging mapagpakumbaba, bukas ang isip, at handa.

Ang lahat ng hakbang ay nangangailangan ng pagpapakumbaba, ngunit pinakalubos na kailangan ito sa hakbang 7: “Mapagpakumbabang hilingin sa Ama sa Langit na alisin ang ating mga kamalian.” Nang magawa natin ang unang ilang hakbang sa pagrekober, nalaman natin na kahit gaano man tayo magsikap nang mag-isa, hindi tayo makakapagbago o makakarekober kung wala ang tulong ng Panginoon. Ang hakbang na ito ay hindi naiiba. Inilarawan ng Tapat sa Pananampalataya ang pagpapakumbaba sa sumusunod na paraan: “Ang pagpapakumbaba ay pagkilala nang may pasasalamat na umaasa kayo sa Panginoon—na nauunawang lagi ninyong kailangan ang Kanyang tulong” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2004], 148).

Ang ilan sa atin ay nagsimulang bumalik sa ating mga dating gawi at sumubok na magbago nang mag-isa. Ngunit nang matukoy natin ang ating maraming pagkakamali at kahinaan, nalaman natin na kailangan nating umasa sa Panginoon para sa Kanyang tulong na magbago. Sa paggawa ng hakbang 7, hindi tayo pinalusot sa gawaing dapat nating gawin. Kailangan nating maging matiyaga at “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo”(2 Nephi 31:20). Kailangan natin ng palagiang mga paalala na bumaling sa Diyos at humingi ng tulong sa Kanya.

Inisip natin kung paano mangyayari ang mga himalang ito para sa atin. Ito ay naging iba’t iba para sa bawat isa sa atin, ngunit may ilang mga karaniwang bagay. Bihirang nakaranas ang mga tao ng malaki at biglaang pagbabago sa kanilang pagkatao; ang unti-unting proseso ng mga hakbang 6 at 7 ay karaniwang nangyayari tulad ng paglalarawan ni Elder David A. Bednar:

“Tayong mga miyembro ng Simbahan ay lubhang binibigyang-diin ang kagila-gilalas at madamdaming mga espirituwal na pagpapakita kaya hindi natin napapahalagahan at maaaring hindi pa natin mapansin ang karaniwang paraan ng pagsasakatuparan ng Espiritu Santo ng Kanyang gawain … [na sa pamamagitan ng] maliliit at unti-unting espirituwal na pahiwatig” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Liahona, May 2011, 88–89).

Kapag pinili nating sumuko sa Diyos at iayon ang ating kalooban sa Kanyang kalooban, ang ating mga araw ay puno ng maliliit na sandali kung saan inaanyayahan Niya tayong huminto sa ating mga lumang reaktibong tugon at sa halip ay umasa sa Kanyang kapangyarihang tumulong, magpasigla, at magmahal. Itinuro ni Sister Rebecca L. Craven: “Huwag panghinaan ng loob. Ang pagbabago ay isang panghabambuhay na proseso. … Sa ating mga pagpupunyaging magbago, ang Panginoon ay nagpapasensya sa atin” (“Panatilihin ang Pagbabago,” Liahona, Nob. 2020, 59).

Ang ating mga adiksiyon man ay dahil sa alak, droga, sugal, seksuwal na pagnanasa, pagkaing nakasisira sa sarili, hindi mapigilang paggastos, o iba pang nakalululong na gawain o bagay na ginamit natin upang makayanan ang stress sa buhay, “tutulungan [tayo ng Tagapagligtas] alinsunod sa [ating] mga kahinaan” (Alma 7:12). Kapag handa tayong magbago sa pamamagitan ng paglapit kay Jesucristo, nararanasan natin ang Kanyang nakapagpapagaling na kapangyarihan.

Habang ginagawa ang hakbang na ito, natuklasan ng marami sa atin na kailangan nating labanan ang pagkahilig na mahiya. Ang pagtingin sa ating mga kamalian ay nagdulot ng mga damdamin na hindi tayo sapat na mabuti o na muli tayong nabigo. Ngunit ang paggawa ng mga hakbang at paglapit kay Cristo ay nagbigay sa atin ng isang bagong paraan ng pagtingin sa ating mga sarili. Nadama natin ang pagmamahal ng Diyos para sa atin bilang Kanyang mga pinakamamahal na anak na lalaki at babae. Ang pagmamahal na ito ay nakatulong sa atin na labanan ang mga damdamin ng kahihiyan at awa sa sarili.

Sinimulan nating tingnan ang ating mga kamalian at kahinaan bilang mga oportunidad na mapagpakumbabang humingi ng tulong sa Diyos upang makasulong sa ating paglalakbay sa pagrekober.

Mga Hakbang na Gagawin

Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at matanggap ang patnubay at kapangyarihang kailangan upang magawa ang susunod na hakbang sa ating pagrekober.

Hilingin sa Diyos na gawin ang hindi natin magagawa para sa ating mga sarili

Paano natin maisasabuhay ang hakbang 7 araw-araw? Humihinto tayo sa araw sa mga sandaling bumabalik ang ating sariling kalooban o kapag nakikita natin ang ating mga kahinaan. Sa mga sandaling ito, tayo ay sumusuko at nakikinig. Naaalala natin na wala tayong kapangyarihang baguhin ang ating mga sarili nang walang tulong, at nagtitiwala tayo na mababago tayo ng Panginoon. Pagkatapos ay sumusulong tayo na umaasa sa Kanya. Hinahayaan natin ang hindi natin magagawa, at hinihiling natin sa Diyos na tulungan tayo.

Kailangan dito ang pagbaling sa Diyos sa panalangin. “Ang bawat isa sa atin ay may mga problemang hindi natin malulutas at mga kahinaan na hindi natin kayang pagtagumpayan nang hindi humihingi ng tulong sa pamamagitan ng panalangin sa mas mataas na pinagkukunan ng lakas” (James E. Faust, “The Lifeline of Prayer,” Ensign, Mayo 2002, 59).

Kapag makabuluhan at may layunin tayong nananalangin, maaari nating matanggap ang pagmamahal ng Diyos. Kapag pinahihintulutan natin ang ating mga sarili ng isang mapayapang panahon at lugar upang makipag-ugnayan sa banal, maaari nating buuin at palakasin ang ating relasyon sa Diyos. Sa pagpapanatili ng isang simpleng panalangin sa ating mga puso, tulad ng, “[Panginoon, ano] ang dapat [kong] gawin?” (Mga Gawa 9:6) o “Ang inyong kalooban ang masusunod” (Doktrina at mga Tipan 109:44), patuloy nating maaalala ang lubos nating pag-asa sa Panginoon. Ang ating pagmamahal para sa Diyos at ang Kanyang pagmamahal para sa atin ay tutulong sa atin na bumuo ng relasyon kung saan maibibigay natin ang ating mga sarili nang buong-buo.

Pag-aralan ang mga panalangin sa sakramento

Ang mga panalangin sa sakramento ay napakagagandang pagpapahayag ng pagpapakumbaba at layunin sa likod ng hakbang 7. May oportunidad tayong makibahagi sa sakramento bawat linggo at pagnilayan ang mga salita ng mga panalangin sa sakramento.

Iminumungkahing basahin ang Moroni 4:3; 5:2 at mapagpakumbabang ilapat ang mga sagradong salitang ito sa iyong sariling tinig tulad ng sumusunod: “O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, [ako] ay humihiling sa inyo sa pangalan ng inyong Anak, na si Jesucristo, na basbasan at gawing banal ang tinapay na ito sa [sa aking kaluluwa kong] kakain nito; nang [ako] ay makakain bilang pagalaala sa katawan ng inyong Anak, at patunayan sa inyo, O Diyos, ang Amang Walang Hanggan, na [ako] ay pumapayag na taglayin sa [aking] sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang aalalahanin, at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay niya sa [akin], nang sa tuwina ay [mapasaakin] ang kanyang Espiritu upang makasama [ko]” (Moroni 4:3).

Kapag iniisip natin ang mga panalangin sa sakramento sa ganitong paraan, mas personal tayong makalalapit sa Tagapagligtas nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu. Kapag iniisip natin ang ating mga kahinaan o anumang pagkakamali na nagawa natin, maibabaling natin ang ating mga puso sa Kanya. Maaari nating hilingin sa Kanya na tulungan tayong magsisi, maging mas mabuti, at alisin ang mga kamalian na ito.

Pag-aaral at Pag-unawa

Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa ating pagrekober. Maaari nating gamitin ang mga ito para sa pagninilay, pag-aaral, at pagsusulat sa journal. Dapat nating tandaan na maging tapat at tiyak sa ating pagsusulat upang lubos na makinabang dito.

Ang Kanyang biyaya ay sapat

“At kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).

Dahil tayo ay tao lamang at hindi perpekto, marami tayong kahinaan. Sa talatang ito, ipinaliwang ng Panginoon na ang Kanyang layunin sa pagtutulot sa atin na maranasan ang buhay sa lupa at magkaroon ng gayong mga kahinaan ay upang tulungan tayong maging magpakumbaba. Pansinin na tayo ang pipili na magpakumbaba ng ating mga sarili.

  • Ano ang ibig sabihin para sa akin ng mga katagang “ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng tao”?

  • May pananampalataya ba ako na ang biyaya ng Panginoon ay sapat para sa akin?

  • Ano ang ibig sabihin ng magpakumbaba ng aking sarili sa harapan ng Panginoon?

  • Ilista ang ilan sa mga kahinaan ng pagkatao mo. Sa tabi ng mga ito, ilista ang mga kalakasan na maaaring kahinatnan ng mga ito kapag lumapit ka kay Cristo.

Piliing magpakumbaba

“At ngayon, tulad ng sinabi ko sa inyo, na dahil sa kayo ay napilitang magpakumbaba kayo ay pinagpala, hindi ba ninyo inaakala na higit na pinagpala sila na tunay na nagpakumbaba ng kanilang sarili dahil sa salita?” (Alma 32:14).

Ang karamihan sa atin ay nagpunta sa mga recovery meeting nang desperado na, hinimok tayo ng mga kinahinatnan ng ating mga adiksiyon. Napilitan tayong magpakumbaba. Gayunpaman, ang pagpapakumbaba na inilarawan sa hakbang na ito ay boluntaryo. Resulta ito ng ating sariling mga pagpili na magpakumbaba ng ating mga sarili.

  • Paano nagbago ang aking damdamin ng pagpapakumbaba magmula nang simulan ko ang pagrekober?

Napuspos ng kagalakan

“At nakita nila ang sarili sa kanilang makamundong kalagayan, maging higit na mababa kaysa sa alabok ng lupa. At silang lahat ay sumigaw nang malakas sa iisang tinig, sinasabing: O maawa, at gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang kami ay makatanggap ng kapatawaran ng aming mga kasalanan, at ang aming mga puso ay maging dalisay; sapagkat kami ay naniniwala kay Jesucristo, na Anak ng Diyos, na siyang lumikha ng langit at lupa, at lahat ng bagay; na siyang bababa sa mga anak ng tao.

“At ito ay nangyari na, na matapos na kanilang sabihin ang mga salitang ito, ang Espiritu ng Panginoon ay napasakanila, at sila ay napuspos ng kagalakan, sa pagkatanggap ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at sa pagkakaroon ng katahimikan ng budhi dahil sa labis na pananampalataya nila kay Jesucristo na paparito” (Mosias 4:2–3).

Nag-alay ang mga tao ni Haring Benjamin ng uri ng panalangin na inialay natin habang ginagawa natin ang hakbang 7. Nakadama sila ng kapayapaan at kagalakan nang sumakanila ang Espiritu ng Panginoon at binigyan sila ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.

  • Anong mga karanasan ang naranasan ko nang makadama ako ng kapayapaan at kagalakan?

  • Ano ang pakiramdam na magkaroon ng kapayapaan at kagalakan sa aking buhay araw-araw?

Tuparin ang mga utos

“Kayo’y manatili sa akin, at ako’y sa inyo. Gaya ng sanga na hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit sa puno, gayundin naman kayo, malibang kayo’y manatili sa akin.

“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako’y sa kanya ay siyang nagbubunga ng marami. Sapagkat kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. …

“Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako’y nananatili sa kanyang pag-ibig.

“Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos” (Juan 15:4–5, 10–11).

  • Ano ang ibig sabihin para sa akin ng kung tutuparin ko ang mga utos ng Tagapagligtas, “Mananatili [ako] sa [Kanyang] pag-ibig?” (talata 10).

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang ilang ipinangakong pagpapala ng pananatili sa Kanya?

  • Ano ang nadarama ko ngayon tungkol sa pagtupad sa mga utos ng Tagapagligtas?

  • Paanong ang pagtupad sa mga utos ng Panginoon ay isang pagpapahayag ng aking pagmamahal para sa Diyos?

Pagmamahal ng Diyos

“Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad.” (Ezra Taft Benson, “The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4).

Ngayong nalaman na natin ang awa at kabutihan ng Diyos, marahil ay nasimulan na nating madama ang pagmamahal ng Diyos—para sa Kanya at mula sa Kanya.

  • Nakadama ba ako ng higit na pagmamahal habang ginagawa ang mga hakbang? Kung oo, bakit?

  • Paano nakatulong sa akin ang paggawa ng hakbang 7 na baguhin ang aking mga prayoridad at unahin ang Diyos sa aking buhay?

Taglayin sa ating mga sarili ng pangalan ni Cristo

“At ngayon, dahil sa tipang inyong ginawa kayo ay tatawaging mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae; …

“… Nais kong taglayin ninyo ang pangalan ni Cristo, kayong lahat na nakipagtipan sa Diyos, na kayo ay maging masunurin hanggang sa wakas ng inyong mga buhay. …

“Sinuman ang gagawa nito ay matatagpuan sa kanang kamay ng Diyos, sapagkat malalaman niya ang pangalang itatawag sa kanya; sapagkat siya ay tatawagin sa pangalan ni Cristo” (Mosias 5:7–9).

  • Ano ang ibig sabihin ng tawagin sa pangalan ni Cristo at kumatawan sa Kanya?

  • Ano ang kailangan kong gawin upang matagpuan sa kanang kamay ng Diyos?

  • Anong tipan ang ginagawa ko sa binyag at sa pagtanggap sa sakramento? (Tingnan sa Mosias 5:7–9; 18:8–10, 13; Doktrina at mga Tipan 20:77, 79.)

  • Ano ang nadarama ko kapag iniisip ko ang kahandaan ng Tagapagligtas na ibigay sa akin ang Kanyang pangalan kapalit ng pakikipagtipan sa Kanya na susundin at paglingkuran Siya, na kinabibilangan ng pagsuko ng aking mga kamalian?

Isuko ang ating mga kahinaan

“Ang isang relihiyong hindi nangangailangan ng sakripisyo sa lahat ng bagay ay hindi kailanman magkakaroon ng kapangyarihan na sapat para magkaroon ng pananampalatayang kailangan tungo sa buhay at kaligtasan” (Lectures on Faith [1985], 69).

  • Iniisip ng ilang tao na nakabasa ng mga salitang ito na ang “lahat ng bagay” ay tumutukoy sa lahat ng ari-arian. Paanong ang pagsuko ng lahat ng aking kahinaan sa Panginoon ay nakadagdag sa aking pag-unawa ng kung ano ang ibig sabihin ng isakripisyo ang lahat?