“Hakbang 8: Gumawa ng listahan ng lahat ng taong nasaktan natin at maging handa na bumawi sa kanila,” Pagpapagaling sa pamamagitan ng Tagapagligtas: Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober (2023)
“Hakbang 8,” Ang Addiction Recovery Program 12 Hakbang na Gabay sa Pagrekober
Hakbang 8: Gumawa ng listahan ng lahat ng taong nasaktan natin at maging handa na bumawi sa kanila.
Pangunahing Alituntunin: Maghandang Makipag-ayos
Bago magsimula ang ating pagrekober, ang ating mga nakalululong na paraan ng pamumuhay ay tila buhawing puno ng nakapipinsalang enerhiya na humahagupit sa ating mga relasyon, na siyang nag-iiwan ng malaking pinsala. Habang ginagawa natin ang hakbang 7, nadama natin ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng awa ng Tagapagligtas, at nasabik tayong ayusin ang mga nasirang relasyon. Ang hakbang 8 ay isang oportunidad na magsulat ng isang listahan ng mga tao at institusyon na nasaktan natin at pagkatapos ay gumawa ng isang plano upang linisin at ayusin ang ating mga relasyon.
Habang ginagawa natin ang mga hakbang sa pagrekober, nalaman natin na ang isa sa mga inspiradong bagay tungkol sa 12 hakbang ay ang pagkakasunud-sunod kung paano isinulat ang mga ito. Kadalasan ay may hakbang para sa paghahanda na nauuna sa isang hakbang na nangangailangan ng matinding lakas ng loob. Ang hakbang 8, kasama ang lahat ng naunang hakbang, ay ang ating paghahanda para sa hakbang 9, na nangangailangan ng lakas ng loob na higit pa sa mayroon tayo.
Nalaman natin mula sa mga taong nakagawa na ng hakbang 8 na ang pabigla-biglang pagmamadali na makipag-ayos nang walang paghahanda ay maaaring magdulot ng pinsalang katumbas ng hindi pakikipag-ayos. Kaya naglaan tayo ng oras upang manalangin; humingi ng payo mula sa mga taong pinagkakatiwalaan natin, gaya ng ating mga sponsor o lider ng Simbahan; at gumawa ng plano. Ang paghahandang ito sa hakbang 8 ay pumigil sa atin na higit na mapinsala ang ating mga relasyon nang magsimula tayong kumontak ng mga tao sa hakbang 9.
Magsulat ng isang listahan
Bago tayo muling makabuo ng mga relasyon, kailangan nating makatukoy at makagawa ng listahan ng mga relasyong iyon na nasira. Ginamit natin ang ating mga imbentaryo mula sa hakbang 4 upang maihanda ang ating mga listahan. Nang mapanalangin nating nirebyu ang ating mga imbentaryo, tinulungan tayo ng Espiritu na matukoy ang mga relasyong napinsala natin. Tayong mga gumawa ng tsart nang ginawa natin ang hakbang 4 ay mas nadaliang matukoy ang mga tao at institusyong ito (tingnan ang apendiks para sa isang halimbawa ng tsart).
Nakita natin na nakatulong ang mga sumusunod na patnubay habang ginagawa natin ang ating mga listahan. Itinanong natin sa ating mga sarili, “Mayroon bang sinuman sa aking buhay, nakaraan man o kasaluyan, na ako ay nahihiya, hindi komportable, o nangingiming makasama?” Isinulat natin ang kanilang mga pangalan, at nilabanan natin ang tukso na pangatwiranan ang ating mga nadarama o magdahilan para sa mga negatibong bagay na ginawa natin sa kanila. Isinama natin ang mga taong sinadya nating saktan at ang mga taong hindi natin sinadyang saktan. Isinama natin ang mga taong pumanaw na at ang mga taong wala tayong ideya kung paano makokontak. Nagtuon tayo sa mga espesyal na kasong ito nang gawin natin ang hakbang 9. Nang gawin natin ang hakbang 8, nagtuon tayo sa pagkakaroon ng lakas ng loob sa ating katapatan.
Sinubukan nating hindi mag-iwan ng maliliit na bagay. Matapat nating inisip ang tungkol sa pinsalang naidulot natin sa mga tao habang lulong tayo sa ating mga adiksiyon, kahit na hindi tayo agresibo sa kanila. Inilista natin ang ating mga mahal sa buhay at kaibigan na nasaktan natin dahil sa pagiging mapagtanim ng sama ng loob, iresponsable, mainisin, kritikal, walang pasensya, hindi tapat, at hindi marangal. Kung nakadagdag tayo sa mga pasanin ng ibang tao sa anumang paraan, isinama natin ang mga taong ito sa ating mga listahan. Sinubukan nating ilista ang lahat ng naapektuhan ng mga kasinungalingang sinabi natin, mga pangakong sinira natin, at mga paraang minanipula o ginamit natin sila. Naisip natin ang mga taong hindi natin pinatawad, at idinagdag din natin sila sa ating mga listahan.
Matapos nating ilista ang lahat ng taong nasaktan natin, nagdagdag tayo ng isa pang pangalan sa listahan—ang ating sariling pangalan. Noong nagpakalulong tayo sa ating mga adiksiyon, nasaktan natin ang ating mga sarili gayundin ang iba. Ang pinakamainam na paraan na maaari tayong makipag-ayos sa ating mga sarili ay mabuhay sa pagrekober mula sa adiksiyon. Matutulungan tayo ng Diyos na patawarin ang ating mga sarili at makipag-ayos. Nang madama natin ang pagmamahal at pagpapatawad ng Diyos, ang ating mga damdamin ng kahihiyan ay napalitan ng kahandaang makipag-ayos.
Pagiging handa
Pagkatapos nating gumawa ng ating mga listahan, kailangan nating maging handang makipag-ayos. Natanto ng marami sa atin na hindi natin mailista ang mga tao at institusyon na nasaktan natin nang hindi naaabala ng ating sama ng loob sa mga yaong nakasakit rin sa atin. Madalas mahulog ang mga tao sa mga kakila-kilabot na siklo ng sama ng loob sa isa’t isa. Upang maputol ang mga siklong ito, kailangang may isa na handang magpatawad.
Nang tapat nating ipagtapat ang ating mga negatibong damdamin, tinulungan tayo ng Diyos na putulin ang siklo ng sama ng loob. Ipinakita Niya sa atin na kailangan nating patawarin ang iba tulad ng pagpapatawad Niya sa atin. Sa talinghaga ng taong pinatawad sa lahat ng kanyang utang ngunit ayaw magpatawad sa iba, sinabi sa kanya ng kanyang panginoon, “Ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na iyon, sapagkat nakiusap ka sa akin. Hindi ba dapat kang nahabag sa iyong kapwa alipin, kung paanong nahabag ako sa iyo?” (Mateo 18:32–33).
Habang sinisikap nating maging handang makipag-ayos sa mga taong nakasakit sa atin, nagsumamo tayo na tulungan tayo ng biyaya ni Cristo na ipaabot sa kanila ang parehong awa na ibinibigay Niya sa atin. Sinunod natin ang payo ng Tagapagligtas na manalangin para sa kanilang kapakanan at hiniling natin na matanggap nila ang lahat ng pagpapalang gusto natin para sa ating mga sarili (tingnan sa Mateo 5:44).
Nang gawin natin ang hakbang 8, sinikap nating tandaan na ang hakbang na ito ay hindi naglalayong mamahiya ng sinuman—sa ating mga sarili man o sa iba. Ipinakita sa atin ng ating karanasan na pinagagaan ng Tagapagligtas ang mga pasanin ng pagkakasala at kahihiyan kapag tapat nating tiningnan ang ating magugulong relasyon at ang ating bahagi sa mga ito. Sa hakbang 8, nagsimula tayong makaugnay sa ating mga sarili, sa iba, at sa buhay nang may bagong puso. Nagsimula tayong makadama ng kapayapaan sa ating mga buhay sa halip na pagtatalo at pagiging negatibo.
Naging handa tayong itigil ang paghatol sa mga tao nang hindi matuwid at pagsusuri ng kanilang mga buhay at mga pagkakamali. Naging handa tayong itigil ang pagmamaliit sa ating mga sariling negatibong gawain o pagdadahilan para sa mga ito. Sa pagiging handang makipag-ayos, nadama natin ang kapayapaan ng pagkaalam na nalulugod ang Ama sa Langit sa ating mga pagsisikap. Ang hakbang na ito ang tumulong sa atin na gawin ang mga bagay na nagtutulot sa Tagapagligtas na palayain tayo mula sa ating mga nakaraang pagkakamali. Ang pagiging handang makipag-ayos ay naghanda sa atin na gawin ang hakbang 9.
Mga Hakbang na Gagawin
Ito ay isang programa ng paggawa. Ang ating pag-unlad ay nakasalalay sa palagiang paggamit ng mga hakbang sa ating mga pang-araw-araw na buhay. Ito ay kilala bilang “paggawa ng mga hakbang.” Ang mga sumusunod na gawain ay tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo at matanggap ang patnubay at kapangyarihang kailangan upang magawa ang susunod na hakbang sa ating pagrekober.
Magsulat ng isang listahan ng mga taong maaaring naagrabyado o nasaktan natin
Ginabayan tayo ng ating mga sponsor habang inihahanda natin ang ating mga listahan, at muli nating natanto na ang pagsulat ay napakahalaga. Marami sa atin ang gumamit ng sumusunod na balangkas upang makatulong na mapanatili ang proseso na simple ngunit kongkreto.
Una, gamit ang ating mga imbentaryo mula sa hakbang 4, inilista natin ang mga tao o institusyon na kailangan nating ikontak.
Sa tabi ng bawat entry, nagbigay tayo ng maikling dahilan kung bakit kailangan nating makipag-ayos.
Pagkatapos, sa patnubay ng Espiritu, gumawa tayo ng plano na kontakin ang mga tao sa ating mga listahan, personal man, sa telepono, o sa pamamagitan ng liham o email. Nirebyu natin ang ating mga plano kasama ang ating mga sponsor o mga pinagkakatiwalaang tagapayo.
Sa huli, naglagay tayo ng isang target na petsa. Nag-iwan tayo ng espasyo upang iulat ang petsa kung kailan natin kinontak ang tao at kung ano ang resulta ng pagkontak. (Ang tsart sa apendiks ay isang makatutulong na kasangkapan.)
Magpatawad
Mahirap humingi ng kapatawaran mula sa mga taong nakasakit sa atin. Kung nahihirapan ka rito, maaaring makatulong sa iyo na magsulat muna ng listahan ng mga taong kailangan mong patawarin; pagkatapos ay magsulat ng isang listahan ng mga taong kailangan mong hingan ng kapatawaran. Maaaring magulat ka na makitang ang ilang mga pangalan ay lumilitaw sa parehong listahan.
Kailangan nating maging matiyaga sa ating mga sarili habang mapanalangin tayong nagsisikap na mapatawad ang mga taong inilista natin. Itinuro ni Pangulong James E. Faust: “Nangangailangan ng panahon ang karamihan sa atin upang malimutan ang sakit at kawalan. Marami tayong dahilan para ipagpaliban ang pagpapatawad. Isa na rito ang paghihintay na magsisi ang mga nagkasala bago natin sila patawarin. Subalit dahil sa pagpapalibang iyon, nawawalan tayo ng kapayapaan at kaligayahang maaari sanang nakamtan natin. Kung babalik-balikan natin ang napakatagal nang mga hinanakit hindi tayo liligaya. … Kung mapapatawad natin sa ating puso ang mga nakasakit at nakapinsala sa atin, aangat tayo sa mas mataas na antas ng paggalang sa sarili at kagalingan” (“Ang Nakapagpapahilom na Kapangyarihan ng Pagpapatawad,” Liahona, Mayo 2007, 68).
Ang pagpapatawad ay hindi nangangahulugan na kinukunsinti natin ang kanilang mga maling pagpili o tinutulutan natin silang pagmalupitan tayo. Sa halip, ang pagpapatawad ay talagang nagtutulot sa ating umunlad sa espirituwal, emosyonal, at pisikal. Tulad ng ang mga yaong nakapinsala sa atin ay nasa pagkaalipin, ang ating pagtangging patawarin sila ay maaaring magdala sa atin sa pagkabihag. Kapag nagpatawad tayo, iniiwan natin ang mga damdaming may kapangyarihang “[magpalala, magpalalim,] at tuluyang makapinsala” (Thomas S. Monson, “Mga Nakatagong Kalso,” Ensign, Mayo 2002, 20). Ang pagpapatawad ay tumutulong din na mapasaatin ang Espiritu nang mas masagana at magpatuloy sa landas ng pagiging disipulo. Gaya ng paalala sa atin ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan, “Karaniwan ang pangyayaring ito sa mga naroon sa langit: Sila ay napatawad. At sila ay nagpatawad” (“Ang Mahabagin ay Kahahabagan,” Liahona, Mayo 2012, 77).
Manalangin para sa pag-ibig sa kapwa-tao
Bagama’t maaaring takot ka tulad namin na makipag-ayos, pinatototohanan namin na sa tulong ng Tagapagligtas, maaari kang maging handang makipagkita sa mga taong nasa iyong listahan kapag may oportunidad. Naghanda tayong makipag-ayos sa pamamagitan ng pananalangin para sa lakas ng loob na mamuhay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos, hindi ng takot sa maaaring gawin o sabihin ng mga tao. At sinikap nating sundin ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa halip ang hiya o takot. Ang isa sa mga makapangyarihang alituntunin na nakatulong sa atin ay ang pag-ibig sa kapwa-tao, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47).
Bago gawin ang hakbang 8, marami sa atin ang nagulat na madama ang pag-ibig ni Jesucristo sa kabila ng lahat ng ating pagkakamali. Ang pag-ibig na ito mula sa Kanya ay nagdulot sa atin na makadama ng matinding pag-ibig para sa Kanya at nagbigay sa atin ng hangaring sumunod sa Kanya. Nang gawin natin ang lahat ng ating makakaya upang sundin Siya, napuspos tayo ng Kanyang pag-ibig para sa ating mga sarili at sa iba. Nanalangin tayo para sa pag-ibig sa kapwa-tao, at sa paglipas ng panahon ay naging mas handa tayong magpatawad sa mga tao at makipag-ayos. Nakatuklas din tayo ng higit na sukat ng pag-ibig at pagpapatawad sa ating mga sarili. Hiniling natin sa Diyos na palambutin ang mga puso ng mga tao sa ating mga listahan na may pag-ibig sa kapwa-tao para sa atin, at nanalangin tayo para sa lakas na tanggapin anuman ang kahihinatnan.
Habang nananalangin tayo para sa pag-ibig sa kapwa-tao, nakatulong sa marami sa atin ang pagpili ng isang tao mula sa ating listahan at sadyang pagluhod at pananalangin para sa taong iyon bawat araw sa loob ng dalawang linggo. Ang ating mga listahan ng pakikipag-ayos ay nakatulong sa atin na maging partikular sa ating mga panalangin sa Ama sa Langit tungkol sa ating hindi pa nalulutas na damdamin. Nang manalangin tayo—kahit tila hindi ito taos-puso noong una—kalaunan ay pinagpala tayo ng mahimalang kahabagan. Kahit sa matitinding sitwasyon, pinagpala ng Diyos ang mga taong nanalangin para sa pag-ibig sa kapwa-tao na magpatwad at makipag-ayos.
Pag-aaral at Pag-unawa
Ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pahayag ng mga lider ng Simbahan ay maaaring makatulong sa ating pagrekober. Maaari nating gamitin ang mga ito para sa pagninilay, pag-aaral, at pagsusulat sa journal. Dapat nating tandaan na maging tapat at tiyak sa ating pagsusulat upang lubos na makinabang dito.
Mga mapamayapang tagasunod ni Cristo
“Ako ay mangungusap sa inyo na nasa simbahan, na mga mapamayapang tagasunod ni Cristo, at na nagkaroon ng sapat na pag-asa kung saan kayo ay makapapasok sa kapahingahan ng Panginoon, simula sa panahong ito hanggang sa kayo ay mamahingang kasama niya sa langit.
“At ngayon, mga kapatid ko, inihahatol ko ang mga bagay na ito sa inyo dahil sa inyong mapayapang paglalakad kasama ng mga anak ng tao” (Moroni 7:3–4).
Sa unang pitong hakbang, sinimulan natin ang proseso ng pagiging mga mapamayapang tagasunod ni Cristo. Kapag payapa tayo kay Cristo, mas handa tayong maging payapa sa iba.
-
Paano nakatutulong sa akin ang paggawa ng mga hakbang sa pagrekober sa tamang pagkakasunud-sunod upang maging mapamayapang tagasunod ni Cristo?
-
Ano pa ang ibang dapat kong gawin upang maging payapa sa mga tao sa aking buhay?
Ang sakdal na pag-ibig ng Diyos
“Walang takot sa pag-ibig kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot, sapagkat ang takot ay may kaparusahan at ang natatakot ay hindi pa nagiging sakdal sa pag-ibig.
“Tayo’y umiibig [sa Diyos] sapagkat siya ang unang umibig sa atin” (1 Juan 4:18–19).
-
Paano ako makapagtitiwala sa sakdal na pag-ibig ng Diyos para sa akin at para sa tao kung kanino ako humihingi ng kapatawaran?
-
Paanong ang kaalaman na ako at ang lahat ng Kanyang anak ay mahal ng Diyos ay mapapalakas ang determinasyon kong bumawi hangga’t maaari?
Makipag-ugnayan sa iba
“Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong humusga at hindi kayo huhusgahan. Magpatawad kayo at kayo’y patatawarin.
“Magbigay kayo at iyon ay ibibigay sa inyo—hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw, ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong ipanukat ay doon din kayo susukatin” (Lucas 6:37–38).
Kahit maaaring natatakot tayo na tanggihan ng ilang tao ang ating mga pagsisikap na makipag-ayos sa kanila, hindi natin dapat hayaan ang takot na ito na pigilan tayong ilagay sila sa ating mga listahan at maghandang kontakin sila. Ang mga pagpapalang matatanggap natin ay mas matimbang kaysa sa sakit.
“Kapag mas napapalapit tayo sa ating Ama sa langit, mas nahahabag tayo sa mga taong naliligaw ng landas—[nadarama nating nais natin] silang pasanin, at balikatin ang kanilang mga kasalanan. … Kung nais ninyong maawa ang Diyos sa inyo, maawa kayo sa isa’t isa (Joseph Smith, sa History, 1838–1856 [Manuscript History of the Church], volume C-1 Addenda, 74, josephsmithpapers.org).
-
Lahat tayo ay mga hindi perpektong kaluluwang nangangailangan ng awa ni Jesucristo. Paano nakatutulong na malaman na sa paggawa ng hakbang 8, binubuksan ko ang pintuan upang matanggap ang awa at biyaya ni Jesucristo?
Magpatawad at humingi ng kapatawaran
“Pagkatapos ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, makailang ulit magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at siya’y aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?’
“Sinabi ni Jesus sa kanya, ‘Hindi ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito, kundi, hanggang sa makapitumpung pito.” (Mateo 18:21–22).
Mas madaling magpatawad at humingi ng kapatawaran para sa iisang pagkakamali kaysa sa magpatawad o humingi ng kapatawaran para sa isang matagal nang sitwasyon na puno ng maraming pagkakasala. Isipin ang nakaraan o kasalukuyang relasyon na may matatagal nang sitwasyon na kailangan mong magpatawad o humingi ng kapatawaran.
-
Paano ako magkakaroon ng lakas na magpatawad at humingi ng kapatawaran?
-
Paano naging pinakamagandang halimbawa ng pagpapatawad sa iba si Jesucristo? Paano ako matutulungan ng Kanyang halimbawa na patawarin ang ibang tao?
“Sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa; sapagkat siya na hindi nagpapatawad sa kanyang kapatid ng kanyang mga pagkakasala ay nahatulan na sa harapan ng Panginoon; sapagkat mananatili sa kanya ang mas malaking kasalanan.
“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (Doktrina at mga Tipan 64:9–10).
Itinuro ni Jesus na ang hindi pagpapatawad sa iba ay mas malaking kasalanan kaysa sa orihinal na pagkakasala.
-
Paanong ang pagtangging patawarin ang aking sarili o ang ibang tao ay katumbas ng pagtanggi sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?
-
Paano nakapipinsala sa akin sa pisikal, emosyonal, at espirituwal na aspeto ang sama ng loob at hinanakit?
Putulin ang siklo ng hinanakit at pagkakasala
Inilarawan ni Propetang Joseph Smith kung paano humahantong sa pagsisisi at kapatawaran ang kabaitan:
“Wala nang ibang paraan upang mailayo ang mga tao sa pagkakasala kundi hawakan sila sa kamay, at bantayan sila nang buong giliw. Kapag nagpakita ng kahit kaunting kabaitan at pagmamahal sa akin ang mga tao, lubos na naaantig ang aking damdamin, samantalang ang paggawa ng kabaligtaran nito ay nagpapatindi ng lahat ng di-mabuting damdamin at nagpapalungkot sa isip ng tao” (Joseph Smith, sa History, 1838–1856 [Manuscript of the Church], volume C-1 Addenda, 74, josephsmithpapers.org).
-
Handa ba akong putulin ang siklo ng hinanakit at pagkakasala?
-
Paano ako nabigyang-inspirasyon o nahikayat ng mga taong nagpakita sa akin ng kabaitan at pagmamahal na kumilos nang iba?
-
Sa anong mga paraan maaaring magbago ang magugulong relasyon sa aking buhay kapag tinrato ko ang ibang tao nang may pagmamahal at kabaitan?